Book 2 (Roselle and Frederick) - Chapter 7

2095 Words
“GUSTUHIN man ng contractor natin na personal na makita ang development ay hindi niya magawa kaya mag-uutos na lang daw siya sa aide niya. Bumili ka ng film at kukunan natin ang lahat ng parte nitong building,” utos ni Frederick sa isang tauhan sa construction site.  Naagaw ang atensiyon niya sa humintong van sa di-kalayuan. “Rex!” Abot ang pagkaway ni Charlotte hindi pa man nakakababa ng van. Hindi man niya ibig ay napilitan siyang umalis sa working place. “Jason, bakit?” Ang pinsan ang pinagbalingan niya. Tatawa-tawa lang na nagkibit-balikat ang lalaki. “I thought this place is a whole mess but as I see it, mukhang nasa last stages na kayo,” wika ni Charlotte at saka lumapit sa kanya. “I told you, hindi ito pasyalan. We’re all busy here,” sabi ni Frederick na hindi nagawang alisin ang maputing brasong ipinulupot sa bisig niya. “Why don’t you come with us?” Inignora ng babae ang malamig na tugon niya. “Oo nga naman, Rex. At sigurado akong hindi ka na kukulitin ni Charlotte kapag pinagbigyan mo,” susog ni Jason na lumapit sa kanya para siya lang ang makarinig. “Sorry, guys. Susunduin ko pa mamaya si Roselle,” sagot niyang may kasamang iling. “Your little wife?” eksaheradong reaksiyon ni Charlotte pagkarinig sa pangalan ni Roselle. “Yeah,” sang-ayon ni Frederick. “My wife.” “A day without her isn’t too much. Can you forget her for a while?” Bagama`t nang-aakit ay may halong sarkasmo ang tono nito. Nagtagis ang mga bagang ni Frederick na kaagad namang napansin ni Jason. Hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon na sumagot at mabilis na hinaltak sa braso si Charlotte at pinasakay sa van. Tinanguan lang ni Frederick ang pinsan nang bumusina ito at tuluy-tuloy na umalis. Naiwang parang itinulos sa pagkakatayo si Frederick. Sorry, guys. Susunduin ko pa si Roselle. Yeah, my wife. Paulit-ulit iyong bumabalik sa kanyang isip. Hindi niya plinanong iyon ang sabihin ngunit ang mga salitang iyon ang lumabas sa bibig niya. Could it be possible if... Napabuntong-hininga siya. Totoong naiinis siya kahapon kay Roselle. Pero nang maihatid na niya ito ay nakaramdam siya ng guilt na hindi man lang ito binati kagaya ng dati. At kung hindi nga lang siya naging masyadong okupado sa dami ng trabaho ay tatawagan niya ito para sunduing mag-lunch sa labas. Dahil hindi niya iyon nagawa kaya maaga niyang iniwan ang job site para masundo kaagad ito. Subalit hindi niya nagustuhan ang nakita—si Roselle na masayang nakikipagtawanan sa isang lalaking mukhang kayang bilhin ang buong J&V Builders. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang naramdaman niya. Hindi na mapagkit sa isip niya ang nakitang eksena. Alam niyang hindi natural sa kanya iyon kaya natagpuan niya ang sariling umiinom ng alak. Mula nang mabiyuda si Roselle ay nasanay si Frederick na siya lamang ang kadikit nito. At ang nakita niya kahapon ay nakapagpaalarma sa kanya. “Sir, tapos ko na hong kunan iyong buong ground floor hanggang third floor.” Tinig ng inutusan niya ang nakapagpanumbalik sa kanya sa kasalukuyan. Bumalik na siya sa trabaho. Nasagi ng kamay niya ang nakasukbit na cellphone sa baywang at sumaisip na kontakin si Roselle sa pamamagitan ng pager. ALAM ni Roselle na nangingilag sa kanya si Maya nang dumating siya sa J&V. Late siya nang umagang iyon at wala siyang kangiti-ngiti. Mas malayo ang New Manila sa opisina at iyon ang naging dahilan kaya naipit siya sa traffic. Nagngingitngit siya dahil mag-isa lang siyang pumasok at hindi na nagisnan si Frederick. Hindi niya makuhang magalit dito kagabi. Nabasa niya sa mga mata nito na malaki ang naging pagdaramdam dahil sa kanyang pagiging tactless. Kaya naman nawala ang atensiyon niya sa pinag-aaralang trabaho. Batid niyang hindi na mabuti ang nangyayari sa pagitan nila ng binata. Masyado nang lumalalim ang involvement nila sa isa’t isa. Aminado siyang natatakot siya na sakaling dumating ang araw na kakailanganin na nilang mag-ina na bumalik sa bungalow at tiyak na maaapektuhan nang husto ang kanyang anak. At ako... nabiglang bulalas ng isip niya. Bigla niyang sinaway ang sarili. Tiyak na maguguluhan si Juniel ko, depensa naman ng isip niya. Sumasalit ang ideyang siya mismo ay waring unti-unting nakakasanayan ang samahan nila ni Frederick. Ang hindi nila pagkikibuan ay lalong kakaiba sa pinagsamahan nila noon. Tumayo siya at mabilis na tinungo ang kinaroroonan ng telepono. I miss old times, aniya sa sarili. At nag-dial ng ilang numero at hinintay ang pagsagot ng operator. “This is Roselle, message is...” aniya nang may tumugon sa kabilang linya. Hustong kabababa pa lang niya ng awditibo nang maramdaman ang paggalaw ng pager niya sa bulsa ng kanyang blazer. Roselle, you would never know why I’m acting this way. And I can’t even reason out myself. But I know you‘re hurt. And I’m so sorry for causing you that. Galing kay Frederick ang mensaheng iyon. Masaya ang pakiramdam niya bagaman nangingibabaw ang pagtataka. Knowing Frederick, hindi niya dapat paniwalaan ito. Basta sa pagitan nilang dalawa, ang alam niya sa mensahe nitong iyon, everything was going back to normal. IBINALIK ni Frederick ang cellphone sa leather case nang tumunog ang pager niya. Roselle: Sorry na. Hindi ko alam na matampuhin ka pala. But for friendship’s sake, kalimutan mo na’ng naging kasalanan ko sa iyo. Mahirap palang mag-commute mula New Manila hanggang J&V. Umaliwalas ang anyo ni Frederick nang mabasa ang mensahe. Masayang ibinalik niya ang munting aparato sa baywang. Alam niyang naunahan ng pagtawag ni Roselle ang pagkakatanggap nito sa message niya. Kaya imposibleng gumanti lamang ito ng tawag sa kanya ang babae. May pagkainip na kinonsulta niya ang relo. Anhin na lamang niya ay hilahin ang oras para masundo na si Roselle. “BATI na tayo?” magkasabay na bulalas nina Roselle at Frederick. “Ganoon na lang ba iyon?” kantiyaw ng binata nang maunahan siya nitong makapagsalita.  “Akinse ngayon. Siguro naman, puwede mo akong i-treat.” Dinagdagan nito ang pag-arte. “O, sige na. Hindi ako manhid. Ikaw na ang magmaneho nitong Pregio kung saan mo gustong magpalibre,” natatawang sabi ni Roselle at dinampot na ang shoulder bag. “Diyan na lang,” turo ni Frederick nang mamataan ang Burger King. “Baka mamaya sabihin mo, magastos akong i-date.” “Bahala ka. Kung ako lang, eh, sasamantalahin ko na. Sa susunod, hindi mo na ako makukuha sa parinig,” sagot naman ni Roselle. At sa klase ng usapan nila, alam niyang nakabalik na nga sila sa dati. “Sa susunod naman, hindi na kita dadaanin sa parinig. Dadaanin kita sa dahas,” ganti nito at saka binuntutan ang sinabi ng tawa. “Loko mo!” irap niya rito. “Bumaba ka na rin diyan,” aniya nang nai-park na nito ang sasakyan. “Mag-take out ka na lang nang hindi tayo gabihin. At para meron pati si Juniel. Ibili mo tuloy iyong bata ng promo nilang laruan,” sabi ni Frederick. Nang makapasok si Roselle sa Burger King ay bumaba rin si Frederick at nagtuloy sa kalapit na ATM machine. “SA CARPET pa rin ako?” Hindi na yata naalis kay Frederick ang masayang mood. “At saan mo gustong mahiga? Doon ka kaya sa kamang binili ng mama mo para kay Juniel. Tingnan mo kung magkakasya ka roon,” nagbibirong sabi ni Roselle. Nakapamaywang siyang humarap sa binata matapos ayusin ang kumot ni Juniel. “Hindi ba puwedeng sa tabi mo naman?” Kung nagbibiro pa rin ito ay hindi na niya tiyak. Nagbago ang timbre ng boses nito. Ikinaway niya ang isang kamay pataboy rito. “Sweet dreams, Frederick,” aniya at tumagilid na paharap sa anak. Mayamaya’y narinig niya ang mahinang pagtawag nito sa kanyang pangalan. “Roselle...” Mahina nitong niyuyugyog ang balikat niya.  Nag-aagaw-tulog na siya at kung hindi lang niya naalalang kababati pa lang nilang dalawa ay aawayin niya ito sa ginawang pang-iistorbo sa kanya. Ungol lang ang naisagot niya rito at nanatiling nakapikit. “May ibibigay ako sa iyo,” mahinang sabi nito at naramdaman niya ang paglundo ng bahagi ng kamang inupuan nito. Tumagilid siya paharap dito at bahagyang idinilat ang mga mata nang masilaw sa liwanag na nagmumula sa lampshade. Nakita niya ang isang sobre sa kamay nito. “Ano iyan?” “Payday, `di ba? Suweldo ko.” At inilagay nito sa kamay niya ang sobre. “Kung nakakalimutan mo, ipapaalala kong napagkasunduan nating ieentrega ko iyan sa iyo.” Naghihikab na ibinalik niya sa binata ang sobre. “Huwag na. Itago mo na lang iyan.” Naalala niya, kapalit iyon ng pakikipagsabwatan niya rito.  Sa sandaling iyon, alam niyang kahit walang kapalit ay gagawin niya ang pakiusap nito dahil gusto na rin niya. “Hindi. Sa iyo iyan talaga,” giit nito. “At kailangan mong tanggapin iyan. Malapit na tayong maubusan ng stocks sa kusina. Kailangang mamili ka na.” “Parte ng pagiging asawa mo,” napatangong sang-ayon niya. Kung sarcastic ang naging tono niya ay hindi niya alam. Si Frederick naman ay iniwan na sa kanya ang sobre at bumalik na ito sa dating puwesto. “MAY PERA ka pa?” naasiwang tanong ni Roselle kinabukasang magising. Kasalukuyan siyang nagsusuklay sa harap ng malaking salamin nang pumasok si Frederick at nagawa niyang itanong iyon. Nabuklat niya ang laman ng sobreng ibinigay nito kagabi. Hindi niya akalaing malaking halaga ang ibibigay nito sa kanya. At dahil hindi naman siya sanay sa ganoong sitwasyon kaya nakadama siya ng pagkalito. “Payroll account ko iyan. Kinuha ko na ang lahat ng laman. Bigyan mo na lang ako ng allowance para sa susunod na dalawang linggo,” kaswal na tugon nito. Lalo na siyang nakadama ng pagkailang nito.  Dinampot niya ang perang hindi pa nababawasan at saka lumapit dito. “I-iyong pang-grocery na lang ang iwanan mo sa akin,” nauutal niyang sabi. Humarap ito sa kanya at saka umiling. “Sa iyo na iyan. Ikaw na ang bahalang mag-budget.” Ipagpipilitan pa sana niya nang marinig ang iyak ni Juniel na bumangon na rin. Mabilis niyang nilapitan ang anak. “Mainit si Juniel,” nangangambang sabi niya sa binata. Napalapit na rin ito at sinalat nito ang noo ng bata. Matapos ay binalingan nito si Roselle. “Dito ka na lang muna. Huwag ka nang pumasok sa opisina,” maawtoridad na sabi nito sa kanya. Karga niya ang anak nang lumabas sila ng kuwarto at paalis na si Frederick. “Ba-bye, Juniel. Kiss na sa papa,” wika nito at niyuko ang pisngi ni Juniel. “Bye. Ingat kayo,” bulong nito sa kanya at walang babalang humalik din sa kanyang pisngi. Narinig na niya ang ugong ng palabas na sasakyan ni Frederick ngunit naroon pa rin siya sa tapat ng pinto. Wala sa loob na nahaplos niya ang bahagi ng pisnging kinintalan nito ng halik. Mahinang tikhim ni Adelaida ang nagpaigtad sa kanya. Nang lingunin niya ang ginang ay matiim itong nakatingin sa kanya. At sa wari’y kanina pa siya nito pinagmamasdan. “ROSELLE, telephone!” malakas na anunsiyo ni Adelaida habang kinakatok ang nakapinid na pinto. Tiniyak muna niyang ayos ang kinahihigaan ng anak bago siya lumabas. “Didith daw,” imporma ng mama ni Frederick nang makalabas siya ng kuwarto. Nagpasalamat siya rito at saka nagmamadadaling bumaba.  Mula nang araw na lumipat silang mag-ina sa New Manila ay hindi pa niya nakakausap si Didith. Tiwala siyang iniwan ito sa bungalow at ngayon ay kinakabahan siya sa biglaang pagtawag nito. “Hello, Ate..!” Nagmamadali ang boses ni Didith. Nahugot niya ang paghinga. “Bakit? May problema ba?” Nahawa na siya sa tila pagpapa-panic sa boses nito. “Hindi ko alam sa iyo,” walang anumang sagot nito.  Kung hindi lang sila nasa telepono nag-uusap ay malamang na napandilatan niya ang katulong. “Kung may sasabihin ka’y sabihin mo na’t walang kasama sa itaas si Juniel,” naiinip na wika niya. “Dumating kasi ang nanay mo, Ate.” Hininaan nito ang boses. Kinabahan siya lalo. “K-kailan pa? Ano`ng sinabi mo?” Bumadha sa mukha niya ang pagkalito. “Ngayon lang umaga at kabababa lang daw niya sa barko. Tumakas nga lang ako para makitawag dito sa tindahan dahil kinukulit ako. Wala nga akong masabi dahil wala ka namang ibinilin sa akin. Sabi ko lang umalis ka at isinama mo si Juniel.” Maski papaano ay nakahinga siya nang maluwag sa safe na sagot ni Didith sa kanyang ina. “Sige, ako na’ng bahala. Tatawag ako riyan at kakausapin ko siya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD