Book 1 (Mariel and Benedict) - Chapter 4

2124 Words
SA ISANG restaurant sa Tomas Morato dinala ng binata si Mariel. This time ay si Benedict na ang pinag-decide niya kung saan sila kakain. Nabawi nilang pareho ang mga araw na na-miss nila. Alas-otso nang matapos ang kanilang dinner. Nag-offer si Benedict na ihahatid na siya hanggang Sta. Maria. Hindi naman tumanggi si Mariel. Naisip niya na pagkakataon na rin iyon para maipakilala niya ang binata sa mga magulang. Nagsimulang pumatak ang ulan nang nakasakay na sila. Nasa Balintawak na sila nang bumuhos ang pakalakas-lakas na ulan. As expected, naipit sila sa heavy traffic at nagsisimula na ring tumaas ang tubig dahil mababang lugar ang kinaroroonan nila. Halos isang oras ang inabot bago sila nakarating sa Camachile. Sa nakikita ni Mariel na bumper-to-bumper na traffic na papuntang Norte ay maaaring kalahati hanggang isang oras pa uli ang bubunuin nila para lang makapasok sa North Expressway. Sa pagitan ng kuwentuhan nila ni Benedict ay naobserbahan niya na bale-wala lamang dito ang kinasuungan nilang traffic. "Akala ko noong una ay ulila ka na rin na gaya ko. Sabi mo kasi, nag-iisa ka na lang sa bahay," anito habang namimili ng mga tapes na isasalang sa car stereo. "Ulila ka na?" "Yeah. I was still in college when my parents passed away. One year lang ang pagitan. Heart attack ang naging cause ng death ng father ko, si Mama ay car accident. Sa Canada sila namatay pareho. Na-petition na kasi sila noon ng kuya ko." "Dadalawa lang kayong magkapatid?" Iniwasan na niyang magtanong pa ng tungkol sa mga magulang nito. Nararamdaman niya ang lungkot sa boses nito. "Tatlo kami at ako ang bunso. Ang kuya ko, binata pa lang ay nasa Canada na. Medical technologist siya. Filipina rin ang napangasawa at doon na sila nag-base. Dalawa na lang kami rito ni Dorina at may sarili na rin siyang pamilya. Dalawang buwan pa lang nakakapanganak doon sa pangatlo niya. Sa Alabang siya nakatira kaya nagsosolo ako sa bahay na naiwan ng parents namin." LAMPAS alas onse na nang makalabas sila ng Bocaue Exit. Inako naman ni Mariel ang pagmamaneho. Ilang sandali pa at pumapasok na sila sa subdivision. Bahagya siyang sinaluduhan ng guard saka nila binaybay ang main road kung saan naroon ang bahay ng kanyang mga magulang. Doon niya isasama si Benedict. Dahil sa masamang lagay ng panahon ay sigurado siyang mag-o-offer ang mommy niyang doon na rin magpalipas ng gabi ang kanilang bisita. Saradung-sarado ang bahay nang dumating sila. "Baka nandoon sila sa bahay ko. Minsan kasi, doon sila sa akin nag-o-overnight. Siksikan kami sa kama ko," paliwanag niya kay Benedict nang hindi na siya bumaba at muling pinaandar ang kotse. Bukas ang ilaw niya sa sala kung kaya't pagtapat sa gate ay bumusina siya. Inulit niya uli ngunit walang sino man ang lumabas. "Mariel, naka-padlock ang gate mo. Akina'ng susi." Wala ngang tao sa bahay niya. Nang ganap na mabuksan ni Benedict ang gate ay idineretso niya sa garahe ang kotse at sa backdoor na sila parehong dumaan. Napansin agad ni Mariel ang note na nakaipit sa decorative magnet sa pinto ng ref. Anak, Sinundo kami ng daddy mo ng katiwala ng palaisdaan. Malakas daw ang agos ng tubig at baka umapaw. Nag-decide ang daddy mong doon na kami mag-overnight. Sumunod ka na lang doon bukas ng hapon 'pag hindi kami nakabalik nang before lunch. Take care, hija. Sulat-kamay iyon ng mommy niya. ***** MALAKAS pa ang ulan nang magising si Mariel kinabukasan. Pababa siya ng hagdan nang maalalang doon sa sala niya pinatulog si Benedict. Tulog pa rin ang binata, nakapamaluktot sa sofa at pilit na pinagkakasya ang sarili sa hinihigaan. Hubad-baro ito at ang polong suot kagabi ay nakasampay sa pang-isahang sofa. Bukas ang mga bintana sa sala. Hindi siguro nasiyahan sa hanging ibinubuga ng bentilador na ibinigay niya rito kagabi. Niyugyog niya ang balikat nito. "Benedict..." May kinig sa boses niya. Hindi niya mawari ang nararamdaman sa simpleng pagdantay ng palad niya sa balikat nito. Umungol lang si Benedict. Tulog pa ang diwa nito. Hindi na muling inabala ni Mariel ang tulog ng binata. Tinungo na niya ang kusina at naghanap ng kung ano na puwede niyang maihanda para sa almusal. Saka niya napagtantong wala palang laman ang refrigerator maliban sa tubig at kung anu-anong gulay na sobra sa ginamit ng mommy niya kapag doon nagluluto. Pinuno niya ng tubig ang electric airpot, kumuha ng pera at saka isinara ang mga pinto. Mamamalengke siya, kundi ay wala siyang maihahandang almusal sa binata paggising nito maliban sa kape. Pumara siya ng tricycle. NANG mga sandaling iyon ay pabalik na sa Santa Maria ang mag-asawang Alberto at Marcela. May kasama ang mga ito. "Hindi ko alam, Alberto, na may anak ka palang dalaga. Tamang-tama, iyang may dala ng pickup sa likod natin ay bunso ko. Binata pa rin." Mula sa rearview mirror ay tiningnan ni Donato ang lalaking nagmamaneho sa kasunod na sasakyan. Ito bale ang humahango ng pakyawan ng mga huli sa palaisdaan. Alas-kuwatro pa lamang ng madaling-araw ay sumulpot na si Donato sa palaisdaan, sa laking pagtataka nilang mag-asawa. Kaipala'y naghahari-munan itong makaamot pati mga inanod ng ulan dahil mas mura nga naman. Pero si Alberto ay mabuti ang pakisama sa mga tauhan. Ugali na nilang mag-asawa ang ipamigay sa mga tao ang inanod na. Kaya tinitimpi ni Alberto ang inis. Hindi niya nagugustuhan ang tinutungo ng salita ng kausap. "Alam mo, Donato, kailanman ay hindi ko pinakialaman ang anak ko pagdating sa mga ganyang bagay. Kahit noong estudyante pa lang siya at pinapabayaan ko siyang magdesisyon para sa sarili niya. Nandito naman kami ng mommy niya na malalapitan niya 'pag kailangan niya ng advice. Lalo naman sigurong hindi madaling panghimasukan ang desisyon niya ngayong nasa hustong gulang na siya. "Kung gayon ay mapagkilala man lang natin ang mga bata at ang anak ko na ang bahala." Halatang-halata sa motibo si Donato. Nagsalubong ang mga kilay ni Marcela na nasa tabi ng asawang nagmamaneho. Ibig niyang sisihin ang sarili sa pagkakaimbita sa mag-amang ito sa kanilang bahay. Si Donato ay nagprisintang sa kanila sasakay sa pag-aakala nilang mayroon pa itong idi-discuss tungkol sa business. Kaya naman nawalan na ng ganang makipag-usap pa si Alberto rito. Papasok na sila sa subdivision nang magsalita si Alberto. "Marcela, gising na siguro si Mariel nang ganitong oras," anitong ang tingin ay nakatutok sa dinaraanan. Nagtatanong ang mga matang nilingon ng babae ang asawa. Nang magtama ang kanilang paningin ay nakuha niya ang gusto nitong mangyari. Ayaw nitong ipaalam sa bisita na nakabukod na ng tirahan ang anak. Nagpalitan lang sila ng tingin nang ilagpas ni Alberto ang sasakyan sa saradong bahay. Paliko na ito sa kantong kinaroroonan ng bahay ni Mariel. PASAKAY na sa tricycle si Mariel nang bigla siyang kabahan. Ngunit binale-wala na lamang ang nararamdaman. Ipinasok na niya sa tricycle ang pinamili at saka sinabihan ang driver na bilisan para makauwi na siya agad. Naalala niya si Benedict. Mag-isa lang ito sa bahay at baka sa mga oras na ito ay gising na. Nang matanawan niya ang saradong bahay ng mga magulang ay saka niya naisip na posibleng nakabalik na ang mga ito. "Mama, pakibilisan pa ho ninyo." Pakiramdam niya ay dumoble pa ang kabang sumasalakay sa kanyang dibdib. PAIKUT-IKOT sa ibaba ng bahay si Benedict. Naalimpungatan siya sa kakaibang pakiramdam. Saka niya naalalang nasa bahay nga pala siya ni Mariel. Ngunit hindi niya makita ang dalaga. Sa bawat pagbukas niya ng mga pinto ay sinasabayan niya ng pagtawag sa pangalan ng dalaga. Ngunit hanggang sa laundry area ay wala pa rin siyang makitang palatandaang naroon si Mariel. Nang mapatingala siya sa itaas ng bahay ay nagtalo ang isip kung papanhik doon. Alam niyang doon ang kuwarto ng dalaga. "Mariel!" Lalo niyang nilakasan ang boses habang papaakyat. Nakarating na siya sa pinakahuling baitang ay wala pa ring sumasagot. Pinangahasan niyang itulak ang bahagyang nakaawang na pinto. Ngunit walang tao sa silid. Banyo ang bumungad sa kanya sa sumunod na pintong nabuksan niya. Basa pa ang flooring nito, katibayan na may gumamit na niyon. Samyo pa niya ang amoy ng shampoo at sabong ginamit. Napangiti siya. Malinis ang kabuuan ng banyo. Maayos na nakahilera ang mga bote ng toiletries sa rack. Saglit siyang natigilan nang matapat sa huling pinto. Ito na lang ang hindi pa niya nabubuksan. At sigurado siyang ito ang silid ng dalaga. Kung kaliligo lang ni Mariel, baka nagbibihis pa ito. Pinili niyang kumatok. Walang tugon mula sa loob. Nang pihitin niya ang doorknob ay bumigay iyon. Huminga muna siya nang malalim bago tuluyang binuksan ang pinto. "Mariel?" Mas malaking di-hamak ang kuwarto ni Mariel. Maganda sa paningin ang off-white na wallpaper na may disenyong pinong bulaklak na baby pink. Nasa gitna ang queen-size bed na terno ang headboard sa magkabilang night tables. Very feminine ang kabuuan ng silid. Dominante ang kulay-old rose sa kurtina at mga linen. Naupo siya sa gilid ng kama. Dinampot niya ang picture frame na nakapatong sa night table sa gawi niya. Graduation portrait iyon ni Mariel. Ibinalik niya iyon. Ang isa naman ang kinuha niya. Sa Camp John Hay ang background ng picture. Napapagitnaan si Mariel ng mga magulang. ITINABI ni Alberto sa gilid ng daan ang sasakyan. Isang kotse lang ang kasya sa garahe ni Mariel. "Nagbukas yata ng bintana ang anak mo," ani Marcela nang pababa ito. Hindi ugali ni Mariel na magbukas ng bintana. Blinds lang ang inia-adjust nito para makapasok ang liwanag ng araw. Atas ng kagandahang-asal ay inanyayahan ni Alberto si Donato na makapasok. Gayon din si Jonathan, ang anak ni Donato na itinatabi rin ang dalang pickup. Sarado ang main door kaya umikot pa si Alberto sa likod. Samantala, sa itaas ay naramdaman ni Benedict na may dumating na tao. Ibinalik na niya ang hawak na frame at minsan pang iginala ang paningin sa kabuuan ng silid. Namataan niya ang isang divan na lagayan ni Mariel ng collection ng stuffed toys. Natatandaan niyang ang iba doon ay sa kanya nanggaling. Nasisiyahang lumabas siya ng kuwarto. Eksaktong pumapasok sa main door sina Marcela at ang mag-amang Donato at Jonathan ay hinihilang pasara ni Benedict ang pinto ng kuwarto ng dalaga. "A-Alberto..." parang nauubusan ng hiningang sambit ni Marcela. Sinundan ni Alberto ng tingin ang direksiyon ng mata ng asawa. Si Benedict ay kasalukuyan nang pababa ng hagdan. Hubad-baro pa rin at ang buhok ay hindi pa nasusuklay. "DIYAN na lang," malakas na sabi ni Mariel sa driver. "Diyan sa may nakaparadang dalawang sasakyan." Iniabot niya ang sampung piso sa driver. Sinamsam niya ang mga dala at hindi na hinintay pa ang sukli. Dali-dali siyang pumasok sa gate. Ingit ng kinabig na bakal ang nagpagulantang sa limang taong nasa loob. "Ang anak mo, Alberto, ang anak mo..." Hawak ni Marcela sa braso ang asawa. Nakatayo pa rin sa bungad ng pinto ang mag-amang bisita. Nilampasan ni Mariel ang dalawang lalaki. Ang concern niya ay ang ina na inaalalayan ng daddy niya na maiupo sa sofa. "Pagbihisin mo 'yang lalaki na iyan, Mariel. At saka tayo mag-usap!" matigas na sabi ni Alberto nang akma siyang lalapit sa ina. "'Pa, I think we better go," naulinigan niyang sabi ng nakababatang bisita. Hindi niya ito kilala. Pero ang may-edad na lalaki ay pamilyar sa kanya ang mukha. Nakikita na niya ito dati sa palaisdan. "Alberto, siguro'y sumobra ka ng tiwala sa anak mo," nang-iinsultong pahayag ni Donato. "Papa!" mariing saway ni Jonathan sa ama. "Let's go." Madilim ang mukhang tinanguan lang ni Alberto ang pagpapaalam ni Jonathan. Sa isip ni Alberto ay tapos na ang kung anumang transaksiyon nila ng lalaki. Malisyoso ang ngising iniwan ni Donato kay Mariel bago ito tuluyang tumalikod. Kinuha ng dalaga ang polong nakasampay sa sandalan ng sofa. Medyo basa pa rin iyon ng ulan dahil si Benedict ang nagbukas ng gate kagabi. Isinampay niya iyon sa isang braso at hinanap ng tingin ang binata. Nasa dining table na ito, doon naupo. Ikinuha ito ni Mariel ng isang oversized T-shirt upang pansamantala nitong isuot. Naroon pa rin ang kaba niya na hinaluan pa ng takot tuwing makikita ang madilim na anyo ng kanyang ama. Hindi niya kayang hulaan kung ano ang nasa isip nito ngayon. Bumalik sa normal ang presyon ni Marcela makaraan ang ilang saglit. "I'm sorry, Benedict. Nalagay ka sa ganitong sitwasyon," aniya rito nang iabot ang T-shirt. Ginagap ng binata ang kamay niya. "Mariel, don't be sorry. Ako'ng magpapaliwanag sa daddy mo." Punung-puno ng assurance ang tinig nito. Pakiramdam ni Mariel ay mamamatay siya sa suspense. Ipinaghanda pa muna siya ng almusal ng daddy niya. Habang kumakain ay normal ang usapan. Paminsan-minsan ay tinatanong nito si Benedict. Preliminary interview, sa loob-loob ni Mariel. Gusto niyang aliwin ang sarili. Para silang bibitayin ni Benedict. Pinakakain muna bago bitayin. --- i t u t u l o y ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD