"Ang hara ng Nevaria, sinasalakay! Magsikilos na kayo!"
"Magmadali!"
"Tiyakin ang kaligtasan ng hara at kaniyang anak!"
"Laban para sa Arcabis!"
"Laban!"
"Ilabas ang mga dragon!"
Nagising ako dahil sa ingay. Ano bang kaguluhan ang nagaganap?
"Cordelia, ayos ka lang ba?"
"Ayos lang ako, hara. Ngunit ano bang nangyayari at tila makikipagdigma ang mga kawal ng Lir?"
"Ang kaharian ng tagapangalaga ng apoy na si Soleil ay sinasalakay ng mga kaaway, paroroon ang mga kawal upang tumulong. Nagpadala rin ng tulong ang dalawa pang kaharian."
"Ngunit, mahal na hara. Bakit walang propesiya ang naganap? Kung ang pagsalakay sa kaharian ng Nevaria ay hudyat ng digmaan?" Takang tanong ko.
Sa bawat digmaang magaganap, may propesiyang sasabihin. Ito ay ang nagbibigay babala sa lahat ng kaharian. Laging gano'n ang nangyayari kaya nagtataka ako ngayon.
"Iyon din ang aking katanungan, Cordelia. Halika, sundan mo ako. May ipapakita ako sa iyo. Magbihis ka at magpunta sa silid-aklatan."
Bakit tila nagbago ang tono ng hara? May hindi ba siya sinasabi sa akin? Ah, hindi bali na,wala naman ako sa posisyon upang alamin pa ang mga bagay na iyon. Tulad ng kaniyang sinabi, pagkatapos kong magbihis ay nagtungo ako sa silid-aklatan.
Pagpihit ko ng seradura ay bumungad sa akin ang malawak na silid na may asul at gintong kulay. Ang mga libro ay maayos na naka-organisa.
"Mahal na hara."
"Nariyan ka na pala, halika."
Nagtungo kami sa i***********l na parte ng aklatan, dahil siya naman ang hara, hindi ako nabahala. Bagkus ay nagtaka ako. Anong importanteng bagay ang nais niyang ipakita sa akin at naririto pa iyon sa i***********l na lugar?
Sumunod lamang ako sa kaniya hanggang sa matunton namin ang dulo ng silid, kung saan may nakakubling pinto na kaniyang ipinakita sa akin.
Ngunit bago pa man kami makapasok ay nagkaroon ng malakas na tunog mula sa batingaw. Hudyat ng pagsalakay!
"Ipagpapaliban muna natin ito, Cordelia. Magtungo ka sa iyong silid at kahit anong mangyari ay huwag kang lalabas."
"Masusunod, hara."
Naglaho siya gamit ang kanyang kapangyarihan, marahil ay upang magtungo sa taas ng palasyo. Samantalang ako ay nagbalik sa aking silid at nagkandado ng pintuan.
Kung ang kaaway ay ang mga dating nakasagupa ng kaharian ay hindi ako mag-aalala, ngunit bakit tila hindi kilala ang aming mga kaaway sa pagkakataong ito?
Masama ang aking kutob.