BUONG araw ay hinintay niyang magpakita sa kanya si Benedict o kahit man lang ang tawag nito sa telepono. Gusto niyang magpasalamat sa binata.
Kumuha lang siya ng ilang maiuuwi sa mga magulang sa padala nito at pinabahala na niya kay Roselle ang sobra. Ang mga nasa billing department ay lumipat sa kanila para kumpirmahin ang hinala. Pinagbibigyan din nila ang mga ito, pang-zipper ng bibig, biro pa niya nang patuloy pa rin ang panunudyo sa kanya.
Eksaktong alas-singko nang isa-isang itabi ni Mariel ang mga papeles na ginagawa. Dahilan niya iyon para ma-delay nang kaunti sa pag-uwi. Hinihintay niyang baka tumawag si Benedict sa last minute. Kagaya kahapon.
Nauna na sa kanya si Roselle. Kakabigin na lamang niya ang pinto pasara nang mag-ring ang telepono.
Halos patakbo siyang bumalik. Humugot ng isang malalim na paghinga bago sinagot ang telepono. Ewan niya kung ang pagsikdo ng dibdib ay dahil sa biglang pagtakbo o sa isang damdaming bago sa kanya na hindi niya maipaliwanag.
"Hello, Mariel?" anang tinig nang sagutin niya ito.
Bumaha ang tuwa sa puso ni Mariel. Tumawag din sa wakas ang binata!
"Thank you, Benedict." Pilit niyang pinakaswal ang tinig. Nahihiya siyang mahimigan nito ang excitement sa boses niya.
"Kahit hindi ka magpasalamat, the fact that you recognized me instantly, that's enough."
"Sino'ng nagdala rito ng mga pasalubong?" Nahihiya siyang itanong kung bakit wala ito sa opisina at kung nasaan ito ngayon.
"Ako. Gusto ko sanang ako ang personal na mag-abot niyan sa iyo kaya nga diyan ako dumiretso pagkagaling ko ng domestic airport. Kaya lang nahuli ako ni Boss Joaquin. Isinama na ako sa Malolos ngayon para makita ko raw iyong site. Pabalik na ako ngayon kasalukuyang nasa Camachile at naiipit sa traffic."
Nasagot ang mga tanong sa isip ni Mariel.
"Si Boss Joaquin?" naaalarma niyang tanong. Kung magkasama ang dalawa ay malamang na ngingiti-ngiti ang matanda. Kasama ito sa nambubuska sa kanya kung minsan dahil wala pa siyang boyfriend. May itutukso ito sa kanya ngayon.
"Nasa kotse niya. Dinala ko 'yung sa akin, para wala akong problema kung sakali—"
"Sakaling ano?"
"'Di ba, I'm inviting you out? I'm actually keeping my fingers crossed right now, hoping that I will not be getting a 'no' for an answer."
Patay! Papaano ba siya makakatanggi ngayon?
"Malakas akong kumain," biro niya rito.
"We're matched!" Nakakahawa ang paraan nang pagtawa nito. "Baligtarin natin ang buong Metro Manila kung saan may eat all you can promo."
SA OPISINA na lang siya susunduin ni Benedict. Hindi mapakali si Mariel. Ilang beses na siyang nagpabalik-balik sa loob ng comfort room. Naroon magsusuklay siya ng buhok, itse-check kung masyadong makapal ang lipstick na tanging kolorete niya sa mukha at saka magpapaikut-ikot sa harap ng salamin.
If there was one thing na na-miss niya noong college days niya ay ang pakikipag-date Hindi dahil hindi siya ligawin kundi wala siyang interes sa opposite s*x.
Ang kanyang daddy ang larawan ng lalaking pinagkokomparahan niya sa mga manliligaw niya. Needless to say, wala isa man sa mga ito ang nakapasa.
Ngayon, habang hinihintay niya ang pagdating ni Benedict, gusto niyang sisihin ang ama sa hindi niya pagkakaroon ng chance na makipag-date before. Not because his father did not allow her to do so but he wanted her date to first approach her parents, like old times. At walang lalaking nagkalakas-loob na lumapit kay Alberto.
Sa lobby na naghintay si Mariel nang matantiyang padating na si Benedict. Nakipagkuwentuhan siya sa guard na nakatalaga roon.
Mayamaya'y natanaw na niyang dumarating ang kotse ng binata. Hindi tinted ang salamin kung kaya't malayo pa lang ay kita na niya ito.
Saglit lang ay nasa loob na siya ng sasakyan nito.
Tuwang-tuwa siya sa reaksiyon ni Benedict nang sagutin niya ang tanong nito kung saan niya gustong kumain.
"Doon mo talaga gusto?" Inaarok nito kung nagbibiro lang siya.
"Oo sabi. Gusto ko ng Amazing Aloha."
"Okay, kung iyon ang gusto mo. 'Buti na lang at hindi pa ako nagpa-reserve ng table natin sa Saisaki."
"I don't like Japanese food."
"Naisip ko nga, that's why I asked you first." Ipinarada nito ang sasakyan sa maluwang na parking lot.
Pakiramdam ni Mariel ay naging teenager siya nang mga sandaling iyon. Enjoy siya sa pagkain, gayon din sa company ni Benedict. Kalog ang binata, walang patid ang pagpapatawa nito sa kanya.
Alam niya, pagkatapos ng date nilang iyon ni Benedict ay magkaibigan na sila.
Magkaibigan? Parang may pinong kirot na nadama si Mariel sa puso niya.
SO, THAT'S what a first date is all about, ani Mariel sa sarili nang nakahiga na.
Gusto niyang tawagan si Roselle, ang kaso'y hatinggabi na. Marami siyang gustong itanong dito.
Para kasing may kulang sa kanyang first date. Ang kuwento ng mga classmates niya noon, it was wonderful.
Pumikit na siya. Don't expect yourself to encounter the same things that they had gone through. Yours was just a friendly date, saway niya sa sarili.
UPDATED kaagad si Roselle kinabukasan.
"Mark my word, Mariel, may kasunod pa iyan," ani Roselle na halatang masaya para sa kanya.
"Ano'ng gagawin ko?" Nakapangalumbabang naghihintay nang isasagot ng kaibigan si Mariel.
Tumayo si Roselle, hindi nag-atubiling maupo sa gilid ng mesa niya dahil naka-slacks naman ito. Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay bago nagsalita.
Touched naman siya sa gestures nito. Feeling niya, hindi lang kaibigan ang natagpuan niya kay Roselle kundi nakatatandang kapatid.
"Don't take these things na parang matter of life and death. Liligawan ka lang n'ong tao, as I see him now. And don't ask me kung ano ang gagawin mo as if this will be the first time that you will entertain a suitor—"
"First time nga," putol niya sa sinasabi ni Roselle.
Nawala ang kaseryosohan nito. Kinabig ang ulo niya saka humagikgik. "Mariel, naman, emote na emote ako sa pagsasalita sa iyo."
"Pinagtatawanan mo ako, eh," maktol niya rito.
"Okay." Tumayo na ito at pinamaywangan siya kunwari. "This is what you should do. When he finally tells you his feelings, sagutin mo agad. Baka first and last mo na si Benedict."
"Roselle, nakakainis ka!" Napipikon siya sa kaibigan kahit alam niyang nagbibiro lang ito.
"Seriously speaking, you are not supposed to ask me or anyone about this matter. Ask yourself, listen to what your heart tells you. Mahirap sabihin, Mariel. Basta, when love finally hits you, you'll just know."
Nakatanga lang si Mariel, ina-absorb ang mga sinasabi ng kaibigan.
I'll just know. Itinatak iyon ni Mariel sa isip.
NAGDILANG-ANGHEL yata si Roselle o talagang may alam na ito bago pa man siya nagtanong. Tuwing umaga na darating siya sa opisina ay kung anu-ano ang dinaratnan niya sa ibabaw ng mesa. Karaniwan ay mga bagay na gusto niya.
Naisip niyang baka talagang pareho sila ng taste ni Benedict. Pero nang minsang isang tray ng itlog na maalat ang nasa office table niya ay kinompronta niya si Roselle.
"I don't think na normal na ibinibigay ng nanunuyo, kung nanunuyo man si Benedict, itong nasa ibabaw ng mesa ko. Ano sa palagay mo, Roselle?" patay-malisya niyang tanong dito.
Tatawa-tawang umamin si Roselle. Ito nga ang nagbibigay ng tip kay Benedict kung ano'ng ibibigay sa kanya na siguradong magugustuhan niya.
"Huwag ka nang magalit, nagpapatulong lang naman 'yong tao. Alam mo namang ngayon lang uli iyon nabubuhay. Saka siyempre, kaibigan ko rin iyon."
Napatda si Mariel sa tinuran ni Roselle. Ano ba talaga ang gustong palabasin ni Benedict? Dalawang linggo na itong hindi nagpapakita sa kanya, ni hindi tumatawag.
Sigurado naman siyang kay Benedict galing ang lahat ng ito. Kabatian niya ang security guard at ito ang nag-confirm sa kanya na ang binata mismo ang nagdadala ng mga regalo tuwing alas-sais ng umaga.
Hindi nga niya aabutan kahit anong aga ang gawin niya pagpasok.
"Mariel, huwag kang magsintir diyan. Hanggang doon lang ang role ko. Iyong mga lovenotes na kasama roon ay kay Benedict nang diskarte iyon."
Hindi niya masabi kay Roselle na sa araw-araw na may dinadatnan siyang regalo ay araw-araw din niyang wini-wish na tumawag man lang si Benedict. Nami-miss niya ang binata, lalo na ang mga pagpapatawa nito noong kumakain sila sa Jollibee.
Si Frederick ang walang-sawang nang-aalaska sa kanya kapag dumarating ito. At parang loko sa pagsasabing sagutin lang niya agad ito ay ora mismong pakakasalan siya.
NAGTAKA si Mariel nang isang umaga ay wala siyang dinatnan na kahit ano sa mesa. May bahagyang lungkot siyang nadama. Nagsawa na marahil, iyon ang nasa isip niya.
Wala sa loob na isa-isa niyang ni-review ang mga cards na itinatago niya sa drawer.
Nagkataong marami siyang trabaho nang araw na iyon. Nagkaroon siya ng excuse na hindi masyadong makipagbiruan sa mga kaopisina. Isinubsob niya ang sarili sa trabaho.
Ang tanghalian ay pinalampas niyang hindi iniiwanan ang mesa. Bahagya na niyang tinanguan ang pag-anyaya ni Roselle na kumain. Kahit nga ito ay nangilag sa kakatwang kilos niya.
Alas-tres ang breaktime nila kapag hapon. Noon siya nakaramdam ng gutom. Kinuha niya ang sariling mug at stock na Ovaltine at can of biscuits sa ibaba ng drawer.
"Timing. Pasabay naman, sweetheart." Naka-ngising iniabot ni Frederick ang dalang mug sa kanya.
Kunot-noong tinitigan niya ang lalaki, pagkuwa'y kinuha rito ang mug.
"Mag-behave ka," narinig niyang bulong ni Roselle sa nakatayong si Frederick. "No talk iyan kanina pa. Masama yata ang gising."
Nalingunan niyang napatango si Frederick. Ang akala niya ay magbe-behave nga ito gaya ng sabi ni Roselle.
Nagpasalamat ito nang iabot niya ang mug na may timplado nang kape pero humirit pa rin.
"Thanks. How I wish you will be the one who will make my cup of coffee every morning of my life."
"You better go now, Frederick. Baka mapatay kita." Wala sa itsura niyang nagtataray-tarayan lang siya.
"Mariel, phone!" pormal na sabi ni Roselle nang ito ang sumagot ng telepono.
"Hello!" Hindi niya maitago ang inis.
"Miss me?" Hindi pinansin ng nasa kabilang linya ang iritado niyang boses. Masigla ang tinig nito.
Bumalik ang dating sigla sa mukha niya nang marinig ang tinig ng nasa kabilang linya. Mataktika siyang tumalikod kay Roselle para hindi nito mabasa sa mga mata niya ang pagbabagong-sigla.
"Bakit naman?" Hininaan niya ang boses.
"I thought you'd feel the same." May nahimigan siyang pagtatampo sa boses nito. Gusto niyang sabihing tama ito, na pareho lang sila ng nararamdaman. Pero iba ang lumabas sa bibig niya.
"Where are you?"
"Mariel, you sound like a..." Bahagyang tumahimik ito. "Ah, forget it. Will you do me a favor?"
"Favor?" Napataas ng konti ang boses niya.
"Let's dine out, again." Binigyang-emphasis nito ang huling sinabi.
"Hindi ako puwede ngayon." May naramdaman siyang panghihinayang.
"Tomorrow then." Sigurado ang tinig ng binata.
Sinang-ayunan niya ito.
HINDI nagsuot ng uniporme kinabukasan si Mariel. Biyernes naman kaya halos lahat ay nasanay nang hindi mag-uniform kapag ganoong araw.
"Blooming ka yata." Balik na sa dati si Roselle.
Siya naman ang lumapit sa mesa nito. Nanghingi siya ng dispensa sa nagdaang araw, bagaman hindi niya sinabi ang talagang dahilan. Nakaunawa naman ang kaibigan.
Alas-kuwatro y medya nang dumating si Benedict. Pinatawad sila ng mga kaopisina sa panunukso maliban kay Roselle.
Bago ito naunang umalis ay nagpaalalang hintayin naman daw nilang makalakad mag-isa si Juniel para maging ring bearer.
Nang maiwan silang dalawa ni Benedict ay naging alanganin ang ngiti nito.
"Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito sa iyo. Nakakahiya man," anito, "nag-taxi lang ako papunta rito. Paalis na ako nang maalala kong ngayon ang color coding ng kotse ko." Apologetic ang tono nito.
Nakuha niya ang ibig sabihin ng binata. "No problem. Iyong kotse ko ang gamitin natin." Iniabot niya kay Benedict ang susi.
--- i t u t u l o y ---