Dahil dito ay unti-unti din namang nanumbalik ang dating sigla ni Tesa.
Muli ay nasilayan ni Anton ang sigla mula sa maganda nitong mukha. Ang nakakahalinang ngiti nito.
Na muli nga ay ang dating walang buhay na tahanan nila ay muling nagkakulay at tila biglang nagliwanag.
At ang isang gabi na hindi hindi umalis si Anton upang mamalakaya ay naging daan din naman upang mabuo silang pamilya. Na nagkwentuhan lang silang mag-iina ng mga masasayang bagay sa isang maliit na sala habang nakikinig lang sila ng radio, kasama ang dalawa pang kapatid ni Anton.
Na hindi alintana ang dilim ng mga gabi habang ang tanging malamlam na lampara at kandila lang ang nagbibigay liwanag sa kanila.
Dito sila muling humabi ng mga pangarap. Mga masasayang mithiin sa buhay na bagamat suntok sa buwan ay mas pinili yakapin ang isang pag-asa.
Isang pag-asang makakaahon din sila sa hirap.
At sa tulong din naman ni Mang Isko, ay natuloy ang checkup ni Tesa sa Bayan kinabukasan. Na bagamat mag-ina lang sila, ay buong tiwala naman sa sariling hinarap ni Anton ang isang bagong hamon na naman niya. At ito ay ang tumayo na ding Ama para sa ipinagbubuntis ng kanyang Ina.
Isang bagong responsibilidad, subalit ngayon pa ba siya panghihinaan ng loob?
Ngayon pa ba, na muli ay nakita niya ang sigla sa mukha ng kanyang Ina?
Hindi bat dito naman talaga siya humuhugot ng lakas?
At handa siyang samahan ang Ina sa anumang hamon ng buhay. Maging sa lahat ng aspeto nito.
"Patawad Anak kung ikaw ang pumapasan ng lahat ng ito? Mga obligasyon na hindi naman dapat talaga sa iyo, ngunit eto ka at handang gawin ang lahat para sa amin..." halos maiyak pang sabi sa kanya ni Tesa, habang ngayon ay pabalik na sila sa Sta Monica.
Mahigpit naman niyang hinawakan ang kamay ng Ina at, "Kahit kailan ay hindi ko ituturing na pasanin ito Nay. Responsiblidad ko kayo at masaya akong gagawin ito. Ngunit ang mahihiling ko lang bilang kapalit nito, ay maari bang lagi ka nalang masaya? Na hindi na kita makikita pang umiiyak? Dahil nasasaktan ako kapag ganon. Dahil pakiramdam ko ay hindi ko mapunuan ang isang espasyong iniwan ni Tatay."
Bahagya naman siyang ngumiti sa Anak habang patuloy na hawak ng isang kamay niya ang kanyang malaking tiyan na ilang araw o linggo nalang siguro ay tuluyan na niyang iluluwal ang dinadala niya dito sa mundo.
"Mula ngayon ay pipilitin ko ng sundin ang hiling mo Anak, at tama ka naman. Na hindi natin maibabalik pa ang nakaraan. Ngunit masaya akong makakasama kita sa kasalukuyan at sa hinaharap. At masayang gagabayan sa pagpapalaki sa iyong mga kapatid." Sabi pa niya sa Anak.
"Dahil mula sa Araw na ito ay ako na din ang Ama nila Nay. At gusto kong akuin na ng husto ang isang tunay na tungkuling bilang ganap na Padre de Pamilya."
"Salamat Anton..." Halos maiyak siya sa pangako ng kanyang panganay na Anak.
Na bagamat hindi nila saklaw ang bukas, ay gusto niyang umasa sa mga pangako nito.
"Makakaya natin ito Nay... "
Inakbayan niya ang kanyang Ina, bilang pag-alalay na din dito dahil sa mga lubak na minsan ay nadadanaan nila habang nakasakay sila sa loob ng tricycle.
Subalit isa lang ang tinitiyak niya.
Walang magbabago sa kanilang mag-ina. Patuloy niya itong igagalang bilang Nanay niya, at masaya na siyang makitang kuntento na ito at hindi na umiiyak pa...
Minsan tuloy ay napapaisip si Anton, na tama nga pala ang kasabihan na ang mga Ina ang tunay na ilaw ng tahanan. Na sila ang nagbibigay liwanag at kulay sa bawat pamilya. Na sa sandaling umandap ang liwanag nito ay agad na mararamdaman ng buong sambahayan.
Nang isang tahanan na tila napilay sa pagkawala ng tunay na haligi nito. Subalit buong pusong inialay ni Anton ang kanyang sarili upang agad na pumalit sa malaking espasyo o obligasyon na nabakante nito.
Isang bagong haligi ng tahanan na handang ibigay ang lahat para sa kinabukasan nila. Isang bagong haligi na sisiguraduhin niyang magiging mas matibay upang patuloy na magbigay ng liwanag ang ilaw nito.
Ang kanyang Ina...
KINABUKASAN
"Kaya mo pa ba Teresa na maghintay dito sa dalampasigan habang halos kabuwanan mo na ah." Nag-aalala pang bati sa kanya ni Janice.
Na gaya niya isa sa maraming kababaihan na hindi alintana ang lamig na simoy ng hangin na dala ng isang bagong umaga, sa mismong baybayin ng dagat habang sabik na naghihintay sa mga asawa nila.
"Maayos pa naman ako Janice, isa pa ay gusto ko din namang maranasan ng Anak ko ang ganito. Na may naghihintay at sabik sa kanyang pagbabalik mula sa pamamalakaya." Tugon naman ni Tesa sa katabi niyang si Janice habang patuloy na nakatingin sa laot ng dagat at naghihintay.
"Kung sabagay ay tama ka naman Teresa. Alam mo bang si Anton lang ang bukod tangi sa lahat ng mangingisda rito na walang sumasalubong na asawa. Pero syempre ay natural lang naman yon, dahil nga alam naman nating binata pa siya, habang ang kanyang Ina naman ay nasa huling buwan ka na din naman ng pagbubuntis diba."
Sandaling nakaramdam ng pagkalungkot ang magandang ginang na si Tesa para sa Anak.
Tama naman si Janice, dahil minsan din naman siyang naging laman ng dalampasigang ito habang naghihintay sa asawa niyang Andoy noong nabubuhay pa ito.
Kaya naman batid niya ang saya para sa mamamalakaya na may isang babaeng asawang nagtitiyagang maghintay sa kanilang pagbabalik.
Bagamat sa ngayon ay naghihintay siya hindi para sa asawa. Ngunit para naman sa bagong haligi na ng kanilang tahanan. Ang kanyang Anak na si Anton.
"Mga kasama nandiyan na sila!! Nakikita ko na ang mga bangka nila mula sa laot!" Sigaw pa ng isang medyo may edad ng babae.
Agad namang masiglang nag ayos ng kanilang sarili ang lahat. At yung mga iba pa ngang nakaupo sa buhanginan ay nagsimula na din tumayo at agad na binitbit ang kanilang mga dalang basket.
Ang basket na magsisilbi ding sisidlan ng nahuling isda ng kanilang mga asawa lalake.
At mabilis na lumusong sa tubig dagat upang salubungin ang pagdating ng kanilang mga Asawa.
"O ayan Tesa, malapit na nga sila oh. Nakikita ko na yung malalaking bangka na nauuna. Diyan na din nakalulan ang Anak mong si Anton, at sigurado akong masisiyahan siya kapag nakita ka niyang sumalubong sa kanya dito sa baybayin mismo."
Maging siya ay hindi maipaliwanag ang galak na nadarama. Na tila ba ibinabalik siya sa dati noong naghihintay din siya sa mismong lugar na ito.
Subalit may pagkakaiba nga ba ito sa dati? Na ngayon ay ang panganay na anak nalang niyang si Anton ang kanyang hinihintay at hindi na si Andoy na kanyang Asawa?
"Ang mabuti pa ay maiwan ka nalang dine Tesa, ako na lamang ang lulusong at ibabalita ko din naman kay Anton na naghihintay ka dito. Mahirap ng makigulo ka pa don. Kabuwanan mo pa naman."
Sinunod naman niya ito, at kesa nga lumusong ay matiyaga siyang naghintay kay Anton malayo sa daungan nito.
Habang panatag na naghihintay. Na may ngiti sa labi na gaya ng laging hinihiling sa kanya ng Anak.
Habang pinagmamasdan ang isang naiibang bukang liwayway sa kanyang buhay.
"Anton!! Nandito ako..." sigaw pa ni Tesa sa Anak habang masiglang kumakaway dito, matapos makababa sa bangkang pangisda.
"Nay... Diyan ka lang, ako na ang pupunta sa iyo."