Book 1 (Mariel and Benedict) - Chapter 6

1873 Words
“LET’S walk hand in hand together to make this marriage work.” Hawak ni Benedict ang baba niya at inilapit ang kanyang mukha rito. Napapikit si Mariel. Nalulunod siya sa antisipasyon. Nararamdaman niya ang marahang pagdampi ng mga labi nito sa mga labi niya. Parang may dumaloy na maliliit na boltahe ng kuryente sa kanya. Katok sa bintana ang nagpabalik sa lumilipad niyang malay. “Mamaya na iyan,” panunukso sa kanila ni Roselle. Parang nag-iinit ang mga tainga niya. Kitang-kita sila ng mga nasa labas. Patay-malisya ang mga itong pumasok sa bahay. Si Roselle lang ang naglakas-loob na lumapit sa kanila. Matapos ang masaganang salu-salo ay nagpaalam na si Uncle Rudy. Isiniksik nito sa palad ni Mariel ang sobreng regalo sa kanila. Hindi nagtagal ay dumating si Romulo, ang asawa ni Dorina. Humingi ito ng paumahin sa hindi pagdalo sa kasal dahil sa isang importanteng appointment.  Dumating ang sandaling nagpaalam na ang mga bisita. Niyakap siyang muli ni Roselle bago ito sumakay. “Ako na ang bahala sa leave of absence mo sakaling gusto mo pang i-extend. Kaya pala biglang-bigla ang pagbabakasyon mo noon. Anyway, it’s all over now. Mariel, do your best to make him love you more.” “BENEDICT, Mariel, iniwan ito ni Dorina para sa inyo.” Iniabot sa kanila ni Alberto ang isang envelope nang bumalik sila sa loob. Ipinasa sa kanya ni Benedict ang envelope na papel pa lang ay class na. Ngiting-ngiti ito matapos mabasa ang nilalaman ng sobre. Gift certificate. An overnight stay for two sa isang five-star hotel sa Makati. Walang naka-specify na date. Hanggang huling araw ng taong kasalukuyan ay valid ito. Muling naramdaman ni Mariel ang pag-iinit ng tainga. Pasimple niyang ibinalik sa envelope ang papel. Kunwari ay wala sa isip niya ang anumang konotasyon ng kapirasong papel na iyon. Hindi na nag-usisa si Alberto kung anuman iyon. Binalingan sila nito at inaya sa sala. “Marcela, pakikuha mo iyong para sa mga bata,” utos nito sa asawang nagmula sa dining area. Wala nang inaasahan si Mariel sa mga magulang. Ibinigay na sa kanya noon pa ang titulo ng bahay at lupang tinitirhan niya ngayon. Ayon sa mga ito ay iyon ang regalo sa kanya dapat kapag nag-asawa na siya. Pero nauna na nga nang magsolo siya. Nasa sala na silang tatlo nang bumalik ang ina, walang hawak na kahit ano sa kamay nito. Nang maupo ito sa tabi ni Alberto ay saka dumukot sa bulsa ng damit at ipinasa iyon dito. Tiningnan iyon saglit ni Alberto at saka ibinigay sa kanila. Namangha silang pareho nang matunghayan ang tseke. Isang milyong piso, pay to cash at dated. “Para sa inyo talaga iyan, regalo namin ng mommy ninyo. Maaari ninyong gamitin iyan bilang pansimula sa isang negosyo,” sabi ni Alberto. Walang nakakibo agad sa bagong kasal. Nagkatinginan sila. Iniabot niya ang tseke sa asawa. Ibinigay niya rito ang pagkakataong magsalita. Nag-alis muna ng bara sa lalamunan ang lalaki at kinuha ang tseke kay Mariel. “Daddy, napakalaking halaga po nito. Hindi po namin matatanggap,” matapat na sabi nito at magalang na ibinalik sa biyenang lalaki ang tseke. Nasa mukha ni Mariel ang pagsang-ayon sa naging pasya ng asawa. Nahuli niya ang pagsilay ng makahulugang ngiti sa mga labi ng kanyang ina at ang pagkunot-noo ng daddy niya. “Tinatanggihan ninyo ang regalo namin?” sabi ni Alberto. “Hindi naman po sa ganoon. Pareho naman po kaming may stable job ni Mariel at mayroon din pong naipon. Kahit po pahintuin kong magtrabaho si Mariel kung papayag siya ay hindi mawawala sa kanya ang mga luhong nakasanayan niya.” Nakabitin sa ere ang tsekeng ibinabalik ni Benedict. Ipinatong na lang nito iyon sa center table.  Humanga si Mariel sa ginawa ng asawa. “At saka, Daddy, ang bahay at lupang tinitirhan ko ngayon ay sapat nang bigay ninyo sa amin. Kahit ang bahay ni Benedict ay sarili na rin niya,” dagdag pa niya. “Eh, de ideposito na lang muna ninyo ito sa bangko para sa sandaling mangailangan kayo ay mayroon kayong madudukot.” Mapilit pa rin si Alberto. Muling nagpalitan ng tingin ang mga bagong kasal. “Daddy, huwag mo nang ipilit iyan. Baka nakakalimutan ninyong biglaan ang kasal namin. Baka isipin nitong asawa ko ay binabayaran ninyo siya sa pagpapakasal sa akin.” Dinampot ni Mariel ang tseke sa center table at ibinalik sa bulsa ng ina. Sukat sa narinig ay marahas na nilingon ni Benedict ang pinakasalan. Namagitan na sa usapan si Marcela. “Alberto, siguro’y iba na lang ang iregalo natin dito sa mga bata. Hindi maganda ang naipapakahulugan sa akala nating makasisiya sa kanila. Alalahanin mong may mga sariling sikap at matataas ang pride ng mga anak natin.” “Siguro nga,” sang-ayon na lamang ng matandang lalaki. “Buweno, Marcela, sumaglit ka sa palengke at ibili mo ng mga baso ang mga bagong kasal,” biro pa nito, bilang pagtatapos ng usapan. “BENEDICT, I don’t think we have to use this.” Iniabot ni Mariel dito ang regalo ni Dorina.  Nasa kotse na sila ng lalaki at wala pa ring kongkretong napag-uusapan kung saan magpapalipas ng gabi. “I agree with you. Nasa Makati pa ang hotel na iyan at alas-otso na ngayon ng gabi.” “Pakihatid mo na ako sa bahay ko.” Hindi ang ganoong kababaw na dahilan ang inaasahan niyang isasagot nito. Tahimik na binuhay ni Benedict ang makina ng kotse. Nakita niya ang pagdilim ng mukha nito. Lagi na lang bang hindi nito magugustuhan ang sinasabi niya? Binaybay ng lalaki ang daan patungo sa bahay niya. “Now, Mariel, speak up. We have all the night to talk,” anito pagkapasok na pagkapasok nila sa bahay. Nahinto siya nang makitang padabog na ibinagsak ni Benedict ang sarili sa sofa. Mag-aaway ba sila sa unang gabi ng pagsasama nila? “Dito ka ba matutulog?” wala sa loob na tanong niya rito. “Mag-asawa na tayo ngayon, Mariel. Tigilan na natin ang pag-aangkin ng mga bagay. Anuman ang akin ay atin na ngayon, and vice versa. Let’s help each other to make this marriage work. We have to do what married couples normally do...” Sa huling sinabi nito ay halatang lumambot ang tono. Tulad niya ay ayaw din marahil nitong umabot sa pagsasagutan ang unang gabi nila. “Mariel, nagsimula naman tayong magkaibigan,” dagdag ni Benedict. “Kung anuman ang iregularidad sa sitwasyon natin, sa atin na lang. We’re going to live under one roof from now on your choice kung dito or doon sa Philamhomes.” Ang tinitirhang bahay nito ang tinutukoy nito. “Alam ko’ng nasa isip mo. And for your peace of mind, we will not share the same bed. Let’s wait for the right time.” “N-nahihiya ako sa `yo, Benedict. Sa kakitiran ng isip ko, kung anu-ano ang sinasabi ko.” Hindi siya makatingin nang diretso sa lalaki. “I do understand you. Sige na, magpahinga ka na. Alam kong nakakapagod ang araw na ito sa iyo.” Hinagkan siya nito sa buhok. Gaya ng una itong magpalipas ng gabi sa bahay niya, sa sala ito natulog. Tatlong extra blankets ang isinapin nito sa carpeted floor. Bukas na nila paplanuhin ang anumang kulang sa bahay nila. Tama si Roselle, kailangang mag-extend siya ng bakasyon. TAHIMIK na sa ibaba. Si Mariel ay suot pa rin ang bestida na soft beige na binili ng mommy niya para sa kasal. Pahalang siyang nakahiga sa kama, ang mga paa niya’y nakasayad sa sahig habang ang mga mata ay nakatuon sa kisame. Wala sa loob na dinama ang mga labi niyang hinalikan ni Benedict.  Napapikit siya, sa isip ay paulit-ulit na nire-replay ang eksena nilang iyon. Mahihinang katok ang gumulantang sa kanya. Bumangon siya at sandaling sinuklay ng mga daliri ang nagulong buhok, saka binuksan ang pinto. Tumambad sa kanya si Benedict. Gaya niya ay suot pa rin nito ang damit na suot kanina. May dinukot ito sa bulsa ng pantalon. “Para sa iyo.” Isang maliit na kahita ang iniabot nito sa kanya. Nakatali pa iyon ng makitid na gold ribbon. Nakatitig lang si Mariel sa naturang velvet box. Tumikhim si Benedict. “P-pasok ka...” Niluwangan niya ang pagka-kabukas ng pinto para bigyang-daan ito. Magkaharap silang naupo sa gilid ng kama. Kinalas ni Mariel ang ribbon. Sinulyapan muna niya si Benedict na nakatunghay sa kanya bago binuksan ang hawak. Dalawang singsing ang naroroon. May tatlong maliliit na brilyante ang nakatampok sa yellow gold na wedding band. “Dala ko kanina iyan sa munisipyo, nagbago lang ang isip ko.” “Ang ganda...” bulalas ni Mariel. “Natutuwa ako’t nagustuhan mo.” Kinuha ni Benedict ang mas maliit sa dalawa pagkuwa’y hinawakan ang kaliwa niyang kamay. “Mariel...” Naghinang ang mga mata nila. Pakiramdam ni Mariel ay nagbago ang buong paligid. Ang kuwarto niya ay tila naging simbahan na napapaligiran ng mga puting rosas. At sila ni Benedict ay nasa harap ng altar at nagpapalitan sa isa’t isa ng sumpa ng kanilang pag-iibigan.  Suot niya ay ang magarang damit-pangkasal na pinapangarap ng lahat mga babae. At nang tuluyang maisuot ni Benedict sa kanyang daliri ang singsing ay lumapat ang mga labi nito sa kanya. Nanunuyo, waring nananantiya ang mga dampi nito. Sa pakiramdam niya ay umulit ang maliliit na kuryenteng kanina ay dumaloy sa buo niyang katawan. Gusto niyang gantihan ang bawat hagod ng mga labi ni Benedict. At sa kanyang pagtugon ay naging maalab ang mga halik nito. Unti-unting lumalalim na tila may hinahanap sa loob ng kanyang bibig. Sa pagkakalapat ng likod ni Mariel sa malambot na kama ay kasunod na rin ang katawan ni Benedict na dumagan sa kanya. Ang mga kamay nito ay dumadama sa bawat bahagi ng kanyang katawan na naghahatid sa kanya ng sensasyong nagpapawala halos sa buo niyang kamalayan. Isa-isang nahubad ang kanyang mga damit. Dapyo ng hanging ibinubuga ng air-condition ang pansamantalang naramdaman nya nang mga sandaling humiwalay sa pagkakayapos sa kanya si Benedict para ito naman ang magtanggal ng kasuutan. Nang bumalik sa kanya ang asawa ay nagpatuloy ito sa nasimulan na. Muling nawala ang ginaw na dulot ng aircon at pumalit ang maiinit na yakap nito. Nang sa wari niya ay ganap na siyang aangkinin ng asawa ay hinaplos nito ang buo niyang mukha at pinaliguan ng halik ang bawat bahagi. “Mariel...” bulong nito. Ang mga labi nito ay nasa kaliwang punong-tainga niya at ang hininga nito’y lalong nagpapaliyo sa kanya. “I love you, my dear wife.” “B-Benedict...” Itinatak ni Mariel sa isip ang tinuran ng asawa. Humigpit ang yakap niya sa leeg nito nang maramdaman ang dahan-dahang paggugumiit nito sa kanyang kaibuturan. Umaalalay para hindi siya masaktan nang husto. Ang mga bulong ng pagmamahal nito ay sapat na upang makalimutan niya ang anumang hapdi sa bahaging iyon ng kanyang katawan. Sa marahang paggalaw nito ay ganap na nawala ang kirot at unti-unting napalitan ng hindi niya maipaliwanag na luwalhati sapagka‘t bumilis ang tiyempo ng galaw nito. Sa palagay niya ay mas maliwanag pa sa ilaw sa ceiling ang nakita niyang sumabog na liwanag. At sa pagtawag ni Benedict sa pangalan niya’y impit din niyang binigkas ang pangalan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD