Book 2 (Roselle and Frederick) - Chapter 1

2961 Words
“CONGRATULATIONS! Mariel, Benedict!” bukal sa loob na bati ni Frederick sa mga bagong-kasal. Hantarang siniko ni Roselle ang binata. “Hus! Kunwari pa. Hurting inside naman,” buska niya. Hindi siya pinansin ng binata at nakihalubilo na ito sa iba pang abay. Sumapit ang picture taking. Natural na katabi ni Roselle ang bride dahil siya ang matron of honor. At kung kailan naka-fix na ang pinagpraktisan niyang pang-million-dollar smile ay saka umentra si Frederick na katabi naman ng groom. “Dapat, Roselle, sa harap ka. Matangkad ka lang naman ng one inch sa flower girl nina Benedict. Hindi ba’t ikaw ang partner kanina ng ring bearer?” Dumukwang pa ito para kantiyawan siya. Stolen shot nang pagbubungisngisan nila ang nakunan ng video man at photographer. Muli niyang ibinalik ang composure ng sarili pagkaraan at saka inismartehan ang pagngiti. Itinatak sa isip na hindi siya bibili ng four-inch high-heeled satin shoes para lang kantiyawan ni Frederick. Hawig sila ng suot ni Mariel. Bagama’t natural na mas elegante at mas bongga ang gown ng bride. Fully beaded ang kay Mariel at may rhinestones samantalang ang sa kanya ay mula lamang neckline hanggang breast area ang design. Pina-design niya sa couturier na half-calves ang gawing haba ng kanyang gown dahil alam niyang kapos siya sa height. Hindi rin naman matangkad si Mariel kung tutuusin pero hamak na mas maliit siya. Pero hindi iyon nakabawas sa tiwala ni Roselle sa sarili. Height lang marahil ang kakulangan niya. Buo ang loob niya at kung sa ganda at talino ay hindi rin naman siya pahuhuli. “NAG-IILUSYON ka ba o nagre-reminisce?” buska ni Frederick kay Roselle nang mapansin siya nitong nakatitig sa bouquet. Pauwi na sila galing sa kasalan nina Mariel at Benedict. At dahil sila ang magkasamang pumunta sa Santa Maria ay natural na doon na rin siya sumakay sa sasakyan ni Frederick. “Inggit ka lang!” irap niya sa kaibigan. “Dahil ako, kahit ikinasal na’t lahat, nakasalo pa rin ng bridal bouquet, samantalang ikaw, tumatanda nang binata pero parang may isip ang garter na huwag mapunta sa mga kamay mo.” “Hindi ako nag-aapurang magpakasal, ale.” Sinulyapan ni Frederick si Roselle. “Hindi rin naman ako nangangarap na ikasal na muli,” seryoso niyang sagot. “Sana hindi mo na lang kinuha kay Mariel iyang bouquet niya. Para kasama sa mga itatago niyang souvenir ng kasal niya.” “Maipe-preserve ba niya ito, eh, puro fresh white roses ito?” Bahagya pa niyang itinaas ang nasa kamay pa ring bouquet. “De ganoon ka rin. Aanhin mo iyan?” “Ngayon lang kita nakitang napikon at iyon ay dahil sa bouquet ni Mariel. At bilib ako sa tibay ng dibdib mo, kaibigan. Nag-best man ka pa sa kanila samantalang pinopormahan mo noon si Mariel.” “Sport kasi ako kaya ganoon.” “No hard feelings?” Nang-aarok ang tinig niya. “Nope. Hindi naman kami naging mag-on,” maluwag sa loob na sagot ng binata. “Nagulat lang ako siyempre dahil wala akong kamalay-malay na sila pala ni Benedict.” “Don’t you feel jilted?” nanggagatong na tanong ni Roselle. “That’s absurd. Teka nga, bakit mukha ka na namang nasusian diyan?” “Curious lang ako sa iyo,” nagkibit-balikat na sabi ni Roselle. “Curious? Kung ako kaya naman ang ma-curious sa iyo,” ganti ni Frederick. “Wala nang nakaka-curious sa akin. Open book nga ang buhay naming mag-ina sa iyo, eh,” ani Roselle na sa wakas ay nangawit na sa kahahawak sa bouquet at inilagay iyon sa backseat. “Kabababang-luksa mo lang kay June, `di ba?” seryosong tanong ni Frederick. “Mahirap bang maging single parent?” Ipinako niya ang tingin sa binata kahit na ang atensiyon nito ay nasa pagmamaneho. “Mahirap din. Pero dapat kayanin ko.” “Lalaki pa naman ang naging anak ninyo. Paglaki-laki niyan, mas mahirap nang disiplinahin. Siyempre, maghahanap si Juniel ng father image.” “Kaya nga ngayon pa lang, sinasanay ko na ang sarili kong nanay na, tatay pa.” Hinagod niya ang ulo ng anak na tulog na tulog sa kanyang kandungan. “Ako ba, papasang father image kay Juniel?” Sinulyapan siya ng binata. Tinawanan lang ni Roselle ang kaibigan. “Sabi mo kanina hindi ka nag-aapurang magpakasal, `tapos ngayon nag-a-apply kang maging father image ni Juniel. Ano`ng gagawin mo sa anak ko, hands-on training?” “Sira ka talaga, Roselle. Hindi ka ba natutuwa? Sa halip na mag-screen ka ng mga bagong manliligaw, meron ka na kaagad at nasa tabi mo lang. Hindi mo ba naiisip na kung ako ang pipiliin mo, sigurado kang may matatakbuhan, rain or shine?” “Puwedeng utangan?” buska ni Roselle sa kaseryosohan nito. “Gusto mo, sa iyo ko ientrega ang ATM payroll card ko?” ***** “ROSELLE...” ungot ni Frederick sa kaopisinang abala sa pagtatrabaho. “Ano na naman?” Sadyang iniarko ni Roselle ang mga kilay nang harapin ang binata. “`Pakilala mo ako.” Ininguso ni Frederick ang babaeng nasa katapat lamang na mesa ni Roselle na subsob sa trabaho. “Frederick, naman!” eksaheradong bulalas ni Roselle. Mayamaya ay sadya niyang hininaan ang boses. “Wala ka bang patawad? Sa lahat ng trainees ay iyan ang malamang na papalit sa puwesto ko dahil ako ang magte-take over sa trabahong iiwan ni Mariel, `tapos aaligiran mo pa.” “Aaligiran?” Maluwang ang pagkakatawa ni Frederick. “Hoy, Roselle, sobra ka namang magsalita. Ano’ng akala mo sa akin... palikero?” Iniliyad pa nito ang sariling dibdib. “At ano pa nga ba?” Tumaas ang isang sulok ng labi ni Roselle. “Baka nakakalimutan mong saksi ako sa lahat ng pambobola mo noon kay Mariel. Mabuti nga sa iyo, mas nagustuhan ng kaibigan ko si Benedict,” bubulung-bulong pa niyang wika. Saglit na natahimik si Frederick. Mayamaya ay tumayo na ito. “Ba-bye na nga sa iyo, Roselle. Nagpapatulong lang ako sa iyong magpakilala sa bago mong kasama, inungkat mo pa iyong dati.” “Ano`ng ibig mong palabasin? Nasasaktan kang maalala iyong nakaraan, ganoon?” Lalo niyang binuska ang kaibigan. “Ano naman sa iyo ngayon?” ganti rin ni Frederick. Inabala ni Roselle ang sarili sa ginagawa sa halip na tumugon sa binata. Pag-angat niya ng paningin ay palabas na ito ng pinto. Sandaling nangunot ang kanyang noo. Inaasahan na niya na ito mismo ang lalapit sa trainee na si Maya para ipakilala ang sarili. Nagkibit lang siya ng balikat at itinuon na muli ang atensiyon sa ginagawa. Limang minuto bago mag-alas-singko ay mabilis na niyang iniligpit ang mga nasa mesa at naghanda na sa pag-uwi. “Uwing-uwi ka na yata.” Masayang tinig ang nakatawag ng kanyang pansin. “Mariel!” nakangiti niyang salubong. “Mabuti at napasyal ka. Naks! Enjoy na enjoy ka sa pagsusuot ng maternity dress, ha!” At ibinaba niya ang tingin sa maumbok na nitong tiyan. “Kukumustahin ko si Maya,” sagot nito at nilinga ang mesang dati ay siya niyang ginagamit. “She’s fine at fast learner,” komento ni Roselle. “Kaya lang ay...” Bahagya niyang pinaikot ang mga mata. “Maghahanap ka pa rin ng iba?” “Hindi,” mabilis niyang sagot. “Actually, hinihintay ko lang na makabalik si Sir Joaquin from Cebu at personal ko nang ire-recommend ang probation niya. Ang sinasabi kong kaya lang ay itong si Frederick. Ang loko, matapos na ma-shock mo sa biglaang kasal ninyo ni Benedict ay mukhang lahat ng naging trainees dito ay gusto nang pormahan.” “Problema na niya iyon. Besides, binata pa rin naman siya. At walang masama dahil lahat naman ng nagiging trainee natin hanggang kay Maya ay puro dalaga,” walang anumang tugon ni Mariel. Nasa tono nito na hindi naaapektuhan sa anumang pag-iinteres ni Frederick sa kaninumang babae. “Ang kaso nga ay ako ang binubuwisit tuwing umaga. Alaga na akong kulitin para ipakilala ko kuno sa mga trainees.” “Eh, de ipakilala mo. Wala namang kabagay-bagay ang hinihiling sa iyo,” susog pa ni Mariel. “Naiinis na ako, eh!” reklamo ni Roselle. Mataman muna siyang tinitigan ni Mariel bago sumagot. “Naiinis ka o nagseselos?” Pinanlakihan niya ng mga mata si Mariel. “M-MAMA...!” nauutal na salubong sa kanya ni Juniel nang matanaw siyang bumubungad sa sala. “How’s my Juniel?” Yumuko si Roselle para magpahalik sa anak. Yumakap sa kanyang leeg ang maliliit nitong mga kamay. Naramdaman niya ang malagkit na bagay na pumahid sa kanyang leeg. Nakakulapol ang natuyong chocolate sa kamay ng bata. “Mama, salubong, salubong ko?” nagagahol na tanong nito matapos siyang bigyan ng matunog na halik sa pisngi. Ibinigay niya agad sa anak ang bitbit na supot. Dahil sa pagmamadali nitong makita kaya kumalat ang laman ng supot at gumulong ang ubas sa sahig. Naiiling na hinayaan na lamang ni Roselle ang anak at hinarap ang paghahanda ng hapunan. “Ang sigla-sigla ngayon ni Juniel, Ate. Hindi nga nag-tantrums,” pagkukuwento ng kinuha niyang tagapag-alaga ng anak. “Hindi ka nahirapang pakainin siya?” “Himala nga’t hindi. Magana pa ngang kumain, eh.” “Eh, de hindi mo na kami iiwan?” nakangiti niyang tanong sa katulong. Mahigit dalawang linggo nang nagpapaalam si Didith na aalis at idinadahilang nahihirapang makibagay sa anak niya kung ‘di nga lamang pinakikiusapan niyang magtiyaga pa at uumentuhan niya ang suweldo nito. “Baka hindi na, Ate,” sang-ayon nito. “Hindi na siya mahirap alagaan ngayon, kaya lang dumarami ang mga tinatanong. Kung minsan hindi ko na masagot.” “Tanong?” kunot-noong bulalas niya. “Ano naman ang itatanong sa iyo ni Juniel, eh, bibihira ngang magsalita?” “Ate, `pag kami lang dalawa, ang dami niyang sinasabi. Minsan nga, iniisip ko na baka gifted ang anak mo. Kagaya ba no’ng napapanood ko sa TV. Wala pang dalawang taon, iyong mga tinatanong sa akin panglimang taon na,” mahabang sagot ni Didith. “Ini-Ingles ka ba?” naaliw na tanong ni Roselle sa katulong na overacting sa pagkukuwento. “Minsan lang `pag ginagaya niya iyong nasa cartoons. Pero kanina, iba iyong tinanong sa akin.” Nagseryoso si Didith ng tono. Binitiwan nito ang hinihiwang patatas saka ginaya ang aksiyon ng alaga. “Hawak niya, Ate, iyong picture frame ninyong dalawa, itinuturo niya iyong sarili niya, `tapos ikaw naman. Sabi pa nga niya, ‘Dith, mama ko, Mama. `Tapos maya-maya, hinila nang hinila iyong kamay ko, sabi sa akin, `Papa ko, `asan`?” Kulang na lang ay nabitiwan ni Roselle ang hawak na sandok pagkarinig sa sinabi ni Didith. Masakit ang lalamunang iniwan niya ang pagluluto sa katulong at kinuha ang anak na nasa sala. Mahigpit niyang niyakap ang anak na nakasalampak sa carpet. “Mama!” daing nito nang waring hindi makahinga sa higpit ng yakap niya. “I love you, Juniel,” sumisigok niyang bulong dito. “‘Lab yu, Mama.” Nilingon siya ng anak at saka hinalikan siya sa pisngi nito. “Iiyak, mama ko?” Hindi nalingid sa bata ang luhang naglandas sa kanyang pisngi. MAHIMBING na ang tulog ni Juniel subalit dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Roselle. Ang daya mo, June. Iniwan mo kaagad kami ng anak mo. Lumalaki na si Juniel at nag-uumpisa na ring maghanap ng ama. Bumuntong-hininga si Roselle at sinulyapan ang anak. Maliban sa naipundar nitong three-bedroom elevated bungalow ay si Juniel ang pinakamahalagang naiwan ni June sa kanya. Ayaw man niyang maalala ang namayapang asawa ay hindi niya mapigilan. Buntis pa lamang siya kay Juniel nang masawi ito sa isang car accident. Masuwerte nga lamang siya at hindi siya nakasama nang gabing iyon sa pagdalo sa isang blowout nang manalo ang J&V Builders sa isang bidding. Kagaya nina Frederick at Benedict, isa ring engineer ang napangasawa niya at sa J&V na rin sila nagkakilala. Magkakabarkada halos ang turingan nila sa isa’t isa kung kaya’t hindi naging mahirap na ligawan siya ni June. At hindi nga nagtagal ay nagpakasal sila. Halos ikamatay niya ang balitang natanggap na nagsasabing dead on the spot si June. Unang dumamay sa kanya si Frederick, at si Benedict na nakadestino na noon sa Cebu ay kumuha ng pinakamaagang flight pabalik sa Maynila para damayan din siya. Subalit nang maka-recover siya at natanggap nang wala na ang asawa ay pinagbuti niyang itago sa sarili ang mga pangungulilang nararamdaman. Na tumindi pa noong ipanganak niya si Juniel. Mahina si Juniel nang ipinanganak. At habang lumalaki ay nadadalas silang makipagkita sa pediatrician nito. May nakapagpapalakas lang ng loob niya ay ang assurance ng doktor na wala namang malubhang problema sa mga vital organs si Juniel. “Minsan kasi, Roselle, nagiging malaking factor ang emotional status ng ina sa ipinag-bubuntis na anak. Siyempre `pag emotionally down, mas malaki ang tendency na mapabayaan ang sarili. Thus, nagkukulang din ng attention sa batang nasa tiyan. Lalo ka pa. I know the hardships you’ve been through. Anyway, regular naman nating imo-monitor ang health ni Juniel para hindi ka nag-aalala nang husto.” Natatandaan pa niyang sabi sa kanya ng doktor nang kumonsulta sila. Kakayanin ko’ng lahat ng ito, June. Para sa anak natin. Si Juniel ang pinakamagandang alaala mo sa akin. Dinukwang niya ang anak at matapos halikan sa noo ay pumikit na rin siya. “GOOD morning, Roselle.” Gaya ng dati ay lagi nang may ngiti sa mga labi si Frederick tuwing babatiin siya. Nauna pa itong dumating sa kanya sa opisina at prenteng nakaupo sa harap ng kanyang mesa. Marahang tina-tap ng isang kamay nito sa isang palad ang puwit ng coffee mug. “Pa-good morning-good morning ka pa riyan, magpapatimpla ka lang naman sa akin ng kape,” sagot niya rito at inilabas mula sa drawer ang stock. “Naglalambing lang naman,” pa-Kenkoy na sagot nito at ibinaba ang mug. Kunwari ay iningusan niya ito at padaskol na kinuha ang mug. Nang magbalik siya ay timplado na ang kape at ibinigay sa binata. “Palambing-lambing ka