EPISODE - 5

2084 Words
Gladi POV. WALA akong ideya kung saan kami pupunta ni Master M. Binilisan ko ang aking paglalakad, siguradong maiinip na naman siya. Baka salubong na naman ako ng makapal niyang kilay. Sayang ang kagwapuhan niya kapag galit at nakasimangot. Ang hiling ko lang talaga, sana maging mabait siya ngayon. Ang ganda pa naman ng suot ko, ayokong masira ang mood ko. Paglabas ko ng main door, kagaya ng sabi niya, doon nga siya naghihintay. Agad namang binuksan ng isang guwardiya ang pinto ng magarang sasakyan at iginiya ako papasok. Ano ‘yon? Bakit may ganun? Parang amo ang trato sa akin ni Kuya Guard. Lihim akong napangiti. Kahit minsan lang, maranasan ko namang tratuhin na parang amo. Ipinilig ko ang aking ulo. Kung anu-ano na naman ang pumapasok sa isip ko… “Hoy, Gladi! ‘Wag kang mangarap. Pinagbuksan ka lang ng pinto, amo ka na agad?” saway ko sa sarili ko. “You’re late!” mariin niyang sabi. “Sorry po, Master M,” hingi ko ng paumanhin. Bigla akong nakaramdam ng hiya nang mapansin ko ang kakaiba niyang titig sa kabuuan ko. “Here. Ayusin mo ang mukha mo. Ang ganda ng suot mo, pero mukha kang hindi naligo. Mag-lipstick ka, dapat presentable ka. Ayokong makarinig ng kahit anong masamang komento mula sa ibang tao.” “Saan po ba tayo pupunta? At bakit ganito ang suot ko?” tanong ko. “’Wag kang maraming tanong. Sundin mo lang ang mga sinasabi ko.” “O-opo, Master M…” “…Suplado. Parang matandang ulyanin,” bulong ko. Binuksan ko ang makeup kit at bahagya akong napangiti nang makitang kumpleto ang laman nito. Tutal gusto niyang magmukha akong presentable, pagbibigyan ko siya. Dinampot ko muna ang hairpin at tinaas ang aking buhok. Hindi ko na kailangang humarap sa salamin para maayos ito. Kahit hindi ko nakikita, sisiguraduhin kong perpekto pa rin ang kalalabasan. Hinayaan kong may ilang hibla na nakalaglag sa gilid ng aking mukha. Nang matapos ako sa buhok, sinunod ko ang liquid foundation. Kaunti lang ang nilagay ko at saka ko ito marahang ikinalat sa buong mukha ko. Napansin kong nakatingin si Master M sa ginagawa ko. Hindi ko siya pinapansin. Nagpatuloy ako. Sumunod ko namang ginamit ang face powder, pagkatapos ay naglagay ako ng kaunting blush-on. May maliit itong salamin kaya doon ko rin inayos ang aking kilay, hindi makapal, sapat lang ang paglalagay ng eyebrow pencil. Pinakahuli ang lipstick. Muli kong sinilip ang aking mukha sa maliit na salamin. Nang masigurong maayos na ang lahat, ibinalik ko ang makeup kit sa kinalalagyan nito. “Magaling ka palang mag-ayos ng sarili mo kahit umaandar ang sasakyan at walang malaking salamin,” sabi niya. “Salamat po, Master M,” tugon ko. Hindi ko sigurado kung papuri ba iyon o insulto, pero ang mahalaga, nagpasalamat ako. Hindi siya sumagot. Sinulyapan niya lang ako bago muling tumingin sa labas ng bintana. Lihim akong nagpasalamat… mukhang mabait siya ngayon. “Mahilig po talaga akong mag-makeup,” dagdag ko. “Mahilig? Pero ngayon mo lang ginawa ’yan.” “Wala naman po kasi akong pinupuntahan okasyon. Lagi lang akong nasa loob ng bahay ninyo, at kayo lang din ang nakakakita sa akin.” “Bakit? Kung ako lang ang nakakakita, hindi ka na magpapaganda?” “Umm… baka magalit po kayo kapag lagi akong nagpapaganda.” Sa loob-loob ko, sa sama ng ugali niya, baka isipin pa niyang nilalandi ko ang mga tauhan niya… huh! Nagkasalubong ang kanyang makapal na kilay, at agad kong natakpan ang aking bibig. Mukhang nagagalit na naman siya. Bakit ba kasi hindi ko mapigilan ang bibig ko? “Umm… biro lang po, Master M. Huwag po sana kayong magalit ngayon.” “Kung ayaw mong nagagalit ako, huwag kang pasaway. Kumilos ka bilang isang babaeng elegante.” “Promise po, hindi ko kayo bibigyan ng kahihiyan… Umm… saan po pala tayo pupunta? Para mapag-aralan ko kung paano ako kikilos pagdating natin doon.” “Grand alumni ’yon, kaya mag-behave ka kung ayaw mong maparusahan kita.” “Opo, Master M,” sagot ko sabay tango. “And one more thing… kung ano ang sasabihin ko, dapat sang-ayon ka. Huwag na huwag mo akong kokontrahin.” “Tulad ng ano po, Master M?” tanong ko. “Kapag ipinakilala kita sa lahat. Sigurado, magtatanong sila kung sino ka at bakit ikaw ang kasama ko.” “Tatandaan ko po, Master M…” “Pag naroon na tayo, huwag mo akong tatawaging Master M. Wala silang alam sa tunay kong pagkatao. Ang tanging alam nila ay mayaman ako.” “Okay… ano po ang itatawag ko sa inyo? Sabi n’yo bawal kitang tawaging Master M.” “Matias. Iyon ang itawag mo sa akin.” “Sige… M-Matias.” “May mga babaeng lalapit sa’yo. Baka may magsalita ng hindi maganda, huwag mo silang papatulan. Ayokong bumaba ang tingin nila sa’yo. Kung may mang-bully man, umiwas ka. Kaya para magawa mo ’yon, manatili ka sa tabi ko.” “Sige po, Master M.” “Good.” “Umm… may isa lang po akong tanong.” “Yes, go ahead.” “Naroon din po ba ang mga babaeng naging girlfriend mo?” “Not sure. At wala akong naging girlfriend ni isa sa kanila.” “Eh… ano ’ang mga mamahaling regalong binigay mo sa kanila noon?” “Wala lang ’yon. Reward lang ang mga ’yon.” “Reward? Anong ibig mong sabihin, Master M?” “Lahat ng mga babaeng binigyan ko ng mamahaling regalo at pinasisikat ang pangalan… kabayaran ’yon sa serbisyo nila sa ibabaw ng kama. At hanggang doon lang sila.” “Ah… okay. Naiintindihan ko na.” Ako kaya… kailan niya ako palalayain? “May sinasabi ka?” “Wala po, Master M.” Minabuti kong tumahimik na lamang. Baka bigla na naman siyang magalit. “Malapit na tayo. Tandaan mo ang mga bilin ko.” “Yes, Master… Matias pala.” Hindi na siya sumagot. Nakita kong inaayos niya ang kanyang suot, at hindi ko napigilan ang sarili kong tulungan siya. Lumapit ako at kinuha ang necktie sa kanyang kamay. Maingat ko itong inayos. Habang ginagawa ko iyon, hindi ko maiwasang masulyapan ang mapula niyang mga labi. Napatuwid ako nang marinig ko siyang tumikhim. Mabilis kong tinapos ang ginagawa at agad na lumayo. Biglang namawis ang aking mga palad, kaya pinagdaop ko iyon at palihim na pinunasan sa loob ng suot kong blazer. “Kinakabahan ka ba?” mahinahong tanong ni Matias. Sasagot na sana ako nang maramdaman ko ang palad niya na humawak sa isa kong kamay. Napahinto ako sa ginawa niya. Bahagya niya pa akong hinila palapit sa kanyang katawan. Halos tumigil ang aking paghinga sa sobrang lapit namin sa isa’t isa. “Relax. Wala kang dapat ipangamba. Kasama mo ako, walang sinuman ang maaaring manakit sa’yo,” wika ni Matias, nananatiling mahinahon ang boses. Hindi ko mapigilang tumingala sa kanya. Bakit bigla yata siyang naging mabait? Ang boses niya… sobrang banayad, halos hindi ko makilala. Ano kaya ang nangyari sa kanya? Ginalaw galaw ko ang aking ulo. “Huwag kang magpapaloko sa babait-baitan niya. Nagpapanggap lang ’yan,” paalala ng aking isipan. Huminto ang sasakyan, at saka ko lang napansin ang paligid… naroon na kami sa loob ng parking area. Dito pala siya nagtapos ng kolehiyo… bulong ko sa isip ko. Bababa na sana ako nang pigilan niya ako… na ikinamangha ko. Nauna siyang bumaba at umikot papunta sa side ko. Binuksan ng isang bodyguard ang pinto, at inabot ni Master M ang kanyang kamay sa akin. Hindi agad ako naka kilos. Anong drama ’to? “Gladerious, baba na,” may diin ngunit mahina niyang utos. Doon ko lang napansin ang paligid… marami palang nakatingin sa amin. Naalala ko ang mga bilin niya. Agad kong inabot ang kanyang kamay at ngumiti nang matamis. Isang babae ang sumalubong sa amin. “Mr. Matias Montemayor, maaari ba namin kayong makunan ng maikling interview?” Tanong ng babae. Hindi sumagot si Master M, kaya ako ang tumingin sa babaeng nagtatanong… halatang naghihintay siya ng tugon. “Umm… ako na lang ang sasagot. Wala siya sa mood, hindi pwedeng kausapin,” nakangiti kong sabi. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang bahagyang pagkunot ng noo ni Master M. “Salamat. Maari bang malaman kung ikaw ang latest girlfriend ni Mr. Matias Montemayor?” Nabigla ako sa tanong at hindi agad makapagsalita. Ngunit naghihintay siya, kaya nilakasan ko ang loob ko upang sumagot… Ngunit naputol iyon nang magsalita si Master M. “No, she’s not my girlfriend…” Huminto siya sandali, saka yumuko upang titigan ako. “She’s my fiancée,” diretsong sabi niya. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko sa mga sandaling ‘yon. . Biglang nag-init ang aking mukha, at hindi ko magawang tumingin kaninuman. Sunod-sunod na tanong ang sumagi sa aking isipan. Bakit niya ako ipinakilala bilang fiancée niya? Kahit gusto kong magtanong sa kanya, pinigilan ko ang sarili ko. Mahigpit ang mga bilin niya… hindi ko maaaring kontrahin ang kanyang mga sasabihin kung ayaw kong maparusahan. Gayunpaman, gusto ko pa ring alamin kung totoo ang sinabi niya. Lalo na’t ang puso ko ay tila hindi na normal… malakas ang kabog, at sa lakas nito, pakiramdam ko maririnig na ng mga katabi namin. “Hey, babe, kumusta?” Bungad ng isang babae, sabay hawak sa braso ni Master M. Agad kong pinagmasdan ang kabuuan niya. Maganda. Elegante. Magalang magsalita. At matangkad. Sa totoo lang, bagay sila ni Master M. Napayuko ako at lihim na pinagmasdan ang aking sarili. Kanina, puno pa ako ng kumpiyansa… ngayon, unti-unti iyong naglaho. Akala ko ako na ang pinakamaganda sa suot ko. Ngunit mukhang ordinaryo lang pala ito kumpara sa mga babaeng naroroon. “Let me go!” matigas na utos ni Matias sa babaeng walang balak bumitaw sa kanya. Lumingon ako sa kanya nang marinig ko ang tigas ng kanyang boses. Agad akong nag-isip ng sasabihin… ang magiging epektibo. “Miss, maaari bang bitawan mo ang magiging asawa ko?” seryoso kong sabi. Ngunit tinaasan niya lang ako ng kilay. “Narinig mo naman ang sinabi ng fiancée ko, tama?” dagdag ni Matias, sabay baklas sa kamay ng babaeng ni pangalan ay hindi niya kilala. “Halika na, Matias,” lakas-loob kong tawag. Hinawakan ko ang kanyang braso at naglakad na kami papasok. Ngunit kinuha ni Master M ang kamay kong nakahawak sa kanya at pinagdaop ang aming mga palad. Ang init ng kanyang palad ay naghatid ng kakaibang pakiramdam sa akin… pakiramdam na tila unti-unting nanunuot sa aking kalamnan. Hindi ko namalayan napahawak ako sa aking dibdib. Sobrang lakas ng pintig ng puso ko, parang anumang oras ay mahuhulog ito. “Mr. Montemayor, maraming salamat at pinaunlakan mo ang aming imbitasyon.” Bumalik ako sa realidad nang marinig ko ang boses ng isang ginoo. May edad na siya… sa tingin ko’y nasa kalagitnaan ng animnapu. “Walang anuman, Mr. Morillo,” sagot ni Matias, may bahagyang ngiti. “Sino naman ang magandang binibini sa tabi mo?” “She’s my fiancée,” tipid na sagot ni Matias. “Good to hear that. Sa wakas, natagpuan mo na ang babaeng magpapatino sayo.” “What do you mean, Mr. Morillo?” biglang naging seryoso ang tono ni Matias. Agad akong kinabahan. Baka bigla niyang suntukin ang ginoo… tiyak na magkakaproblema siya kay Master M. “Matias, nagbibiro lang si Mr. Morillo… hindi ba po?” wika ko, pilit pinapakalma ang sitwasyon. “Y-Yes… totoo ’yon. Nagbibiro lang ako, Mr. Montemayor,” agad na pagsang-ayon ni Mr. Morillo. “Sige, mauuna na muna ako sa inyo, Mr. Montemayor… at sa inyo rin, magandang binibini.” Agad na umalis ang ginoo. Nagpatuloy kami sa paglalakad, ngunit bigla rin kaming napahinto. Nasa harap namin ang isang may edad na ginang, at sa tabi nito ay isang magandang babae. “Matias, mabuti at nagkita tayo. Tamang-tama, kararating lang ng anak ko. Siya ang sinasabi ko sa’yo noong huli tayong nagkita, hijo,” masayang bati ng ginang, may malapad na ngiti. Samantala, palipat-lipat ang tingin ko sa kanila. Napansin ko ang kakaibang titig ni Master M sa babae. Ganitong-ganito ang itsura niya kapag may interes siya sa isang babae… yung para bang gusto niya itong angkinin. Binitawan na rin ni Master M, ang aking kamay, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Basta nararamdaman ko… masakit ang aking puso, parang may sumasakal kaya naninikip ang aking paghinga. Natagpuan ko na lang ang aking sarili, unti-unting humahakbang paataras.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD