HINDI pumasok si Mariel sa opisina nang araw na iyon. Para siyang lalagnatin kaya minabuti na lang niyang lumiban.
Hindi niya kayang ipagmaneho ang sarili at hindi naman siya maihahatid ng asawa. Uunahin nitong magpunta sa site.
Bago lumubog ang araw ay bumuti na ang pakiramdam niya. Kaya nakapaghanda na siya ng makakain nila para sa hapunan.
Eksakto alas-singko nang tumawag siya sa opisina. Alam niyang naroon pa si Roselle. Sabi nito’y kaaalis lang daw ng kanyang asawa.
Lampas na ng kalahating oras sa expected travel time niya ay wala pa rin si Benedict. Ni-recharge niya ang battery ng cellphone niya at tumawag sa Philamhomes.
Tatlong rings lang at may nag-angat na sa kabilang linya. Boses-bata, isa sa mga anak ni Dorina. May “evacuation” na namang nangyari, naisip niya.
“Sino ito?” tanong niya.
“Tody po,” sagot nito. Mas kimi ito kompara kay Jude.
“Tody, ang Tita Mariel ito. Nandiyan ba ang Tito Benedict?”
Matagal bago sumagot si Tody. Kinailangan pa niyang mag-“hello” uli.
“Umalis na si Tito Benedict. May sumundo sa kanya rito. ‘Tita Mariel’ din daw ang tawag namin doon sabi ni Kuya Jude.”
Malumanay ang pagkakasabi ni Tody, pero parang sigaw ang dating sa kanya. Ibinaba niya ang telepono matapos magpaalam kay Tody.
Mag-aalas-diyes na ng gabi nang dumating si Benedict.
“Honey, sorry. I was caught in a heavy traffic on my way here. How are you?” Bumababa pa lang ito ng sasakyan ay nag-e-explain na.
Ayaw niyang banggitin ang narinig kay Tody. Hihintayin niyang ito ang kusang magsabi.
Magkasalo silang kumain at hanggang sa paghiga nila ay wala itong binabanggit. Nagsawalang-kibo siya. Baka si Tody ang nagkakamali ng sinabi sa kanya.
Binigyan niya ng benefit of the doubt ang asawang mahimbing na sa kanyang tabi.
MAY DINATNAN si Mariel na foreign magazine sa mesa niya kinabukasan. Wala sa loob na binuklat-buklat niya iyon.
Fashion catalogue. Sa pagpihit niya ng kasunod na pahina ay tumambad sa kanya ang iba’t ibang designs ng wedding gown. Saka niya naalala, dalawang buwan na lang mula ngayon ay Disyembre na. Walang binabanggit sa kanya si Benedict tungkol sa church wedding nila.
Gaya ng ibang babaeng nangangarap ikasal, mayroon din siyang dream wedding at kasama na roon ang damit-pangkasal. At sa mga nakikita niya ngayon, lahat ay magaganda.
May nadama siyang paninikip sa dibdib. Kung siya pa ang magpapaalala kay Benedict ng tungkol sa December wedding ay hindi na lang bale.
“Excuse me.”
Nasa harap ni Mariel ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. She took a deep breath bago nakuhang anyayahang maupo ang babae. Maikli ang buhok nito pero nagpapaalala sa kanya ng unang babaeng napaugnay sa buhay ni Benedict.
“I left my magazine here, may I?” Plastik ang pagkakangiti nito habang itinuturo ang hawak niyang magazine.
Sa naiipong sama ng loob kay Benedict mula kagabi, gusto niyang ibalibag na lang basta ang naturang magazine.
Kumpirmado ang sinabi ni Tody. Nasa harap niya ngayon ang pruweba.
Nag-cross legs pa ito nang maupo. Dinukot ang sigarilyo at lighter sa bag. Naiinis siya sa babae pero pinigil niya. Air-conditioned ang opisina. Hindi ba nito nakikita?
“Huwag na tayong magplastikan,” simula nito. “I know you. You’re Benedict’s girl.”
Girl? Gusto na niyang sabunutan ang babae. Asawa siya ni Benedict. Hindi basta “girl” lang.
Tahimik na isinara niya ang magazine at iniabot sa babae. Sa isip ay bumilang nang hanggang sampu para mapigilan ang sariling makapagsalita na maaaring pagsisihan din niya pagkatapos.
“Oh, well, in case you still can’t guess who I am. My name’s Mariel. We got the same name, huh?” Humitit muna ito ng sigarilyo. “Mariel Tolentino and soon to become Mrs. Mariel Tolentino-Peralta.” Pinakadiinan pa ng babae ang apelyidong binanggit.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?” Pilit niyang pinatatag ang tinig.
“Let’s cut this short, Miss Santillan. I came here to take Benedict back. Dati naman siyang akin, hindi ba?”
“Sa una mong sinabi, let me correct you. I used to be Miss Santillan but I think it is just proper that I should be addressed as Mrs. Peralta. Kasal na kami ni Benedict. And that simply means—wala ka nang babawiin.” Ayaw niyang magpasindak sa mga sinasabi nito bagaman kinabahan siya sa gusto nitong palabasin.
Tumawa ang babae. Tawang nang-iinsulto.
“Really? How can you be so sure na legal ang marriage n’yo? I heard na instant ang marriage ninyo. I better go, Mariel Santillan. At least I informed you my plans.” Dinampot nito ang magazine at diretso nang lumabas.
Patdang naiwan si Mariel.
PARANG robot na nagtatrabaho si Mariel. Ang isip ay nasa mga iniwang salita ng babae. Lunchtime nang ikuwento niya kay Roselle ang tungkol sa pagdating ng babae.
“So, totoo pala ang balita. Akala ko ay tsismis lang. Nandito nga raw iyon kahapon. Dito dumiretso pagkagaling sa airport at hinahanap nga raw si Benedict. Hindi naman nakita rito, sabi nila. At kung hindi ako nagkakamali, nabalitaan na rin niya ang tungkol sa inyo kaya hindi na rin nag-abalang dumaan sa akin kahapon. Knowing that we’re close friends.”
“She’s taking Benedict back.”
“She must be out of her mind!” bulalas ni Roselle. “Kulang siguro ang impormasyong nasagap niya. Kasal na kayo ni Benedict —”
“That’s exactly the point. She’s questioning the legality of my marriage.”
“Then prove to her that she’s wrong. Dalhin mo lagi ang marriage contract ninyo at isampal mo sa pagmumukha niya the next time na sugurin ka uli rito. Hindi pa ba sapat ang sama ng loob at kahihiyan na ibinigay niya kay Benedict noong iwan niya ito? Bakit nanggugulo pa siya ngayon sa inyo?” mataray nitong sabi.
“I don’t have the marriage contract. Remember, hindi muna ibinigay iyon sa amin ng nagkasal sa amin. Nakalimutan naming balikan sa munisipyo.”
“Pinagdududahan mo ba ang kasal ninyo?” pang-aarok sa kanya ni Roselle.
“I don’t want to think that my marriage is fake. Masasaktan ako,” nangingilid ang luhang sabi niya rito.
“Then for your peace of mind, mag-half day ka na lang ngayon. Puntahan mo si Mayor at kunin mo sa kanya ang papeles na iyon.” Puno ng simpatya ang naging tugon sa kanya ng kaibigan.
“What if Mariel is right?”
“Think positive,” nagpapalakas-loob nitong sabi.
NANG hapon ding iyon ay umuwi si Mariel. Pinilit niyang makauwi bago mag-alas singko at dumeretso na sa munisipyo.
Habang-daan ay nagsasalimbayan ang maraming alalahanin sa isip niya. Pilit niyang iwinawaksi ang mga ideyang iyon sa sarili niya.
Wala ang alkalde nang dumating siya. At ayon sa empleyadong nakausap niya ay um-attend ito ng three-day live-in seminar sa Laguna.
Gusto niyang panlamigan. Unang araw pa lang na wala ito sa munisipyo, ibig sabihi’y ilang araw pa ang ipaghihintay niya.
Matapos makapagpasalamat sa napagtanungan ay nagpaalam na siya. Palabas na siya ng municipal building nang matanawan niya ang Office of the Civil Registrar. Natutukso siyang doon na lang kumpirmahin ang gustong malaman subalit sa huli’y pinili na lamang na umuwi na siya.
Baka hindi niya makaya sakaling matuklasan niyang wala palang record ang kasal niya sa civil registry. Gusto niya ngayong sisihin ang sarili sa pagiging sunud-sunuran sa kasal nilang iyon.
Kung hindi pa dumating ang babaeng iyon ay hindi pa niya mapagtutuunan ng pansin ang mahalagang bagay na iyon. And somehow, in one way or another, she ought to thank Mariel Tolentino.
Dumiretso na siya ng uwi sa bahay.
Pansamantalang inalis niya sa isip ang mga bagay na gumugulo sa kanya. Hihintayin niya si Benedict. Panahon na para pag-usapan nila ang babaeng gustong sumira sa kanilang pagsasama. Siya na ang unang babanggit ng tungkol sa babaeng iyon.
Ngunit hindi umuwi si Benedict nang gabing iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magsama sila, hindi umuwi ang asawa.
Hindi siya tumawag sa Philamhomes.
“I hate you...” Umiiyak na nakatulugan niya ang sama ng loob.
“ANO’NG nangyari?” Gulat na gulat si Roselle nang makita si Mariel kinabukasan.
Hindi maitago ang pamumugto sa mga mata niya.
“Hindi siya umuwi kagabi...” Nagbabanta na namang tumulo ang luha niya.
“Eh, iyong nilakad mo kay Mayor?”
“Wala siya. And I didn’t have the courage to check sa civil registrar.” Punung-puno ng frustration ang tinig niya.
Nakauunawang tumango ang kaibigan.
Mag-aalas-nuwebe na nang tumawag si Benedict. “Honey? How are you? I’m sorry I was not able to come home last night.” Tila may urgency sa tinig nito.
Huminga nang malalim si Mariel. Iyon din ang sinabi sa kanya ni Benedict nang unang beses na maatraso ito ng uwi.
“It’s okay,” pagsisinungaling niya.
“I’ll explain everything to you when I get home, okay? Take care, honey.” Sinabi nitong magkita sila nang alas-sais sa bahay.
Eksaktong alas-singko nang umalis ng opisina si Mariel. Bahagya na siyang nakapagpaalam kay Roselle.
Halos paliparin niya ang sasakyan para hindi maipit sa traffic. Hindi niya mawari kung ano ang nararamdaman.
Wala pa si Benedict nang dumating siya sa bahay. Habang naghihintay ay inihanda na niya ang hapunan. Nang mag-alas-sais y medya ay wala pa rin ito kaya ini-on na niya ang cellphone na dala para makontak siya ng asawa sakaling tumawag ito.
She was trying to contact his number pero panay recorded message ang naririnig niya.
Dalawang oras na siyang naghihintay. At sa palagay niya ay naghihintay lang siya sa wala. Iniligpit na niya ang mesa at pumanhik.
Grant him another benefit of the doubt, give him this whole night.
At muli, may luha sa matang mag-isa siyang natulog.
Gusto niyang sumigaw sa sakit na nararamdaman nang magising na mag-isa pa rin siya.
All right, aniya sa sarili. I’ll make things easier for you.
Nag-shower siya nang mabilis at isa-isang sininop ang mga gamit ni Benedict. Habang ginagawa niya iyon ay parang gusto niyang mag-breakdown. At sa bawat damit na naaalis sa closet ay parang patalim na humihiwa sa puso niya.