NAGLINIS lang si Mariel sandali at nagpunta na siya sa bahay ng mga magulang.
“How’s the first week of married life?” nakangiting usisa ng kanyang mommy. Umaasa ito na maganda ang isasagot niya.
“Pasensiyoso siya, Mommy. Ini-ignore ang tantrums ko. Siya ang nag-a-adjust sa akin.”
“Mabuti naman kung ganoon. Pero huwag mo namang aabusuhin. Baka naman iyong paglalambing mo, `dinadaan mo sa sumpong.”
Hindi naman ako naglalambing kagabi, ah! Defensive ang isip niya. “Tatandaan ko ‘yon, Mommy.”
“Alam mo bang gabi-gabi’y wala kaming ibang topic ng daddy mo kundi kayo? Nakulitan na nga sa akin sa katatanong ko ang daddy mo kung ano ba ang nagtulak sa kanya at bigla ka na lang ipinakasal. Ayaw naman akong sagutin. Basta ang sabi ay si Benedict daw ang tipo ng lalaking mag-aalaga sa iyo at magmamahal sa iyo hanggang sa pagtanda ninyo. Sa nakikita ko naman sa inyo, mukha ngang hindi nagkamali ang daddy mo.”
Napangiti na lamang siya sa sinabi ng ina.
Tumiyempo siyang nasa kuwarto ang mommy niya nang tawagan niya sa opisina si Roselle. Sa kaibigan lang talaga panatag ang loob niyang magsabi ng anumang bumabagabag sa kanya tungkol sa kanila ni Benedict.
Kinakantiyawan siya ni Roselle. Namamaos pa raw ang boses niya. Siguro daw ay ano... hindi na nito itinuloy ang sinasabi at binuntutan ng nakakakiliting tawa.
“May balak ka pa bang pumasok? Baka hindi na ako kilala ni Juniel ko sa kao-overtime ng trabaho mo. Saka hinahanap ka na ni Boss Joaquin.”
“Darating ako bukas.” Naisip niyang bukas na lang niya sasabihin kay Roselle ang bagay na gumugulo sa kanyang isip.
“Kinakabahan ako sa salita mo. Darating ka, ano iyon, hindi ka papasok? Baka kaya ka lang pupunta rito para mag-file ng resignation. Huwag muna. Tambak ang trabaho rito mula nang mag-leave ka. Kawawa naman ang anak ko, hindi ko na maalagaan nang husto.” Nagpa-panic ang boses nito.
Naaaliw siya kay Roselle. Sa opisina ay career woman ang drama nito pero naroon pa rin ang damdaming-ina. Naalala tuloy niya si Dorina. Ayon kay Benedict ay naka-line up na ito for promotion bilang senior manager ng isang international pharmaceutical company, na pinagtatrabahuhan nito dati, ngunit iniwan ang promising career noong nasa stage na tinutubuan ng ngipin si Jude at naging masasakitin. Pamilya pa rin ang priority nito.
Eh, ako kaya?
Bumalik ang pagdududa niya kung bakit siya talaga pinakasalan ni Benedict. At kung may mabubuo nga ba silang matatawag na “pamilya”.
Nasagap ni Roselle sa kabilang linya ang paghugot niya ng hininga. Kinukulit siya nito. Pilit itinatanong kung may problema siya.
“Nakita mo na ba si Mariel?”
Naguguluhan si Roselle sa tanong niya. Nanaig ang katahimikan sa magkabilang linya.
Sa huli, nakuha rin nito ang ibig niyang sabihin. “Don’t worry about her. Pero sige, bukas na natin pag-usapan. I’ll look for those old pictures sa bahay. I remember, um-attend siya minsan sa Christmas party ng J&V. Ipapakita ko sa iyo.” Ibinaba na nito ang telepono matapos silang magpaalaman.
Pumasok na siya sa kuwarto ng mommy niya. Dinatnan niyang nakasabog ang mga lumang litrato sa kama at isa-isang sinisinop ng mommy niya.
“Hindi ka ba nagsasawa riyan, Mommy?”
“Of course,” sagot nito. May isang shot na kinuha ito at iniabot sa kanya. “Look at this, Mariel. This was taken when I first met your dad.”
Hindi kasali sa larawan ang ama. Ang naroon ay ang mommy niya na sariwa ang ganda at isang batang babae na nakaputi.
“First communion ng inaanak ko sa binyag. Um-attend ako at si Alberto naman ay may appointment sa pari. Simpleng pagkakakilala matapos kaming magkapalitan ng tingin sa loob ng simbahan. Alam mo bang after a month, he proposed marriage?” Nakita ni Mariel ang kislap sa mga mata ng mommy niya. Tila ito teenager na bagong nai-in love.
Naging interesado siya. Ngayon lang niya ito maririnig. “`Tapos, Mommy, ano ang nangyari?”
“Siyempre during our time, once in a blue moon lang ang ganoong klase ng courtship. Hindi pa nga kami nagiging magkasintahan, inaaya na akong pakasal. Siyempre ako naman, I felt his sincerity kaya pumayag ako sa proposal niya. Kulang na lang himatayin ang lolo’t lola mo noon. Wala nga lang silang magawa dahil we were both of legal age then. At saka nang mamanhikan ang daddy mo, wala talaga silang masabi. Kumbaga sa nag-a-apply ng business permit, naka-comply siya sa lahat ng requirements.” Tumawa ang mommy niya.
“Whirlwind romance?” Parang may similarity sa kuwento nila ni Benedict.
“Ganoon ba ang tawag doon?” Tumaas ang isang sulok ng bibig ng mommy niya. “Basta’t ang sabi ng daddy mo, when he first set his eyes on me sa simbahan, alam na niyang ako na ang babaeng pakakasalan niya,” parang nangangarap sa sarili na kuwento ni Marcela sa anak.
Alam na ni Daddy, ulit ni Mariel sa sarili. Iyon din ang sinabi sa kanya ni Roselle noon.
“Alam mo, anak,” untag sa kanya nito, “I think that’s the same situation na ginamit niya sa inyo ni Benedict. Maaaring may nakita siya sa asawa mo. Maaaring nakita niya ang kanyang sarili noon kay Benedict. Marahil, nakita niya na mamahalin ka ni Benedict, aalagaan at susuyuin habambuhay. Magiging ideal husband and father si Benedict sa `yo.”
“Mahal mo na siya noong pumayag kang magpakasal sa kanya? Isang buwan pa lang kayong magkakilala noon, `di ba?”
“I had a special feeling for him. And you know, love grows day after day when you see your man doing everything for you. My love for your father has gone a long way. After twenty-three years, I can’t remember a single moment that I had felt regrets marrying him. And so does he. In fact, we’re planning to celebrate our silver wedding anniversary. That’s one and a half years from now. But of course, mauuna muna ang kasal ninyo ni Benedict.”
“Saka na lang natin pag-usapan iyon, Mommy. Kasal na naman kami, eh.” Iniiwas niyang mapunta sa kanya ang usapan.
Sumalo lang si Mariel sa mga magulang sa tanghalian at bumalik na rin siya sa sariling bahay.
Nahagip ng tingin niya ang mga marurumi nilang damit at nagpasyang labhan ang mga iyon.
NAKAHANDA na ang hapag nang dumating si Benedict.
“Nagbago yata ang ihip ng hangin,” birong totoo ni Benedict nang kumakain na sila.
“Good girl na ako ngayon,” aniyang sinisilbihan pa sa pagkain ang asawa.
“Wala ka nang sumpong?”
“Itinapon ko na lahat kanina,” tugon niya rito. “And you know what?”
“What?” Napatigil sa pagnguya ang lalaki.
“Babalik lang ang sumpong ko if I will not be given a chance to make it up to you. Let’s make this night warm...” Bulong na lang halos ang huli niyang sinabi.
INIHATID siya sa opisina ni Benedict kinabukasan. Daig pa ni Mariel ang artista dahil pinagkaguluhan siya ng mga kasamahan.
“Pumasok na pala ang kaibigan ko. Sinabi mo na ba sa kanila?” singit ni Roselle sa hindi magkamayaw na pangungulit ng mga kasama.
Kay Roselle napako ang tingin ng mga naroroong empleyado. Pati si Frederick, na bumubungad sa pinto, ay nagkainteres na makinig.
“Mayroon ba kaming hindi alam?” Nag-chorus pa ang mga ito.
“We just got married.” Si Benedict ang sumagot at saka inakbayan si Mariel.
As expected, nagulat ang lahat. Mayamaya’y inulan na sila ng pagbati at panunukso. Wala namang nagtanong kung bakit ganoon kabilis ang mga pangyayari.
Si Frederick ang huling lumapit sa dalawa. Una nitong kinamayan si Benedict.
“I can’t believe this, Benedict. I kept on saying to Mariel that the moment she accepts my proposal, I’ll marry her right away.” Tonong nagbibiro pa rin si Frederick.
Seryoso ang anyo ni Benedict. “It so happened that I married her before she answered yes.”
Parang nangilag si Frederick sa ekspresyon ng mukha ni Benedict. Nagmamadali na itong umalis.
“Honey, babalikan kita rito at five. Kailangan lang na nasa site ako ngayong maghapon,” malambing na paalam ni Benedict sa asawa.
Nag-goodbye kiss pa ito sa kanya. Walang pakialam sa mga matang nakamasid.
“Kakainggit naman kayo!” bulalas ni Roselle nang makaalis si Benedict.
Napailing na lamang si Mariel. Sabi na nga ba niya, hindi makakatiis si Roselle na hindi mambuska.
“Ang bruho kasing papa ni Juniel sukat namatay kaagad. Lilimang buwan palang akong nakakapanganak.” Nakukuha na nito ngayong gawing biro ang malungkot na pangyayari sa buhay nito. Car accident ang ikinamatay ng asawa nito.
“Oo na. Mag-asawa ka uli kung gusto mo,” sagot niya rito.
Matigas na “hindi” at may kasama pang iling ang isinagot sa kanya ni Roselle.
TAPOS na ang coffee break nang may maalala si Roselle.
“Mariel, heto na iyong hinahanap mo.” Ipinatong nito sa mesa niya ang apat na souvenir shots na kuha noong Christmas party ng kompanya.
Sandali niyang inihinto ang ginagawa. Hindi na niya kailangang magtanong. May isang kuha na si Roselle lang at ang babae.
Hindi siya magaling mag-describe ng itsura, ihahanap at ihahanap niya ng mapagkokomparahang artista o kung sino mang sikat na personality. Sa isang ito ay hindi siya nahirapang mag-isip dahil buhok pa lang ay kamukhang-kamukha na, pati pa shape ng mukha. Parang si Angel Aquino. Ayaw man ay nakadama ng insecurity sa sarili si Mariel.
“Sa tingin ko naman, na-satisfy ko na ang curiosity mo. Itatago ko na ito, ha!” Sinamsam na nito ang mga pictures at bumalik na sa mesa.
Hindi na rin niya binanggit sa kaibigan ang dapat sanang ihihinga niya rito. Pinalalakas niya ang loob sa mga salitang narinig sa kanyang ina kahapon. At kung pagbabasehan ang paraan ng pagmamahal sa kanya ni Benedict kagabi, kakalimutan na lang niya ang lahat ng agam-agam.
DUMATING si Benedict nang oras ng uwian. Sinabi nitong nagdaan ito ng Sta. Maria at kumuha ng ilang damit nila. Pabor naman iyon kay Mariel. Sa haba ng bakasyon niya ay marami siyang trabahong dapat tapusin at praktikal lang na sa Philamhomes sila umuwi.
Nagulat si Mariel nang dumating sa Philamhomes. Ngayon lang niya na-appreciate ang talagang ganda ng bahay, hindi kagaya noong una niya itong nakita. Wala na ang talukbong na mga tela sa mga furniture. Pati ang marble flooring ay makintab na makintab. Mas maaliwalas tingnan ngayon ang bahay.
“What can you say?” nakangiting tanong sa kanya ni Benedict.
“Nice! Sino’ng nag-ayos dito?” Tiningala niya ang asawa.
“Sinabi ko kay Dorina ang set up natin. Once a week daw siyang magpapapunta ng maglilinis dito. By next week, iyong hardinero niya ay dito muna nang ilang araw para ‘yong garden naman ang maasikaso.”
Iginiya siya ng asawa patungong kusina. Para siyang batang iniupo nito sa silya samantalang ito ang nagluto ng late na nilang hapunan.
“Hindi ba nakakahiyang si Dorina pa ang maabala sa maintenance nito? Nandito naman tayo.”
“Pabayaan mo na siya. Kaligayahan na niya iyon. At saka may ugali si Dorina na mag-evacuate.” Binuntutan ng tawa ni Benedict ang sinabi.
“Mag-evacuate?”
“Kapag nagkatampuhan sina Dorina at Romulo, hinahakot ng kapatid ko ang mga anak niya, tangay pati ang mga yaya at isang maid at dito niya dinadala. Huwag kang mag-alala at mararanasan mong makita ang drama ng kapatid ko. Hangga’t hindi mismong si Romulo ang susundo sa kanila, hindi sila babalik sa Alabang. Kahit um-absent pa ang mga bata sa school.”
Amused si Mariel sa kuwento ni Benedict tungkol sa kapatid nito.
“Kaya kung ano ang gusto niyang gawin dito, hayaan na lang natin. Extension na ito ng bahay niya. Anyway sa Sta. Maria, ikaw naman ang nasusunod doon.”
MAGDADALAWANG buwan na silang kasal ni Benedict at ganoon pa rin ang set up nila. Nadadalas ay sa Philamhomes sila umuuwi.
Ilang beses na ring sa pagdating nila roon ay daratnan nilang parang nursery ang buong bahay. Nagkalat ang mamahaling mga laruan ng mga anak ni Dorina.
Kung nagkakagalit man ang mga ito ay magaling magdala ang babae. Hindi ipinapakita sa kanila ang sentimyento nito. Basta nandoon lang sa bahay at animo bakasyunista.
Sa mga ganoong pagkakataong dinaratnan nila ang mag-iina, mas mukha pa ngang pinagsakluban ng langit at lupa si Benedict. Paano ay alam na nito ang kapalaran nila nang gabing iyon.
Pinakamasuwerteng makapag-good-night kiss si Benedict kay Mariel. Hindi na hiwalay ang mga bata kay Mariel pagbungad pa lang nila sa pintuan.
Kahit si Dorina ay walang magawa sa mga anak para palipatin ang mga ito sa inookupa nilang kuwarto. Si Mariel na ang nagto-tolerate sa mga batang sa kanya na tumabi. Si Benedict ay bahala na kung saan ito makakahanap ng matutulugan.
Kinantiyawan ni Benedict ang kapatid na dapat ay may kapalit ang pagtitiis nila sa mga gabing hindi sila nagkakasama sa kuwarto.
Naintindihan naman ni Dorina ang bunsong kapatid. Kaya naman bago pa man ito sinundo ng asawa pabalik sa Alabang ay nakabitan na sila ng telepono.