I

526 Words
Isang magandang araw ang bumungad sa mga mamamayan ng kahariang Lir. Nabalitaan nila na ang kanilang mahal na hara ay bibisita sa kanilang mga kabayanan. Puspusang paghahanda ang kanilang ginagawa para bigyan ang hara ng masigabong pagsalubong, kaya ang halos lahat sa kanila ay aligaga. Samantala, sa isang malayong bayan mula sa kabisera, hindi pa nila nababatid ang magandang balita. Kung kaya't ang mga naroon ay hindi tulad ng mga ibang bayan na halos hindi mapakali sa kinapupuwestuhan. Ang bayang ito ay Como. Sinasabi nila na ang bayang ito raw ay ang pinakatahimik na lugar sa kanilang kaharian, at ang sino mang gumambala sa kanilang kapayapaan ay tiyak na magdurusa. Kaya wala masyadong pumupunta sa bayang ito, hindi lang dahil sa mga sabi-sabi, kundi dahil na rin sa basbas ng hara sa bayang ito. Hindi alam ng mga naririhan dito kung bakit sa dinami-rami ng bayan ay ang kanilang bayan pa ang binasbasan. Matapos ang pagbisita ng hara sa ibang kabayanan, isang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kaniya. Hanggang sa makita siya ng isang mamamayan ng Como at sumigaw ng,  "Ang hara! Ang hara! Nandito ang hara!" Magiliw nitong pag-anunsyo. Dahil sa narinig, nagkaroon ng linya ng mga tao upang salubungin ang kanilang hara. "Maligayang pagdating, mahal na hara." Sa isang tabi, habang naglalakad, napansin ng isang paslit ang hilera ng mga mamamayan at mistulang may pinalilibutan. Hindi nagtagal ay nasilayan din ng paslit ang pinalilibutan ng mga mamamayan. "Ina, sino ang magandang binibining iyon?" Tanong ng paslit sa inang kasama habang nakatingin sa hara. "Siya ay si Hara Aqua, ang reyna ng ating kaharian." "Reyna? Kung gayo'n, halina ina! Nais kong makita ang ating hara!" Sabi nito at dali-daling tumakbo patungo sa linya ng mga kababayan. "Saglit, Cordelia!" Panawagan ng ina, na hindi narinig ng batang si Cordelia. Ang batang ito talaga. Nasabi na lamang ng ina sa kanyang isipan at sumunod na sa anak. Napakaganda niya sa malapitan, sabi ni Cordelia sa kaniyang isipan nang masilayan sa malapitan ang kanilang hara. Lumapit pa si Cordelia sa hara sa kabila ng pagbabawal ng ina. "Huwag, hayaan niyo lamang siya." Nakangiting turan ng hara habang nakatingin kay Cordelia. "Naku, maraming salamat po, mahal na hara." Isang ngiti ang iginawad ng hara sa ina ni Cordelia at tumingin mulit sa paslit. Hindi niya mabatid ang dahilan ngunit tuwang-tuwa siya at magaan ang kaniyang loob kay Cordelia. Natuwa naman si Cordelia kaya mas lalong lumawak ang kaniyang ngiti. Ngunit sa kasamaang palad, oras na para umalis ang hara. Nalungkot nang husto si Cordelia sapagkat nais niya pang makasama ang hara. Hindi pa nga sana siya aalis kung hindi pa siya hinila ng ina. "Ina! Nakita mo ba iyon? Nginitian niya ako!" Tuwang-tuwang sambit ni Cordelia sa ina habang sila ay naglalakad pauwi. Nagkuwentuhan pa ang ina habang naglalakad kaya hindi na nila namalayan na nakarating na sila sa kanilang tahanan. Bago pa man pumasok ang mag-ina, nagtanong si Cordelia sa ina, "Ina! Maaari ba tayong makapunta sa palasyo?" Nangungusap na matang tanong ni Cordelia. "Ang palasyo'y malayo anak. At isa pa, hindi basta-basta makakapasok doon." Lumungkot naman ang mukha ng anak kaya hindi natiis ni Coral ang anak. "Ngunit, anong malay mo, baka sa hinaharap ay makatungtong ka sa palasyo..." Nakangiting saad ni Coral at pumasok na sa loob ng tahanan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD