HALATA ang kasiyahan sa mukha ni Marcela nang malaman nito na ang bahay sa Sta. Maria ang titirahan ng mga bagong kasal. Bagaman inaasahan na ng mag-asawang Alberto na ipagpipilitan ni Benedict na iuwi nito si Mariel sa Philamhomes.
Silang apat ang magkakatulong na nag-asikaso ng kung ano pa ang dapat idagdag sa bahay ni Mariel. Pinalakihan nila ang garahe para maipasok din ang kotse ni Benedict. Good thing na wala pang landscape ang bakuran.
Nang dumating ang weekend ay kasama na nila si Benedict sa Hagonoy. Gulat na gulat ang mga tauhan doon nang malamang nag-asawa na si Mariel.
“Ang akala ko’y ang nanliligaw sa iyo ay `yong anak ni Donato,” si Manolo, katiwala ng daddy niya. “Kahit nga rito ay panay ang banggit na kesyo kailangan na raw kayong magkakilala ng kanyang anak. At halata ang motibo sa pagkakagusto sa iyo ni Donato.”
“Kalimutan mo na iyon at hindi na babalik dito ‘yon. Ayaw na ng daddy sa kanya,” sagot na lang ni Mariel. “Si Jonathan ang tinutukoy niya. Iyong kasama ng mga mommy noon,” baling niya kay Benedict.
“May hihilingin sana ako sa iyo. Talagang napag-usapan na namin itong mag-asawa. Pabibinyagan namin ni Helen `yong bunso namin sa susunod na linggo. Ikaw ang gusto niyang maging ninang ni Hazel. Kung papayag kayo, pati si Benedict ay kukunin na rin naming ninong?”
Hindi na bago sa kanya iyon. Halos lahat ng pamilya sa palaisdaan ay si Mariel ang kinukuhang ninang.
Si Benedict ang mismong sumang-ayon sa pabor na hinihingi ni Manolo.
Kung masaya ang weekend ni Mariel noon, mas masaya siya ngayon. Damang-dama niya ang harmony sa kanilang apat. Sa hapag-kainan ay hindi pa rin maubos ang kuwentuhan ng daddy niya at ni Benedict.
Kung paano lumapit nang husto ang kalooban ni Alberto sa manugang ay hindi na niya pinag-isipan. Ang mahalaga sa kanya ay ang nakikita ngayong magandang samahan ng mga ito.
PAGKASIMBA nila kinabukasan, dinala ni Benedict si Mariel sa Alabang. May dalawang oras at kalahati rin bago nila narating ang subdivision.
“Sige po, Sir, Ma’am. Naghihintay na po sa inyo si Mrs. Ledesma.” Ilang sandali ring pinigil sila ng guard sa main gate. Kinumpirma muna nito kung talagang may kakilala sila sa loob.
Nasa labas na si Dorina, talagang inaabangan ang pagdating nila. Elegante pa rin ang itsura ng babae kahit sa simpleng house dress na suot nito.
“Akala namin ay hindi na kayo darating. Saan ba kayo nanggaling?” Nakangiti ito habang ipinaghehele ang sanggol.
“Sa Sta. Maria.” Si Mariel ang sumagot. Iginala niya ang paningin sa paligid. Well-manicured ang lawn, may tatlong magagarang sasakyan sa covered garage at sa terrace na kinatatayuan niya ay kita ang marangyang sala.
Nabaling ang pansin ni Mariel sa bolang humagis sa may paanan niya. Kasunod niyon ang tawanan ng mga bata. Ngunit napatigil ang mga ito nang makita siya.
Kinambatan ni Benedict ang dalawang bata. Lumapit ang mga ito at humalik sa tiyuhin.
“Who is she, Tito?” tanong ng mas malaking bata.
“She’s my wife. C’mon, boys, give your Tita Mariel a big hug.”
Nang lumapit kay Mariel ang dalawang bata ay yumuko siya. Nagpakilala ang panganay na si Jude at Tody ang isa pa. Natutuwa siya dahil bibo ang mga ito.
Dinampot niya ang bola sa malapit. “Wanna play?”
Tumalikod sa kanya sandali si Jude, nagpunta sa ina. “Mommy, she’s going to play with me and Tody, do you think she’s nice now? I remember she hit me when I was five and told me she hates kids.”
Hindi niya masyadong naunawaan ang sinabi ni Jude pero nakita niyang nagkatinginan sina Dorina at Benedict.
“Sige na, anak. It’s okay,” taboy ni Dorina sa bata.
Nalibang si Mariel sa pakikipaglaro sa dalawang bata. Nagulat pa siya nang si Benedict na mismo ang lumapit sa kanya. Kakain na raw.
Dumating si Romulo nang nasa kalagitnaan na sila ng pagkain. Hindi na ito sumalo sa kanila.
“Gusto ninyong sumamang dalawa? Naglalambing itong mga bata, Enchanted Kingdom daw,” yaya sa kanila ni Romulo nang makababa ito.
Gusto nang tumanggi ni Mariel. Subalit naging mapilit ang dalawang bata at gusto ng mga itong makasama silang mag-asawa.
Ilang oras silang naglibot. Sina Jude at Tody ay hindi halos humihiwalay sa kanya.
“Hon, mauna na tayo kina Dorina. Medyo gabi na, pinakamaaga natin sigurong uwi ay twelve midnight.”
Iyon lang ang hinihintay ni Mariel. Nahihiya naman siyang mag-aya sa asawa dahil baka isipin nitong ayaw niyang makasama ang pamilya nito. Bagama‘t hindi rin niya maitatanggi na nag-e-enjoy siyang kasama ang mga bata.
Pasakay na siya sa kotse nang marinig ang tinig ni Jude. Ang ina ang kausap nito. “Mommy, `di ba sabi mo, magri-ring bearer ako sa kasal ni Tito Benedict? Bakit...”
Hindi niya alam kung narinig din ni Benedict ang sinabi ni Jude dahil kasalukuyang may pinag-uusapan ito at si Romulo.
Noon lang niya na-realize ang dating ng mga salita ni Jude kanina pa sa Alabang. Ang akala ng bata ay siya si “Mariel” na dapat sanang pakakasalan ni Benedict noon.
Nagkaroon siya ng interes na alamin kung ano ang itsura ng “Mariel” na iyon. At ayaw tanggapin ng kanyang isip na baka magkahawig, kundi man sila magkamukha ng naturang babae. Lalong tumanggi ang isip niya na kaya hindi nag-atubiling magpakasal sa kanya si Benedict ay dahil sa dahilang iyon.
He had his own reasons, natatandaan niyang sabi sa kanya ni Roselle ilang minuto bago sila ikinasal ni Benedict.
Inakala naman ni Benedict na nalulungkot siya sa paghihiwalay nila ng mga bata kaya siya nawalan ng kibo nang pauwi na sila.
“Mahilig ka pala sa mga bata, ngayon ko lang napansin. Hayaan mo sa susunod na linggo, babalik tayo ulit sa kanila.”
“Hindi puwede,” maiksi niyang sagot.
“Sabagay, malayo kasi. Hindi bale, tawagan na lang natin sina Dorina. Tayo ang mag-invite sa kanila sa Bulacan. Sa Grotto Vista natin dalhin ang mag-anak niya.” Habang nagsasalita si Benedict ay sa daan nakatuon ang mga mata nito. Hindi nito napansin ang pagkabagot sa mukha niya.
“Hindi nga puwede. Pabinyag nina Manolo sa Linggo. Nakalimutan mo na ba?” May halong iritasyon ang tono ng boses niya na ikinalingon ng asawa.
Umiwas siyang salubungin ang tingin nito. Nasa highway sila at ito ang nagmamaneho. Kung ang sinabi niya ay magpapasimula sa away nilang mag-asawa hindi rin niya gugustuhing dito at ngayong oras na ito. Mawawala ang konsentrasyon nito sa pagmamaneho at baka sila maaksidente.
Mula sa fast lane ay lumipat ito sa kabila. Hanggang sa magmenor ito at itinabi ang sasakyan sa gilid.
Hindi pa rin siya kumikibo. Hinihintay niya kung ano ang sasabihin nito.
Ipinikit niya ang mga mata. Nagkunwaring walang pakialam kung ano ang balak nitong gawin sa kanya.
“Mariel, nagugutom ka ba? May sandwich at juice na ipinabaon si Dorina. Kung gusto mo, kainin muna natin.” Taliwas sa inaasahan niya ang reaksiyon nito. Hindi papatulan ang sumpong niya.
Nahamon siya sa ipinakita nito. Pinanindigan ang sumpong niya. “Kainin mong mag-isa!” Pinagsalikop niya ang dalawang braso at naghanda sa pagtulog.
Nagtataka si Benedict sa pagbabago ng mood niya. Nakakunot ang noong natitigan siya nito habang nakapikit siya.
Iniabot ni Benedict ang throw pillow sa backseat at ibinigay sa kanya. “I think you better sleep. Napagod ka kasing masyado kanina,” malumanay nitong sabi. Dinukwang nito ang adjustment ng sandalan sa gilid niya at ini-recline.
Muntik nang mapadilat ng mga mata si Mariel nang maramdaman ang maiinit na halik nito sa kanyang mga labi. Ngunit saglit lamang iyon. Bago pa niya nakuhang tuminag ay bumalik na ito sa manibela at nagsimula nang pausarin ang sasakyan.
“I love you, Mariel.” Sa nag-aagaw-tulog niyang diwa ay hindi niya tiyak kung panaginip iyon o bulong ni Benedict sa kanya.
NAALIMPUNGATAN si Mariel. Pakiramdam niya ay iniaangat siya sa lupa.
Sa pagdilat ng mga mata ay natunghayan niya ang mukha ng asawa. Binubuhat siya nito.
Nang makita ang pamilyar na garahe ay natiyak niyang nasa bahay na sila. Parang hinihila pa siya ng antok kaya muling ipinikit ang mga mata.
“Anong oras na ba?” Iniaakyat na siya ni Benedict sa hagdan.
“Twelve-ten. Short ako ng ten minutes sa estimated travel time natin.” Inilapag na siya nito sa kama.
Binubuksan na nito isa-isa ang mga butones ng blusa niya. Naging maginhawa ang paghinga niya nang pati kawit ng pants niya ay tanggalin nito.
Tinungo ni Benedict ang closet. Ikinuha siya nito ng pantulog at saka pinalitan ang suot niya. Aware siya sa pag-aasikasong ginagawa nito sa kanya at sa pandalas na pagbuntong-hininga nito, pero mas hinahabol niya ang pagtulog.
HALIK ni Benedict ang gumising sa kanya nang umagang iyon. Napabalikwas siya ng bangon. Ngayon nga pala siya magre-report sa opisina. Nakita niyang nakabihis na si Benedict.
“Bakit hindi mo ako ginising?” sita niya rito.
“Akala ko kusa kang magigising. Ni wala ka ngang alarm clock dito sa kuwarto.”
“Alam mo namang papasok din ako, de dapat ikaw na ang nagkusang gumising sa akin!” Nagdadabog siyang umalis mula sa kama at tinungo ang pinto.
Sandali siyang tumigil doon. Umiikot yata ang paningin niya.
“Hanggang ngayon pa ba naman, honey, wala ka pa rin sa good mood? Come on, greet your Monday with a smile,” sabi ni Benedict na inaayos ang necktie na suot.
Hindi pansin ni Mariel ang sinasabi ng asawa. Natutop niya ang sariling noo. “Honey, sa mga mommy ka na lang mag-stay ngayong araw na ito. Seven o’clock na. Male-late ka na sa office, maiinis ka pa sa traffic. Bukas ka na lang pumasok.”
Nakalimutan ni Mariel ang sariling nararamdaman. Masama ang tinging ipinukol niya kay Benedict.
“Seven o’clock na pala, eh, bakit nandito ka pa?” Bumabangon ang inis na nasa dibdib niya kagabi, lalo pa at nagwiwisik pa ng pabango si Benedict. After-shave lotion lang dati ay nakakaalis na ito.
“Mariel...” Lumapit sa kanya si Benedict, nakangiti pa rin ito. “Kaya hindi ako masyadong nagmamadali kasi sa Malolos naman ako papunta. At mamayang nine o’clock mag-i-inspect iyong mag-asawang nagpapagawa n`ong building. And before twelve noon, kailangan ay nasa J&V na kami dahil may meeting sila kay Engineer Sembrano. Plus the fact na SOP na sa aming mga engineers na nakaganito ang attire every Monday.” Parang nagpapaliwanag si Benedict sa isang anak na ayaw magpaiwan.
“Ang dami mong sinabi.” Kinabig ni Mariel ang pinto. Nagtuloy siya sa katabing banyo.
Ten minutes lang at lumabas na siya ng banyo. Nakapag-shower na siya at wala na ngang balak pumasok.
Nagulat pa siya nang mabungaran si Benedict sa pinto. Naroon pa rin ito at nilalaro ang susi ng kotse sa daliri.
Humakbang ito papalapit sa kanya. “I hope tinangay ng tubig ang sumpong na natira sa iyo kagabi.” Hinalikan siya nito nang mariin sa mga labi. “Mag-iingat ka. Sa mga mommy na kita susunduin mamayang pag-uwi ko.”
Naiwang nakatayo lang si Mariel. Hawak nang mahigpit ang buhol ng tuwalyang nakatapis sa kanyang katawan. Sa pag-ikot niya ay napaharap siya sa salamin. Tinitigan doon ang sariling repleksyon. Sa klase ng paghalik sa kanya ni Benedict, nararamdaman niya ang kasabikan nito.
Parang bigla siyang na-guilty. Ang bait ng asawa niya. Kagabi’y alam niyang nagpigil lang ito na angkinin siya. At sa tantiyadong halik nito’y naroon pa rin ang pagpipigil sa sarili. Kino-consider ang mood niya.
Napangiti siya sa naisip, mamayang gabi ay babawi siya sa asawa.