Book 1 (Mariel and Benedict) - Chapter 5

1890 Words
“KAILAN ninyo balak magpakasal?” parang walang anumang tanong ni Alberto nang matapos kumain. Nabitin sa ere ang huling subo ni Mariel. Pero alam niyang hindi nagbibiro ang kanyang daddy at kitang-kita iyon sa madilim na anyo nito. Nagpapasaklolong tumingin siya sa ina, na kanina pa walang kibo. Umiwas lang ng tingin si Marcela. Naibaba lang ni Mariel ang kutsara nang magsalita si Benedict. “Kung kailan po ninyo gustong itakda ang kasal?” Maang siyang napatitig sa binata. Pakiramdam niya’y nag-skip ang heartbeat niya. Gusto niyang tutulan ang sinabi nito pero nakita niyang diretso ang mga mata nito sa daddy niya. Tila walang pangingimi sa binitiwan nitong mga salita. “S-sandali...” lakas-loob na sansala niya. Hindi niya malaman kung kanino ipatutungkol ang katagang nasambit. “Good answer, Benedict,” parang professor na wika ni Alberto. Hindi nito pinansin ang anak. “Wala na ho akong mga magulang. Mag-isa na lang ho ako at nasa hustong edad na rin. Siguro po ay ayos nang ako na lang ang makipag-usap sa inyo tungkol sa kasalang ito.” Kasalan? Hindi kaya nananaginip si Benedict sa mga pinagsasasabi niya sa daddy ko? “Daddy, p-puwede bang kami muna ni Benedict ang mag-usap tungkol sa bagay na ito?” Hindi niya maitago ang nerbiyos sa boses. “No need, hija. Narinig mo’ng sinabi niya? Siya rin ang magdedesisyon para dito.” Nagdamdam si Mariel sa naging tugon ng ama. Kasal niya ang pinaplano ng mga ito at parang wala siya sa sariling bait kung tratuhin ng ama. At si Benedict? Tila tuwang-tuwa pa ang bruho sa napasukang sitwasyon. Disimuladong pikot ang nangyayari ay sakay na sakay naman ang loko. “Mr. Santillan,” ani Benedict. “‘Daddy’,” pagtatama ni Alberto. “‘Daddy’ na ang itawag mo sa akin mula ngayon. And of course, ‘mommy’ rin sa mommy ni Mariel.” Ngumiti ito sa kauna-unahang pagkakataon mula kanina. Naguguluhan si Mariel. Kanina ay parang shotgun na lang ang kulang sa eksena, pagkatapos ngayon ay parang anak na ang trato kay Benedict na para bang lumalabas na siya ang outsider. “As I was saying, Daddy...” Lumingon pa ang binata sa kanya. “Kung papayag kayo ay kahit sa huwes na lang muna. Para mas mahaba ang araw ng preparation for a church wedding. Okay ba sa iyo ang ganoon, Mariel?” Kasali pala siya sa usapan. Ang akala niya ay dekorasyon na lang silang mag-ina— mere listeners. Bago pa siya nakasagot ay ang ama niya uli ang nagsalita. “Pareho pala tayo ng naiisip, Benedict. Kaibigan kong matalik ang mayor dito,” makahulugang wika nito. NAGKASUNDO ang dalawang lalaki na dalawang linggo mula sa araw na iyon idadaos ang kasal. Hindi na pinagtuunan ng pansin ni Mariel ang anumang technicalities. Masamang-masama ang loob niya sa dalawang lalaki. Naiwan silang dalawa sa mesa ng kanyang mommy. “Mariel...” Ibig niyang maluha sa tonong iyon ng ina. Lumapit siya rito at yumakap. “I don’t know what to say, anak. This could be the very first manipulation that your dad has done to you. At wala akong magagawa. Alam mo naman, nasa ama mo ang pagpapasya pagdating sa ganito kaselang bagay.” Emosyonal din ang ginang. “Mommy, hindi pa ako handang magpakasal,” hirap niyang sabi. “At saka, hindi ko pa nga sinasagot si Benedict.” Kumawala ng yakap sa kanya ang ina. Hinaplus-haplos ang mukha niya gaya noong maliit pa siya kapag kumakalong siya rito. “Gusto mo ba siya? Bakit siya natulog dito? At... talaga bang may nangyari sa inyo? Biglang-bigla kami nang abutan namin siya rito. Nakadagdag pa sa pressure sa amin bilang mga magulang mo ang pagkakasama ng mag-amang Donato at Jonathan dito.” Wala siyang itinago sa ina nang sabihin niya ang lahat. “Naniniwala ako sa sinabi mong walang namagitan sa inyo. But I doubt kung paniniwalaan iyon ng daddy mo. Uulitin ko ang tanong ko, anak. Gusto mo ba siya?” “Gusto pero... Mommy.” “Iyon naman pala. Eh, de walang problema.” Napabuntong-hininga na lamang si Mariel. Hindi ganoon kasimple ang napasukan niyang sitwasyon. HINDI na nagkasarilinan pa sina Mariel at Benedict. Paalis na ang binata ngunit ang daddy pa rin niya ang kausap nito. Nakuha niyang gumawa ng kapirasong sulat at isinuksok iyon sa polo ng binata nang magpaalam ito sa kanya. Nasasaad doon na kahit hindi ito dumating sa araw na napagkasunduan ay maiintindihan niya ito. Siya na ang bahalang magpaliwanag sa daddy niya’t mommy. Subalit dumating si Benedict sa araw na itinakda. Maaga pa lang ay naroon na ito sa kanilang bahay. NAPAKAHIGPIT ng yakap sa kanya ni Roselle. Naka-office uniform pa ang kaibigan niya. Kung hindi pa ipakikilala ni Benedict ang isa pang babaeng kasama, si Dorina, ay mukhang hindi bibitaw si Roselle sa kanya. Kapatid ni Benedict si Dorina. Agad namang napalagay ang loob ni Mariel sa babae. Magaling magdala ng usapan at hindi ito nagtatanong ng personal na bagay hinggil sa kanya. Si Roselle ang humila sa kanya nang makatiyempo ito. Sa dating kuwarto niya ito dinala. “Mariel, daig ko pa ang na-electric shock nang sunduin ako ni Benedict kanina. Magpapakasal daw kayo, but he didn’t bother to explain anything.” Bumagsak ang luhang tinitimpi ni Mariel. Narito ngayon ang kaisa-isang taong makakaunawa sa kanya sa nasuungang sitwasyon, bukod sa mommy niya. “Roselle, I don’t want this kind of marriage. We are just in the process of getting to know each other. Hindi maganda ang pangyayaring ito para sa aming pareho. Matatali kami sa isa’t isa habambuhay,” pagtatapat niya kay Roselle matapos sabihin dito ang naging puno’t dulo ng pangyayari. “Please, Roselle, tulungan mo akong kausapin si Benedict bago pa man magsimula ang kasal namin sa huwes,” pakiusap niya sa kaibigan. “What for?” anito na nagliwanag ang mukha.  “Kapag kasal na kami, ibig sabihin, habambuhay na kaming matatali sa isa’t isa.” “Why not? Ayaw mo n`on? Maaaring may mga bagay kang nararamdaman pero hindi mo lang maamin.” “W-what do you mean? We practically do not love each other which, I believe, is the most important thing when it comes to marriage.” “How can you be so sure that you don’t love him? If you could only see the glow in your eyes everytime you accept his gifts.” Hindi na kailangan pang idagdag ni Roselle ang sayang naramdaman niya noong hapong iyon nang tumawag si Benedict at nang sunduin siya nito kinabukasan. Huminga siya nang malalim. “All right, granting that I have a special feeling for him, pero hindi pa rin basehan iyon upang na pakasal ako sa kanya. Hindi pa iyon sapat.” “Nakita mo ba sa kanya na napipilitan lang siya? Siguro naman, hindi na niya kailangang sunduin pa si Dorina sa Alabang at isama pa ako rito kung walang kakuwenta-kuwenta ito sa buhay niya. And I won’t buy your idea that this is the modern version of a shotgun wedding. Hindi si Benedict ang tipo ng lalaking magpapapikot. He must have his own reasons.” Tumayo na si Roselle. Natigilan ang dalaga. “Mariel, don’t dare think that we’re all against you this time. Malakas ang kutob kong magiging maganda ang pagsasama ninyo. It’s nice to hear that you also have feelings for him. Let your feelings grow. The way I see him, I think he also feels the same for you. Maaaring hindi niya lang masabi sa `yo.” Sumunod siya sa kaibigan palabas ng kuwarto. Convincing ang mga sinabi nito pero gusto pa rin niyang makausap si Benedict. Magkaharap na nakaupo sa may sala ang mommy niya at si Dorina. Maganda ang kapatid ni Benedict. Sexy ito sa suot na pastel yellow na haltered dress. Nasa terrace nila ang ama at si Benedict. Nakiupo siya sa sala samantalang si Roselle ay lumapit kay Benedict. “Excuse me, ladies,” ani Benedict makaraan ang ilang saglit. “I just want to talk to my future wife.” Nagpasintabi si Mariel sa mga naroroon at tumayo na. Dumating ang pagkakataong hinihintay niya. Nakasalubong nila ang daddy niya. Isinalikop ni Benedict ang isang bisig sa baywang niya. Gusto niyang isiping palabas lamang iyon ng binata. Ngunit sa sarili ay gusto niya ang ganitong pagkakalapit nila. “BAKIT ka dumating?” usig agad ni Mariel nang matiyak na wala nang makakarinig sa pag-uusapan nila ng binata. “Don’t ask me that way na para bang kahit ako na ang kahuli-hulihang lalaki sa mundo ay hindi mo maaatim na pakasalan.” Nilingon niya ito. Tama ba ang nakikita niya? May galit na mababakas sa mga mata ni Benedict. “Benedict, nalilito ako sa mga nangyayari ngayon. Ang bilis-bilis. Hindi ko maintindihan kung mahihiya ako sa iyo o magagalit ako sa pakiki-ride on mo sa gusto ng daddy ko. Hindi ko alam. Nasisira ng pangyayaring ito ang maganda nating pinagsamahan.” Bakas na bakas sa mukha ni Mariel ang magkahalong confusion at helplessness. “Iyon ang gagamitin nating simula, Mariel. Ang maganda nating pinagsamahan.” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Bahagya itong yumuko at inilapit ang mukha sa kanya. “Look at me, Mariel...”  Samyo niya ang mabangong hininga nito.  “Your father might have manipulated the situation but no one, and I mean no one, can force me into marriage that I despise. Talagang gusto kitang pakasalan.” Na-absorb iyon ng isip niya. Ang bawat katagang binitiwan nito ay tila malamig na kamay na humaplos sa puso niya. “H-hindi ka napipilitan?” Gusto pa rin niyang makatiyak. Tumawa ito nang mahina at saka siya kinabig palapit sa dibdib nito. “Hindi.” SA GITNA ng seremonya ng kasal ay walang nauunawaan si Mariel sa mga sinasabi ng mayor. Nanlalamig ang mga palad niya.  Ang tangi niyang nararamdaman ay ang mga masuyong pagpisil ni Benedict sa palad niya sa buong seremonya ay nakahawak ito sa kanya. Bumitiw lamang ito nang pumirma na sila sa marriage contract. “Wala ba kayong singsing?” tanong ng mayor nang ito na ang pumipirma. “Hindi bale, sabi naman ni Alberto ay magpapakasal din kayo sa simbahan. Mas importante naman ang papel na ito.”  Bumalik sila sa bahay pagkatapos ng kasal.  Dagdag na panauhin ang nag-iisang kapatid ng kanyang mommy, ang Uncle Rudy niya. Ito at si Roselle ang mga tumayong saksi. “Kanina ka pa walang kibo. Ayokong isiping ikaw ang napipilitan sa kasalang ito,” untag ni Benedict sa kanya. Sila na lamang dalawa sa kotse. Sa kotse ng daddy niya sumakay sina Dorina, Roselle at Uncle Rudy niya. “I can’t believe this, Benedict. In a matter of minutes ay iba na ang apelyido ko. From Santillan to Peralta...” ani Mariel. Hindi niya maidugtong na nangyari iyon in the absence of wedding ring and the “kiss the bride” tradition.  Sinulyapan niya ang wristwatch. Mag-aalas-kuwatro na ng hapon. Ilang oras mula ngayon ay gabi na. Gagawin din ba nila ang normal na ginagawa ng bagong kasal sa first night? Gusto niyang pamulahan ng pisngi sa naisip. “Gagawin ko ang lahat para hindi mo pagsisihan ang pagiging Mrs. Benedict Peralta,” pukaw ni Benedict sa naglalakbay niyang diwa. Nasa tapat na sila ng bahay ng mga magulang niya. Pinatay na nito ang makina ng sasakyan at saka siya hinarap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD