Matias POV.
LUMINGON ako sa paligid, wala si Gladerious.
Talagang marunong mang-inis ang babaeng ’yon. Malinaw ang bilin ko na manatili sa aking tabi. Ngunit umalis pa rin.
“Matias, sino ba ang hinahanap mo? Kanina ka pa lingon nang lingon.”
Tanong ng babaeng kaharap ko, ngunit hindi ko siya pinansin.
Sininyasan ko ang isa kong bodyguard at agad itong lumapit.
“Nasaan si Gladerious?”
“Baka nasa restroom, Master M,” sagot niya.
“Puntahan mo at sabihin mong bumalik siya dito.”
“Copy, Master M.”
“Hey, hindi mo sinasagot ang tanong ko,” reklamo ng babae.
“Hinahanap ko ang fiancée ko,” seryoso kong sagot. Bago sumandal ng komportable.
“May fiancée ka na pala?” gulat niyang tanong.
“Yeah. Bakit? Nakakagulat ba sa edad ko ’yon?” tanong ko medyo nakataas ang isang kilay.
“Hindi naman. Ang sabi kasi ni Mommy, wala ka raw girlfriend. Kaya nagulat ako na may fiancée ka na.”
“Paano nalaman ng mommy mo ang tungkol sa pribado kong buhay? Isang beses ko lang naman siyang nakausap.”
“Sorry… mali pala ang pagkakaalam ko.”
“Bakit ka nagsosorry? May ginawa ka bang mali?” panghuhuli ko.
“Wala naman. Bakit mo naman naisip ’yon?” nakangiti pa niyang sagot.
Tumayo ako at iniwan siya. Kahit tinatawag niya ako, hindi na ako lumingon.
“Matias?”
Napahinto ako sa paglalakad nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko.
Humarap ako at agad ko siyang nakilala.
“Sino ang kasama mo dito?” tanong ni CA.
“Oh, pinsan… narito ka rin pala.”
Ang pinsan kong si CA. Matagal na rin kaming hindi nagkikita.
“Kailan ka pa dito sa bansa?” tanong ko.
“Kakarating ko lang tatlong araw ang nakalipas. Akala ko nasa US ka?”
“Bakasyon ko ngayon. Pero after a month, babalik na rin ako sa trabaho.” matamlay kong sagot.
“Hindi mo talaga nagawang tanggihan ang AG Agencia.”
“Gusto ko naman talaga. Nakiusap lang sa akin si Tito Josh.”
“Umm… mawalang galang na po sa inyo… M-Matias, hinahanap mo raw ako?”
Sabay pa kaming lumingon ni CA.
Agad na kumunot ang noo ko nang makita si Gladerious.
“Saan ka galing?” mariin kong tanong.
“Sa labas lang po… nagpahangin,” sagot niya, may bahagyang ngiti, na hindi ko nagustuhan.
“Stay,” mariin kong utos, bago muling bumaling sa pinsan ko.
“Kailan pala ang balik mo sa Europe?” tanong ko.
“Hindi na siguro. May nakuha na akong kapalit,” sagot niya.
“Mabuti ka pa. Wala ka bang mairerekomenda sa akin?”
“Tatawagan ko ang kapalit ko. Baka may kasamahan siya sa Navy SEAL na available.”
“Aasahan ko ’yan.”
“Tatawagan agad kita. Sige, maiwan ko muna kayo.”
“Sure.”
Nang makaalis ang pinsan ko, mahigpit kong hinawakan ang braso ni Gladerious. Hinila ko siya at naglakad kami patungo sa labas.
“Sino ang kausap mo kanina doon sa labas ha?”
“Wala po. Nagpahangin lang ako dahil busy ka rin kanina,” sagot niya.
“Ako? Busy?” turo ko sa sarili ko.
“Opo… doon sa magandang babaeng kausap mo. Ayaw ko namang makaistorbo, kaya umalis muna ako.”
“Hindi ko nga kilala ang babaeng ’yon.” wika ko pa habang salubong ang kilay.
“Aba, ewan ko. Natulala ka nga kanina sa kanya. Kaya naisip ko isa siya sa mga babae mo.”
Kumunot ang noo ko… heto na naman siya.
“Anong ibig mong sabihin sa ganyang pananalita mo?” salubong na ang kilay ko.
“Wala po… M-Master, hinahanap ka yata niya,” mahina niyang sabi habang nakatingin sa likuran ko.
Lumingon ako.
Isang babae ang papalapit. Tinitigan ko siya, pilit inaalala kung kilala ko, pero wala akong maalala.
“Sweetheart, sabi ko na nga ba ikaw ang gwapong nakita ko kanina,” malapad ang ngiti ng babae.
“Sino ka? Bakit mo ako kilala?”
Sa gilid ng paningin ko, nakita kong nagpipigil ng tawa si Gladerious.
Sino naman ang pinagtatawanan nito?
“Hindi mo na ako natatandaan? Nagkalat ang billboard ko, ah!” may halong tampo niyang sabi.
Hindi ako sumagot. Tumango lang ako. Marami namang billboard, at hindi rin ako interesado.
“Halika, doon tayo. Marami akong gustong sabihin sa’yo.”
“Okay, sige,” sagot ko, pinagbigyan siya.
Ngunit bago ako humakbang, tiningnan ko muna si Gladerious, may halong babala ang aking tingin.
Pagkaupo niya, umupo ako sa katapat niyang upuan.
“Sweetheart, bakit nariyan ka? Dito ka sa tabi ko,” malambing niyang sabi, sabay tapik sa bakanteng upuan sa tabi niya.
“Dito na lang ako. Hindi rin naman ako magtatagal, maya-maya aalis na rin kami.”
“Bago pa lang tayo magsisimula ng bonding, aalis ka na agad?”
“Ano ba ang sasabihin mo at dinala mo pa ako rito?”
“Ahm… na-miss kita, sweetheart.”
Hindi agad ako nakakilos nang bigla niya akong yakapin. Halos kumandong pa siya sa akin sa paraan ng pagkakaupo niya.
Akmang magsasalita na sana ako nang bigla siyang may humila palayo sa akin.
“Ang tarantadong lalaking ’to ang ipinalit mo sa akin?!” malakas na sigaw ng isang lalaki bago ako sinuntok.
Mabilis akong naka-ilag. Agad ko siyang sinipa nang malakas, saka sinundan ng dalawang suntok.
Bumagsak siya sa semento, habang tumutulo ang dugo mula sa kanyang kilay na pumutok.
“Sira ulo ka! Bigla ka na lang manununtok. Hindi ko nga kilala ang babaeng ’yan!” mariin kong sabi, habang nakatingin sa lalaking nakahandusay pa rin sa semento.
“Gago! Anong hindi mo kilala? Ikaw ang dahilan kung bakit naudlot ang kasal namin!”
“Sige nga… sabihin mo kung paano ako naging dahilan ng hindi natuloy ninyong kasal?”
“Iniwan niya ako dahil sa pagmomodel niya, at sinuportahan mo pa!”
Kumunot ang noo ko at muling tumingin sa babae.
Siya ba ’yong babaeng pinasikat ko sa larangan ng pagmomodelo? Yung babaeng… wild sa kama?
Para makasigurado, kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan ang kaibigan kong may-ari ng Dream Modeling Agency.
“Yes, Mr. Montemayor?”
“Ano ang pangalan ng babaeng dinala ko sa’yo noon, tatlong taon na ang nakalipas?”
“Si Ms. Sarry Nobleza. Bakit mo natanong?”
“Wala naman. Sige, salamat.”
Pinutol ko ang tawag at ibinalik ang cellphone sa bulsa ko bago muling tumingin sa babae.
“Ms. Sarry Nobleza, pakisabi sa kasama mo, mag-training muna siya bilang professional fighter kung gusto niyang makaganti sa akin.”
Pagkasabi ko, tumalikod ako at agad hinila sa braso si Gladerious.
“Matias, sandali… ”
Hindi na ako lumingon. Mabilis akong naglakad habang mahigpit ang hawak ko sa braso ni Gladerious.
Paglabas namin ng venue, dumiretso kami sa sasakyan. Pagkasakay ko, agad kong pinasibad ang kotse palayo. Nasa likuran ang mga bodyguard na nakasunod sa amin.
“Master M, pakibagalan naman po… baka kung saan tayo mapunta,” maingat niyang sabi.
“Hindi kita kinakausap, kaya itikom mo ang bibig mo!” singhal ko, ramdam ang init ng ulo ko.
“Okay… sarado na ang bibig ko,” sagot niya.
Bahagya akong lumingon at nakita ko pa siyang sumandal nang maayos at ipinikit ang kanyang mga mata.
Mas lalo akong nainis. Nagiging palaban na siya.
At tumitigas na ang ulo ng babaeng ’to.
“Huwag mo akong tulugan. Alam kong gising na gising ka, iniiwasan mo lang ang sasabihin ko.”
“Nakikinig po ako. Sabihin mo kung ano ang gusto mong sabihin.” mahinahon sagot ni Gladerious.
Bigla kong tinapakan ang preno. Malakas na kumayod ang gulong sa semento, at umalingawngaw ang ingay sa paligid.
Pagkatapos, nilingon ko siya.
Akala ko iiyak siya sa takot.
Ngunit tahimik lang siyang nakatingin sa akin, walang bakas ng takot, pangamba, o kahit anong emosyon.
May nangyari ba sa kanya sa loob ng tatlong taon na wala ako?
“Gladerious, sabihin mo sa akin ang totoo. Sa tatlong taon na wala ako sa bansa… ano ang naging trato sa’yo ni Mr. Redentor Reyes?”
“Wala po, Master M. Kagaya ng sabi ko, hindi niya ako pinakikialaman, dahil ang kasal namin ay sa papel lamang.”
“Kung gano’n… si Remedios? Anong ginawa niya sa’yo?”
“Umm…”
“Sabihin mo. Anong ginawa niya sa’yo?” mas mariin kong tanong.
“N-Nagtrabaho po ako sa club…” pautal niyang sagot.
“What?”
“Sabi po niya… hindi mo na raw ako babalikan. Kaya kailangan kong magtrabaho para may makain ako.”
“Tangina…” mariin kong bulong. “Binili kita sa kanya sa malaking halaga, tapos gano’n ang ginawa niya sa’yo?”
“Sorry po kung ngayon ko lang sinabi… ayoko lang na mag-away kayo ni Ate Remedios.”
Hindi ako sumagot. Pinasibad ko ang sasakyan, diretso sa bahay ni Remedios.
Hindi ko palalampasin ang ginawa niya habang wala ako. Sinamantala niya ang pagkakataon. Tapos na ang usapan namin, malaking halaga ang binayad ko para kay Gladerious.
Tapos ganito ang gagawin niya sa akin?
“Master M, bakit iba po ang dinadaanan natin? Saan po tayo pupunta?” tanong ni Gladerious.
Nanatili akong tahimik. Ayokong ibuka ang bibig ko, baka masigawan ko siya.
Makalipas ang halos isang oras, huminto ako sa tapat ng isang mataas na gate.
Bumaba ako at agad na kinabog iyon.
Ang mga tauhan ko ay nakapwesto sa hindi kalayuan, handa sa anumang mangyayari.
Parang walang balak magbukas, kaya muli kong kinalabog ang gate.
Ngunit bigla akong niyakap mula sa likuran.
“Master M, tama na po…”
Natigilan ako nang marinig ang panginginig ng kanyang boses.
Ilang segundo ang lumipas, unti-unti akong kumalma.
Sa sandaling iyon, bumukas ang gate.
“Anong kailangan ninyo… M-Mr. Montemayor? A-anong ginagawa ninyo dito?” gulat na tanong ni Remedios.
Walang pag-aatubili, binunot ko ang baril sa aking tagiliran at itinapat iyon sa kanyang ulo.
“Tapos na ang usapan natin! Triple ang ibinayad ko sa’yo, bakit mo pinagtrabaho sa club si Gladerious habang wala ako?!” sigaw ko.
“Ibaba mo ang baril mo, Mr. Montemayor! N-narito ka sa pamamahay ko!” hindi ako apektado sa sinabi niyang may halong pagbabanta.
“Wala akong pakialam kung nasa pamamahay mo ako!”
Kinalabit ko ang gatilyo, napasigaw siya sa takot. Bahagyang tinamaan ang kanyang mukha kaya agad itong nagdugo.
Ngunit para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko si Gladerious.
Naka-upo siya sa gilid, nakatakip ang mga kamay sa magkabilang tainga, at nanginginig sa takot.
Agad ko siyang nilapitan.
Hinawakan ko ang kanyang magkabilang balikat, hinila siyang tumayo, at saka mahigpit na niyakap.
“Babalikan kita. Hindi pa tayo tapos,” mariin kong sabi habang nakatingin kay Remedios. “At kapag nalaman kong may masamang nangyari kay Gladerious sa club na ’yon, magtago ka na.”
Ang mga tauhan niya ay nakatingin lang, walang magawa.
Binuhat ko si Gladerious at dinala sa loob ng sasakyan. Pagkatapos, agad akong sumakay at pinasibad iyon palayo.
“Kumalma ka… uuwi na tayo,” mahinahon kong sabi.
Hindi siya sumagot. Nakayuko lang siya, magkadaop ang dalawang kamay.
“Iabot mo sa akin ang isang kamay mo,” sabi ko, sabay lahad ng isang palad ko habang ang isa ay nakahawak sa manibela.
“Gladerious, huwag kang matigas ang ulo. Iabot mo ang kamay mo.”
“O-Opo, Master M,” sagot niya, saka dahan-dahang iniabot ang nanginginig ang kamay.
Pinagdaop ko ang aming mga palad at hinigpitan ang pagkakahawak.
Pagkatapos, dinala ko iyon sa aking labi at marahang hinalikan.
Ilang segundo kong ginawa iyon, hanggang sa maramdaman kong unti-unti na siyang kumakalma.
Maya-maya, marahan niyang hinila pabalik ang kanyang kamay.
Agad ko rin naman itong binitawan.