pa sa akin, kung `di ko pa alam, ako naman ang napagti-trip-an mo ngayon. Palibhasa’y kahit magpakamatay ka riyan, eh, hindi ka na papansinin ni Mariel,” sagot niya. “`Tinitimpla mo nga ako ng kape, kung sumbatan mo naman ako mula ulo hanggang paa.” Tinikman ni Frederick ang tinimpla niya. “Sarap! I wish you’ll be the one who will make my coffee for the rest of my life.” “Ano`ng palagay mo sa akin... katulong?” Iningusan niya ito. “Hindi, ah!” mabilis nitong sagot. “Seriously, Roselle, ano kaya kung kesa sa iba ako tingin nang tingin ay sa iyo ko ipako ang tingin ko?” Tinawanan niya ito. “Magiging masaya ang buhay mo. Imagine, you will always have a beauty next to you.” “Walang biruan, Roselle.” Hindi nito pinansin ang pagtawa niya. “Ikaw kaya ang ligawan ko? I know you will make a good wife and a mother, of course. I’ve seen that already.” “Ibuhos ko kaya sa iyo iyang kape mo nang matauhan ka sa mga sinasabi mo! Replay na iyan, `no! Sinabi mo na noon ang linya na iyan kay Mariel.” “Roselle, I’m serious.” “Tumigil ka na!” asik niya na halatang napipikon. Habang iniinom ni Frederick ang kapeng tinimpla niya ay prente naman niyang inilabas ang compact powder at nag-retouch ng makeup sa harapan mismo nito. Nang mapansing hindi pantay ang pagkakalagay niya ng eyebrow liner ay inilabas niya ang eyebrow pencil. “Roselle, mahiya ka naman sa akin. Ang lapit lang sa kuwarto mo ng CR. Dito ka pa nag-drawing ng kilay mo.” Nagbago ang mood ng binata at nambubuska na ngayon. Inirapan lang niya ito at nag-reapply ng lipstick. Nang maibalik sa bag ang mga cosmetics ay saka niya ito tinugon. “Siguro naman, ikaw ang dapat mahiya sa akin. Nagpatimpla ka na nga sa akin ng kape ay ayaw mo pang umalis sa harap ko. Alas-otso na, `no!” Nilinga pa niya ang wall clock. “Magsisimula na akong magtrabaho. At ikaw rin, sa pagkakaalam ko’y dapat nasa job site na. Sige na, alis na!” pabiro niyang taboy sa binata. “Salamat sa kape mo. Sa tono mo’y parang gusto mong habang-buhay na ipatanaw na utang-na-loob ang ginawa mo. Come to think of it, kung pag-iisipan mo lang ang sinabi ko a while ago, hindi malabong habang-buhay nga akong magtiyaga sa timpla mo,” nambubuska pa ring wika nito nang tumayo. Bahagya na lang na tinanguan nito si Maya na nakasalubong sa pinto. “Good morning, Ma’am Roselle,” kiming bati ng babae sa kanya. “Anong ‘Ma’am’ na naman? Sabi ko sa iyo ay ‘Roselle’ lang ang itawag mo sa akin,” aniya sa friendly na tono. Nang ilabas ni Maya ang mga gagawin nito ay isinubsob na rin niya ang sarili sa trabaho. Pagdating ng lunchtime ay sige pa rin siya sa pag-a-analyze ng mga proposals at isinantabi ang pagkain ng tanghalian. Hinayaan niyang si Maya ang tumayo nang mag-ring ang telepono. “R-Roselle,” anito na halatang naiilang na tawagin siya sa first name. “Si Sir Frederick ang nasa kabilang line.” Sir! Gusto niyang bumunghalit ng tawa. “Bakit?” sagot niya na sadyang pinataray ang tinig. “I need your help, Roselle.” Seryoso ang tono ng lalaki. Nagsalubong ang mga kilay niya. “How can I be of help, Sir?” Inartehan niya ang sagot. “Roselle, seryoso ako.” May urgency sa boses ng nasa kabilang linya. Si Roselle na nagbibiro ay naalarma rin nang mahimigang hindi nga ito nagbibiro. “May problema ba?” Napalitan ng concern ang tinig niya. “Malaki, Roselle. Malaki.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD