Cathy Quezon
"Ayos ka na ba talaga?" tanong sa akin ni Nanay habang nagbibiyahe kami papuntang presinto kung saan ikinulong si Grace at Melody. Gusto kong marinig ang mga paliwanag ni Grace at Melody. Lingid kasi sa kaalaman nila na may tao akong nakikita sa mga mukhang iyon ni Grace. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, pero nung araw na umuwi ako, siya ang naalala ko.
Si Gee.
Ang dati kong matalik na kaibigan bago ko nakilala sila Amber. High school pa lang kami ni Grace, o mas gusto kong tawagin siyang Gee dahil dati kasi, palagi siyang bumubulong sa akin, para siyang bubuyog, pero hindi naman ako nagagalit sa kanya. Nasanay na kasi ako sa kakulitan niya.
Nasaan na kaya siya?
Ayos lang kaya siya?
Bakit kasi bigla na lang siyang nawala noon?
Mga tanong sa isip ko habang iniisip ang pagkawala niya noon, pero bigla na lang akong nakaramdam ng lamig sa batok ko. Nanuyo ang ilang mga balahibo ko. Parang may humahaplos sa batok ko.
"Ayos ka lang, Nak?" tanong ulit sa akin ni Nanay. Napansin niya yata na nanigas ako sa kinauupuan ko.
Nawala na yung kung anong lamig sa batok ko, kaya isinawalang-bahala ko na lang.
Tumango na lang ako kay Nanay at hindi na nagsalita pa.
Ayoko munang kausapin ako ngayon. Hindi ko pa kasi nasasabi sa kanila kung ano talaga ang totoong kondisyon ko. Na buntis ako. Si Amber lang ang nakakaalam nito. Buti nga, hindi napansin ng doctor ang kalagayan ko. Kung magkataon, ay hindi ko alam ang sasabihin ko. Na iniwan kami ng hayop niyang ama.
"Nandito na tayo, anak." Pagkuha ni Nanay sa atensyon ko.
Agad-agad kaming bumaba ng kotse at pumasok sa presinto. Sinalubong kami ng pulis na pumunta sa bahay noon. Si sir Kiefer Santos. Nabanggit sa amin ni Nanay na si sir Kiefer mismo ang nag-volunteer noon na mag-handle ng kaso ni kuya Ricky sa kadahilanang hindi ko alam. Nung nasa bahay kasi siya, iba ang nakikita ko. May pinapahiwatig ang mga mata niya na hindi ko maintindihan. Parati din siyang nakatulala sa pamangkin kong si Angel, o baka dala lang ito ng pagbubuntis ko, kaya kung ano-ano na lang ang iniisip ko.
Hays, makakasama 'yan sa baby mo, Cathy! Tigilan mo 'yan!
Pag-saway ko sa sarili ko.
He lead us the way kung nasaan yung dalawang magkapatid.
Pagkakita ko sa kanilang dalawa, nakaramdam ako ng habag.
Pero nang makita nila kami ni Nanay, si Grace lang ang lumapit sa amin.
"Lola Lan?" pagtawag sa kanya ni Grace.
Bakit ganoon?
Bakit nakikita ko sa kanya si Gee?
"Lola Lan, parang awa mo na po. Wala po kaming kasalanan! Hindi po ako ang pumatay sa anak ninyo! Maliit lang po ang katawan ko kaya paano ko po magagawa ang bagay na iyon!" pagmamakaawa niya kay Nanay habang nakaluhod at nakaharap sa gawi namin.
Hindi ko alam kung maniniwala ako sa kanya o hindi.
"Pasensya na kayong dalawa." Iyon na lamang ang nasambit ni Nanay sa dalawa habang si Melody ay nagmumukmok sa pinakagilid. Para siyang takot na takot sa amin.
"Lola Lan, kaya ko pong patunayan iyon! Sinabi ko po lahat sa mga pulis ang nangyari at ang mga nakita ko, kaso ayaw nilang maniwala sa akin!" Desperadong saad niya, at garalgal na ang boses niya, pero dahil sa binanggit niya, doon na ako sumingit sa usapan.
"Ano ba ang nakita mo, Grace? Ano ang nangyari—"
"Miss Cathy, mahigpit po na ipinagbabawal na lapitan sila. Safety first po." Pagsabat ni Kiefer sa akin ng akmang lalapitan ko si Grace na nakahawak sa bakal na nagkukulong sa kanila.
Kaya ba sila lang dalawa ang nasa isang selda? Dahil iniisip nila iyon?
"Cathy, sumunod na lamang tayo." Sabat naman ni Nanay, kaya wala na akong magawa kahit gusto ko siyang lapitan.
"Pwede mo bang ikuwento ang buong pangyayari sa amin, Grace?" tanong ko kay Grace.
Nagpunas muna siya ng luha. Nakatitig sa mga mata ko, pero hindi nakaligtas sa paningin ko ang kapatid niya na nagsusumiksik talaga sa gilid ng paningin ko. Madilim sa parteng iyon.
Anong nangyayari sa kanya?
"I-inutusan ako ni Lola na puntahan si Tito Ricky noon sa condo para malaman kung bakit hindi na siya nagpupunta sa bahay..." panimula niya.
Flashback
Grace
"Tito Ricky, pakibuksan po itong pinto!" Sigaw ko dahil kanina pa ako katok nang katok, kaso mahimbing yata ang tulog nitong tito ko.
"Tito!" Kanina pa ako naiinis, bwisit. Kung hindi lang talaga ako inutusan ni Lola, nako.
"Miss, wala yatang tao dyan," sabi nung guard na nasa hagdanan. Binabantayan siguro ako; akala niya siguro magnanakaw ako dito o kaya gagawa ng gulo. Batukan ko kaya ito sa ulo.
Naghintay pa ako ng ilang saglit, kaso wala talaga; baka wala nga talaga siya dito. Buti na lang may duplicate ako ng susi nitong condo ni Tito. Binigay ito sa akin ni Lola para, in case wala talagang si Tito, ay i-check ko daw ang mga gamit dito. Agad-agad kong kinuha ang duplicate keys sa bag kong itim. Ipinasok ko ito sa doorknob at binuksan ko muna nang bahagya, tapos tinanggal ko na ulit ang susi at ibinalik sa aking bag.
Ngunit ano itong naaamoy ko? Bakit parang ang lansa? Amoy bulok.
Tinulak ko ang pinto nang malakas kaya naglikha ito ng isang napakalakas na ingay, pero hindi iyon ang gumulat sa akin. Dahil saktong pagbukas ko ng pinto ng condo, ay kitang-kita ko ang mga nagkalat na... na...
...dugo!
Nagsimula akong kabahan.
"Galit ka ba, miss? Bakit ang la—" Laking gulat din ng kasama kong security guard nang makita ang mga nagkalat na dugo sa sahig. Galing ito sa direksyon kung nasaan ang nag-iisang kwarto nitong condo.
Dali-daling kinuha ng security guard na kasama ko ang kanyang walkie-talkie.
"Hello, sir? Mukhang may problema po dito sa room 503-18. Opo, sir.... Sige po, sir .... Copy." Tapos ibinalik niya na ang kanyang walkie-talkie sa kinalalagyan nito habang ako'y nakatakip ang aking ilong gamit ang aking kamay dahil hindi ko kaya ang lansa ng amoy.
Nakita kong hinugot ng security guard ang kanyang baril at itinutok ito sa papasok sa condo. Nauna siyang naglakad ng dahan-dahan dahil madulas ang sahig. Ako nama'y nakasunod sa kanya habang nakatakip pa rin ang aking kamay sa aking ilong. Kahit nanginginig na ako, naglakas-loob akong sumunod sa kanya.
Lakad pa...
Dahan-dahan dahil baka madulas ako...
Ayan, konting lakad na lamang at makakapunta na kami sa kwarto. Pero habang papalapit kami nang papalapit sa kwarto, ay mas lalong tumatapang ang masangsang na amoy. Mas lalo akong kinabahan. Natatakot sa makikita ko sa loob.
"Sinong nandyan?!" Sigaw ng security guard na kasama ko. Nandito na kami ngayon sa tapat ng pinto ng kwarto nitong condo. Kinakabahan ako at nananalangin sa isip na sana walang masamang nangyari dito.
Hinawakan ng sekyu ang doorknob ng kwarto. Walang ano-ano pa't sinipa niya ang pinto at...
"Kyahhhhh!"
Isang sariwang bangkay ang sumalubong sa amin. Putol ang ari at nakahiwalay na ito na nasa sahig. May malaking hiwa sa leeg at dalawang tuhod. Nakabitin siya, patiwarik.
At nang mapagtanto ko kung sino ang bangkay, ay doon na ako tinakasan ng lakas.
Si Tito Ricky... s-si Tito Ricky... p-patay na siya.
At nagsimulang umagos ang mga luha ko.
End of the Flashback.
Cathy Quezon
Matapos kong marinig ang salaysay na iyon ni Grace, ay kusa na namang tumulo ang mga luha ko.
"A-ayon po ang totoong nangyari; sana maniwala po kayo," pagtatapos ni Grace.
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Ni wala nga akong maramdaman na galit o kung ano man sa kanya.
Narinig ko naman na humihikbi si Nanay sa likod ko.
Pinunasan ko ang mga luhang tumakas sa mata ko.
"Nasaan na yung security guard na kasama mo?" tanong ko sa kanya habang humihikbi siya.
Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang tunay na nangyari kay kuya.
"Hindi ko—" Hindi na nito natapos ang sasabihin niya dahil parang may narinig kaming bulong.
"Walang iwanan hanggang kamatayan." Parehas kaming napatingin sa kapatid ni Grace na si Melody, na ngayon ay nasa gilid pa rin pero nakatayo na at sa di maipaliwanag na dahilan, ay medyo madilim sa parteng iyon ng selda kung saan hindi makita ang mukha niya.
"Mel?" tawag nito sa kapatid niya pero...
"Walang iwanan hanggang kamatayan." This time ay medyo malakas na pagkasabi niya non.
Napatingin ako kay Nanay na ngayon ay kunot-noong nakatingin din kay Melody.
"Walang iwanan hanggang kamatayan," saad muli ni Melody at palakas na ito ng palakas.
Kumabog muli ang dibdib ko sa kaba. Ang mga sinasambit niyang salita. Parang pamilyar sa akin ang mga salitang iyon.
"Mel, ano bang nangyayari sa'yo?" tanong sa kanya ni Grace na halatang natatakot na sa inaasta ng kapatid.
"Walang iwanan hanggang kamatayan." Iyon lang ang naisagot sa kanya ni Melody.
Pero nagulantang ako dahil nang umabante ito, ay kitang-kita ko na ang mga mata nito.
Nanlilisik at malalim na mga mata. Sobrang itim ng ilalim ng mga mata niya para bang ilang araw siyang hindi nakatulog. At nakatingin siya sa akin...
...matalim na nakatingin sa akin!
Anong nangyayari sa kanya?!
"Mel, itigil mo 'yan. Masasampal kita sa ginagawa mo," pagbabanta sa kanya ni Grace na halatang natatakot na sa inaasta ng kapatid.
Pero hindi siya nito pinakinggan; bagkus ay dahan-dahan itong umabante papunta sa direksyon ng kapatid.
Nakakatakot siya!
Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko!
Anong nangyayari kay Melody?!
"Walang iwanan hanggang kamatayan." Ayon na naman siya sa sinasabi niya.
"Mel, umayos ka!" sigaw niya pa sa kapatid, pero imbis na tumigil, ay ngumiti ito ng pagkalaki-laki habang naglalakad papunta sa direksyon namin.
"Walang iwanan hanggang kamatayan." Nakangisi niyang saad muli habang papalapit sa amin.
Kahit na malayo naman siya, ay napapahakbang ako paatras.
Nanginginig ang mga kamay ko.
Si Grace naman ay lumalayo sa kapatid. Halata sa mga mata niya ang pagkabigla at nanginginig.
"M-mel, a-ano b-bang n-nangyayari s-sa i-yo?!" Halos hindi na maibigkas ng maayos ni Grace ang mga salitang iyon.
Pati si Nanay ay napapaatras din.
Nakarinig ako ng pagkasa ng baril kaya awtomatikong lumingo ako doon.
Si sir Kiefer pala. Itinutok niya iyon kay Melody na ngayon ay hindi man lang kumukurap na galit na nakatingin sa akin at patuloy na bumubuka ang bibig at sinasabing ang mga katagang "Walang iwanan hanggang kamatayan."
Anong bang ginawa ko? At anong nangyayari sa kanya? Bakit siya ganyan? Ano bang ibig sabihin niya sa "walang iwanan hanggang kamatayan"? Sinasapian ba siya? O baka palabas niya lang iyon?
Mga tanong sa isipan ko na hindi ko din masagot.
"Hoy bata! Ayusin 'yang mukha mo. Siguro palabas mo lang iyon, noh?" saad sa kanya ni sir Kiefer pero patuloy pa rin ito sa sinasabi niya.
"Hoy ikaw!" pagtukoy niya kay Grace na ngayon ay halos ayaw lapitan ang kapatid dahil sa takot.
"Patigilin mo na itong kapatid mo! Aba! Paano namin papaniwalaan ang mga sinabi mo kung ganyan umasta ang kapatid mo?" saad niya dito.
Ako naman ay nakayakap na kay Nanay habang nakatingin kay Melody.
"Hindi ko alam ang nangya—" Pero naputol niya ang sasabihin niya.
Lalo lang akong kinabahan dahil doon. May kung ano na namang humaplos sa batok ko na malamig na hangin. Ano ba iyon? Saan ba galing ang hangin na iyon?
"Walang iwanan hanggang kamatayan." Napatingin kami sa isa pang nagsalita non.
S-si Grace...
...k-katulad na rin siya ng kapatid niya!
Bigla na lamang akong napaatras at napatakip sa bibig ko.
Nanlilisik ang mga mata. Maitim ang ilalim ng mga mata at bigla itong ngumiti pero...
"Putangina!" Naibulalas na lamang ni Sir Kiefer at napaatras ng makita ang mga ngipin ni Grace na parang nabubulok. Ang itim sobra at ang dumi na sinamahan pa ng mga langaw.
Teka! Yung panaginip ko!
Ganitong-ganito ang ayos ng mukha ni Nanay sa panaginip ko nung na-possessed siya!
P-pero hindi si N-nanay yung sinasapian, kung hindi ibang tao.
Ano ba talagang pinapahiwatig ng panaginip na iyon?
At yung mga salitang sinasabi nila.
Pamilyar talaga ang linyang iyon, kaso hindi ko talaga matandaan.
Ano bang gusto nilang iparating sa "walang iwanan hanggang kamatayan"? Sino yung sumasapi sa kanila? Anong kailangan niya?
"Walang iwanan hanggang kamatayan!" Nagulat ako dahil doon.
Nagwawala na yung magkapatid sa galit habang sinasabi ang linyang iyon.
Pilit nilang niyuyugyog ang bakal na rehas at nagwawala habang nakatingin...
...sa akin!
Ano bang ginawa ko?!
Bakit sila nagkaganyan?!
"Ms. Cathy, mas mabuting lumabas na po tayo. Kami na pong bahala dito." Pagtawag atensyon ni Miguel, ang kasamahan ni Kiefer na pulis, habang si Kiefer naman ay may tinatawagan sa walkie-talkie niya habang nakatingin sa dalawang magkapatid na patuloy sa pagwawala at pagsisigaw.
Parehas na kaming sumunod ni Nanay sa kanya. Si Nanay naman ay iyak ng iyak. Ako man ay gusto ding umiyak na lang sa nangyayari. May hindi tama. Maraming tanong sa isip ko.
Yung panaginip ko, ano bang ibig sabihin non? Bakit sila Grace at Melody ang nagwawala pero si Nanay ang nagwala sa panaginip ko? At bakit sila nagkakaganyan habang nakatingin sa akin? Ano bang ibig sabihin ng "walang iwanan hanggang kamatayan"?
kringggg
Agad akong nabalik sa reyalidad ng tumunog ang cellphone ko.
Nang tignan ko ang aking cellphone, ay napakunot ako ng noo dahil hindi nakaregistered ang cellphone number. Pero hindi nakaligtas sa paningin ko si Nanay. Nandito pa rin kami sa labas ng presinto habang kinakausap siya ni Kiefer doon sa may loob. Pero ang Nanay, parang matamlay na; anong nangyari sa kanya?
"Hello?"
"Cathy, si Jeremy ito."