Book 2 (Roselle and Frederick) - Chapter 9

1641 Words
“THREE-THIRTY sa Sabado, nagpa-book ako sa Jollibee for fifty persons,” simpleng pahayag ni Frederick nang dumating sila sa New Manila. Idineretso ni Roselle sa silid ang nakatulog na anak. “Fifty? Sinu-sinong kukumbidahin mo roon? At saka sino’ng nagsabi sa iyong gusto kong ipag-party si Juniel?” Awtomatikong nag-overreact siya. “Papa ako ni Juniel, `di ba? De ginagawa ko’ng tungkulin ng isang ama,” nagkibit-balikat na sagot ni Frederick. “Pinangungunahan mo ako sa pagdedesisyon pagdating sa anak ko. Hindi ko gusto iyon.” Inirapan niya ang binata nang mahuling nakatitig ito sa kanya. “Ako man,” parang nakakalokong sabi nito at saka humakbang papalapit sa kanya. “Sabi ko na sa iyo, ayokong umiirap ka. Mukha kang girlfriend na naglalambing. Alam mo ba ang ginagawa ko sa dati kong girlfriend `pag nalalambing sa akin?” Mapanukso ang ngiting bumadha sa mga labi nito. Iyong klase ng ngiting sapat para magpakabog sa kanyang dibdib. “Ano?” Sintunado ang pagtataray niya. “Ganito,” sagot nito. Sa isang kisap-mata ay inangkin nito ang mga labi niya. Imposible para kay Roselle na pumiksi kahit pakunwari. Tila bakal ang mga kamay nitong kumulong sa kanyang katawan. Kasabay ng pagkakadiskubre nito sa loob ng kanyang bibig ay ang masuyong paghagod sa kanyang likod. Waring tumakas ang lakas sa kanyang mga tuhod. Nang sandaling lumipat ang isang kamay ni Frederick sa kanyang batok para kabigin siya papalapit dito ay naiyakap niya ang dalawang kamay sa katawan nito. Dama niya ang paghigit ng hininga ng binata sa ginawa niya. Sinaklit nito ang kanyang baywang at saka paatras na humakbang sa naroroon pa ring pambatang kama. Nang ibinagsak nito ang sarili sa kama ni Juniel ay kasama na rin siya. “Matibay naman siguro ito...” bulong nito sa kanya bago ito kumilos para siya ang mapailalim. Sukat sa narinig ay bumalik sa sariling huwisyo si Roselle. Mabilis niyang tinabig si Frederick at saka umahon sa kama. “Dapat yata, hindi na kami nagpasundo sa iyo,” sabi niya. “Hindi ko naman nakita ang parents mo rito. Mukhang wala nang pagdadramahan.” “May pinuntahan lang sila,” sagot nito habang amused na pinagmamasdan ang pagkilos niya. Nanatili itong nakahiga nang pahalang sa kama at iniunan ang sariling mga braso. Inabot ni Roselle ang dalawang blankets at inilatag sa isang bahagi ng carpeted na sahig.  “Diyan ka pa rin matutulog, Frederick. Nasasanay kang basta mo na lang akong hinahalikan,” paungol na wika niya at saka isinalansan ang mga binaong damit sa closet. Natapik na lamang nig binata ang sariling noo at saka lumabas ng silid nang makarinig ng ingay sa ibaba. Mayamaya’y sumilip pa sa kuwarto nila ang mama nito. Bakas ang katuwaan sa anyo ni Adelaida nang malamang nagbalik na sina Roselle. “Tapos ka nang magtampo, Roselle? Ilang araw rin pala kung amuin ka ni Rex. Na-miss ko tuloy si Juniel,” nakangiting sabi ng ginang habang nakasungaw ang katawan sa pinto. Nahihiya siyang tumango. “Siya, sige. Bukas na ako mang-aabala sa inyo at masama rin ang mukha ni Rex nang pagbuksan kami ng gate,” anito at kinabig na pasara ang pinto. Pagkarinig sa tinuran nito ay iniwanan ni Roselle ang ginagawa at tumabi nang higa sa anak. Kinakabahan siya sa pagpasok muli ni Frederick sa kuwarto. Baka maulit na naman ang kapangahasan nito sa kanya. Patawarin siya ng kaluluwa ni June dahil sa pangalawang pagkakataon ay mas matindi ang nararamdaman niyang pananabik sa mga ginagawa sa kanya ni Frederick. Because I love him... amin niya sa sarili. So why did you resist him? sumbat ng isang bahagi ng kanyang utak. At kaysa pag-aksayahan niya ng pag-iisip ang irarason sa sarili ay ipinikit niya ng mariin ang mga mata. “I CANCELLED your reservation sa Jollibee. Don’t mind your advanced payment. Naiayos ko na iyon,” sabi ni Roselle kay Frederick nang dumating ito.  Nauna siya ritong umuwi dahil tumawag ito kanina para sabihing may lalakarin pa. Dahil ayaw niyang sa telepono sabihin ang ginawa kung kaya’t nagtiyaga siyang hintayin ito kahit mag-aalas-onse na ng gabi. “Dine-deprive mo ang childhood ni Juniel. Hindi lahat ng bata ay nakakaranas ng birthday party. Bakit ipagkakait mo iyon sa kanya?” salat sa emosyong wika nito. Kung nagagalit ito sa ginawa niya ay hindi niya alam. Pumasok ito sa walk-in closet at nang muling lumabas ay nakasuot na ito ng shorts na pantulog. “Kaya ko nga pina-cancel ang reservation, I’m just being practical. Nagkaroon na rin ng children’s party ang anak ko. Iyon ay noong first birthday niya. And probably I will do that again next year or when he turns four. And for sure, another party when my son becomes seven,” aniyang ayaw magpaapekto sa reaksiyon ni Frederick. “Practicality,” gagad nito. “Sino ba’ng nagsabi sa iyong ikaw ang gagasta?” “I assumed. Hindi ko naman papayagang ibang tao ang gumasta sa birthday ng anak ko.” Dama niya ang unti-unting paglaki ng hindi nakikitang tensyon sa pagitan nila.  Gusto niyang mapangiti nang mapakla. They were discussing things na normal na pinagdidiskusyunan ng tunay na mag-asawa. “Hindi ako ibang tao!” Napapitlag siya nang marinig ang biglang pag-igting ng boses nito. Nang sulyapan niya ito ay nabasa niya sa mga mata nito na nasasaktan. Napilitan siyang mahiga sa kama. “Goodnight...” halos bulong na lang niyang sambit. “All right...” Halos umabot sa pandinig niya ang pagbuntong-hininga nito sa pagtatangkang pakalmahin ang tono. “If you don’t want a party, so be it. But we will still celebrate it. Pampamilya.” But we’re not a family either. Gusto sana niyang isagot pero sinarili na lang niya. NAIDAOS ang second birthday ni Juniel nang mapayapa at wala nang naulit na pagtatalo sa kanilang dalawa.  Tinawagan ni Roselle ang kanyang ina at sinabing ipagluluto na lang nila ang bata para sa isang espesyal na hapunan. Pinangakuan niya ang ina na dadalhin ang apo nito kinalingguhan. Pinupog ng halik ni Choleng nang dumating ang apo. Abut-abot naman ang hingi ni Frederick ng paumanhin sa ina ni Roselle.  Papalubog na ang araw nang mag-ayang bumalik sa New Manila si Frederick. “Ako naman ay pabalik na sa Bacolod. Nagpa-book ako sa Philippine Airlines sa Martes pero sabi ko’y puwede rin akong chance passenger bukas,” sabi ni Choleng. “Nanay...” nagi-guilty na wika ni Roselle. Hanggang sa babalik sa probinsiya ang nanay niya ay hindi man lang niya naestimang mabuti. Tinapik lang siya nito sa balikat. “Huwag ninyo akong intindihin. Ang paalala ko lang sa inyo ay mahirap na magkunwari,” puno ng kahulugang wika nito. “Lalo ka pa, Frederick.” Binalingan nito ang binata. “Hindi maglalaon at mabibisto rin ng mga magulang mong binata ka pa hanggang ngayon.” Makahulugang ngiti ang isinagot ni Frederick at saka pinausad na ang sasakyan. NAGKATINGINAN sina Frederick at Roselle nang dumating sa New Manila. Kapansin-pansin na maliwanag sa buong sala.  Nasa garahe pa lamang sila ay dinig na ang pagkakatuwaan sa loob. Unang nakita ng mga mata ni Roselle si Charlotte. Litaw ang pusod nito sa suot na low-waist na maong. At sandaling nag-alala siya na baka mapulmonya ito sa suot na mas tamang sabihing bra kaysa midriff blouse na backless pa mandin.  Tipid ang ngiting ibinigay niya rito at saka binalingan sina Jason na naroon din sa sala. “Bakit ngayon lang kayo napasyal ulit?” tanong niya sa tonong parang siya nga ang reyna ng tahanang iyon. “Hindi ba nila nabanggit sa iyo? Bukas na ang flight namin at bukod sa nandito pa rin ang iba naming gamit ay mas practical na dito kami manggaling on our way to NAIA.” “He’s right, Roselle. Binulabog ko sila kaninang umaga to tell them na palipad na kami bukas,” sang-ayon ni Adelaida na may dalang tray ng finger foods at inihain sa mga pamangkin. “Biglaan ho yata,” nasabi niya. “Biglang dating, biglang alis.” Ikinibit lang nito ang mga balikat. “I’m just hoping na sa susunod tayong magkita ay kayo naman ni Juniel ang dadalaw sa amin doon. Kasama siyempre si Rex.” “I can promise that,” sabad ni Rex habang karga si Juniel. “Provided na kasama silang mag-ina, we’ll fly to see you. At nang makapasyal din si Juniel sa Disneyland.” Nagwala sa bisig nito si Juniel at nagpapababa. Nang sumayad ang paa nito sa marmol na sahig ay naglisaw nang takbo sa maluwang na sala at saka nakipaghagikgikan sa grupong naroroon. Bago siya nahila ni Adelaida patungong kusina ay nahagip pa ng paningin niyang inabutan ni Jason ng baso ng alak si Frederick. TAHIMIK na ang buong bahay at nag-aayos pa rin ng kasangkapan si Roselle. Sinansala na niya si Adelaida na tumutulong sa kanyang magligpit ng pinagkainan nina Jason. Ubos ang laman ng dalawang bote ng Remy Martin. Lihim niyang nahiling na sana’y hindi kasali si Frederick kung nalasing man ang grupo. Dahil si Frederick ang magda-drive para ihatid ang mga ito. Lampas na ng hatinggabi nang matapos siya sa pagliligpit. Siniguro niyang naka-lock na ang lahat ng bintana at pinto bago nagpasyang umakyat.  Napabuntong-hininga siya nang malalim. Matatapos na rin ang pagpapapanggap niya. At aminado siya sa sariling iniisip pa lang niya ang ideyang iyon ay nalulungkot na siya. NANG nasa itaas na si Roselle ng hagdan ay pumihit siya paharap sa sala. Isa-isa niyang pinagmamasdan ang mga gamit doon at kinakabisa ang bawat sulok. She will treasure this house in her memory. Kung saan ay naranasan niyang maging maybahay uli. Tiyak niyang matatagalan bago siya muling tutuntong sa bahay na ito. Baka nga hindi na. Sigurado siya na babalik na uli si Frederick sa bachelor’s pad nito sa Bohol Avenue.  Muli niyang pinuno ng hangin ang dibdib at saka pumasok na sa kuwarto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD