Book 2 (Roselle and Frederick) - Chapter 8

2132 Words
NAGPALIPAS lang si Roselle nang ilang minuto at kinontak na niya ang numero sa bungalow. Ang nanay pa niya mismo ang nakasagot. “O, `Nay! Dumating pala kayo,” masaya niyang bungad at pilit na pinagtatakpan ang bahagyang panginginig ng boses. “Aba’y nasaan ba kayong mag-ina? Inaasahan kong ang apo ko man lang ang madadatnan ko rito,” usisa agad ni Choleng. “Pina-check up ko si Juniel dahil nilalagnat,” may katotohang sabi niya sa ina. “Kumusta na ngayon?” “Naku, `Nay, sinesenyasan na ako ng attending doctor niya,” pagsisinungaling niya. Alam niyang kahit sa telepono ay kukulitin pa rin siya ng ina. “Huwag ho kayong mag-alala at okay naman siya. Tatawag na lang ako ulit.” Bago pa man nakakibo ang ina ay pinindot na niya ang plunger ng telepono at saka nag-page kay Frederick. Wala pang alas-tres ay dumating na ito. Halos magdikit ang mga kilay nito nang madatnang nakaempake na ang gamit nilang mag-ina. “Sorry na lang, Frederick. Kaso’y naunahan ng pagdating ng nanay ko ang pag-alis ng parents mo. Kailangan na naming bumalik sa bungalow.” Nahahapong naisuklay ng binata ang mga daliri sa buhok.  Alam ni Roselle na masama ang loob nito pero wala na siyang magagawa. “Naiayos mo na ba’ng mga gamit ninyo?” anito na nasa mga maleta nakatuon ang paningin. Kagyat siyang tumango, saka nilapitan at kinarga ang anak na ang atensyon ay nasa hawak na Voltes V. Isa iyon sa mga laruang binili ng mga magulang ni Frederick. “Ihahatid ko na kayo,” malamig na wika ni Frederick saka dinampot ang mga maleta. Nasa US Embassy ang mag-asawang Alfonso at Adelaida para ayusin ang pagbabalik sa Amerika kung kaya’t nakabawas sa tensyong nasa dibdib ni Roselle ang komplikasyon ng pag-alis. PABALIK sila sa bungalow nang hindi sila nagkikibuan ni Frederick. Sa ayos ng binata ay wala itong balak magsalita. Hindi rin niya gustong mag-umpisa ng usapan.  Inabala na lamang niya ang sarili sa pakikipaglaro sa anak. Malapit na sila sa bungalow nang magkaroon siya ng lakas ng loob na magtanong sa binata. “Ano’ng sasabihin mo sa mama?” Gumuhit ang isang pilit na ngiti sa mga labi nito nang marinig ang tanong niya. “Nag-away tayo. Umuwi ka sa bungalow,” matabang na sagot nito. “Wala akong intensiyong baguhin ang paniniwala nila tungkol sa atin. Tutal naman ay kulang isang linggo na lang sila rito.” “Pasensiya ka na,” matapat na sabi niya. “W-wala naman akong balak umatras sa usapan natin. Pero alam mo namang imposibleng ang nanay ko mismo ang lolokohin natin.” Napabuntong-hininga ang binata at saka inihinto sa tapat ng bungalow ang sasakyan.  Maagap na sumalubong si Choleng. Kagyat na inagaw nito si Juniel kay Roselle. Walang kibong ibinaba ni Frederick ang mga maleta at saka sumunod sa sala. “`Buti po at napadalaw kayo,” bati nito sa matandang babae. Dati nang magkakilala ang dalawa at ang tanging bago lang ay ang ginawang paghalik nito sa noo ni Choleng. “Siyempre naman,” nakangiting sagot nito. “Magbi-birthday yata itong apo ko.” Mabilis na nagkatinginan sina Roselle at Frederick. Nasa mga mata ng binata ang panunumbat na hindi man lang siya bumanggit ng tungkol sa nalalapit na kaarawan ni Juniel.  Ang totoo’y hindi rin lubos na maisip ni Roselle kung paanong nakaligtaan niya ang birthday ng anak. Nagiging malilimutin na yata siya. Epekto nga ba iyon dahil nakaranas na siya ng major operation? Nang ipanganak niya si Juniel ay through caesarian operation. “Saan ba’ng party ngayon?” baling ni Choleng kay Roselle. “Nagpa-reserve na ho kami sa Jollibee,” maagap na sagot ni Frederick. Maang na napatingin dito si Choleng. Subalit bago pa man bumuka ang bibig ng matandang babae ay naagaw na ang atensiyon nito sa paglapit ng bata. TATLONG araw na ang nakakaraan mula nang magbalik sina Roselle sa bungalow. Nakatanggap siya ng tawag buhat kay Mariel. Nag-iimbita itong lumabas silang dalawa. Hindi siya nag-atubili at kagyat na pumayag sa imbitasyon ng kaibigan. “Wala bang nagbago?” makahulugang tanong ni Mariel nang magkaharap na sila habang hinihintay ang in-order na chocolate mousse at blueberry cake sa Café Elysee’s. Matagal bago siya nakasagot. Noong umagang papasok siya sa opisina at humalik kay Juniel ay naringgan niya ito ng salitang “papa”. At kagabing dumating siya ay inulit ng bata ang paghahanap kay Frederick. Nakasugat sa puso niya ang pangyayaring iyon. Ngunit wala siyang magawa. “Makakasanayan ulit ni Juniel na kami-kami na lang,” napabuntong-hiningang sabi niya. Tumaas ang isang sulok ng labi ni Mariel. Hindi ito kumbinsido sa isinagot niya. Naputol ang pag-uusap nila nang i-serve ng waiter ang in-order nilang pagkain. “Huwag mo na akong tanungin kung hahanap-hanapin ko siya,” aniyang nahulaan ang laman ng isip nito. “Baka ako mismo ay hindi maniwala sa isasagot ko.” “Hindi ka sigurado?” Nangungulit si Mariel. Napatango na lang siya.  Sumilay ang isang pilyong ngiti sa mga labi ni Mariel. Inubos muna nito ang isang slice ng cake bago muling nagsalita. “Naaalala ko nung nag-uumpisa pa lang kami ni Benedict hanggang sa pag-uurung-sulong kong magpakasal sa kanya. Sa iyo ako tumakbo, `di ba? Bakit ngayon ay parang ikaw itong litung-lito?” “Iba naman ang kaso mo. Iba kaysa sa akin. Kailangan kong ikonsidera palagi si Juniel ko,” sagot niya. “I know and I agree with that,” sang-ayon ni Mariel. “But why worry so much kung si Frederick naman ang soon-to-be stepfather ni Juniel?” “Mariel!” napahumindig na wika niya. “Tayo lang ang nag-iisip ng ganoon. Besides, baka nakakalimutan mo, ikaw ang apple of the eyes ni Frederick noon.” “Noon iyon. Did it ever occur to you na paborito lang akong asarin ni Frederick noon? He didn’t even make a move to show that he was serious with his feelings— kung meron man.” “Kailan ba siya nagseryoso? Lahat yata ng bagay sa kanya ay puro pabiro,” tugon niya. “Hindi ba’t ikaw ang nagsabi sa akin noon na for every joke, there’s little amount of truth?” Nang-aarok ang titig sa kanya ng kaibigan. Wari’y hindi siya nito bibigyan ng pagkakataong magkaila ng totoong nararamdaman niya. “Roselle, kahit na ang pinakamagaling na komedyante sa mundo ay marunong ding magseryoso. At sabi nga ng iba, ang mga kagaya nila kapag nagseryoso ay talagang seryoso. At sa kaso mo, ikaw mismo ang nakakaalam kung gino-goodtime ka lang ni Frederick o hindi.” Nawalan siya ng kibo. Sumalit sa alaala niya ang eksenang ipinagpipilitan ni Frederick na sa bahay na lang siya at alagaan na lamang si Juniel. At nagpiprisintang ito ang tatayong padre-de-pamilya. “Mag-asawa ka ulit. Let the husband provide for his family. May makakatuwang ka pa sa pag-aaruga sa anak mo.” “Hindi lahat. Malay mo, hindi ako kasali sa mga lalaking sinasabi mo.” “Akala mo kasi, lagi na lang kitang binibiro.” Tila batingaw na sabay-sabay na nag-echo sa pandinig niya ang mga salitang iyon ni Frederick. At bago pa tuluyang mabuo sa imahinasyon niya ang klase ng titig na ibinigay sa kanya nito noon ay ibinalik na niya ang atensiyon sa pagkain ng blueberry cake. “Baka nagkakandasamid na iyong tao. Wala na tayong pinag-usapan kundi siya. Pilit nating ina-analyze kung anong feeling mayroon siya,” aniya pagkaraan nang ilang minutong pananahimik. “Hindi ba ninyo napag-usapan kahit kailan ang sitwasyon ninyong dalawa?” Umiling siya. “He asked me to help him and I agreed. Dumating ang nanay from Bacolod kaya kailangan naming bumalik sa bahay.” “Ganoon lang? Hindi naman ako malisyosang tao. But it’s hard to believe na puwedeng ganoon lang kasimple iyon. Hindi ka lang overnight na nag-pretend. Besides, I see something in your eyes. Roselle, hindi magkakaroon ng linaw ang isang bagay na malabo kung walang gagawa ng paraan.” “Hindi bale nang malabo kaysa ako ang unang gumawa ng hakbang.” “Are you in love with him?” direktang tanong ni Mariel sa kanya. “Alam mo naman kung gaano ko kamahal si June,” paiwas niyang sagot. “Pero wala na siya, Roselle. Buhay ka pa at kailangan mong magpatuloy... kayo ng iyong anak. Sagutin mo ako. Tell me, do you love him?” buong kaprangkahang tanong ng kaibigan. “Yes. No! I mean...” nalilitong sagot niya. “Don’t bother to explain. Alam ko na ang sagot mo,” matapat na wika nito. PAUWI na si Roselle sa bungalow ay nasa isip pa rin niya ang napag-usapan nila ng kaibigan. At kung hindi pa siguro sa mapilit na pag-uusisa ni Mariel ay hindi niya maaamin sa sariling may nararamdaman na siyang kakaiba kay Frederick. In a way, nahihiya siya. There had been a man in her life. Na minahal niya rin. At ngayon, kahit na pilit niyang itanggi at itago ay nararamdaman niyang umiibig siyang muli. Nakaabang ang kanyang ina sa terrace nang dumating siya. “Pasensiya na ho kayo. Nagkita kasi kami ni Mariel,” paliwanag niya rito bagama’t hindi naman ito nagtatanong. “Dalawang beses nang tumatawag rito si Frederick,” pagbabalita ni Choleng. Alam niya‘ng pager ko, bakit hindi niya ako roon kinontak? naisaloob niya.  “May ibinilin ho ba?” Umiling ito. “Kay Juniel muna ako,” paalam niya sa ina at saka tumalikod. Naramdaman niyang nag-aalinlangan sa pagsunod sa kanya ang ina at waring may gusto pang itanong sa kanya marahil ay nagdadalawang-isip.  NAGLALARO silang dalawa ni Juniel nang pumasok sa kuwarto ang kanyang ina. “Roselle, may inililihim ka ba sa akin? Kung meron man, maiintindihan ko naman kung sakali. Bakit hindi mo sabihin sa akin?” anito pagkaraan ng ilang minutong pananahimik. Kunot-noong tumingin siya sa ina. “Tungkol ho saan?” “Walang ibinilin si Frederick, basta hinahanap ka lang. Pero hiniling niyang makausap si Juniel. Hindi naman ako ganoon katanda, narinig ko ang sinabi ng anak mo. Malinaw na malinaw sa pandinig kong tinawag ni Juniel ng ‘papa’ si Frederick. Saka ko naisip na sabi mo sa akin ay nagpa-check up lang kayo ng anak mo.” “Pero si Frederick pa ang naghatid sa inyo at male-maleta ang gamit na dala mo noong umuwi. Nag-asawa ka na ba ulit?” Tinalampak na siya ng ina. Nakagat niya ang sariling labi. Kung mayroon sigurong pinaka-soft-spoken na nanay sa parteng iyon ng mundo ay ang nanay niya iyon. Kinokompronta siya nito ngunit tila nang-aalo pa ang tono ng pananalita. At kung hindi siya nagkakamali ay tila hindi ito nagagalit sakaling totoo man ang naglalaro sa isip nito tungkol sa kanila ni Frederick. “Naranasan mong mawalan ng padre-de-pamilya sa maagang panahon. Alam kong mahirap iyon. Sa kalagayan mo ngayon, hindi biro ang magpalaki ng anak na mag-isa lang. Tingin ko naman kay Frederick ay responsable.” Naumid ang dila niya. “Kung doon ka na pala sa kanila nakatira at napilitan ka lang na umuwi rito ng dahil sa akin, ako na mismo ang magpapabalik sa iyo roon. Isa pa’y hindi mo naman kailangang itago sa akin ang pag-aasawa mong muli.” “Hindi ho kagaya ng iniisip ninyo ang sitwasyon namin, `Nay” sa wakas ay nasabi niya. Sa pasalit-salit na pang-aagaw ni Juniel ng atensiyon niya ay naipaliwanag niya sa ina ang ginawa nilang pagpapanggap ni Frederick sa harap ng mga magulang nito. Magkokomento pa sana ang matanda nang kumatok si Didith para ipaalam na nasa telepono si Frederick. “Bakit ngayon ka lang?” agad na bungad ng binata sa kabilang linya. “Huwag mo akong sitahin.” Tinarayan niya ito. “Ikaw nga itong may utang sa akin dahil tawag ka nang tawag dito. Kinompronta tuloy ako ng nanay ko.” “Mabait si Nanay Choleng, kaya ko siyang lambingin,” buo ang kompiyansa sa sariling sagot ng binata. “Hindi na kailangan. Sinlawak yata ng Pacific Ocean ang pang-unawa ng nanay ko,” proud niyang sagot. “Alam na niya ang set up natin. Ngayon, bakit ka na naman tumawag?” “Una, nami-miss ko ang ganyang pagtataray mo na alam ko namang front mo lang. Pangalawa, ginagampanan ko ang martir na ‘asawa’ na nanunuyo sa naglayas na misis.” Binigyang-diin nito ang huling kataga. “At saved by the bell naman pala ako dahil understanding si Nanay Choleng. Baka puwede ko nang sunduin ang ‘mag-ina ko’ dahil tatlong araw na akong malungkot sa kuwarto?”  Hindi siya nakasagot. Paano’y tila nalulunod ang puso niya sa kakaibang kaligayahang pumaloob sa kanya pagkarinig sa mga sinabi ng binata. Lihim niyang nahiling na sana’y totoo nga ang lahat. Waring may munting alon sa loob ng kanyang sikmura nang magsalita. “K-kailan mo kami susunduin?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD