Chapter 11
“Hayaan mo na kasi, Ash…” pigil ko sa kanya.
“Napakasungit. Akala mo naman ikina-gwapo niya ‘yun. Matangkad ka lang!” sigaw niya sa kapatid niya. At bago pa sila mag-away ng tuluyan, hinila ko siya pababa sa sala nila.
Katulad ng plano, or plano ko, nandito kami ngayon sa bahay nila ngayong Sabado. Na-approved naman ang Chapter 3 namin kaya pwede na kami mag-experiment. Although, may mga binago lang ang Research adviser sa proposal, binigyan niya na kami ng go signal para mag-experiment.
So far, umaayon naman sa plano ko ang mga nangyari. Napapayag ko si Ash na dito kami sa bahay nila mag-experiment, in essence nga lang na magpapatulong kami kay Kuya Ron. Ang kinaiinis lang ni Kuya ay ang gustong mangyari ni Ash. Gusto niya kasi na ang Kuya na lang ang gumawa ng experiment.
Napakaimposible non. Well, possible naman kung hindi lang sila palaging nag-aaway.
“Tumigil ka na nga. Nang-aasar ka pa, eh…kaya kayo laging nag-aaway.” sermon ko.
“Correction, inaasar. I’m not tanga naman na siya ang gumawa ng experiment natin. Inaasar ko lang siya.” tumawa-tawa pa siya habang pababa kami. Natawa na lang din ako. Hindi ko pa rin talaga alam ang takbo ng utak ng isang ‘to.
Habang pababa kami sa hagdan nila, muli kong tiningnan ang kabuuan ng bahay nila. Nasa Paranaque kami imbes na sa bahay nila sa Pasay.
Two-storey house ito na kulay beige at brown naman ang buhay at may malaking black na gate sa labas. Pagkapasok ay may mga halaman sa gilid nito. Bumungad sa amin ang dalawang black na sasakyan kung saan ang isa ay iyong sinasakyan namin papasok sa school habang ‘yung isa naman ay mas maliit kumpara doon.
Akala ko nga ay maliit lang ang mismong loob ng bahay pero pagkapasok ko ay malawak naman pala. May tanggapan sa kanang gilid na mga sofa at TV. Sa kaliwang bahagi naman ay may pader na naghaharang sa dining area. Ang hagdan naman ay nasa tapat lang ng tanggapan. Sa second floor ay puro mga kwarto na lang nilang pamilya.
Pagkababa namin ay agad kaming naupo sa sofa.
“Dapat pala ay kinuha mo na ang laptop mo.” ani ko.
Umungol naman siya at pabagsak na sinandal ang likod sa may sofa. Inabot niya ang unan at niyakap ito. “Why didn’t you tell me earlier?”
“Dali na, kunin mo na, para makapagsimula na tayo.” uto ko sa kaniya.
Wala na rin naman siyang magagawa kaya padabog na siyang umakyat. Ako naman ang maligayang sumandal sa sofa nila.
Mag-a-alas dose pa lang naman ng tanghali kaya hindi naman namin kailangan magmadali. Kung gagabihin namin kami ay nakapagpaalam na ako kina Mama at Papa na dito na lang ako matutulog pansamantala.
Sina Tito Benj at Tita April ang bumisita sa condo namin sa Noble Place. Si Papa kasi ang naghatid sa akin dito gamit ang sasakyan namin, kaya sumabay sila pauwi kay Papa instead na gumamit pa ng isang sasakyan.
Medyo may pinagmanahan si Ash.
Isa pa, ang hindi lang umaayon sa mga plano ko ay ang totoong sadya ko dito. Well in fact, nagbabakasakali lang naman talaga ako at walang kasiguraduhan na pupunta sila dito. Kahit na ganoon, syempre hindi ko pa rin mapigilan ang umasa.
Hindi ko rin naman matanong kay Kuya Ron dahil baka magtaka siya kung bakit ako nagtatanong. Nasa kwarto niya lang din siya at hindi bumababa kaya mas lalo kong iniisip na baka hindi pupunta dito ang mga kaibigan niya.
At bago pa ako makapag-isip ng tuluyan ay nakababa na si Ash. Binuksan niya na ang laptop niya para ma-edit na namin ang methods na chineck kahapon at masimulan na namin ang dapat naming gawin.
Ako na ang nag prisinta mag-edit kahit hindi naman talaga ako marunong mag-laptop. Sinang-ayunan rin naman ni Ash, para daw matuto ako. Siya naman ay kukuha ng mga kakailanganin namin sa kusina nila. Ilalabas niya iyon sa may halamanan nila o sa parking ata…kung saan niya gusto, bahay naman nila ‘to.
Tinuruan niya muna ako ng iba pang bagay na hindi ko alam sa microsoft word bago siya umalis. Don’t get me wrong ah… may alam naman ako kahit papaano since pinapahiram ni Papa ang laptop niya sa akin pero nag-s-search lang ako at siya mostly ang naglalagay sa Word. Siya na rin ang nag-p-print sa bagong bili niya na printer.
“You should tell Tito Ben to buy you a Macbook. I’m sure bibigyan ka niya.” sabi ni Ash noong naghahanap kami ng pwedeng i-experiment.
“Ayoko rin naman. Ayos na ‘tong cellphone. Hindi ko nga ito masyado ginagamit at pang-games lang, ang laptop pa kaya.”
Hindi na rin naman nagtagal ang pag-e-edit ko dahil inayos na namin iyon ni Ash kahapon sa papel na duguan pagkapuna sa mga mali namin. I-t-type na lang talaga. Hindi pa bumabalik si Ash kaya sinimulan ko lang din ang Chapter 4. Naglagay na ako ng mga table para sa comparison ng mga trials namin.
Iyon nga lang, natapos ko na ang lahat pero ang magaling na pinsan ko ay hindi pa bumabalik. Nakababa at nakaakyat na rin si Kuya Ron pero ni-silip sa babaeng pinsan ay hindi ko man lang nasilayan.
Doon ako nagpasya na tumayo at silipin siya sa kusina nila. Wala siya doon pero nakita ko ang mga nagkalat na mga lalagyan ng asin, asukal, at iba pa sa may white counter top nila.
Bayleaf lang naman ang kailangan namin kaya hindi kami namomroblema sa budget sa kakailanganin sa experiment na ‘to unlike sa mga kaklase na pinili ang Physical Science category. Mas magastos iyon dahil bibili talaga sila ng mga kagamitan para sa research, unlike sa Life Science category. Although, may gagatusin din naman sa Life Science, hindi naman ganoon kalakihan.
Nakita kong nakabukas ang pintuan sa may ‘di kalayuan. Ito yata ang backdoor nila dahil nakikita ko ang halamanan ni Tita April. Lumabas na ata si Ash.
Pumunta ako doon at umikot pa papunta sa front door dahil wala siya sa palibot ng bahay nila. Doon ko siya naabutan na masayang nakikipagtawanan sa dalawang lalaki. Tatarayan at sisigawan ko na sana siya ng makita kong si Wensley iyon at ‘yung chubby nilang kasama.
“Nagpapalibre nga ako kay Peter!”
“Papayag naman ‘yon, hindi naman ‘yun madamot.”
“As if. He’s self-centered kaya!” nakatalikod sa gawi ko si Ash pero alam kong umiirap na ‘yan.
“Laki talaga ng galit mo sa kambal na ‘yun no?” si Wensley.
“Magpalibre ka na lang din para goods kayo. Edi dalawa na tayong sagot niya!”
Huminga muna ako ng malalim. Ramdam ko ang panginginig ng boses ko sa oras na magsalita ako dahil sa bilis ng takbo ng puso ko kaya kailangan ko kumalma.
