Cathy Quezon
“A-ano po bang sasabihin niyo sa akin, lola?” tanong ko sa matandang hindi ko kilala pero alam ang pangalan ko.
Nagsisimula na akong matakot sa kanya!
“Kalma, apo. Hindi kita sasaktan kung iyan ang inaakala mo. Bulag na nga ako, oh.” Biro nito, halatang pinapagaan ang loob ko.
“Anak! Lumabas ka na diyan.” Biglang saad nito, at alam kong hindi ako ang sinabihan niya ng ganoon.
Maya-maya pa ay nagbukas ang pinto ng banyo dito at iniluwa non ang taong akala ko ay nasa bahay lang.
“Nay?!”
Agad akong lumapit sa kanya at niyakap siya.
“Nay, bakit kayo nandito? Paano po kayo nakapunta dito? Si Kristel? Kasama niyo ba si Kristel?” sunod-sunod na tanong ko kay Nanay.
Paano siya nakapunta dito?
Bakit siya nandito?
“Hindi ko siya kasama, anak, at...” segunda nito at maya-maya ay tumulo na ang mga luha. “...hindi rin ako sigurado kung buhay pa ang kapatid mo, anak.” Pagpapatuloy nito at humagulgol na sa yakap ko.
Huh?
Ano bang pinagsasabi ni Nanay?
“Huh? Ano pong hindi kayo sigurado na buhay pa siya? Tsaka paano po kayo nakapunta dito, Nay? Anong pong ginagawa niyo dito?”
“D-dahil dito niya ako dinala, anak.” Sagot muli ni Nanay sa akin.
Niya?
“S-sinong niya, Nay? Nay naman! Baka naman nagbibiro kayo ah! Baka prank ito, Nay. Hindi kayo nakakatuwa!” Segunda ko dito at tumawa ako ng pilit dahil naguguluhan na ako.
“Nagsasabi ng totoo ang Nanay mo, apo. Dinala niya dito si Lanny. At siya rin ang may pakana ng lahat ng ito.” Sabat naman ni Lola.
“Tawagin mo akong Lola Pasing, apo.” Dagdag pa nito.
Sino bang tinutukoy nila sa “Niya?!”
“W-wait lang po, ah. S-sino po bang tinutukoy niyo sa “Niya” na yan? Bakit parang delikadong tao ‘yan?” Hindi ko maiwasang taasan ang boses ko dahil gustong-gusto ko nang malaman kung sino ba ang tinutukoy nila.
Si Lola Pasing ang sumagot at natigilan ako sa isang pangalan na sinagot na niya.
Kiefer Santos
“Seryoso ba ‘to? Saan mo nakuha ‘to?” Aligaga kong tanong kay Jacob dahil sa ipinakita niya sa akin na dating balita.
‘Pamilya De Amor ay bigla na lamang naglaho na parang bula. Ang abandunadong mansion na kanilang pag-aari ay nasunog na lamang bigla at hindi pa malaman ang tunay na pinagmulan.’
Yan ang balitang pinakita niya sa akin noon. Naganap ang sunog noong Nobyembre 1997, pero hindi iyon ang ikinagulat ko kung hindi ang litrato ng pamilya nito.
Isang baritonong lalaki na nagngangalang Recardo De Amor. Katabi nito ang isang binata na nagngangalang Recuerdo. May isang babae na nakayakap sa braso ni Recardo na nagngangalang Valentina. At may isang batang babae na malaanghel ang mukha na nakahawak sa kamay ni Valentina pero mas natuon ang atensyon sa batang karga-karga ni Recardo at ang pangalan nito ay Valiente De Amor.
At yung bata, hindi ako pwedeng magkamali dahil siya iyon!
“Oo tol, ito pa. Namataan din siya sa CCTV ng hospital. Siya ang dahilan ng pagtakas ng isang baliw sa mental na iyon.” Sagot ni Jacob at in-slide ang screen sa isa pang balita.
‘Isang babae ang nakatakas mula sa Protacio Mental Hospital sa Laguna. Ayon sa mga nurses, nakatakas ang babae dahil sa palakol na hawak nito at ang bawat nurse at doctor na humarang dito ay walang pag-aalinlangan pinatay. Kasalukuyan nang hinahanap ng mga awtoridad ang suspek.’
Ang sabi sa balita. Nang tinignan ko ang larawan, hindi kita ang mukha ng babaeng tumakas sa CCTV dahil malabo ito.
In-slide ko pa ang screen at tumambad sa akin ang isa pang video. CCTV footage sa mental hospital na iyon.
Makikita sa CCTV na tahimik ang hallway, pero maya-maya lang ay may isang nurse na kalmadong naglalakad sa hallway. Ang ipinagtataka ko ay mayroon itong palakol. Makikita sa CCTV na tumapat ang nurse sa isang room na kung saan ay room ng nakatakas na pasyente. Binigay ng nurse ang palakol doon at nagbeso-beso pa sila bago tuluyang lumayas ang nurse. Ang pasyente naman ay doon na nagsimulang pumaslang sa haharang sa daraanan niya. Lumipat naman ang video sa isa pang hallway na kung saan daraanan ng nurse kanina. Kalmado lang ang nurse naglalakad at nagagawa pang bumati sa ibang nurse na nakakasalubong nito, pero ang kilos nito. Ang lakad niya. Ang pigura ng katawan niya. Pamilyar ang mga iyon. At nanlaki ang mga mata ko dahil ng malapit na nitong malagpasan ang CCTV, nagtanggal ito ng surgical mask at isang pamilyar na mukha ang tumambad sa akin. Ngumisi siya at halatang nasisiyahan siya sa ginawa niya. Tapos doon na natapos ang video.
Hindi agad ako nakagalaw dahil doon.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari.
Totoo ba? Siya ba talaga?
“S-saan mo nakuha ang mga ‘yan?” kuway tanong ko kay Jacob nang itago na nito ang phone sa bulsa.
“Hindi ko nakuha kung saan, tol. May nag-email sa akin mismo na hindi ko naman kilala.” Sabi nito.
Kinalma ko muna ang sarili ko bago bumalik sa loob ng kwarto kung saan naroon si Cathy at yung matanda na kakausapin daw ako.
Hindi muna ako kumatok. Inilapat ko lang ang isang tainga ko sa pinto para marinig sila sa loob.
“Huh? Ano pong hindi kayo sigurado na buhay pa siya? Tsaka paano po kayo nakapunta dito, Nay? Anong pong ginagawa niyo dito?”
Panigurado akong si Cathy iyon, pero bakit may tinatawag siyang Nanay?
“D-dahil dito niya ako dinala, anak.”
Imposible! Bakit nandito ang nanay nila? Bakit nandito si Ma’am Lanny?
“S-sinong niya, Nay? Nay naman! Baka naman nagbibiro kayo ah! Baka prank ito, Nay. Hindi kayo nakakatuwa!”
Segunda muli ni Cathy at halatang naguguluhan sa nangyayari. Maging ako ay naguguluhan. Sinong niya?
“Nagsasabi ng totoo ang Nanay mo, apo. Dinala niya dito si Lanny. At siya rin ang may pakana ng lahat ng ito.”
Ang matanda ang nagsabi noon. Pakana ng lahat ng ito?
“W-wait lang po, ah. S-sino po bang tinutukoy niyo sa “Niya” na yan? Bakit parang delikadong tao ‘yan?” tanong muli ni Cathy na halatang naiirita na, at sinagot ito muli ng matanda. Pero sa sinagot na pangalan ng matanda ay doon na naman ako natigilan dahil narinig ko na naman ang pangalan na iyon.
Iisa lang ang itinuturo sa akin. Parang may pattern.
Ang balitang ipinakita sa akin ni Jacob.
Ang bata na karga-karga ng tatay nito. Ganoon na ganoon ang itsura na nakita ko na ipinakita sa akin noon.
Ang nagpanggap na nurse sa Protacio Mental Hospital, at nung tinanggal niya ang mask niya.
Ang itinuturo ng matanda na may pakana ng lahat ng ito pati na rin ang pagpapadala niya dito kay Ma’am Lanny.
At higit sa lahat, ang sinabi ng itay sa akin nung itatanong ko sana kung sino ang pumatay sa kanya at ang sabi ng itay ay siya rin ang pumatay kay Ricky.
Iisang tao lamang ang pinapahiwatig at ang sinasabi nila...
...si Daryl.
***
YEAR 1990
Third person
"Me estás llamando mayor?" (Pinapatawag niyo daw po ako, seniorito?)
Tanong ni Lanny sa kanyang amo, si Recardo De Amor, isang taong may sakit sa isipan na tinatawag na Schizoaffective Disorder.
Tumingin sa kanya ang kanyang amo.
Ngumiti ito ng inosente.
Bigla namang kinabahan si Lanny sa ngiting ibinigay nito sa kanya dahil alam niyang kapag ganito ang ngiti ng kanyang amo, may nakakasukang ipapagawa na naman ito sa kanya.
Pero napasimangot muli ang kanyang amo na parang isip-bata.
"Dónde están mi esposa y mis hijos?" (Nasaan ang asawa at mga anak ko?) tanong nito sa kanya.
Nakahinga siya ng maluwag dahil doon. Akala niya ay kung ano na naman ang ipapagawa ng kanyang amo sa kanya.
May tatlong anak ang kanyang amo.
Ang panganay na si Recuerdo De Amor, na ngayon ay binatilyo na. Ang pangalawa naman ay si Gracias De Amor, na ngayon ay isang batang babae na mala-anghel ang mukha. At ang bunso na si Valiente De Amor, na isang sanggol pa lamang.
"Tus hijos mayores están en el jardín, están jugando allí mientras el mayor está en tu habitación descansando." (Nasa hardin po ang mga anak niyo, senior, naglalaro po sila doon habang ang seniorita naman po ay nasa kwarto niyo nagpapahinga.) Sagot naman ni Lanny dito.
Tumayo bigla si Recardo sa kanyang kinauupuan na kinaatras naman ni Lanny sa kanyang pagkakatayo. Kinakabahan siya at lihim na nagdarasal sa Diyos na huwag na sana itong mag-utos na huwag na sana siya magpatawag ng isang magsasaka para lang patayin ng kanyang amo. Libangan na ng kanyang amo ang pumatay ng tao, at sa tuwing may papatayin ang kanyang amo, siya ang pinaglilinis nito ng mga bangkay para ipasunog sa bakuran nila. Walang nagrereklamo na mga trabahador dito dahil kahit anong gawing sumbong nila sa pulisya ng Espanya, wala ring magagawa ang mga pulis dahil pag-aari ni Recardo De Amor ang mga lupa nila na nahaharangan ng mga naglalakihang pader, kaya walang sinuman ang pwedeng tumakas. Dahil pag pumasok ka sa hacienda ng De Amor, hindi ka na makakalabas pa.
"lleva a mi esposa a la habitación, dile que estoy esperando su jardín ahora mismo." (Sunduin mo ang asawa ko sa kwarto, sabihin mo inaantay ko siya sa hardin ngayon din.) utos nito kay Lanny.
"Seguir a senior." (Masusunod, senior.) sagot ni Lanny dito at agad na tumalima sa kwarto ng mag-asawa para tawagin si Valentina, ang asawa ng kanyang amo. Mabait ang asawa ng kanyang amo dahil katulad niya, Pilipino ito. Agad na sinabi nito kay Valentina ang inutos sa kanya ng kanyang amo kaya magkaagapay silang pumunta sa hardin.
Nang makapunta siya sa hardin kasama si Valentina, namataan niya si Recardo na karga-karga si Valiente habang si Gracias naman ay hawak ang kanyang stuffed toy. Si Recuerdo naman ay busy sa pagbabasa ng isang libro sa isang tabi. May namataan din siya na isang photographer na nagsesetup para sa isang picture-taking.
"Me estás llamando mi esposo?" (Pinapatawag mo daw ako, aking asawa?) tanong agad ni Valentina kay Recardo, na sinabayan ng paghalik sa labi nito. Hinalikan niya rin ang kanyang anak na si Valiente.
"Sí mi esposa, vamos a tomar una foto. Somos una familia." (Oo, aking asawa, magpapakuha tayo ng litrato. Tayong pamilya.) sagot nito sabay baling sa photographer na ngayon ay kakatapos lang sa pag-set up ng camera.
"Podemos tomar una foto de mi familia?" (Maaari na ba kaming magpakuha ng litrato ng pamilya ko?) tanong nito sa photographer.
"¡Sí, señor!" masiglang sagot naman ng photographer. Masaya ito dahil ito ang kanyang unang customer sa araw na ito.
Tinawag ni Recardo ang panganay na anak na si Recuerdo. Agad namang tumalima ang binata dahil ayaw niyang magalit sa kanya ang kanyang ama, dahil iba kung magalit ito.
Pumuwesto silang buong pamilya sa harapan ng kanilang bahay.
Si Recardo ang nasa gitna at karga-karga niya ang kanyang bunsong anak. Nakalingkis naman sa kanang siko niya ang kanyang asawa at hawak naman ng kanyang asawa ang kanilang pangalawang anak sa kamay nito. Sa kabilang dako naman, nakatayo lang ang panganay na anak nila at hindi na nag-atubiling dumikit sa kanyang ama.
Napangiti ang photographer sa kanyang nasaksihan dahil ang ganda ng pagmasdan ng pamilya. Habang si Lanny naman ay nasa gilid lamang at nanonood, pero hindi niya pa rin maiwasang kabahan dahil alam niyang may mangyayaring hindi kaaya-aya pagkatapos nito.
Masayang kinuhanan ng photographer ang pamilya De Amor. Matapos makuhanan, ipinakita ng photographer ang litrato kay Recardo. Nasiyahan naman si Recardo sa kanyang nakita.
Nagligpit na ng kanyang mga kagamitan ang photographer habang si Recuerdo naman ay bumalik sa gilid para magbasa at si Gracias naman ay naglaro na. Nasa gilid pa rin si Lanny at tumabi sa kanya si Valentina habang hawak si Valiente.
May kinuha lamang sa loob ng bahay si Recardo at bumalik agad. Saktong pagbalik nito ay tapos na magligpit ang photographer at lumapit kay Recardo.
"Puedo tomar el pago para poder ir a mi próximo cliente, señor?" (Pwede ko na bang kunin ang bayad para makapunta na ako sa susunod kong customer, sir?) tanong ng photographer kay Recardo.
Isang ngiti lamang ang isinagot ni Recardo dito, at ang hindi inaasahan ng photographer ay ang hawak nitong bagay sa likod.
Isang palakol.
At walang babalang tinaga ni Recardo sa ulo ang photographer. Ikinagulat ni Lanny ang kanyang nakita at muntik pa siyang masuka, pero nailunok niya iyon dahil baka mapansin siya ng kanyang amo. Tama ang kanyang hinala sa una pa lang. Hindi kasi pumapayag si Recardo na may nakakalabas sa kanyang hacienda.
Bumagsak ang katawan ng photographer sa sahig na bulwak ang bungo at naglalabasan pa ang mga dugo, at si Recardo naman ay hindi pa nakuntento at tinarak muli ang palakol sa katawan ng photographer at hindi na iyon kinuha pa. Tumingin siya kay Lanny, at kahit takot man si Lanny, alam niya na ang ibig sabihin ng kanyang amo, kaya tango na lang ang kanyang isinagot bago pumasok ng bahay para kumuha ng panlinis.
Kitang-kita ni Recuerdo ang ginawa ng kanyang ama. Namulat siya sa ganoong gawain ng ama at iyon ang ikinagagalit niya sa kanyang ama, ngunit wala siyang lakas ng loob para sabihin iyon sa kanya. Kaya kahit awa na siya sa mga tao dito sa kanilang malawak na hacienda, wala siyang magawa kundi ipangako sa kanyang sarili na hindi siya tutulad sa kanyang ama pag tumanda siya. Habang si Gracias naman ay parang wala lang ang nangyari, maging ang ina nito, pero sa kaloob-looban ng kanyang ina, lihim itong kinakabahan dahil sa ugali ng kanyang asawa na hindi niya mapigilan.
***
Maagang nagising si Lanny dahil maghahanda na siya ng almusal para sa pamilya De Amor. May kasamahan si Lanny na katulong, ngunit magkaiba sila ng silid, at iyon ang ikinaganda ng pagtatrabaho niya dito dahil libre lahat. Idagdag pa na siya ang mayor doma sa buong hacienda. Bagama't hindi niya mabisita ang kanyang pamilya sa Pilipinas, umaasa pa rin siya na makakalabas ng buhay sa haciendang ito.
Saktong pagbukas ng pinto, nandoon si Valentina na may hawak na isang bag, ngunit tila balisa ito at nanginginig sa takot.
"Anong problema, ma'am?" tanong niya dito dahil marunong naman itong magwikang Filipino.
Imbis na sumagot, hinawakan siya nito sa kamay. Nanlalamig ang kamay ni Valentina, ani niya sa kanyang isipan.
"Nakikiusap ako sa'yo. Ikaw na lang ang pag-asa ko. Itakas mo ang mga anak ko at magpakalayo-layo kayo rito," pagmamakaawa nito sa kanya. Naguguluhan siya sa mga nangyayari, pero isa lang ang alam niya—dahil ito sa kanyang amo na si Recardo.
"A-anong ibig mong sabihin, Valentina?"
"Please, itakas mo na ang mga anak ko dito. May alam akong daan para makalabas. Ito ang pera at mga papeles nila. Huwag na kayo magdala ng gamit dahil baka magising na naman siya. Lumalala na ang asawa ko, Lanny, at hindi ko kayang pati ang mga anak ko ay madamay sa sakit niya, kaya ako nakikiusap. Itakas mo ang mga anak ko, parang awa mo na," pagpapaliwanag at pagmamakaawa nito sa kanya. Kasabay noon ang paglabas ng panganay na anak ng kanyang amo sa likod ni Valentina na karga-karga si Valiente at hawak kamay si Gracias na umiiyak. Hindi nakaligtas sa kanya ang pasa ng inosenteng bata sa bandang gilid ng noo nito.
Hindi na nagsayang ng oras si Lanny upang mag-isip at sinang-ayunan ang gusto ni Valentina dahil naaawa siya sa mga bata. Hindi na siya nag-abala na mag-ayos pa at agad tinanggap ang bag na binigay ni Valentina. Tahimik silang lumabas ng bahay dahil kahit kaunting ingay lamang, alam nilang magigising si Recardo. Nanganginig man at kinakabahan, tinapangan na ni Lanny para sa mga bata, pati na rin sa kaisipang makakabalik na siya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Nakahinga ng maluwag sina Lanny at Valentina, pati na rin si Recuerdo, dahil nakalabas sila ng tahimik sa bahay ni Recardo. At doon ay ipinagpatuloy nila ang paglusob sa kagubatan na pag-aari ni Recardo. Si Valentina ang nakakaalam ng lagusan palabas dahil kabisado niya ito, lagi siyang inuutusan noon ni Recardo na maghanap ng mga kakaibang insekto kahit na gabi noong nagtatrabaho pa siya para kay Recardo.
Nakarating sila sa lagusan at hindi maiwasang mamangha ni Lanny dahil nasa kalsada na sila at puro gusali na ang kanyang nakikita. Hindi siya makapaniwala na may lagusan pa pala bukod sa mismong gate ng lupain ni Recardo.
"Recuerdo, alagaan mo ang mga kapatid mo, huh? Ikaw na ang bahala sa kanila. Sumama kayo kay Nanny Lanny niyo dahil magiging ligtas kayo sa poder niya, huh? Mahal na mahal ko kayo, mga anak ko," pagpapaalam nito sa mga anak at isa-isa niyang niyakap at hinalikan. Kahit gusto man ni Recuerdo na tutulan ang balak ng kanyang ina, hindi niya na ito pinilit. Iyak lamang ng iyak ang pamilya, pati na rin si Lanny, ay naiyak na sa kanyang nasaksihan.
"Lan, alagaan mo ang anak ko. Ituring mo silang pamilya para sa akin. Tatanawin kong malaking utang na loob ito, Lan," sabi nito sa kanya at niyakap siya.
"H-hindi ka ba talaga sasama? Sumama ka na sa amin, tumakas ka na kasama ang mga anak mo, Val. Ligtas sa amin at magtatago tayo kung kinakailangan," pangungumbinsi ni Lanny kay Valentina habang hinawakan siya sa mga kamay.
Umiling si Valentina habang umiiyak. "Hindi maaari, Lan. Kilala mo ang pamilya niya, kaya alam mo ang tinutukoy ko. Ipapalabas ko na lamang na pinatay ko ang mga anak namin para sa ganon ay hindi na madamay ang mga anak ko..." Natigil sila sa kanilang pag-uusap dahil tumunog ang isang kampana. Nanlaki ang mga mata ni Valentina kaya naalarma siya, at kahit gusto pa niyang makausap ang mga anak, nagpaalam na lang siya kay Valentina at walang babalang bumalik ulit sa gubat, at sinarado ang sikretong gate kung saan sila lumabas.
Kahit naiiyak man at nanlulumo, agad kumilos si Lanny at tumawag ng taxi para makapunta sa airport dahil baka mahuli pa sila ni Recardo. Dahil ang kampanang iyon ay hudyat na galit si Recardo. At tuluyan na nga silang nakalipad papuntang Pilipinas. Ilang milyon ang laman ng bag na ibinigay ni Valentina kay Lanny kasama na doon ang mga papeles ng mga kasama niyang bata.