IRITASYON ang nababasa ni Roselle sa mga mata ni Charlotte nang umagang maglipat sila ng mga gamit nilang mag-ina.
Umiiral ang kapilyahan niyang alaskahin sana ang babae ngunit nakadama rin siya ng awa nang maalalang nagbiyahe pa ito patungong Pilipinas ngunit sa wala rin naman mauuwi.
Sa halip na gantihan ang pag-irap nito sa kanya ay ipinagkibit-balikat na lamang niya at sinundan na lamang sa lanai ang anak na hindi na halos mawalay sa “lolo” at “lola.”
Balak ni Roselle na ipagtimpla ng gatas ang anak nang sa pagpasok sa kusina ay maulinigan niya ang pag-uusap nina Frederick at Charlotte.
Wala sa loob na napatingin siya sa relo. Kanina’y nagpaalam na sa kanila si Frederic
k na sasaglit ito sa job site.
“Can I see your workplace?”
Sa pandinig niya ay may kahalong pang-aakit ang tono ni Charlotte. Binagalan niya ang pagtitimpla ng gatas at saka tinalasan ang tainga sa maririnig na isasagot ni Frederick.
“Hard hat area iyon at hindi pasyalan ng turista,” bruskong sagot ni Frederick.
Nasiyahan si Roselle sa narinig. Sa pagkakilala niya sa binata ay papatulan nito ang pagpapakita ng motibo ng kagaya ni Chalotte na maganda at seksi. Ngunit nakapagtatakang hindi nito iyon.
“HANGGANG kailan ba sila rito?” himutok ni Roselle nang wala pang tatlong oras ay nakabalik na si Frederick.
Naipanhik na rin ang mga gamit nila na kinuha sa bungalow. Tama nga ang mama nito. Doble ng laki ng kuwarto nilang mag-ina kompara sa silid ng binata.
“Hindi ko alam. Pero mukhang magtatagal. Kita mo naman, buhos na buhos ang atensiyon nila kay Juniel. At nakalimutan na rin kung bakit kasama nila si Charlotte.” Inilalagay ni Frederick ang mga laman ng bag at kusang isinama sa mga gamit nito.
“Di ipaalala mo. Para babalik na rin kaming mag-ina sa bahay namin.”
Natigil ito sa ginagawa. “Hindi ko gagawin iyon.”
Lumapit siya at inagaw rito ang pag-aayos ng mga damit.
“Teka... bakit wala rito ang mga gamit ng anak ko?” Tumaas ang timbre ng boses niya.
“Huwag kang sumigaw riyan. Baka akala nila sa ibaba, nire-r**e kita,” amused na sagot sa kanya ni Frederick.
“Frederick, huwag mo ‘kong umpisahan. Ngayon ko nare-realize na mahirap itong sitwasyong nasuungan ko, ha! Unang-una, na-absent na ako ngayon sa office,” gigil niyang wika.
Bago pa man ito nakasagot ay bumukas na ang nakaawang na pinto ng silid.
“Roselle, gusto mo bang sumama? Ipamimili namin ng dagdag na gamit si Juniel. Balak kong i-convert sa nursery ang katabing kuwarto ninyo.”
Mabilis na siyang kinambatan ng binata bago pa man rumehistro sa mukha niya ang shock.
“Maaga pa naman, `Ma. Mamaya na kayo lumakad,” sagot ni Frederick at saka inakbayan ang ina palabas ng silid.
“Rex, huwag mo na akong i-reverse psychology. Lalabas na ako kung gusto mong masolo ang misis mo,” nanunuksong saad ng matandang babae.
Kahit walang nakakita kay Roselle dahil nakatalikod na ang dalawa ay pinamulahan pa rin siya ng pisngi sa konotasyon ng sinabi ng mama nito.
“Hindi puwedeng hindi sa tabi ko matulog si Juniel.” Mas mataas pa kaysa kanina ang tinig niya.
“Alam ko,” pagkibit-balikat ni Frederick. “Pero lalo namang hindi puwedeng ako ang mag-stay sa gagawing nursery. Kapag pinilit mo akong doon matulog, manghihingi ako ng dede.” Kinindatan siya ng binata.
“Hindi ako nakikipagbiruan!” napipikong singhal niya.
“I was just thinking, Roselle. Ano kaya kung totohanin natin itong palabas natin?” Nasa mukha nito ang kaaliwan sa pagkapikon niya.
“Get out!” Dinampot niya ang unan at ibinato rito.
Nang-aasar pa ring sinaluduhan siya ng binata bago siya iniwan.
SAKAY ng Pregio papuntang mall ay hindi malaman ni Roselle kung ano ang uunahing isipin. Hindi siya makapaniwalang kaydaling sumama ng anak niya sa dalawang matanda na napag-aralan na nitong tawaging “lolo” at “lola.”
Samantalang sa nanay niya mismo ay kinakailangan pang isang buong araw na makakasama ni Juniel ang matanda para makagamayan.
“Napakabibo nitong apo ko,” natutuwang sabi ni Adelaida. “Tingnan mo itong anak mo, Rex. Kilalang-kilala ang mascot ng Jollibee, o!”
“Baka parang si Rex noong araw. Maliit pa’y nasanay na kasi sa pasyal at kain sa labas,” komento naman ni Alfonso na nilingon ang “maglola” na nasa pangalawang hilera nang upuan.
“Mana sa akin, `Ma.” Sinulyapan ni Frederick ang ina sa rearview mirror. “Mahilig sa magaganda. Tingnan mo mamaya, lahat ng makakasalubong na sexy, ngingitian.”
“Loko ka, Rex. Nandito lang ang asawa mo’y kung anu-anong pinagsasasabi mo,” pansin ng ginang. “Roselle, akina nga iyang towel mo riyan at kahit naka-aircon ay pinagpapawisan itong bata,” baling nito sa kanya.
Wala sa loob na dinukot niya ang isang tuwalya sa bag at iniabot dito.
Mula pa kaninang dumating sila sa New Manila ay hindi na niya halos makarga ang anak. Dati ay lagi nang nakahabol sa kanya si Juniel kahit na karga na ni Didith. Hindi niya tuloy maisip kung magseselos sa dalawang matanda sa pagkakabaling ng atensiyon ni Juniel sa mga ito.
“O kayong mag-ama, kung gusto ninyo’y manood muna kayo ng sine at kami na lang ni Roselle ang pupunta sa baby’s at toy’s section. Maiinip lang kayo sa kabubuntot sa amin,” sabi ni Adelaida nang ipina-park na ni Frederick ang sasakyan.
“Eh, kung huwag ninyo na pong ibili ng gamit si Juniel,” naaasiwang sabi ni Roselle.
“Teka, hindi ko pa yata naririnig na tinawag mo akong “mama”?” nakangiting puna ni Adelaida sa kanya. “Naiilang ka pa ba sa amin, hija?”
“Hindi pa lang siya sanay, `Ma. Kadarating pa lang ninyo kasi,” sahod ni Frederick.
Nakababa na sila ng Pregio at ngayon ay papasok na sila sa mall.
Nagtama ang paningin nila ng binata at bakas sa mga mata nito ang panunukso.
Tumikhim muna si Roselle bago muling nagsalita. “Ano kasi, M-Mama... ang dami namang gamit ni Juniel sa bungalow. Mapagliliitan lang—”
“Roselle, hayaan mo naman kaming i-pamper ngayon ang apo namin.” Si Alfonso ang sumagot. “Wala kaming kamalay-malay na may apo na kami. Sa ganitong paraan man lang kami makabawi.”
“Ipasyal na lang natin. Sayang naman iyong mga ipamimili ninyo kung hindi naman niya magagamit.” Hindi niya malaman kung paanong tanggi ang gagawin niya. Ayaw niyang samantalahin ang dalawang matanda na gumastos sa anak niyang inaakala ng mga itong apo.
“Walang problema roon. Ipamimili natin siya ng mga gamit,” giit pa rin ni Adelaida. Ibinaba nito si Juniel at saka inakay sa paglalakad.
“Naku, lalo pong sayang,” nagpa-panic na sabi ni Roselle.
Pasimpleng tumabi sa paglalakad niya si Frederick. “Ano ka ba, Roselle. Pabayaan mo sila...” mariing bulong nito.
“Ayokong magsamantala,” sagot niyang pabulong din. Bumaling siya kay Adelaida. “Hindi naman kasi nasanay si Juniel na hindi ako katabing matulog. Huwag na po ninyong i-convert sa nursery ang isang kuwarto.”
“Ibig mong sabihin ay kasama ninyo pa rin si Juniel sa pagtulog?” kunot-noong wika nito.
Tumango siya.
Mahinang “ah” lamang ang narinig niyang tugon nito.
May dalawang oras din ang itinagal nilang lima sa amusement center ng mall bago nag-aya ang mga itong kumain sa Max’s Restaurant. Mag-aalas-sais na ng gabi kung kaya’t nang um-order ng heavy meal ang mga ito ay hinayaan na lamang niya.
Patapos na sila sa pagkain ng desert nang muling magsalita si Adelaida.
“Balikan natin iyong napansin ko kaninang nasa showroom ng Blim’s. Ang cute ng bed na pambata, iyon na lang ang ibili natin kay Juniel kung hindi sanay na nakabukod kay Roselle.”
Nasiko na siya ni Frederick bago niya nakuhang tumanggi. At wala na rin siyang nagawa sa kagustuhan ng mga magulang nitong bilhin ang lahat ng magustuhan para sa kanyang anak.
Nang lisanin nila ang mall ay kasunod na rin nila ang delivery truck ng Blim’s.
MALUWANG pa rin ang kuwarto ni Frederick kahit na nailagay na roon ang kama ni Juniel. Nagmistula ring nursery ang bahaging pinaglagyan ng kama dahil bukod doon ay marami pang children’s furnishings ang basta na lang pinagbibili ni Adelaida.
Sa paanan ng kama ay naroon ang dalawang mas malaki pa kay Juniel na stuffed toys.
Kung ‘di pa nakita ng mga itong nakatulog na ang bata ay hindi pa maiisipang iwanan sila. Para namang naalisan ng bara sa lalamunan si Roselle nang mawala sa paningin ang mga magulang ni Frederick.
Maingat niyang ibinaba ang anak sa kama at saka kinuha ang mga gamit nitong nasa kabilang kuwarto pa. Nagulat pa siya nang sa pagbalik ay makitang nakahiga si Juniel sa bagong kama.
Padaskol niyang ibinagsak ang mga dala sa carpeted na sahig. Hinanap ng paningin niya si Frederick. Nakarinig siya ng lagaslas ng tubig mula sa banyo.
Binalingan niya ang anak at dahan-dahang iniangat upang ilipat sana ng higaan. Nasa ganoon siyang ayos nang umingit at bumukas ang pinto ng banyo.
“Ginagambala mo ang tulog ng anak mo,” wika ni Frederick na nakapag-shower na. Kinukuskos nito ang ulo ng isa pang tuwalya habang ang isa’y nakatapi sa baywang nito.
Mabilis niyang binawi ang paningin dito. Dati na niyang nakikita ang halos hubad na katawan ng binata subalit sa mga company outings tuwing summer. Pero hindi sa ganitong pagkakataon na sila lamang sa isang pribadong silid.
“Nakapagbihis ka na ba?” mahina niyang tanong sa pangambang baka magising ang anak.
“Bakit hindi mo ako tingnan kung nakabihis na ba ako o hindi pa?” Nasa tono nito ang pambubuska.
Hinarap niya ito na bagaman hubad pa rin ang itaas ay nakasuot na ng shorts na pantulog. “Frederick, naman, konting finesse.” Pigil ang pag-alsa ng kanyang boses. “Huwag kang lumalabas nang nakahubad.”
“Nandito pa rin naman ako sa loob ng kuwarto, ah,” pilosopo nitong sagot.
“Nandito rin ako. Mahiya ka...” Umagaw sa sasabihin niya ang pag-ingit ni Juniel. Bumalik siya sa anak at saka tinapik ito.
“Ang ingay mo, ayan tuloy,” pang-aasar pa rin sa kanya ni Frederick.
Nang balingan niya ito ay prente nang nakalatag ang katawan sa kama. At sa ayos nito ay nag-uumpisa nang matulog. Malalaki ang hakbang na lumapit siya rito.
“Hoy! Diyan kami ni Juniel.” Yugyog niya sa balikat nito.
“Kung makukuha mo roon ang anak mo na hindi magigising,” sagot sa kanya ni Frederick na hindi dumidilat.
Hindi niya alam kung isinumpa siya nang araw na iyon. Nang bubuhatin na niya si Juniel ay nagsimula nang umiyak. Wala siyang nagawa kundi ibaba ito sa kinahihigaan. Kilala niya ang anak na sa sandaling maistorbo ang tulog ay mag-iiiyak na magdamag.
Padabog na naupo siya sa isang gilid ng kama. Alam niyang nagtutulug-tulugan lang si Frederick kaya nagsimula siyang magsalitang mag-isa.
“Mahirap din pala `pag malalim na ang pinag-ugatan ng friendship ninyo. Kagaya ngayon, ako na ang nakikipag-cooperate, mukhang ako pa ang matutulog sa carpet. Kahit na nga ba air-conditioned ang kuwarto, kung sa carpet naman ako nakahiga, mukha naman akong—”
Simbilis ng kidlat na bumangon si Frederick at hinaltak ang isang unan at kumot.
“Diyan ka na nga. Kokonsensiyahin mo pa ako...” bubulung-bulong nitong sabi.
Maluwang ang ngiti niyang ibinukas ang closet at kumuha ng ternong pajama. Matapos makapaglinis ng katawan ay naghanda na rin siya sa pagtulog. Nang madaan sa parte ng kinahihigaan ni Frederick ay yumuko siya rito.
“Frederick, sweet dreams.” Siya naman ang nang-iinis ngayon.
“Tumigil ka riyan. Nangangati na nga ang balat ko rito sa carpet,” ungol nito at saka sinabayan ng talukbong ng kumot.
Nangingiting nilayuan niya ito at minsan pang nilapitan ang anak, saka nahiga na.
ILANG araw pa ang lumipas na hindi nakapasok sa opisina si Roselle. Parating may lakad ang mag-asawang Alfonso at Adelaida at dahil gustong kasama palagi ang itinuturing na apo ay pinagbibigyan na rin niya. Hindi naman pumapayag ang mga ito na naiiwanan siya.
Nang umagang iyon ay nauna siyang bumangon kay Frederick. Nakahanda naman silang mag-outing ngayon sa Hidden Valley.
Naupo siya sa gilid ng kama at sa tabi ay nakasabog ang laman ng makeup kit. Nakaharap na siya sa kapirasong salamin nang lumabas si Frederick mula sa banyo.
Tulad ng dati ay hubad din ito at tuwalya lang ang tumatabing sa pang-ibabang katawan. Mabilis niyang binawi ang tingin dito.
Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lang kabilis ang sikdo ng dibdib niya sa tuwing makikita ang kaibigan sa ganoong ayos. Pinipilit na lamang niya na ignorahin ang kakaibang pakiramdam.
Subalit mukhang nagising si Frederick na nasa mood na alaskahin siya.
Bihis na ito ng pantalon nang lumapit sa kanya.
“Ngayon ko lang nadiskubre, hindi pala mag-uumpisa ang araw mo kapag hindi ka nag-drawing ng kilay. Bakit mo inahit `tapos guguhitan mo naman?” nambubuskang tanong nito.
“Hindi ko iyan binunot. Ini-improve ko lang ang itsura. Kasalanan ko bang ipinanganak na manipis ang kilay?” ganting-sagot niya na mas nakatuon ang atensiyon sa ginagawa.
“Kung ganito kaya ang gawin mo.” Bago pa niya nahulaan ang kalokohang gagawin ni Frederick ay nakontrol na nito ang kamay niyang may hawak na eyebrow pencil at nawala sa direksyon ang pagguguhit niya.
“Frederick!” asik niya.
Ngunit sa malas wari’y nasusian ang pagiging alaskador ng binata. Habang binabawi niya ang lapis ay sige naman ito sa pang-aagaw.
Sa isang pagbuwelo niya na sinabayan din ng puwersa ng binata ay nawalan siya ng panimbang. Nang mabuwal siya sa kama ay tangay din ang katawan ni Frederick na kung sinadya mang magpatangay nito ay hindi niya alam.
Biglang nanaig ang katahimikan sa buong kuwarto.
Naramdaman ni Roselle na nakakulong ang katawan niya sa katawan nito. Nakaipit ang isa niyang hita sa pagitan ng mamaskulado nitong mga binti. At sa dibdib niya’y dama niya ang sumisingaw na init ng hubad nitong dibdib.
Sandaling nagtagpo ang kanilang mga mata. Aware siyang walang puwang ang pagbibiruan sa mga sandaling iyon.
Nang kumilos ito para magpantay ang kanilang mga mukha ay nanatili siyang hindi tumitinag.
Humahagod sa pisngi niya ang hanging nagmumula sa ilong ng binata. Sa kanyang dibdib ay ramdam niyang kagaya ng pag-iiba ng ritmo ng pagtibok ng sariling puso ay ang mabilis ding pagtambol ng dibdib nito.
Nang bumaba ang mga labi nito para angkinin ang mga labi niya ay wala siyang ginawa para umiwas. Ipinikit niya ang mga mata at hinintay ang paglalapat ng kanilang mga labi.
Mainit ang mga labi nitong nagsimulang humagod sa kalambutan ng kanyang mga labi. Sa simula’y banayad, waring isinasaalang-alang ang damdamin niya. At ilang saglit matapos na walang maramdamang pagtutol mula sa kanya ay nagsimulang maging mapangahas ang binata.
Dumidiin ang mga halik nito. Bahagya niyang iniangat ang sarili upang isiksik sa katawan niya ang dalawang bisig nito. Nagbigay siya ng puwang para mayapos siya nito.
Napukaw ang damdamin niya sa masuyong pagdantay ng mga palad nito sa kanyang balat. Tumakas sa bibig niya ang isang mahinang ungol nang maramdamang lumalalim ang halik sa kanya ni Frederick.
Dama niya sa sariling katawan ang unti-unting pagniningas ng apoy na matagal na niyang pinatay. At ang bawat haplos ng binata sa kanyang balat ay nagsisilbing sindidong mitsa na gumagawa ng mga linyang patungo sa iisang direksyon.
Gumaganti siya rito ng halik. At sa ginawa niya ay lalong naging marubdob ang pag-angkin nito sa kanyang mga labi.
Naramdaman niyang nais magprotesta ng puso niya nang iwan nito ang kanyang mga labi. Segundo lang at naramdaman niyang dumampi sa punong-tainga niya ang mainit nitong mga labi.
Patawarin siya ng namatay niyang asawa pero wala siyang madamang pagtutol sa kanyang dibdib.
Nang dumako ang mga labi nito sa kanyang leeg ay awtomatikong yumakap ang isang kamay niya sa batok nito. Nasa isang maumbok na niyang dibdib ang kamay nito nang pukawin sila ng sunud-sunod na katok.
“Bihis ka na ba, Roselle?” Tinig iyon ni delaida.
Bigla ang balik ng reyalisasyon sa utak ni Roselle. Mabilis niyang naitulak si Frederick at nawala sa pagkakadagan sa kanya. Nagtuloy siya sa banyo para burahin ang maling makeup sa kanyang mukha.
Ipinagpasalamat niyang mag-isa na lang siya sa kuwarto nang lumabas siya ng banyo.
Nauna na raw umalis ang kanyang “asawa” ayon kay Adelaida.
Makaraan ang ilang saglit ay papaalis na rin sila.