“Hala, si ano…” bago ko pa ma-compose ang sarili ko ay napansin na ako ni Wensley. Kumurap-kurap muna ako bago ngumiti at lumapit sa kaniya… I mean sa kanila.
“Oh! Are you done na? Na-set-up ko na ‘yung tubig doon sa may backdoor ng kitchen.”
“Set-up?” tanong noong chubby na hanggang ngayon ay hindi ko alam ang pangalan. Siya yata ‘yung Dan, pero hindi ako sigurado.
“Yup! Nag-e-experiment na kami. Approved na ni Sir Lacoy kaya sinimulan na namin.”
“Wow, ang bilis ah! Usually palaging na-re-reject ang Chapter 3.”
“Kami pa ba?” mayabang na sagot ni Ash.
“Wala bang thank you?” biglang lumabas galing sa front door si Kuya Ron. Hindi ko na nakita ang reaksyon ni Ash dahil bigla ulit siyang tumalikod sa akin. Hindi na rin siya nakabanat pa dahil nagsalita na agad si Wensley.
“Approved na daw fieldtrip, ah! Buti na lang at na-announce natin last week!” nilapitan na ni Wensley si Kuya Ron at pumasok na silang tatlo sa loob ng bahay. Naiwan kami ni Ash at sinilip na lang ang tubig na sinet-up niya. Isa lang ‘to sa mga trials namin. Kukuha pa kami ng tubig galing sa kanal mamaya.
Pagkabalik ay naabutan namin na nasa sala ang tatlong lalaki. Si Kuya Ron at Wensley ay komportableng nakaupo sa sofa habang ‘yung chubby, na si Dan nga sabi ni Ash kanina, ay nakaupo sa sahig at nakapangalumbaba kaharap ang laptop ni Ash.
Umangat ang tingin niya sa amin. “Ang galing niyo naman. May Chapter 4 agad, walang pang experiment ‘yan ah?”
“And you care because?” hindi na yata mawawala kay Astrid ang katarayan. Dugo niya na yata ‘yan.
Tumabi siya kay Dan sa sahig samantalang matapang naman akong umupo sa tabi ni Wensley.
First rule. Pretend as if you don’t care. Pretend as if it doesn’t affect you at all.
Syempre hindi naman ganoon kakapal ang mukha ko. Medyo malayo kami sa isa’t isa pero at least magkatabi pa rin.
“Nasabi mo na ba kina Tito na may fieldtrip, Gi?” tanong sa akin ni Kuya.
Umiling naman ako. “Ang sabi sa amin hindi pa naman daw sure kaya hindi ko pa sinabi.”
“Sure na daw na mayroon. I-a-announce na sa Monday during the flag ceremony. Kailan daw ulit?” sabay baling naman ni Kuya kay Wensley.
Oo nga pala ay SSG officers sila. Bago rin i-announce last week na may possible field trip for Science Month ay nauna ko na ring nalaman dahil kay Ash na sinabi daw sa kaniya ni Kuya Ron. Nakipag-coordinate daw kasi ang officers ng Science Club sa kanila to make it possible. Ilang years na rin daw kasi silang nag-t-try magka-field trip pero hindi na-a-approve dahil ayaw ng mga teachers at ng principal.
Isa rin iyon sa mga rason kung bakit hindi sinabi sa mga magulang ko. Baka hindi pumayag si Mama kapag maaga ako nagsabi o papayag nga tapos kapag malapit na ay doon magbabago ang isip at hindi na papayag bigla.
“Dito na lang din tayo mag-edit.” sabay tayo ni Kuya Ron. “Tara, Dan, ibaba rin natin ‘yung printer.”
“I’ll get foods!” maligalig ding tumayo si Ash.
What? Napatingin naman ako kay Wensley. Buti na lang at hindi naman siya nakatingin sa akin.
Agad akong nag-isip na pwedeng gawin pero naisip ko rin na… hindi ba ito naman ang gusto ko?