Kabanata 4

1354 Words
Masakit ang ulo ni Elena. Masakit na rin ang mga mata niya. Pero mas masakit ang puso niya habang nakatingin sa walang buhay na kaibigan na ngayon ay nakahiga na sa malamig na higaan. Nasa morgue siya kasama si Jane na kaibigan ni Louisa. Tahimik lang itong nakaupo sa pang isahang silya habang nakatingin sa kaibigan na walang buhay. Hindi ito nagpapakita ng kahit anong emosyon. Ni hindi ito umiyak noong nalaman na wala na si Louisa. Habang siya ay kulang na lang mahimatay dahil sa nalaman. Alas sais na ng gabi at hindi man lang siya nakakain ng pananghalian. Ni ayaw na niyang maghapunan. She's aware that her stomach is completely empty, but she just can't feel any hunger, knowing that the person she used to eat with is gone. Si Jane ay kaklase ni Louisa dahil pareho silang kumuha ng mathematics major. Kahit pareho silang nagtatake ng Secondary Education ay hindi sila gaanong nag uusap ni Jane. Isang beses lang niya itong nakasabay kumain kasama si Louisa at hindi rin ito naninirahan sa dorm sa campus. Sa mga kwento na lamang ng kaibigan niya nalaman ang buhay nito. Hindi niya alam kung sino ang walang hiyang gumawa nito sa kaibigan niya. Habang nakaupo sa tapat ni Jane ay malalim niyang inisip ang posibleng kriminal sa kasong ito. Ipinikit niya ang kanyang mga mata upang isa-isahin ang mga posibleng larawan ng mga taong sangkot sa pagpatay sa kaibigan. Maya-maya lang ay narinig niyang tumunog ang cellphone ni Jane na siyang nagpadilat ng mga mata niya. Nahagip niya ng tingin ang mga mata nitong makahulugan na nakatingin sa kanya at sa isang iglap ay nilipat nito ang tingin kay Louisa. Agad nitong binasa ang dumating na mensahe at nagpaalam na itong uuwi sa dorm na tinutuluyan nito. Elena is confused about Jane's reaction to her friend's death, given that Jane is closer to Louisa than to her. Hinabol niya ito hanggang sa pinaka entrada ng morgue. Hinarangan niya ito sa pinto. "Ayaw mo bang hintayin muna yung mga magulang ni Loui bago ka umuwi?" Hindi na niya namalayan na napalakas na pala ang boses niya. Tiningnan lang siya nito ng masama. "Lumayo ka sakin kung ayaw mong punitin ko yang bibig mo." madiin na tugon nito. "Baka gusto mong bunutin ko nalang isa-isa ang mga kuko mo?" Pero hindi siya umalis sa pintuan at mas lalong humawak sa handle at hinarang na ang buo niyang katawan. Inaamin niyang kinikilabutan siya sa sinabi nito. "Nung kinausap ka ng mga pulis kanina, hindi mo sinagot kung nasaan ka buong umaga. Nasaan ka nga ba?" Tanging nasagot niya sa kabila ng takot sa kausap. Nginitian lang siya nito ng nakakatakot na parang konti na lang ay sasakmalin na siya nito. Nakaramdam siya ng kilabot sa paraan ng pagngiti nito. Sa mga bola ng mga mata ni Jane ay ang mga sikretong hindi niya gugustuhing malaman. Hinawakan nito ang kamay niya at marahas nitong tinanggal ang kamay niya sa handle. Magpoprotesta pa sana siya dahil nasaktan siya sa ginawa nito ngunit pareho silang napatingin sa sasakyang bumusina sa labas. Salamin ang pintuang iyon kaya kahit gabi na at ang tanging ilaw sa labas ay ang poste ng ilaw sa kabilang parte ng kalsada ay kitang kita pa rin niya kung sino ang dumating. _________________________ Mabilis siyang tinulak ni Jane at dali dali itong lumabas. Nakita naman niya na lumabas rin ang lalaki sa driver seat at umikot para pagbuksan ng pinto ang babae. Natigilan siya. Ang lalaki sa driver seat ay walang iba kundi si sir Mike, ang professor ni Louisa na usap-usapang katalik ng kaibigan sa Orchidia. Nasa mid 40's na ang edad nito at kamamatay lang ng asawa dalawang taon na ang nakakaraan. Bago lang si sir Mike dito sa SCBC at galing ito sa isang sikat na unibersidad sa Camarines del Norte. Mabait ito at magaling magturo. Hindi mo ito pag-iisipan ng masama dahil sa kabaitan nito. Tumutulong rin ito sa mga bata sa lansangan at nagkamit ng iba't-ibang parangal sa larangan ng edukasyon. Hindi na namalayan ni Elena na umalis na ang sasakyan. Bumalik nalang siya sa silyang inukupa kanina at muling nag-isip ng paraan para ma solve ang kaso. Muli niyang tiningnan ang kaibigan. Maganda pa rin ito kahit wala na itong buhay. Apat na araw mula ng dumating siya sa SCBC ay dumating na rin ito. Unang kita pa lamang niya rito ay nagandahan na siya sa kaibigan. Maputi ito, balingkinitan ang katawan, matangos ang ilong at maganda ang ngiti. Matalino rin ito at consistent Dean's Lister. Sa maraming bagay ay nagkakasundo sila. Mapa politika, human behaviour, o kahit sa mga maliliit na bagay ay pareho nilang napagkakasunduan. Valedictorian rin ito mula sa isang private school dito lang din sa Baguio. May kaya ito sa buhay, yun ang pinagkaiba nila. Madalas pag kumakain sila sa labas o kung may bibilhin sila ay si Louisa ang nagbabayad. Para makabawi sa kaibigan ay siya ang naglilinis ng buong kwarto. Mabait ito at magalang. Kaya lang ay may pagka nerd ito. Malaki at makapal ang suot na salamin at makapal ang mga kilay. May brace rin ito at maluluwang ang damit na sinusuot. Mahilig itong magbasa kaya malaki ang bagpack na dala nito. May mga pagkakataon lang na moody ito at ayaw makipag-usap. Wala namang kaso sa kanya ang lahat ng iyon ngunit sa unang linggo nilang pagsasama sa kwarto ay may napansin siya. Tuwing matutulog sila ay ang lampshade ng kaibigan lang ang nananatiling bukas hanggang umaga. Katabi ito ng malaking salamin at sa gilid nito ay ang pinto ng banyo. Hindi siya nakakatulog kapag maliwanag ang paligid dahil nasanay siya sa bahay nila noon na gasera lang ang ilaw at tinitipid pa nila ito. Tuwing hating gabi ay naaalimpungatan siya dahil nararamdaman niya na may naglalakad sa kwarto nila. Tuwing imumulat niya ang mga mata ay natatanaw niyang ang kaibigan ay paroo't parito mula kusina hanggang sa sofa. Tinatanong niya ito kung bakit ito palaging gising tuwing hating gabi hanggang alas dos ng umaga. Tingin niya ay may problema ang kaibigan ngunit hindi naman ito sumasagot sa tanong niya kay hinayaan niya na lang. Ipinikit muli ni Elena ang mga mata at inalala ang mga masasayang mga sandali kasama ang kaibigan. Mula sa pag rereview sa exams, pag gogrocery, pagsama nito sa library para mag apply as AL at ang pagsama nito kapag marami pa siyang kailangang gawin sa library. Madalas ay gabi na siya natatapos ngunit hindi ito nagrereklamo. After ng finals ay balak sana niyang dalhin ang kaibigan sa kanila ngunit hindi ito sumasagot sa text at tawag niya kaya umuwi nalang siyang mag-isa. Mula sa kaonting naitabi niya sa pagpapart time ay naibili niya ng pasalubong ang kanyang pamilya. Nag grocery din siya sa bayan nila at ibinili ng maayos na uniporme ang mga kapatid. Nag iwan na rin siya ng pera para sa pagpapakabit ng kuryente nila. Masaya siya kahit papano. Hindi niya kinwento ang nangyari sa kaibigan at nag isip nalang siya ng rason kung bakit hindi ito kasama. Habang naglalayag ang isip niya ay naramdaman niyang may kamay na humawak sa balikat niya. "Pasensya ka na kung nagulat kita." Nahihiyang sabi ng isang lalaki. Bakas siguro ang pagkagulat niya sa ginawa nito dahil napatayo pa siya. Kamuka ni Loui ang lalaki na sa hula niya ay nasa sampung taon ang agwat sa kanya. Matangkad ito at moreno. Mukha itong masungit dahil sa kilay nito na makapal din. Ngunit wala itong suot na salamin at hindi rin naka brace. Nakasuot ng dark blue na long sleeve ang ginoo at nakatupi ang manggas nito hanggang siko. Bukas na rin ang tatlong butones sa polo nito. Halata sa mukha ang lungkot at pagod ngunit may pagka pormal pa rin ito. Nagkusa na itong maupo sa katabing upuan na inuukupa niya at malungkot na tiningnan ang kaibigan. "Kapatid ko si Lelay." Panimula niya. "Dalawa lang kaming magkakapatid. Ako si Paul. Ikaw ba si Elena?" Tanong niya ng lumingon ito sa kanya. Sa mga sandaling iyon ay naramdaman ni Elena na ang taong kausap ay magkakaroon ng malaking papel sa buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD