VII

507 Words
Natapos na ang digmaan, payapa na muli ang paligid. Napag-alamang rebelde lamang ang mga sumugod sa amin kaya hindi na ito magdudulot pa ng mas malawakang digmaan. Iyon ang sabi nila. At hindi ako naniniwala. May traydor sa palasyo, panigurado. Pero hindi ko muna iisipin iyon, hanggang sa wala pa akong masamang kutob ay maghihintay na muna ako. Sa tatlong araw na tulog at nagpapahinga ako, naririnig ko ang lahat. Hindi ko man maimulat ang aking mga mata, ngunit kilala ko sila. Isa pa, may mga bagay pa akong dapat isipin, dahil hindi ko pa rin maipaliwanag lahat ng nagaganap sa aking sarili. Paano ko iyon nagawa? Paano ko nakontrol ang tubig? Ipinahiram lang ba ng hara Aqua ang kaniyang kapangyarihan sa akin? Sino ang boses na tumulong sa akin? Ang dami kong tanong sa aking sarili! Naguguluhan na ako! "Binibini, handa na ang umagahan." "Sige, salamat. Susunod ako." Nag-ayos na ako ng aking sarili at nagmadaling magbihis, ayokong paghintayin ang mga hara. Lalo na ngayong malakas ang kutob ko na may traydor sa palasyo at malakas ang aking pakiramdam, malapit lang siya sa amin. Pagkatapos kong magbihis ay dumiretso na ako silid-kainan. Habang naglalakad sa pasilyo ay may naririnig akong mga tinig mula sa kusina ng palasyo. Ang kwarto ko ay taliwas sa kwarto ng hara kung kaya't kailangang magdaan muna ako sa kusina upang makarating sa hapag-kainan. "Sigurado ka bang kumakain sila niyan?" "Oo naman, lagi nila itong kinakain simula pagkabata." "Mabuti kung gano'n. Hindi masasayang ang lason." Lason? Sinong lalasunin nila? Ang mga hara? "Pero, sigurado ka na ba? Alam mong kamatayan ang parusa kapag nahuli ka." "Kung mahuhuli ako. Walang makakaalam kung hindi mo ito ipagsasabi. Maria." Mga hangal! May nakakaalam na. At Maria? Ang tagasilbi ng hara? Lapastangan! Nagtagal ako ng ilang saglit bago dumaan sa kanilang harapan upang tumungo lamesa. "Magandang umaga, mga hara. Wala pa ba si diwani Bridget?" "Magandang umaga, Cordelia. Salamat sa pagpapagaling na iyong ginawa sa akin." Nakangiting bungad ni hara Soleil. "Pag...papagaling?" Takang tanong ni hara Aqua habang nakatingin sa baso ng tubig. Oo nga pala! Hindi niya pa alam ang nangyari. Teka, paano ko sasabihin sa kanila ang planong paglalason sa kanila ng tagaluto? Wala namang ibang elemento rito kundi ang apoy -- apoy? Tama! At tubig! Mula sa mga baso. "Napanood ko na Cordelia. Tawagin mo si Bridget at sabihin ito, siya lamang ang makaliligtas sa kaniyang ina. Alam na niya ang gagawin." Sinasabi ko na nga ba, mabuti na lamang at gano'n nga. "Oo Aqua, pinagaling ako ni Cordelia gamit ang tubig. Ah, oo nga pala. Wala pa si Bridget. Ipapatawag ko lang. Ma--" "Hara Soleil! Huwag na po. Ako na lamang ang tatawag sa kaniya, at isa pa, ginawa ko lamang po ang tingin ko'y tama. Mauuna na po ako." "Oo nga naman, Soleil. Hayaan mong kilalanin ni Cordelia ang iyong anak." Pagtingin niya sa akin nang makahulugan. Naiintindihan ko ang nais niyang ipahiwatig. Ayoko man siyang tawagin dahil baka magbangayan lang kami, ngunit siya lang ang makakatulong sa akin. Hindi maaaring malaman ng mga tagaluto na alam na namin ang kanilang plano dahil baka mas manganib kami, kaya kahit ayaw ko ay gagawin ko. Sana lamang ay maniwala siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD