Nakarating na ako sa nagsisilbing kwarto ni Bridget na katabi lamang ng aking silid. Kumatok na ako kaagad dahil nasasayang ang oras.
"Pasok." Sabi niya mula sa loob kaya ako ay nagmadaling pumasok sa loob. Parehas na gawa sa marmol ang aming mga silid na siyang aking unang napansin. Ang iba pang detalye ay hindi ko na tinignan pa dahil nanganganib ang buhay ng kanyang ina.
"Cordelia, ikaw pala."
"Ako nga, at narito ako para hingin ang iyong tulong."
"Tulong? Saan?" Tanong niya habang nagsusuklay ng buhok. Si Bridget ay tuwid at mahaba ang buhok, ang kaniyang mga mata ay kulay pula, tulad ng kanyang ina.
"Ang iyong ina ay nanganganib."
Iyon pa lamang ang aking sinasabi ngunit naibagsak na niya ang kaniyang suklay, dali-dali siyang lumapit sa kandila.
"Sub potestante, ignis, ostende nisi verum, quod hoc fuerit comminabantur offerentibus!"
"Makakaalis ka na, kaya kong iligtas ang sarili kong ina ng walang tulong mo. Labas."
Mukhang hindi ko na nga kailangan pang magpaliwanag dahil tiyak akong inutusan niya ang apoy upang ipakita sa kaniya ang nangyari na siyang ginawa ng apoy. Ginawa ko na lamang ang kaniyang nais.
Kunwari ay naglakad ako palayo ngunit sinadya ko iyon para isipin niya na umalis na ako. Hanggang sa maya-maya pa ay nagbigkas muli siya ng salamangka.
"Magnus igne me, et hac potestate mea et mater ejus, videatur in oculis eius, et vulgum disciplinam et venenum!"
Pagkasabi niya ng mga salitang iyon ay hindi ko na alam ang nangyari.
"Tara na at pumunta na sa kainan. Tiyak akong ihahain na nila ang mga pagkain." Iyon na lamang ang aking sinabi. Hindi ko na tinanong ang kaniyang ginawa dahil batid kong para ito sa kaniyang ina.
"Huwag mo akong utusan." Mataray niyang saad. Ang buong akala ko pa naman ay magkakaayos na kami.
Bahala na nga siya! Ako na itong nagmandang loob. Wala akong napala kaya bumalik na ako sa silid-kainan.
"Oh, Cordelia. Bakit hindi mo kasama si Bridget?" Tanong ng kaniyang ina.
"Susunod na po, hara." Magalang kong sabi at umupo na. Oo nga pala! Dapat ay itanong ko na ito kay hara Aqua mamaya!
"Paumanhin sa paghihintay. Kumain na tayo."
"Tama lang ang iyong dating, Bridget. Maria, pakihain na ang pagkain." Tawag niya sa tagasilbi at isa-isa kaming tinignan. Batid kong alam na rin ito ni hara Soleil kaya maniniwala na lamang ako na may plano sila.
Maya-maya pa ay lumabas na ang mga tagasilbi at inihain ang putahe. Hindi kaagad ako kumain dahil baka pati ang amin ay may lason.
"Ito nanaman? Ito na ang lagi naming kinakain dati pa. Wala bang iba? Maria?" Tanong ni hara Aqua.
Mukhang alam ko na ang kanilang plano. Papapalitan nila ang pagkain na may lason. Tantiya ko ay hindi pa diyan nagamit lahat.
"Hara Aqua, ipagpaumanhin niyo. Ngunit ang mga dukhang katulad ko ay hindi sanay kumain ng ganito, ayos na sa akin ang simpleng tinapay at mainit na tsokolate lamang." Kunwaring hinaing ko sa hara.
"Kung gayon ay sige, nais ko rin ng tsokolate ngayon, Aqua." Segunda naman ni hara Soleil na mukhang naintindihan ako.
"Ihain ang nais ng aking bisita."
"Sige mahal na reyna, ipapaluto ko ngayon din. Ang tinapay ay matatagalan pa, ako ay magtitimpla na muna ng mainit na tsokolate." Sabay yuko niya.
"Hindi na, Maria. Ako na ang gagawa."
"Ngunit —"
"Hayaan mo siya, Maria. Isa siyang dukha, marapat lamang na pagsilbihan niya pa rin kami." Walang kagatol-gatol na saad ni Bridget.
Sa pagkakataong ito, imbis na mainis ay ikinatuwa ko pa sapagkat magagawa ko ang dapat kong gawin.
"Tama siya, Maria. Dukha pa rin ako, mas mababa sa inyong mga tagasilbi ng palasyo. Ako na ang gagawa." Sabi ko at hindi ko na siya hintay na magsalita pa. Dumiretso na ako sa kusina at kunwari ay naghahanda ng tsokolate para sa amin.
Tama ang hinala ko, hindi pa ubos ang kanilang lason.
"Tonta! Sa inumin mo nalang ilagay dahil mas mainam iyon. Hindi nila mahihindian kapag sila ay nauhaw."
Tsk, mga walang utak. Hindi man lang hinaan ang boses. Natapos na ako sa pagtitimpla at lumabas na. Habang naglalakad ay binubulungan ko ng engkantadyon ang mga inumin.
"Proprietas liquoris ego nunc præcipio tibi. Hunc iugulo qui exstinguat, c*m manducare sitivi et non erit."
Nagliwanag panandalian ang mga tsokolate, nang mawala ito ay inihain ko na mismo sa kanila.
Sa hindi ko malamang dahilan, parang natural na lamang sa akin ang magbigkas ng mga salamangka. Nanghihina lamang ako pag malawak o malakas ito, pero parang pamilyar na ako sa wikang ito. Hay, ewan.
Pagkaupo ko ay tinikman na nila ang aking ginawa, batid kong gumana na ang salamangka dahil kaunting patak lang naman ang kailangan upang tumalab ito. Batid ko ring alam ng reyna ang salamangkang ginawa ko.
Siya ang tagapangalaga ng tubig,kaya walang maitatago sa kaniya sa kaniyang elemento.
Ilang saglit pa ay dumating na ang tagasilbing si Maria at inihain ang mga tinapay. Kumpiyansa ako na hindi nila ito nilagyan ng lason.
Mabilis lamang kaming natapos at nagsisitayuan na. Humabol sa amin ang tagaluto na aking narinig kanina kung kaya'y napangiti ako nang palihim.
"Ang inyong tubig, mga hara."
"Hindi kami nauuhaw, salamat."
"Pero —"
"Odessa, alam mo ba na ang ayoko sa lahat ay ang nililinlang ako?"
"Oo naman, mahal na hara."
"Kung gano'n, bakit? Bakit mo iyon ginawa?" Matigas at malamig na tanong ng hara.
"Ang ano po? Hindi ko maintindihan?"
Maang-maangan pa, lapastangan!
"Hindi mo alam? P'wes, ipapaapam ko sa'yo. Aqua, ego præcipio tibi, ut ostenderet se verum tuae. Foras eiciat quod sit malum, et revelata sunt venenum."
Nag-ilaw ang kaniyang mata panandalian at umangat, ngunit agad din iyon nawala. Iniisip ko lang kung ganiyan din ba ang nangyayari sa akin?
Unti-unti ay nagiging itim ang kulay ng mga basong hawak ng tagalutong si Odessa.
Si Odessa ay may pagkabata pa, hula ko nga ay dalawa o tatlong taon lang ang agwat niya sa akin. Ako ay dalawampung taong gulang na.
"Lumayas ka na sa palasyo, ikaw din Maria. Ayaw ko nang makita ang pagmumukha niyo."
Sabi niya at umalis na sa silid. "Bridget, Soleil, Aqua, pumunta kayo sa silid-aklatan."
Iyon na ang kaniyang huling sinabi na amin namang sinunod.