Book 1 (Mariel and Benedict) - Chapter 2

2117 Words
NASA Quezon Avenue ang opisina ng J&V at mula sa bahay ni Mariel sa Santa Maria ay kulang isang oras din ang haba ng biyahe, iyon ay kung hindi siya mata-traffic. Madali lang naman sa kanya ang umuwi sa Bulacan araw-araw. Malaking convenience sa kanya ang sariling kotse na iniregalo ng kanyang ama noong twenty-first birthday niya. Mula nang mapermanente siya sa trabaho ay kinumbinsi na niya ang mga magulang na bubukod na siya ng tirahan. "Gusto ko hong maranasang mabuhay na mag-isa," katwiran niya noon sa mga magulang. Ang tanda niya ay muntik nang ma-high blood ang mommy niya noon. Subalit nakaunawa ang daddy niya. Kaya kahit na nag-iisa siyang anak ay pinayagan siya nito. Pero hindi rin siya totoong napalayo. Sa subdivision ding iyon siya ikinuha ng bahay ng mga magulang. Ang marurumi niyang mga damit ay hinahakot din ng kanyang mommy para malabhan at kapag ibinalik sa kanya ay plantsado na. "Alam mo, Mommy, bubong lang ang pinagkaiba natin ngayon, 'no!" Magkasalo silang mag-ina sa almusal isang araw ng Linggo. Salubong ang kilay na nahinto sa pagsasalin ng kape mula sa percolator ang mommy niya, si Marcela. "I mean, ikaw pa rin ang nag-aasikaso sa lahat ng mga kailangan ko. Pati almusal ko, every morning ay ikaw pa ang nagpe-prepare. Pag-uwi ko galing ng office, luto na ang hapunan ko. You still see to it that everything is provided for me," kaswal niyang sabi. Nakita niyang nag-iba ang anyo ng ina. Kumislap ang mata nito at gumulong ang butil ng mga luha. "I don't know kung saan ako nagkamali ng pagpapalaki sa iyo, Mariel. Ang alam ko, close ang pamilya natin. Suddenly you decided to be on your own. I, from the very start, I don't like the idea but your father gave you the blessing. 'Tapos ngayon, parang ikinasasama pa ng loob mo ang pagtulung-tulong ko sa 'yo rito." Na-guilty naman si Mariel sa tinuran ng ina. "Mommy, I have nothing against you. It's just that—" "It's just that young people nowadays are more independent and confident about themselves," singit ng ama niya na bumungad sa komedor. "Don't bother to explain, Mariel. I have already explained this matter to your mom so many times. We are the ones who raised you at alam kong hindi ang paghiwalay mo sa amin ang dahilan kung bakit ginusto mong bumukod. It's just that you want to prove something to yourself." Kinindatan pa siya ng ama. "Si Mommy kasi..." Lumapit si Alberto sa asawa at hinagod ang likod nito. Nasa mukha pa rin ni Marcela ang pagtatampo. "Ang turing kasi ng mommy mo sa iyo ay baby pa rin. Bigyan mo kami ng apo at pustahan tayo baka ikaw mismong ina ay hindi mo makarga ang anak mo." "Malabo pa sa ngayon, Daddy." Nagkibit siya ng balikat. Itinuon niya ang atensiyon sa nabiting pagkain. Sabay na napatingin sa kanya ang mga magulang. "Don't you intend to have your own family, Mariel?" Nag-duet pa ang mga ito sa pagtatanong. "Okay, let me repeat it," aniya na bahagya pang tumaas ang isang sulok ng bibig. "Ayoko pa... malabo pa!" KINABUKASAN, alas-siyete pa lang ng umaga ay nasa opisina na si Mariel. Wala pang gaanong traffic kaya napaaga siya ng tatlumpung minuto sa usual na dating niya na seven-thirty. Nakasalubong niya sa pasilyo si Benedict. Pakiramdam niya ay napahiya siya nang bahagya lang nitong sinagot ang paggo-good morning niya rito. Suplado, masama siguro ang gising, naisaloob niya. Naiiling na pumunta siya sa kanyang mesa at nagsimulang magtrabaho. Salamin ang wall ng opisina na tinatakpan ng venetian blinds. Nang mga oras na iyon ay naka-roll pa ang blinds dahil kalilinis pa lang ng glass wall. Natanaw niya si Benedict na nandoon pa rin sa pasilyo. Nag-iisa. Ngumiti siya nang mahuli siya nitong tinitingnan niya. Kumilos ito patungo sa pinto. "You're so early. Past seven lang, ah," bungad nito. "Hindi ako na-traffic," tipid niyang sagot. "Diyan lang ako sa Philamhomes. Naiinip ako sa bahay, that's why I came here early." Naupo ito sa silyang katapat ng mesa niya. Ibinaba niya sa mesa ang pinag-aaralang dokumento. "You want coffee?" alok niya rito. "No, thanks. I already had one sa bahay. If you want, let's eat breakfast sa canteen. Habang hindi pa masyadong crowded roon." Mataman niyang tinitigan ang binata. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Pero hindi na niya pinilit ang sariling alalahanin kung saan niya ito nakita. That was one of her weaknesses, she hardly remembered faces and names. Tikhim ng binata ang pumukaw sa kanya. "The way you invited me," bawi niya sa pagkatigagal, "nakakahiyang tumanggi, but—" "No buts," anito na friendly pa rin ang bukas ng mukha. "We can at least talk." Napangiti siya rito. Iba na ang mood ng binata, hindi katulad kaninang una niya itong in-approach. "What do you want to know?" Binigay niya ang atensiyon dito. Seven quarter lang sa relong nasa dingding. She set aside the work she was doing. "Ikaw daw lagi ang pinakamaagang pumapasok dito sabi ng guard. Gaano ba kalayo ang bahay ninyo rito?" "You mean, bahay ko?" Hindi niya sana gustong malaman ng lahat na nakabukod siya ng tirahan. Pero huli na dahil nadulas na ang dila niya. "Mag-isa ka na lang?" "Sa bahay, oo. But my parents also live within the vicinity. Sa Bulacan." At pahapyaw niyang binanggit dito ang set up nila ng mga magulang. "Bulakeña ka pala," komento nito. Dinampot nito ang unique style na pen holder. Wala siyang mabakas sa reaksiyon nito nang mabasa ang nakasulat na dedication doon. Christmas gift iyon sa kanya ni Frederick, addressing it to her as "sweetheart". "Oo naman, one hundred percent Bulakeña," tugon niya sa sinabi nito. "My father's from Hagonoy at nandoon din ang business niya. Ang mother ko naman ay taga-Sta. Maria. Doon na ako ipinanganak. During weekends kami nagpupunta sa Hagonoy." Pinagtakhan niya bigla ang sarili. Bakit ba parang madali para sa kanya na ikuwento sa lalaking ito ang kanyang family background? "Pinahagingan ako ni Boss Joaquin yesterday. Since three days na lang ang aayusin ko sa Cebu, pagbalik ko ay sa akin na iyong project sa Malolos. I have been there once, malapit kayo roon?" "Sa Hagonoy, nearby-town lang iyon," sagot niya. Dumarami na ang mga empleyadong dumarating. Nang si Joaquin ang dumating ay nagpaalam na sa kanya si Benedict at tinungo ang pribadong opisina ng may-ari ng kompanya. LUNCHTIME, niyaya ni Roselle si Mariel na sa bahay na nito mananghalian. Pasado ala-una na nang makabalik sila. May maikling note na nakadikit sa monitor ng personal computer niya. I'll be flying to Cebu this afternoon. May pinapa-finalize si Boss Joaquin doon. I hope by the time na makabalik ako, we can dine out together. It's nice knowing you. Kay Benedict galing ang sulat. Wala sa loob na inilagay niya ang kapirasong papel sa right side ng drawer niya. Kasama ng iba pang personal belongings niya. "Sweetheart, I'm here," ani Frederick na prenteng naupo sa silyang nasa harap ng mesa ng dalaga. "Why are you here? 'Di ba dapat ay nasa site ka?" "You're asking silly question. Nag-iisa lang ako roon. At mas gusto ko pang dumito na lang at titigan ka." Nangalumbaba si Frederick sa harap niya at hindi inaalis ang paningin sa kanya. "Corny mo!" kunwa'y pasupladang sabi niya rito. "Mukha na naman kayong aso't pusa riyan," natatawang sabad ni Roselle na nasa tapat lang niya ang mesa. "Ito kasing kaibigan mo rito, mahirap ispelingin. Naglalambing lang naman ako," katwiran ni Frederick. "Wala kang karapatan," singhal niya rito. She did not mind kung nandoon si Roselle. Alam nito ang real score sa kanila ni Frederick. Ito ang pinaka-close sa kanyang engineer at natitiis ang pagtataray niya. Normal na sa kanilang mag-asaran kapag nagkikita. "Mariel, bigyan mo kaya ako ng karapatan?" Binigyang-diin nito ang huling tinuran. "And I promise you, ours will be the shortest engagement this side of the world. The moment I hear 'yes' from you, I'll marry you right away." Sirang-sira ang poise ni Mariel nang hindi mapigilan ang pagtawa. "Alam mo, Frederick, kung hindi kita kilala baka maniwala ako sa sinasabi mo," aniya na yumuyugyog pa rin ang balikat sa pagtawa. Tumayo ito. Kitang-kita sa mukha ang pagka-pikon. "Makaalis na nga. Sa lahat ng nagpo-propose, ako ang pinagtatawanan." "Pikon!" habol pa niya rito nang nasa may pinto na. "You don't believe him?" Nilingon siya ni Roselle nang makaalis ang lalaki. Maang na lumapit siya rito. "Mas una ka sa akin dito. Palagay mo, kailan naman hindi nagbiro si Frederick?" "Malay mo, this time. As far as I know him, ikaw lang ang binibiro niya up to that extent. At saka baka talagang ganoon ang style niya. Sabi nga nila, for every joke there is a little amount of truth." "I don't know what to say." Bumalik na siya sa mesa niya. "Be aware, friend. Si Frederick ay binata. Ikaw ay dalaga and both of you are unattached!" Posible nga naman! ILANG araw na hindi nagpakita sa kanya si Frederick. Ayaw isipin ni Mariel na sumama nga ang loob nito sa huli nilang pagkikita. Ipinagpalagay niyang busy ito sa project site. Siya na lang ang nahuhuling palabas ng opisina. Nagla-lock na siya ng drawer niya nang tumunog ang phone. "J&V Builders, good afternoon!" aniya nang iangat ang receiver. "Good afternoon, this is Benedict. I just want to know if Engineer Sembrano is still there." Tantiya niya ay nasa public telephone ito. Maingay ang background. "Benedict! He just left. Nasaan ka ngayon?" "Mariel?" Bigla ang pagsigla ng boses nito. "Right." "Hi! I'll be taking the first flight to Manila tomorrow. What do you want me to bring for you?" Gustong magtaka ni Mariel. Pasalubong daw, bakit? "Please don't bother. Mag-ingat ka na lang," aniya rito. "Whatever you say, Mariel. 'Bye'." Ibinaba ni Mariel ang telepono. Parang may mali, bulong ng isip niya. Hindi mali, bago lang. Hindi niya gawi ang may paingat-ingat pa, sa telepono man o hindi. Kay Benedict pa, na bago niyang kakilala? Dinampot niya ang bag at isinara ang pinto. Nagmamaneho siya pauwi na ang nasa isip ay ang huli niyang sinabi kay Benedict. Kinumbinsi niya ang sarili na sa kawalan lang ng masasabi kaya iyon ang nanulas sa kanyang mga labi. Kaysa naman magpauwi pa siya ng pasalubong. Saka niya naalala, wala nang binanggit si Benedict sa dahilan ng pagtawag nito. Nakalimutan kaya o dahilan lang si Boss Joaquin? Tinapik niya lang ang sariling noo. Forget it, aniya sa sarili. IBA ANG dating ng mga ngiting isinalubong kay Mariel ng mga kaopisina kinabukasan. Boluntaryong nagpaliwanag siya kung bakit siya late nang umagang iyon. Color coding ng last digit ng plaka ng kotse niya kaya nag-commute na lang siya. May aksidente pa sa highway na nakapagpa-traffic sa mga motorista. "Don't bother to explain, Mariel," pigil sa kanya ng isang taga-billing section. "Oo nga naman. Hindi iyan ang gusto naming marinig mula sa iyo," anang isa pa. "Hindi ko kayo maintindihan," aniya sa mga ito. Natatawang kinawayan niya ang mga ito at pumasok na sa cubicle nila ni Roselle. Nakaabang sa daraanan niya si Roselle. Kung ano ang ngiti ng mga nauna ay doble pa ang ngiti nito. "Nag-undertime lang ako kahapon ay nahuli na agad ako sa balita. Kailan mo kaya idedetalye sa akin ang lahat?" anitong pinaikot pa ang mga mata. "Paraanin mo nga ako. Isa ka pa!" Pabirong tinabig niya si Roselle. "Midyear bonus?" maang na baling niya rito. Kunwari ay iningusan siya nito. Isang malaking basket na naka-wrap pa ng plastic ang nasa ibabaw ng mesa niya. Katulad ng mga ipinamimigay kapag Pasko, ang kaibahan nga lang ay otap at dried mangoes ang laman. I've just arrived. Nag-ingat ako, like what you said. Parang may init na humaplos sa puso niya nang mabasa ang card. Nasa loob iyon ng basket at binutas pa niya ang plastic bago nakuha iyon. Walang nakapirmang pangalan. Pero walang ibang nanggaling ng Cebu at makapaglalagay ng basket sa mesa niya nang ganoon kaaga maliban sa isang tao. Kagaya ng mga kasamahan, hindi na kailangan pang pakialaman ang card. Cebu ang sinisimbolo ng mga laman ng basket. At alam na niya kung kanino galing ang mga ito, by heart. By heart! Muntik na siyang matumba sa naisip. Ano ba ang nangyayari sa kanya at isang phone call lang ang natanggap niya ay iba na ang pumapasok sa kanyang utak? "Bigyan mo si Juniel ko, ha!" Tinig ni Roselle ang nagpamalay sa kanya. Hindi nakaligtas sa matalas na pakiramdam nito ang lihim niyang pagngiti. "Hindi ka ba magkukuwento?" sabi pa nito. Nagsisimula pa lang niyang banggitin ang tungkol sa phone call ng binata kahapon ay inulan na siya nito ng tukso. --- i t u t u l o y ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD