Book 1 (Mariel and Benedict) - Chapter 11

1939 Words
GULAT na gulat si Dorina sa napakaagang pagdating ni Mariel sa Philamhomes.  Pinakiusapan niya ang mga katulong nito na ibaba ang mga gamit ni Benedict. Bago pa man nakapagbukas ng bibig si Dorina ay inunahan na niya ito ng paliwanag. “Dalawang gabi na siyang hindi umuuwi sa akin. He promised to explain everything last night but he didn’t show up. Talagang ayaw na siyang pakawalan ng Mariel na iyon.” Mabigat na mabigat ang loob niyang banggitin ang pangalan ng babaeng sa malas ay kapangalan pa nga niya. Pinipigil niya ang sariling maiyak sa harap ni Dorina. Close na sila nito pero hindi matatanggap ng pride niyang umiyak sa harap ng kahit na sino sa partido ni Benedict. “Si Maria Elena!” Salubong ang mga kilay nito at napataas pa ang boses. “Dumating siya rito noong isang gabi. Tahasan ko nang sinabi sa kanya na wala na siyang babalikan dito dahil kinalimutan na rin siya ng kapatid ko. Nagkataong inabutan niya rito si Benedict kaya siyempre hindi na ako nakialam nang mag-usap sila.” Nagpahain si Dorina sa maid at sa dining room nila ipinagpatuloy ang pag-uusap. “Hindi na ako magtatagal, Dorina. Dinala ko lang ang mga gamit ng kapatid mo. Dito na uli si Benedict, ibinabalik ko siya sa iyo. Wala naman akong biyenang pagsasaulian, eh, de sa iyo na lang.” Tinawanan lang ni Dorina ang sinabi niya. “Ibang klase rin ang tantrums mo, `no! Nagsosoli ka ng asawa. Kung hindi ko tanggapin?” Nagtaas siya ng tingin kay Dorina. “Tanggapin mo. Kapag hindi, I won’t mind flying to Canada. Isasauli ko siya sa kuya ninyo.” “But won’t you give him a chance to explain his side first? Ayaw mo na talaga kay Benedict?” nang-aarok ang tanong ni Dorina. “Hindi na siya umuuwi sa akin.” Ayaw na niyang banggitin dito ang doubt niya sa validity ng kasal nila. Nasiyahan si Dorina sa isinagot niya. Marahang tumango ito. Matapos ang almusal ay kinuha naman niya ang mga natitira niyang gamit sa Philamhomes. Paalis na siya nang humabol si Dorina.  “Mariel, I just want to inform you, wala kaming ibang in-address na Mariel kundi ikaw lang. Kung anuman ang problema ninyo, I hope maayos ninyo.” Kinawayan na niya ito bago kinabig ang manibela. Nag-file siya ng indefinite leave of absence sa opisina. Iniwan niya ang form sa mesa ni Roselle kasama ang maikling note para dito. Sa Hagonoy siya tumuloy. Nabigla ang katiwalang nasa palaisdaan. Pangkaraniwang araw ay dumating siya at hindi pa kasama ang mga magulang. Ngunit hindi na ito nagtanong. Ibinigay nito sa kanya ang duplikadong susi ng rest house at pagkuwa’y nagpatuloy na ito sa pagtatrabaho. Pilit niyang nililibang ang sarili sa lugar na iyon. Dinalaw ang mga pamilya sa bandang duluhan ng lupang nasasakop nila at nakipagkuwentuhan sa mga ito. Nang gumabi ay kinatok siya ni Manolo sa rest house. “Mariel, dito ka ba matutulog?” Bagama`t nagtataka ay alanganing magtanong ito. “Safe naman dito, `di ba?” “Oo naman. Kaya lang, hindi ka ba malulungkot diyan?” “Huwag mo na akong intindihin dito. Magla-lock na lang ako,” aniya at siniguro kay Manolo na ayos lang siya kahit mag-isa. LAMPAS na ng ala-una ng madaling-araw nang maalimpungatan si Mariel. Naulinigan niya ang mahinang pagpihit sa seradura ng pinto ng kusina, na katabi lang ng kuwartong tinutulugan niya. Sinalakay ng nerbiyos ang dibdib niya. Mag-isa lang siya sa rest house. Nanatili siyang nakahiga. Pigil ang hiningang nakikiramdam sa susunod na maririnig. Umingit ang bisagra ng pintong nabuksan at sa siwang ng pintuan ng kuwarto niya ay nakita niyang bumaha ng liwanag sa kusina.  Nagbukas pa ng ilaw! Nahagip ng tingin niya ang stainless na fishing rod sa likod ng pinto. Maingat siyang bumangon at dinampot iyon. Gagamitin niyang pananggalang kung sakali. Nag-stay siya sa kuwarto. Naramdaman niya ang paggalaw nito sa kusina. Tila kabisadung-kabisado ang lugar. Ilang sandali pa ang lumipas at naramdaman niyang tahimik na sa labas at patay na rin ang ilaw. Dahan-dahan siyang humakbang habang mahigpit na tangan sa isang kamay ang fishing rod. Nang makalapit sa pinto ay nagpalipas na muna ng isang minuto at nang matiyak na wala nang gumagalaw sa labas ay saka niya unti-unting binuksan ang pinto. Nakita niya ang bulto ng lalaking nakahiga sa sofa’ng kawayan at sa tulong ng liwanag na nanggagaling sa poste ng ilaw sa labas ay nahulaan niya kung sino ito. Ganoon pa man ay inabot pa rin niya ang switch ng ilaw at pinindot iyon. “Ano’ng ginagawa mo rito?” Halos mapatalon siya sa gulat nang ganap na makita ang lalaki.    Bumalikwas ito ng bangon. “Oh, honey, I’m sorry if I woke you up.” Tumayo ito at kinuha sa kamay niya ang fishing rod. “Answer me, what are you doing here?” “Wala ka sa dalawang bahay at nagkataon na nakausap ko si Roselle. Naisip kong dito ka pupunta. And my guess was right. Now, honey, tell me what we gonna do now. But whatever it is, let me start it with this kiss...” Hinapit siya nito sa baywang. Ang isang kamay nito’y mabining humahagod sa kanyang likod habang magkahinang ang kanilang mga labi. Gumawi sa batok niya ang kamay nito na lalong nagpadiin sa pagkakadikit ng mga labi niya rito. Ang mga halik nito ay nakakalusaw ng lahat ng sama ng loob at pagdaramdam na naipon sa dibdib niya. Unti-unti na siyang natatangay. Nawawalan na ng lakas ang mga tuhod niya at nakayakap na ang dalawang braso niya sa leeg ng asawa at ang puso niya ang nag-uutos sa kanya na tumugon sa bawat panunudyo ng kasuyo. Naidilat niya ang mga mata. Marahan niyang itinulak palayo sa kanya ang asawa. “Let’s talk,” aniya at humakbang patungo sa sofa. Nagtatakang sumunod na lang sa kanya ito at tinabihan siya nang upo. “Nag-shower ako sa Philamhomes. I was wondering kung bakit lahat ng mga damit ko na ang alam ko ay nasa Sta. Maria ay naroon.” “Hindi mo nakausap si Dorina?” “No one was there.” Nagkibit lang ito ng balikat. Relaxed na relaxed ang anyo. Napika si Mariel sa reaksiyon ng asawa. Ang tinitimping sama ng loob ay sumabog na. “Ano ka ba? Hindi mo ba nakikita, ginagawa ko ang mga ito para maging madali para sa iyo? I know you’re going to leave me.” Napasigok siya sa huling sinabi. “Ayokong maghiwalay tayo na nagpapalitan nang masasakit na salita.” Nakayuko na siya. Palihim na pinunasan ang luhang naglandas sa pisngi niya. Hindi niya nakita ang ngiting sumilay sa mga labi nito. Nang mag-angat siya ng paningin ay palabas na ng rest house ang lalaki. Napatayo siya at sinundan ito ng tingin. Iiwan na nga ba siya nito nang tuluyan? Saglit lang at bumalik na uli ito. Hawak nito sa kamay ang isang legal-size envelope. “Mariel...” Iniabot nito iyon sa kanya. Kopya ng marriage contract nila. “Nagkatapat ang sasakyan namin ni Mayor noong isang umaga sa Bocaue exit. Sinabi niyang okay na for release `yan kaya dinaanan ko na sa office niya right after na magkita kami. At pinapapasyal niya tayo sa opisina pagbalik niya galing Laguna,” paliwanag nito habang siya ay parang namamalikmatang nakatitig lang sa papel. “Is this legal?” Halos hindi lumabas sa bibig niya ang tanong. “Of course. And let me show you something.” Muli itong tumayo at pumasok sa kuwartong tinutulugan niya kanina. Ibinaba nito sa center table ang kinuha sa loob. Iba’t ibang style ng wedding invitations at ang isa ay reservation ng kasal sa simbahan. “Honey, tuloy pa rin ang kasal natin sa simbahan. At nagtataka ako kung bakit hihiwalayan mo ako. Dahil ba hindi ako nakauwi nang dalawang araw?” Kinikiliti nito ng hintuturo ang tainga niya. Iniiwas niya rito ang sarili. Ibinaba niya ang mga papel at muli itong hinarap. “Now tell me, you were the one who told me to see me at six yesterday. Pero ano`ng ginawa mo—” “Nagkaroon ng emergency,” agap ni Benedict. “May naaksidente sa site at ako mismo ang personal na nag-asikaso. Responsibilidad ko sila at ako na rin mismo ang dumayo sa pamilya ng biktima na nasa Bataan.” “H-hindi kayo magkasama ni Mariel Tolentino?” Umisod ito palapit sa kanya. Ang mga labi nito ay pinagagapang sa kanyang batok. “Mukhang nagseselos ang misis ko, ah.” “Hindi mo sinabi sa aking sinundo ka niya noong isang araw sa Philamhomes.” Halos magkabuhul-buhol ang sinasabi niya sa binubuhay na pananabik sa kanya ni Benedict. “If you only knew how much I missed you. `Tapos, ikaw naman pala, isa-isa mo nang hinahakot ang mga damit ko. I’m dying to get home dahil ipapakita ko sa iyo ‘yang mga invitations para ikaw ang pumili. Ang mga mommy ang may kausap sa imprenta na iyan. I asked them to help me in the preparations and sa last stages na lang namin ipapaalam sa iyo—those things that need your personal decisions.” “Dumating si Mariel...” Unti-unti na siya nitong inihihiga sa sofa. “Who cares? I already talked to her, tapos na sa amin ang lahat.” Ang mga labi nito’y sa leeg naman niya naglalandas. “Pinuntahan niya ako sa opisina, babawiin ka—” “I love you so much, Mariel. Mariel Santillan-Peralta.” Sinarhan ng mga labi nito ang iba pa niyang sasabihin. At sa puso niya ay nawala na rin ang lahat ng agam-agam.  Sandaling iniwan niya ang bibig nito. “And I love you, too.” Kung kailan, kung paano o kung bakit ay hindi niya alam. Basta ang masasabi niya: “I just know!” KASAL nina Benedict at Mariel na ginanap sa unang linggo ng Disyembre. Dumating ang Kuya David ni Benedict na mula pa sa Canada, kasama ang buong pamilya nito.  Pangunahing-abala sa pag-eestima ng mga bisita ay ang mag-asawang Alberto at Marcela. Si Dorina naman ay abala sa paghabol sa mga anak na noong una’y sinusumpong na makapagmartsa sa aisle ng simbahan. Si Roselle, na maid of honor, ay hindi pumayag na hindi makasali ang anak na si Juniel sa entourage. Bible bearer ito dahil sina Jude at Tody ang ring bearer at coin bearer. Si Frederick ang mismong pinili ni Benedict na gawing best man at kasali sa piniling maging saksi ang mayor na unang nagkasal sa kanila. Ngayon ay wala na talagang pagdududa si Mariel sa kasal niya. Legal man o hindi ang una, sa pangalawa ay siguradung-sigurado siyang legal na legal. Pagkatapos ng reception ay nagtungo ang bagong kasal sa Makati. Sa wakas ay magagamit na rin nila ang gift certificate na regalo sa kanila ni Dorina noon. Sa hotel suite ay binuksan ni Mariel ang regalong inihabol sa kanila ni Roselle. Binuksan niya ang maliit na kahon. “I don’t think I still be needing this,” aniyang iniabot kay Benedict ang laman ng kahon.  Isang banig na contraceptive pills. Luka-luka talaga si Roselle! “Nahuli sa balita ang kaibigan mo,” ani Benedict na ibinalibag na lang sa kung saan ang bigay ni Roselle. Kinabig siya ng asawa at ikinulong sa mga bisig nito. Unti-unti nitong ibinababa ang zipper ng wedding gown niya. “Honey, puwede pa naman, `di ba?” bulong nito sa kanya. “Oo naman. Six weeks pa lang naman akong delayed, eh.” At siya na ang unang humalik dito. •••WAKAS••• Abangan po ang Book 2 - Roselle & Frederick
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD