HINDI pa halos naipaparada ni Frederick nang maayos ang sasakyan ay nakababa na si Roselle at tinakbo na lamang ang emergency room. Muntik na siyang madapa pero ang mas iniintindiniya ay ang kalagayan ng anak.
Lalong lumakas ang iyak ni Juniel pagkakita sa kanya. Nagwawala ang bata para makaalpas sa pagkakahawak ni Didith habang sinusuri ng doktor ang noo nito.
“Napa’no si Juniel?”
“Kasi... Ate...” Nasa tinig ni Didith ang pag-amin sa pagkukulang nito.
“Pinabayaan mo?” Ayaw mang magtaas ng boses ay nagawa na ni Roselle.
“Naglalaba ako ng mga pinagbihisan niya, hindi ko naman napansing gumagabay siya paakyat sa hagdanan,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Didith.
Kung ‘di lamang nagpapalahaw ng iyak si Juniel ay papagalitan pa sana niya ang katulong. Natuon ang atensiyon niya sa anak na nagsusumiksik na sa pagkakayakap sa kanya.
Parang pinipiga ang puso niya nang tahiin ng doktor ang biyak nito sa kaliwang bahagi ng noo. Wala nang luha ito ngunit napuno pa rin ng palahaw nito ang buong emergency room.
Nang matapos takpan ng gasa ang sugat nito ay humihikbi na lamang ito.
Karga na ni Roselle ang anak nang magbayad sa kahera ng ospital.
Nagulat pa siya nang sa pagpihit ay makasalubong si Frederick. Noon lang niya naalala na kasama pala niyang sumugod sa ospital ang binata.
“Ako na’ng kakarga. Mukhang nangangawit ka na,” boluntaryo nito.
Tiningnan niya ang anak. Sa hirap na dinanas ay nakatulog na ito at nakalungayngay na ang ulo sa kanyang balikat.
“Ako na lang. Baka magising pa, umiyak na naman.”
Tinungo na nila ang parking area. Nakasakay na siya sa kotse ng binata nang maalala ang katulong.
“Si Didith nga pala, napansin mo ba?”
Tumango si Frederick. “Sa akin na nagpaalan na mauuna na raw umuwi. Natatakot sa iyo. Siguro’y pinagalitan mo,” sagot nito.
Nilinga niya ang katabi. Nang matiyak na hindi naman ito nanunumbat ay saka siya sumagot.
“Natural na magalit ako. Ipinagkatiwala ko sa kanya itong anak ko, `tapos ganito ang nangyari. Sabi ko naman sa kanya, huwag niyang ilalayo ang atensiyon kay Juniel. Inuna pa niya ang paglalaba.”
“Iba talaga iyong mismong ina ang tumitingin sa sariling anak,” komento ni Frederick.
“Pinariringgan mo ba ako? Alam mo namang dadalawa kaming mag-ina. Walang maghahanapbuhay kung `di ako rin,” katwiran niya habang inaayos nang pagkakahiga sa kandungan niya ang anak.
“Mag-asawa ka ulit. Let the husband provide for his family. May makakatuwang ka pa sa pag-aaruga sa anak mo.”
Pinakiramdaman niya kung nagbibiro ito ngunit ni hindi ito ngumingiti at ang buong atensiyon ay nasa pagmamaneho.
“Hindi ko na kailangan ng asawa. Kontento na `ko kay Juniel. Saka isa pa, sino naman ang iibig sa kagaya kong may extra baggage?”
“Meron, Roselle,” sagot nito, saka saglit na sinulyapan ang anak niyang tulog pa rin. “Saka hindi extra baggage ang kagaya ni Juniel. Ang tawag diyan, added blessing.”
“Tumigil ka na riyan. Baka imbes na hindi ako maghanap ng wala ay maghanap pa ako,” saway niya sa kaibigan.
“Paminsan-minsan lang akong magseryoso, Roselle. Open your eyes. Lumalaki si Juniel at nadadalas ang reunion ninyo sa pediatrician niya. At ngayong huli ay naaksidente pa. Knock on wood, baka sa susunod na pag-uwi mo, basag na ang bungo ng anak mo.”
“That’s morbid—”
“Hindi. I’m just stating the realities of life. Maghapon kang nasa opisina. Kahit madalas kang tumawag sa bahay, iba pa rin iyong ikaw mismo ang nakakakita sa anak mo—”
“That’s the conventional way of raising a child,” singit niya.
