Ilang oras na ang nakalilipas simula nang magsimula ang labanan.
Puro pagpapalitan ng mga mahikang kanyon ang aking naririnig at nakikita. Ang hara ay nakikipaglaban din sa himpapawid.
Ano ang kumikinang na bagay na 'yon? Bakit papalapit ito nang papalapit sa aking kinaroroonan?
May parating na bola ng apoy sa aking silid! Ano ang aking gagawin.
"Ipikit mo ang iyong mata at isiping inaapula ng tubig ang apoy na parating." Sabi ng hindi ko kilalang tinig. Sinunod ko na lamang ito dahil nais ko pang mabuhay.
"Aqauae muri!" Wala sa sariling sambit ko ngunit hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang iyon. Nagmulat na ako at nakitang hinaharangan ng makapal na pader na gawa sa tubig ang aking silid.
Ako ba ang may gawa no'n? Imposible!
"A-Ah! Aray!"
Ano ba ito? Bakit biglang sumakit ang aking batok?
"Salubungin mo ang hara ng Nevaria at kaniyang anak, Cordelia."
Sabi ng tinig na palagay ko ay ang hara sa aking isipan. Malayo siya mula sa aking kinaroroonan ngunit alam kong siya iyon. Mamaya ko na iisipin ang tungkol dito, sasalubungin ko muna ang hara Soleil.
Nagbihis ako at naghandang sumalubong. Habang naglalakad sa pasilyo ay hindi ko maiwasang kabahan sapagkat ngayon ko lamang makikita ang hara ng kabilang kaharian.
"Parating na ang hara ng Nevaria, binibini." Sabi ng kawal na tingin ko'y tumulong sa Nevaria.
"Maraming salamat, ako na ang bahala."
Nagtungo ako sa pintuan ng palasyo at naghintay, hindi naman gano'n katagal ang aking dapat hintayin sapagkat ilang minuto lang ay dumating na nga sila.
"Maligayang pagdating sa Lir, hara ng Nevaria." Sabi ko nang may paggalang.
"Ano naman ang maligaya ngayon? Hindi mo ba nakikita na nasa gitna tayo ng labanan? At sugatan ang aking ina!" Masungit na sagot ng dalagitang kasama ng hara.
"Ipagpaumanhin mo ang ugali ng aking unica hija, ngunit ano ang iyong ngalan binibini? Ano ang ginagawa mo rito sa palasyo?"
Ang kanyang boses ay malambot, nakakakalma, malayo sa matapang niyang itsura. Ngunit halatang nanghihina na siya.
"Walang problema, hara Soleil. Cordelia po ang aking ngalan. Mga kawal! Magpata —"
"Ikaw pala si Cordelia. Huwag na, binibini. Ayos lang ako."
"Ina! Kailangan mong magamot!"
"Bridget, kung hanggang dito na lamang ako ay wala na tayong magagawa."
"Ngunit ina!" Ang masungit na dalagita kani-kanina lamang ay naging maamo at iyakin sa harap ng kaniyang ina.
Ano ang aking gagawin? Hindi makakaabot ang babaylan dahil may digmaang nagaganap at malubha ang kaniyang sugat...
"Hawakan mo ang kamay ng hara at bigkasin mo ang sasabihin ko..."
Iyong hindi ko nakikilalang boses nanaman...wala na akong panahon upang isipin kung sino siya sa ngayon.
"Hara Soleil, kung inyong mamarapatin, akin na ang inyong kamay."
"Ano bang magagawa mo? Wala kaming oras para sa kalokohan mo!"
"Diwani Bridget, kung gusto niyo pang mabuhay ang inyong ina ay ipapaubaya niyo siya sa akin. May digmaang nagaganap kung kaya't hindi makakaabot ang mga babaylan."
Natahimik ang diwani at ibinigay ng hara ang kaniyang kamay sa akin.
"Sicut patet quod..."
"Sicut patet quod..."
"A sit cor et aqua..."
"A sit cor et aqua..."
"Virtus velut unda..."
"Virtus velut unda..."
"Istae et sanabuntur..."
"Istae et sanabuntur..."
"Hoc solum mihi dicenda est..."
"Hoc solum mihi dicenda est..."
"Erit anima mea!"
"Erit anima mea!"
Pumikit ako at dinamay ang banayad na pakiramdam na aking nadarama at sa pagmulat ng aking mga mata ay nababalutan ng tubig ang katawan ng hara hanggang sa unti-unting gumaling ang mga sugat nito.
"Maraming sa—"
"Ina!"
"Hara!"
"Ano ang ginawa mo?!" Pagalit na sigaw sa akin ni Diwani Bridget. Nahimatay ang kaniyang ina, marahil sa pagod. Alam ko namang nag-aalala lamang siya, kaya hindi ko na pinatulan pa.
"Napagod lamang ang iyong ina kaya huwag kang mag-alala, pahinga lamang ang kailangan niya. Aasikasuhin kayo ng mga tagasilbi at ihahatid kayo sa inyong magiging silid."
Iyon ang huli kong sinabi bago ako bumalik ng aking silid.
May sariling digmaan pa akong kailangang harapin.