WALANG dalawang oras ay nakabalik na sa bungalow si Frederick. Mula sa Pregio ay pinaghahablot nito ang mga naka-hanger pang damit na karamihan ay uniporme sa J&V Builders.
“Tulungan mo naman ako, Roselle. Kita mo nang hirap na hirap ako...” bubulung-bulong na sabi nito nang madaanan siya sa pintuan habang pinapanood niya ang paghahakot nito.
Paakyat na ito sa hagdan nang lumingon sa kanya. “Saan ko nga pala ito ilalagay?”
Rumehistro sa mukha ni Roselle ang pagkabigla. Tatlo nga ang kuwarto sa bungalow niya pero ang isa roon ay pinagagamit niya kay Didith. Silang mag-ina sa master’s bedroom at ang isa pang guest room ay ginawa niyang stockroom.
“Nakalimutan kong ipalinis iyong isang kuwarto,” nakangiwi niyang sagot.
“Fine, Roselle. Ako na ang gagawa ng paraan. Ipagluto mo na lang ako ng masarap,” anito at palagay ang loob na ipinagpatuloy ang paghahakot ng mga gamit nito.
Nagtungo sa kusina si Roselle at inilabas mula sa refrigerator ang stock na baka at itinapat sa gripo. Pinapalambot na niya ang karne sa pressure cooker nang marinig ang pag-iyak ng anak.
Mabilis siyang umakyat sa hagdan at pumasok sa silid para matigilan lamang sa nabungaran.
“P-Papa? Papa?” Nakabangon na sa kama si Juniel at ngayon ay nakatingala sa malaking bulto ni Frederick.
Hindi malaman ni Roselle kung ano ang nararamdaman sa mga sandaling iyon, lalo pa’t ni-recognize ng binata ang pagtawag ng anak niya rito.
Naupo ito sa gilid ng kama at inilahad ang kamay sa bata.
“Come here, Juniel,” masuyong tawag nito at nang mag-abot ang kamay nito at maliit na palad ng bata ay dinukwang na at saka kinandong. “Sabihin mo nga ulit... Papa.”
“P-Papa,” ulit naman ng bata.
“Anak!” Napalaki ang hakbang niya papasok sa kuwarto.
Noon lang din napansin ni Frederick ang presensiya niya. Nang kunin niya ang anak sa bisig nito ay nagwala ito.
“P-Papa... Papa.” Ang isang kamay ay humahabol kay Frederick.
Nangingilid ang luhang niyakap niya ang anak. “Sino`ng nagturo sa iyo ng ganoon, Juniel?” tanong niya rito na waring nakakaintindi sa sinabi niya.
“Matalino ang anak mo. Hindi na kailangang turuan.” Si Frederick ang sumagot.
Nilingon niya ito. Nakasandig ito sa isang bahagi ng built-in closet at nakasuksok sa magkabilang bulsa ng pantalon ang mga kamay.
“Ano nga pala’ng ginagawa mo rito sa kuwarto namin?” sita niya sa binata.
“Diyan ko isinama ang mga damit ko,” walang anumang sagot nito. “Alangan namang sa mga gamit ni Didith ko ilagay iyang mga dala ko. Iyong kabilang kuwarto naman pala ay miniature ng Jurassic Park.”
“Nang-insulto ka pa.” Inirapan niya ito.
Inaasahan niyang simula na naman iyon ng buskahan nila ngunit humakbang ito palapit sa kanilang mag-ina.
“Ako na muna ang bahala sa bata at bumaba ka na roon.”
Hindi pa man niya iniabot ang anak ay kusa na nitong ibinuka ang dalawang bisig at dumukwang kay Frederick.
PATAPOS na sila sa paghahapunan nang tumunog ang pager ni Frederick. Saglit nitong iniwan ang pagkain at tinungo ang divider na pinagpatungan ng aparato.
Naiiling na bumalik ito sa dining table. “Si Jason. Naghihintay raw ang mama na bumalik tayo ngayon sa New Manila. Ipinasasama si Juniel.”
“Gabi na. Mahahamugan ang bata,” tanggi niya.
Tumango ito. “Ayaw ko rin naman. May masakit pa kay Juniel. Baka mag-iiyak lang doon, lalo’t maraming unfamiliar faces na makikita.”
Tinapos na ni Roselle ang pagpapakain sa anak, pagkuwa’y inakay na niya ito.
“Lilinisan ko si Juniel. Tawagan mo ang mama mo at sabihin mo na lang na pinapatulog ko itong bata.”
“Sige. Ako na’ng bahalang mag-explain sa kanila.”
IPINAKUHA ni Roselle kay Didith ang nasa stock- room na folding bed na may built-in mattress. Kasalukuyan siyang naglalabas ng blanket nang bumungad sa kuwarto si Frederick. Ito ang may dala ng folding bed.
“Huwag mo naman akong patulugin sa sala, Roselle. Malamok doon,” nakikiusap ang anyong sabi nito.
“Mayroon akong insect repellant, ibibigay ko sa iyo.”
“Roselle, hindi ako sanay nang walang aircon,” bulalas nito.
“Dalawang bentilador ang ipagagamit ko sa iyo.” Itinuloy niya ang pang-asar nang makitang naaapektuhan ito.
“Basta, dito ako.” Inilatag na nito ang folding bed sa espasyo sa kabilang gilid ng kama. Kinuha nito ang kumot na hawak niya at isinapin doon. Halos pumantay ito sa mababang kama kaya `pag nahiga ay parang nakatabi na rin ito sa natutulog na si Juniel.
“Hindi ka puwede rito. Ano na lang ang sasabihin ni Didith?” Naghisterya na siya.
“Huwag mong intindihin si Didith. Tulog na iyon at bukas ay mauuna naman akong magising kaysa sa kanya.”
Magpoprotesta pa sana siya nang gulantangin sila ng sunud-sunod na pagpindot sa doorbell. Nagboluntaryo na ang binata na magbukas sa pinto.
“Roselle, pasensiya ka na, hija. Hindi ako mapakaling hindi man lang masilip si Juniel ngayong nalaman kong may anak na pala kayo.” Diretsong pumasok sa kuwarto niya ang matandang babae, kasunod nito ang papa ni Frederick.
Nasa mga mata ng mga ito ang kasabikang mahawakan ang anak niya subalit pinagkasya na lamang ang mga sariling pagmasdan ang nahihimbing na bata.
Napansin ng ginang ang gasa sa noo ni Juniel.
Nagtatanong ang mga matang napatingin si Roselle kay Frederick. Nagkibit-balikat lamang ang binata.
“Eto ba’ng itinawag sa iyo na emergency kanina?”
Tumango siya at napilitang magkuwento ng nangyari. Habang nagsasalita siya ay umiikot ang paningin ng mga magulang ni Frederick sa kabuuan ng silid at nang hindi na makatiis ay nagtanong ito.
“Don’t get me wrong, hija. Pero parang masikip yata sa inyong pamilya ang lugar na ito. Huwag mong sabihing sa folding bed nahihiga si Rex?” Napako ang tingin nito sa nakalatag na folding bed.
“Ngayon lang naman, `Ma,” agap ni Frederick. “Naglalambing si Juniel kaya nakatabi sa kanya.”
“Ang luwang sa New Manila, bakit hindi kayo roon mag-stay?” suhestiyon ng papa nito.
Hinintay niyang muling sumalo sa usapan si Frederick ngunit nang magtama ang paningin nila ay tila sa kanya ipinauubaya nito ang pagpapasya sa bagay na iyon.
“Dito ko na po ipinagbuntis si Juniel at saka sariling pundar po namin itong bahay,” may pagmamalaking sagot ni Roselle.
Nang lumingon siya sa binata ay hindi niya siguradong naging kontento ito sa isinagot niya. Subalit nakita niya ang lambong sa mga mata nito.
“I see,” sang-ayon ng matandang lalaki. “Pero baka naman puwedeng i-request namin na pansamantala muna kayong tumira sa New Manila habang nagbabakasyon kami rito. Para makalaro naman namin si Juniel.”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong sumagot si Frederick. “Maghahakot talaga kami roon bukas, ‘Pa. Inaayos na nga namin ang dadalhin, eh.”
Nanunukso ang mga mata nito nang sumulyap sa kanya.
Naisahan kita.