“But ineffective.” Si Frederick muli. “Aware ka naman siguro sa word of mouth ngayon. Emotional intelligence. Hindi lang sa brand ng gatas nakukuha iyon.”
“So you suggest na ako ang mismong mag-alaga kay Juniel? Hindi kami kakain kapag hindi ako nagtrabaho.”
“There’s a way, Roselle.”
“What way, ang mag-asawa ako uli?” Mula nang mamatay si June ay hindi na niya ine-entertain sa isip ang ideya ng pag-aasawang muli.
“Right. Pero doon sa mamahalin ang anak mo, siyempre.”
“Walang lalaking martir. Siyempre, kayo, ang gusto ninyo, brand new.”
Nilingon siya nito. “Hindi lahat. Malay mo, hindi ako kasali sa mga lalaking sinasabi mo.”
“What do you mean?” Nanlaki ang mga mata niya nang maisip ang ibig sabihin ng mga pananalita nito. “Ayan ka na naman! Pinaglololoko mo na naman ako.” Hindi niya nakontrol ang pagtaas ng boses.
Bahagyang umingit ang natutulog na si Juniel.
“Overreacting ka, Roselle. Naaabala tuloy ang pagtulog ng bata,” pansin ni Frederick habang tinatapik-tapik niya ang isang hita ng anak. “Akala mo kasi, lagi na lang kitang binibiro,” dugtong pa nito.
“Ibig mong sabihin, seryoso ka niyang lagay na iyan?” Dinaan niya sa bahaw na tawa ang sagot. Nararamdaman niya ang namumuong tensiyon sa itinatakbo ng usapan nila.
Mataman siyang tinitigan nito. “Mukha ba akong nagbibiro ngayon?”
NANG maihatid sila ni Frederick sa bahay ay ito na mismo ang kumuha kay Juniel na tulog pa rin. Binilisan ni Roselle ang mga hakbang at naunang pumasok sa kuwarto nilang mag-ina upang iayos ang kama ng anak.
Nang maihiga sa kama ang bata ay naalimpungatan ito kaya naman mabilis niyang dinaluhan ito. Balisa pa rin si Juniel, at dala ng damdaming-ina ay nahiga na rin siya sa tabi nito at ipinadama ang init ng kanyang dibdib.
Payapa na ang paghinga nito nang bumangon siya. Nagulat pa siya nang makitang naroon pa rin si Frederick sa pinto ng kuwarto.
“Naku, sorry. Nakalimutan kong kasama kita.” Mabilis niyang inayos ang nalukot na damit at nagpatiuna nang lumabas ng kuwarto.
“Okay lang,” nakauunawang wika nito.
Pareho silang napatda pababa ng hagdan nang makitang nakatayo sa sala si Didith. Sa paanan nito ay ang malaking bag na mahihinuhang puno ng damit.
“Uuwi na ako sa Bicol, Ate,” wika nito sa tonong kahit hindi niya payagan ay aalis pa rin.
Tinging nanghihingi ng tulong ang mababasa sa mga mata niya nang lumingon siya kay Frederick.
Binigyan siya ng assuring smile ng binata. “Bumalik ka na kay Juniel at ako na’ng kakausap kay Didith,” wika nito matapos tapikin ang balikat niya.
Parang masunuring batang muli siyang bumalik sa kuwarto. Nakaidlip siya sa tabi ni Juniel at nagulantang lang nang makarinig ng sunud-sunod na katok.
“One problem solved.” Nakangiting mukha ni Frederick ang tumambad sa kanya. “Napakiusapan kong mag-stay muna sa iyo si Didith hangga’t wala ka pang nakukuhang kapalit.”
Nabuhayan siya ng loob. “Thanks.”
“Pero mayroong mas malaking problema.” Nagbago ang ekspresyon ng mukha ng binata.
Nangunot ang noo niya. “Tungkol saan?”
“Halika, pag-usapan natin.” Inakbayan siya nito at iginiya pababa ng hagdan.
Gusto niyang alisin ang pagkakaatang ng braso nito sa kanyang balikat subalit ayaw naman niyang isipin nito na binibigyang-malisya niya ang simpleng pag-akbay nito. At aminado siyang nakakaramdam din siya ng isang klase ng comfort sa gesture na iyon ng binata.
Tumabi sa kanya ito ng upo at hinayaan na lang niya iyon.
“It’s about my parents,” sabi nito bago pa man niya naitanong kung ano ang pag-uusapan nila. “They were all eyes and ears sa ating dalawa nang magmadali kang umalis. And of course, kung sino si Juniel.”
“Nasabi ko yatang anak ko,” nagdududa sa sariling wika niya
“Yeah. Which is okay dahil hindi mo naman dapat i-deny si Juniel. It’s just that I told them na anak natin si Juniel.”
Awang ang mga labing napatanga siya sa katabi.
“Sinabi mong anak mo, eh, de anak ko na rin. Roselle, they have been in America for more than eight years. Sino’ng magdududang baka hindi ko anak si Juniel? May similarity pa nga kami, `di ba?”
“Nagiging mas complicated yata,” tanging nasabi niya.
“Ayaw mo na? Gusto mo nang umatras?” Nasa tinig nito ang pag-aalala.
“Hindi naman sa ganoon. I mean, baka hindi rin natin sila makumbinsi. Iba iyong sitwasyon na kasama pa ang anak ko dahil sinabi mong anak mo si Juniel. Siguradong gugustuhin siyang makita ng mama’t papa mo,” nag-aalangang paliwanag niya.
“Roselle, I’m holding on to your cooperation,” may himig-pakiusap na saad ng binata.
“Hindi na ba natin kayang bawiin sa kanila ang palabas?”
Malungkot na umiling ito; pagkuwa’y kinuha nito ang sariling pager at ipinakita sa kanya ang mga huling messages. Mga mensaheng galing sa mga magulang nito at nagpapahayag ng kasabikang makita ang “apo”.
“M-maguguluhan ang anak ko,” tila wala sa sariling sabi ni Roselle. “Pero... sige...”
“Thank you, Roselle. Thanks.” Bugso ng katuwaan ay kinabig siya nito at niyakap.
Napamulagat siya. Kakaiba ang init na nagmumula sa katawan ng binata at naghahatid iyon ng kilabot lalo pa’t naramdaman niya ang masuyong hagod nito sa kanyang likod.
Itinapat niya ang dalawang palad sa magkabilang balikat nito.
“Frederick,” mabuway niyang saway.
Kumalas ito sa kanya. Hinintay niyang mag-sorry ito subalit wala sa itsura nitong gagawin iyon.
“Now, let’s talk about our set up.” Hinawakan nito ang isang kamay niya at pinagsumping ang mga daliri.
“Ayokong umalis dito,” matigas niyang tanggi matapos marinig ang plano nito.
“Bakit kakailanganing kami ng anak ko ang lumipat sa New Manila? Ikaw ang maghakot ng gamit mo rito kung gusto mo,” patuloy niya.
“Roselle, ako ang padre-de-pamilya. Dala-dalawa ang bahay ko. Tapos dito ako titira? Ano na lang ang sasabihin nila sa akin?” argumento nito.
“Paano ko naman ipaliliwanag sa nanay ko na nakatira ako sa bahay mo, eh, walang kaabug-abog kung lumuwas iyon ng Maynila?” Bata pa nang maulila siya sa kanyang ama at paminsan-minsang dinadalaw siya ng kanyang inang galing pa sa Bacolod.
“Roselle, bago dumalaw sa iyo ang nanay mo, nakabalik na sa Amerika ang parents ko.”
“Frederick, ang dami mo nang pabor na hinihingi, ah! Hindi na ako kumbinsido niyan.”
“Kailangan magsama tayo sa iisang bahay—”
“Payag naman ako, `di ba? Linawin natin, bahay lang at hindi sa iisang kuwarto,” wika niyang napataas ang tono ng boses.
“Huwag kang sumigaw, hindi ako bingi,” nang-aasar na sabi ni Frederick.
“Last card mo, dito sa bahay ko o ako mismo ang magsasabi sa mama mo na nagdadrama lang tayo?” pananakot niya sa binata.
Padarag itong tumayo. “Hoy, Roselle! Ang tapang-tapang mo ngayon, palibhasa hawak mo’ng leeg ko. Tandaan mo, makabalik lang sila sa Amerika—”
“Ano? Ano’ng gagawin mo?” Tumayo rin siya at pinamaywangan ito.
Kakamut-kamot ng ulo ang binata na humakbang palabas ng bungalow. “Kunwa-kunwarian lang tayong mag-asawa, Roselle. Emote na emote ka namang under-in ako.”
Nang-uuyam ang ngiti niya rito. “Pasensiya ka, nasa akin yata ang lahat ng alas.”
“Hahakutin ko na’ng mga gamit ko!” pasigaw na nagpaalam ito sa kanya.
Naipasok na nito ang susi sa ignition nang sumungaw sa pinto si Roselle.
“Ingat!”