PAGKABABANG-PAGKABABA ng telepono ay nagbilin si Roselle kay Maya at kaagad na nilisan ang J&V Builders. Pasakay na siya sa taxi nang maramdaman ang pagkalam ng sikmura. Subalit mas nakatuon ang isip niya sa pagpunta kay Frederick.
“Mama, pakidaan na ho sa alam ninyong shortcut. Naghahabol ho ako ng oras,” bilin niya sa driver nang sumakay.
Isinandal niya ang sarili sa upuan at sinubukang mag-relax. Malabo sa kanya ang hinihinging tulong ni Frederick subalit dahil natunugan niyang may problema ito ay hindi na niya nilinaw. At nang sabihin sa kanyang pumunta sa bahay nito sa New Manila ay kaagad siyang sumang-ayon.
Kahit nagtataka ay kinumpirma niya ang address nito sa New Manila. Bahay iyon ng mga magulang ni Frederick, bagaman ang alam niya ay sa sariling bachelor’s pad sa Bohol Avenue ito naglalagi.
Tanaw na niya ang gate ng malaking bahay ng mga magulang nito nang maramdaman ang paggalaw ng pager na nasa kanyang baywang.
Roselle, I’m begging you to come. Nasa iyo ang buhay ko.
Galing ang message kay Frederick. Lalo tuloy siyang naalarma.
Hindi nito ugali na biru-biruin siya hanggang sa extent ng pagse-send ng message sa pager niya. Alam nitong ang primary purpose ng pagkuha niya ng pager ay kung may emergency kay Juniel.
PARANG naplantsa ang pagkakunot ng noo ni Frederick nang makita si Roselle na bumababa ng taxi.
Malalaki ang mga hakbang nito na sumalubong ito. “Roselle, thanks.” May sigla sa tinig nito.
“Ano ba’ng problema?” Nilinga niya ito na waring nag-aalangan kung hahawakan siya o aakbayan.
“Dumating ang mga parents ko and I need you badly. Makisakay ka lang at ako’ng bahala sa iyo.” Magkahalong pakiusap at pagmamakaawa ang nakikita niya sa mga mata ng binata.
“Utang mo ito sa akin, ha!” Patianod niyang idinaan sa biro ang sinabi.
“Oo. Ako’ng bahala sa iyo. Kahit ientrega ko pa sa iyo ang buong suweldo ko. Basta saluhin mo lang ako ngayon.”
Lumuwang ang ngiti niya. “Sinabi mo na iyan sa akin noon.”
“Ikaw ang tumangging magtago ng ATM card ko noon, `di ba?” paalala nito sa kanya. “This time, kahit ayaw mo, ibibigay ko sa iyo, basta tulungan mo lang ako.”
“Hindi na masama. Triple yata ng suweldo ko sa bayad sa iyo ng J&V. Maiti-treat ko si Juniel sa Hong Kong.”
“Konting tanggi naman, Roselle. Magpakipot ka nang kaunti.” Siniko siya nito. Nasa mukha pa rin nito ang relief na dumating siya.
“Ay! Ayoko yatang lumabo ang mata.”
“O, sige. Seryoso na ngayon, okay?” Nasa sala na sila. “Just do what do you think will save me.”
Anhin man niyang tingnan ay wala siyang makitang problema ni Frederick. Nang bumungad siya sa sala ay para siyang nailang pagkakita sa sampung katao na sa pagkakatanda niya ay mga kamag-anak ni Frederick, base na rin sa mga litratong ipinapakita nito sa kanya.
PAKIRAMDAM ni Roselle ay outsider siya sa kung anumang okasyon mayroon sa pamilya ni Frederick. At lalong nakapagpailang sa pakiramdam niya na para siyang bagong kotse na iniinspeksyon ng bawat isa.
Lahat yata ng naroroon ay may iba’t ibang palagay sa kanya. Nakikita niya sa mga mata ng mga ito ang kuryusidad. Sa iba’y shock ang nakalarawan sa mukha. Ang isang babaeng nahagip ng paningin niya sa bungad ng dining area ay halatang disgusto ang mababakas sa mga mata nito.
Subalit hindi ang mama ni Frederick. Maaliwalas ang mukha ng ginang na nauna pang nakabawi sa kabiglaanan sa pagbungad nila. Nang malapit na ito sa kanila ay ibinuka ang dalawang braso at niyakap siya at hinalikan sa pisngi.
“Welcome to the family, hija,” malugod nitong sabi sa kanya.
Parang gusto niyang mabuwal. Hindi niya maunawaan ang sinabi nito. At bago pa siya nakapag-react ay isa-isa na ring bumati sa kanya ang iba pang kamag-anak ni Frederick na naroon.
“‘Langhiya naman, ‘insan. Kaya naman pala kahit anong kumbinsi namin sa iyo, malaki naman pala ang dahilan kung bakit ayaw mong magpapetisyon. Iyon pala’y champion ang pinagkakaabalahan mo rito,” narinig niyang kantiyaw ng isang lalaking hindi nalalayo ng edad kay Frederick.
“Tumigil ka riyan, Jason,” saway ni Frederick.
Nilingon niya ang binata at hinintay ang isasagot pa nito subalit ang kantiyaw ng isa ay nasundan pa ng ibang mga pinsan.
“Maupo tayo, hija,” anyaya ng ama ni Frederick.
Hindi siya tumanggi. Naramdaman niya ang panlalambot ng kanyang mga tuhod nang matanto kung ano ang sinasabing problema ni Frederick. Sa pakiwari niya ay sa kanya unti-unting nasasalin ang problema nito.
“‘Roselle’ pala ang pangalan mo. Feminine na feminine. Kagaya ng pagkakakita ko sa iyo. Kumusta ka?” Waring nakaplaster na sa mga labi ng mama ni Frederick ang ngiti.
Sa mga ngiting iyon, kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya.
“Mabuti naman po.” Sinuklian niya ng ngiti ang matandang babae. Donyang-donya ang dating nito subalit wala ang aura ng pagiging matapobre.
“Nag-iisa naming anak si Frederick. At wala kaming kamalay-malay nitong esposo ko sa nangyayari sa kanya. Alam mo bang kaya kami nagdesisyong umuwi ng Pilipinas ay para isama na pabalik sa San Diego si Frederick? Nataon namang maluwag ang schedule ng mga pinsan niya kaya heto, halos kami-kami ang pasahero ng Northwest Airlines,” kuwento ng mama ng binata habang may kung anong hinahagilap sa leather bag nitong sinlaki yata ng bayong.
“Mag-isa na lang kasi rito si Frederick. Lagi naming sinasabi sa kanyang wala na kaming balak bumalik dito. Nakagamayan na namin ang buhay sa Amerika, that’s why we keep on convincing him na sumunod na sa amin. Wala rin namang ibang ginawa kundi tanggihan kami.” Kagaya ng matandang babae ay makuwento rin ang papa ni Frederick. Tipong madaling makagaan ng loob at palagay niya ay sa ama nagmana ng pagiging friendly ang binata.
“There you are.” Napalingon si Roselle nang marinig ang boses ni Frederick.
Kabuntot pa rin nito ang mga pinsang parang nasusian sa panunukso. At sa malas ay siya naman ngayon ang nakatakdang atakihin.
“Matibay siguro ang helmet na ipinasuot sa iyo ni Rex, `no? Sabihin mo lang `pag nauntog ka na’t ibo-blowout ka pa namin,” wika ng pasimuno sa pangangantiyaw.
“Doon na kayo, dear cousins. Seryosohan na kami rito,” taboy ni Frederick at anyong makikiupo sa kanilang tatlo nang tumayo siya.
“Excuse me po,” pasintabi niya sa mag-asawa. “May pag-uusapan lang po kami sandali ni R-Rex,” wika niyang naaasiwa sa pagtukoy sa binata sa palayaw nito. At bago pa nakapagprotesta si Frederick ay binigyan na niya ito ng tinging parang nagdidisiplina kay Juniel.
Alanganin man ay napilitang sumunod sa kanya si Frederick nang tunguhin niya ang main door.
“Huwag kang uuwi, Roselle.” Mahina ang tinig nito ngunit naroon ang pagpa-panic.
“Ano’ng kalokohan ito, Frederick?” sita niya sa binata nang matiyak na solo nila ang terrace.
“Naipit ako. Papunta na ako sa job site kanina nang matanggap ko sa pager na nasa airport na sila. Kaya sa halip na dumiretso ako sa trabaho, sinundo ko sila. Maagap lang na nabulungan ako ni Jason na kaya kasama nila si Charlotte ay para ipakasal sa akin. Pilipina ang ina at marunong ding mag-Tagalog though mas westernized ang lifestyle.”
“Sa nakita ko sa iyong parents, wala sa itsura nilang dodominahan ka pagdating sa bagay na iyan.”
“Mali ka riyan. Napuno na siguro sa kakukumbinsi sa aking sumunod sa kanila roon. Kaya dinalhan ako rito ng mapapangasawang magtatangay sa akin sa Amerika.”
“Tanggihan mo na lang. Bakit kailangang masama ako sa usapang ito?” Ang trademark niyang pagsasalubong ng mga kilay ay minsan pang lumarawan sa kanyang mukha.
Lumapit si Frederick at walang babalang hinagod ng dalawang hinlalaki nito ang mga kilay niya.
“Huwag ka namang ganyan, Roselle. Tinatakot mo ako `pag nagbe-Bella Flores ka, eh. I-relax mo lang iyang kilay mong drawing.”
“Frederick, hindi ako nakikipagbiruan.” Pinalis niya ang mga kamay nito at humalukipkip.
Kagaya niya ay sumandal din ito sa balustre. “Hindi rin nagbibiro ang mama na ipaka-kasal sa akin si Charlotte. Tingnan mo naman, isinama pa rito ang `Kanang iyon.”
“Ayaw mo n’on? Lahat ng magiging anak mo ay mestisa.”
“Mestisang tadtad ng pekas? `Di bale na lang. Mas type ko’ng kagaya ni Juniel. Parang kamukha ko rin. Moreno ang kulay. Lalaking-lalaki ang dating. Sigurado ako, sasakit ang ulo mo sa mga babaeng maghahabol sa anak mo `pag nagbinata iyon.” Nanunukso ang mga mata nito nang sulyapan niya.
“Huwag mong isali si Juniel dito.”
“Ikaw, eh. Bumanggit ka ng anak, eh, de unang pumasok sa isip ko ang anak mo.”
“Huwag mo akong libangin. Ipaliwanag mo sa akin kung ano ang pinagtahi-tahi mong dahilan para makalusot ka sa problemang ito at minalas na idinamay mo pa ako. Akala ko pa naman, magkaibigan tayo.” Sinadya niyang magtonong naghihinanakit ang boses para lalong makonsiyensiya ito sa ginawa nitong pagsasangkot sa kanya.
“Magkaibigan nga tayo. Kaya nga ikaw ang una kong naisip kanina. What are friends for kung hindi tayo magtutulungan?” Sa halip na makonsiyensiya ay siya pa ang kinonsiyensiya nito.
“Nagpapatulong ka sa akin, eh, ako naman ang ibinabaon mo sa gipit,” ingos niya rito.
“Please, Roselle. Malay mo, time will come, ikaw naman ang hihingi ng tulong sa akin? Isinusumpa ko sa iyo, sa harap mismo nitong driftwood na inaanay na yata, tutulungan kita with all my heart.” Itinaas pa nito ang kanang kamay.
“Nagloloko ka na naman, eh.” Lumabi siya. “Sabihin mo muna sa akin kung ano ang alam ng parents mo tungkol sa atin at nang mahusayan ko ang pag-arte,” aniyang nakumbinsi rin nang bandang huli.
May kasamang relief ang ginawang paghugot ng hininga ni Frederick nang marinig ang tinuran niya.
“Thank you!” At sa pagka-shock niya ay mabilis siya nitong kinintalan ng halik sa pisngi.
“Frederick! Sasampalin kita, hah! May pahalik-halik ka pa ngayon diyan!” Pinanlakihan niya ito ng mga mata.
Hindi nito pinansin ang reaction niya; bagkus ay kinuha nito ang isa niyang kamay.
“Roselle, unang-una, huwag mo akong nilalabian. Mukha kang girlfriend na naglalambing kapag ganoon. Nakakalimutan kong biyuda ka. About my parents, sabi ko lang naman sa kanila ay bale-wala ang pagpunta ni Charlotte dito sa Pilipinas dahil mayroon nang babaeng nagmamay-ari ng puso ko. Malalim iyon, `di ba?” Kinindatan siya nito.
Nakatuon ang tingin niya sa sariling kamay na hawak-hawak nito.
“Wala bang mas mababaw roon? Iyong mas madaling intindihin. Ano ang palagay mong akala nila sa akin, girlfriend o fling? I think, I can perform that role well. Pero not being a wife. Complicated na iyon.” Tinangka niyang bawiin ang kamay subalit hindi nito iyon pinakawalan.
Nagkibit-balikat ito. “Basta iyon ang sinabi ko sa kanila. Hindi naman nila ako kinulit. Hindi ko na rin pinag-isipan kung ano nga ang iro-role play mo sa harap nila. Kung ano na lang ang akala nila, okay? Anyway, welcome ka naman sa pamilya, `di ba?” Masuyong humagod ang isang palad nito hanggang sa braso niya.
Ipinilig niya ang ulo nang tila may kuryenteng binuhay sa katawan niya sa simpleng gesture na iyon ng binata.
Mabilis niyang binawi ang kamay. “Hindi ako sasabungin, Frederick. Huwag mo akong ganyanin.” Inirapan niya ito.
Nasa aktong sisikmatin pa sana siya nito nang may marinig silang ibang tinig.
“Nagkakatampuhan pa yata kayong mag-asawa.”
Pareho silang nagulat nang biglang sumulpot sa terrace ang mama nito.
Nang magtama ang paningin nila ay nakita niya sa mga mata nito ang pangambang baka narinig ang usapan nila. Samantalang halos mawalan naman ng kulay ang mukha niya nang mapagtanto ang pagkakaalam ng magulang nito tungkol sa relasyon nilang dalawa.
Unang nakabawi si Frederick. Sa halip na muling kunin ang kamay niya ay iniyakap nito ang isang bisig sa kanyang baywang.
“Hindi, ‘Ma. Dumating na ba ang inutusan ninyo sa Wendy’s?” pagliligaw nito sa isip ng ina.
“Nasa loob na. Mabuti pa’y kumain na rin kayo at tingin ko kay Roselle ay namumutla na. Nananghalian ka ba, hija?” concerned na tanong nito.
Wala sa loob na umiling siya. Alam niyang hindi ang pagliban niya ng pananghalian ang dahilan ng pamumutla niya. Kung alin pa ang hinihiling niyang hindi iarte sa harap ng mga magulng ni Frederick ay siya pang ipinagpalagay ng mga ito.
“Tara na sa loob at baka ako na ang kainin nito,” pabirong sabi ni Frederick.
Naramdaman niya ang marahang pagpisil nito sa kanyang baywang kaya patay-malisya niyang tinangkang alisin ang pagkakayakap nito sa kanya roon.
Naging tampulan sila ng tukso nang makabalik sila sa loob maliban kay Charlotte na laging pairap ang tingin sa kanya.
Na-challenge ang pagiging babae niya kaya hinusayan na rin niya ang pag-arte base sa request sa kanya ni Frederick. Extra lambing pa ang ginawa niya sa binata, lalo at aware siyang nakasunod palagi ang tingin sa kanila ni Charlotte.
“Marami tayong dapat pag-usapan, Frederick, Roselle,” tawag-pansin ng papa ng binata. “Hindi mo man lang ipinaalam sa aming nag-asawa ka na, Rex. Samantalang regular naman ang pag-o-overseas call namin sa iyo.”
“Saka na iyan,” malambing na saway ng mama ni Frederick sa asawa. “Roselle, I suggest na mag-file muna kayong mag-asawa ng vacation leave. So that we’ll have enough time to catch up on things.” At minsan pang sumilay sa matandang babae ang magiliw na ngiting alam niyang mahirap tanggihan.
“Postponed ba ang pangangaliskis, Tita?” sabad ni Jason na tila hindi nabusog sa bacon cheeseburger at kumuha ng isa pa.
“Tumigil ka riyan, Jason. Baka ma-traumatize itong si Roselle,” saway ng ginang sa pamangkin. Binalingan nito si Roselle. “Hija, huwag mong intindihin iyang pinsan ni Rex, talagang—” Tumigil ito nang makitang hinugot niya ang pager at binasa ang nakasulat doon.
Mabilis niyang ibinalik sa case ang munting aparato at hinanap ng mga mata si Frederick.
“Excuse me, I have to go,” natataranta niyang paalam.
Nang tumayo siya ay maagap ding tumayo si Frederick. “Bakit?”
“Si Juniel. Itinakbo raw ni Didith sa ospital ang anak ko,” maliksi niyang paliwanag at tinungo na ang pinto.
“Juniel?” Parang iisang tao na napako ang paningin ng mga nasa mesa kay Frederick na hindi kaagad nakahabol.
Napabuntong-hininga ang binata. “Yeah, si Juniel... anak namin.” Sa pagmamadaling masundan si Roselle na mag-aabang ng taxi ay nahagip pa ng mga mata nito ang katuwaan sa mga mata ng mga magulang sa kaalamang may apo na pala ang mga ito.
Inilabas nito ang berdeng van at saglit lang ay sakay na niya si Roselle patungong ospital.