NAKADANTAY pa ang isang braso ni Benedict sa kanyang baywang nang magising si Mariel. Nakadapa ito sa kanyang tabi at ang ulo ay nakabiling paharap sa kanya.
Masuyo niyang hinaplos ang mukha ng asawa. Gusto niyang matawa. Ikinasal sila at nagsalo sa kaganapan ng pag-ibig ngunit ngayon lang niya naalala kung bakit pamilyar ito sa kanya noon.
Malaki ang resemblance ng features ng mukha nito kay Keanu Reeves. Nagpapaalala ito sa kanya sa nasabing artista noong mapanood niya ang Speed. At nakakahiya mang aminin, iyon din ang huling pelikulang napanood niya sa sine and that was years ago!
Inalis niya ang pagkakayakap nito sa baywang niya. Bahagya pa siyang napaika nang ihakbang ang paa para abutin ang tuwalyang gagamitin niya sana kagabi. Itinapis niya iyon sa sarili.
Nag-shower siya nang mabilis. Nagpapahid na siya ng lotion nang mapansin ang suot na singsing. So, may wedding ring din siyang matatawag. And thinking na ito lang ang tanging hindi nahubad sa kanya kagabi.
Napangiti siya sa ideyang iyon.
Sabi nga ni Benedict at malinaw na malinaw niyang narinig: they were not going to share the same bed.
Hindi natupad iyon sa mismong unang gabi ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Oh, well, it came out naturally, aniya sa sarili.
Pababa siya nang mapansin ang mga blankets na nakalatag sa sala. Ni walang bakas na nahigaan. Isa-isa niya iyong itinupi at ipinanhik sa kuwarto.
Akmang lalabas na siya nang marinig ang pag-ungol ni Benedict. “Mariel...”
Lumapit siya rito.
Pumasok sa ilong ni Benedict ang bango ng shampoo na ginamit niya. Nakapikit pa rin ito. Nang maramdaman nitong nasa tapat na ang asawa ay sinaklit siya sa baywang at sa isang iglap ay nakulong siyang muli sa bisig nito.
“You left me,” nagtatampong wika nito.
“Hindi,” sagot ni Mariel.
“Don’t do that again. How I waited for this moment to wake up each morning na mukha mo ang una kong makikita...”
Kinilig si Mariel sa pahayag nito. Nagtatawang kumawala siya sa pagkakayakap nito. “Did I dis-appoint you?”
“Oo! At pagbabayaran mo sa akin iyan.” Ang mga labi nito’y pinagagapang sa kanyang leeg.
“Benedict, magluluto na ako.” Lalong humihigpit ang yakap nito sa kanya. At may napupukaw na damdamin sa kanya.
“Breakfast in bed ang gusto ko.” At napailalim na siya rito.
MAAGA lang nang kaunti sa oras ng tanghalian nang bumaba ang bagong kasal.
Naalala ni Mariel na nagpapatawag nga pala si Roselle para malaman nito kung gaano pa siya katagal mawawala sa opisina.
Doon na sila sa mga mommy niya nananghalian. Doon na rin siya nakitawag.
Nami-miss na raw siya ng mga officemates niya. Wala pang sinasabihan si Roselle ng totoong pangyayari.
PINAGBAON ni Mariel si Benedict ng ilang pirasong damit. Nang hapong iyon ay isinama siya sa bahay nito sa Philamhomes.
Style-bungalow ang bahay pero malaki. Lima ang kuwarto at may servant’s quarter pa sa likod. Ang mga muwebles ay natatakpan ng puting tela. Malinis ang buong kabahayan pero pakiramdam ni Mariel ay mas gusto pa rin niyang manatili sa bahay niya sa Sta. Maria.
“Mula nang mag-asawa si Dorina, ako na lang ang mag-isa rito. `Tapos, nung magpunta ako sa Cebu, siya ang nag-maintain dito hanggang sa ngayon. Once a month kung papuntahin niya rito ‘yong dalawa niyang maids. Kaya nga pinatakpan ko ng tela ‘yang mga furniture para maingatan. Mga basic parts lang dito ang nagagamit ko. Kitchen, bathroom, saka siyempre iyong bedroom ko,” mahabang paliwanag nito.
“Sino ang nag-aasikaso ng mga damit mo?” Iniisip ni Mariel na may katulong si Benedict.
“Mariel, exchange student sa California itong pinakasalan mo. Mag-isa lang ako sa flat ko, asikaso ko ang sarili ko. And besides, we weren’t raised na nakaasa ang lahat sa katulong,” natatawang sagot ni Benedict.
Napailing na lang si Mariel. Marami pa talaga silang hindi nalalaman sa isa’t isa.
“Come, I’ll show you my room.” Inakbayan siya ni Benedict.
Katabi ng master’s bedroom ang silid na inookupa ni Benedict. Maayos ang may-kalakihang silid. Organized ang mga gamit, gayong sa isang tingin pa lang ay alam na niyang lalaki ang gumagamit niyon.
Ipinakita sa kanya ni Benedict ang master’s bedroom. Magara ang matrimonial bed na dumodomina sa kuwarto. Ang vanity mirror na nakadikit sa isang parte ng dingding ay nagpapahayag ng karangyaan ng may-ari.
“Bahala ka na kung ano ang gusto mong ayos dito. We have the whole week para mapagtuunan ng pansin ang lahat ng dapat ayusin at baguhin,” sabi ni Benedict, pagkuwa’y tinungo na nito ang kusina. “Walang naka-lock na kuwarto. You may explore the whole house.”
“Ako na ang bahalang magprepara ng hapunan natin,” pahabol pa nitong sabi.
Bahagya lang inikot ni Mariel ang buong bahay. Pagbalik niya sa sala ay binuksan niya ang bintana at mula roon ay tanaw ang malawak na bakuran.
Nangangailangan na ng trimming ang mga halamang mahihinuhang sa ulan lang umaasa ng dilig. May grotto sa isang dako ng hardin at sa tabi niyon ay ilang driftwoods na kinakapitan ng mga nalalanta nang orchids.
Isinara muli niya ang bintana. Sa isip ay pinag-aaralan niya ang mga salitang bibitawan kay Benedict para makumbinsi itong sa Sta. Maria muna sila tumira.
Naghahain na ito nang sundan niya ito sa dining room.
“Dinner is ready, honey.” Sinalubong pa siya nito nang makita siya, inalalayan pa siya sa pag-upo sa silya.
“I guess, you’re a good cook,” aniya na totoo sa loob ang sinabi.
“You bet! Let me prove it to you.” Kumutsara ito ng maliit na piraso ng sweet and sour lapu-lapu at dinala sa bibig niya. “What can you say?”
“I’ve got an idea,” sagot niya nang malulon ang isinubo ni Benedict. “Since, mas masarap kang magluto sa akin, ikaw na palagi ang magluto. Akin na ang lahat ng household chores. Okay ba?” Kinindatan pa niya ang asawa.
“Hindi ba ako lugi?” kunwari ay reklamo ni Benedict.
“Sige, palit tayo. Maglilinis ka ng bahay, maglalaba at mamamalantsa.” Parang nakikipag-bargain si Mariel.
“Gusto mong kumuha tayo ng katulong?” suhestiyon ni Benedict.
Seryosong umiling si Mariel. “Saan nga pala muna tayo titira?” Pagkakataon na niya para ipasok ang iniisip kanina.
“Ayaw mo ba rito?” ganting-tanong nito.
“Hindi naman sa ayaw,” disimuladong tugon niya. “Naisip ko lang sina Daddy. Baka sumama na nang tuluyan ang loob ng mga iyon. Remember, tinanggihan natin iyong regalo nila. `Tapos, lilipat pa tayo rito.”
“Okay, kung doon mo gusto. Hangga’t hindi pa tayo nakakasal sa simbahan, doon muna tayo,” sang-ayon ni Benedict.
Napatigil sa pagkain si Mariel. “Ibig mong sabihin... tuloy pa rin ang church wedding?”
“Of course!” napalakas na wika ni Benedict. “Gusto kong maranasan mo— natin, ang magmartsa sa simbahan. Tayong dalawa ang mag-aasikaso ng tungkol doon. Nasa iyo kung kailan mo gusto. I suggest, December wedding. Kaya lang, that will be four months from now pa.”
“Saka na natin pag-usapan `yang kasal. If you won’t mind, mas gusto kong kaharap ang mga mommy sa pagdi-discuss ng details. Knowing them, they’ll surely love to be involved. Nagkataon kasing kaisa-isa nila akong baby.”
“Okay, for the meantime, we’ll spend the night here, until tomorrow. But help me pack some of my things para ilipat natin doon.”
Ngumiti siya.
“Mariel, can we still maintain this house? In fact, mas malapit ito sa J&V kaya mas praktikal na nandito tayo.” Umaasa ng positibong sagot si Benedict.
Ayaw talagang magpatalo, sa loob-loob niya.
“Mas malapit naman sa project mo ngayon kung sa Sta. Maria tayo. Anyway, sanay na akong lumuluwas araw-araw. Pero sige, if that’s what you want, no problem with me. Wala bang linya ng telepono rito? Importante sa atin iyon. Mahirap namang asahan ang cellphone. Minsan kasi, kung kailan mo kailangan ay saka nagloloko ang signal.”
“Ninang ni Dorina ang manager ng telephone company rito sa area, patulong tayo sa kanya para mas mabilis,” ani Benedict. Nagsisimula na itong pagpatung-patungin ang mga kinainan nila.
Magkatulong sila sa pagliligpit. Nagtataob na lang si Mariel ng mga pinunasang kasangkapan nang iwanan siya ni Benedict.
Mayamaya’y bumalik ito. “Mariel...”
Mula sa likuran niya ay yumakap ito sa baywang niya. Ang maliliit na halik na idinadampi nito sa balikat niyang nakalitaw sa off-shoulder na blouse ay nagpapatayo sa mga pinong balahibo niya sa batok.
Napapikit siya nang mariin. Ang mga kamay ni Benedict ay nagsisimulang dumama sa kaumbukan ng kanyang dibdib. Habang ang mga labi nito ay nasa likod ng kanyang tainga. Tila nanunuksong kumakagat nang banayad kasabay ng pagdedeklara ng pag-ibig sa kanya.
Ang init ng pagmamahal na ipinararamdam sa kanya ni Benedict ay sapat na upang siya na ang kusang humarap dito.
Sa pagkakayakap nila sa isa’t isa ay lalong naging maalab ang kanilang damdamin.
Hindi na matandaan ni Mariel kung paano sila nakarating sa kuwarto ni Benedict. Naramdaman na lang niyang unti-unting lumapat ang kanyang likod sa malambot na kutson.
At minsan pa siyang inangkin ng asawa nang buong pagmamahal.