Naririto na kaming lahat sa silid-aklatan. May hula ako na pupuntahan namin muli ang dapat ipapakita niya sa akin bago mag digmaan.
Hindi naman ako nagkamali dahil ito nga ang aming dinaanan. Ginawa niya muli ang dati na niyang ginawa kaya hindi na ako nagtanong pa. Ang mag-ina naman na nasa aking tabi ay tahimik lang na nanonood.
"Ang tanging puwede lamang makaalam nitong ipapakita ko sa inyo, ay ang mga reyna, at ganap na tagapangalaga ng mga elemento."
"Bakit kailangan ko pang sumama sa inyo kung gayon?"
"Sige, Cordelia. Ikaw ang mag-umpisa. Tumapat ka sa salamin na iyan at bigkasin mo ang lalabas."
May pagdududa man, ginawa ko pa rin ito. Tumapat ako sa salamin at hinintay na lumabas ang kung ano mang lalabas.
Maya-maya pa ay may mga salitang lumabas na.
Binasa ko ito nang tahimik sandali. Ako si Cordelia Acuatico, nanunumpa sa ilalim ng element ng tubig na aking pangangalagaan na ako ay magiging tapat na pinuno at reyna ng buong kaharian sa tamang panahon.
Speculum mihi comprobandum.
"Mahal na hara? Kailangan pa ba talaga ito?"
"Oo naman, kailangan mong sabihin lahat ng nakalagay diyan.
"Sige po..." Alanganin kong sagot. Patawarin mo sana ako ama sa aking gagawin. Huminga ako nang malalim bago magsalita.
"Ako si Cordelia Acuatico, nanunumpa sa ilalim ng element ng tubig na aking pangangalagaan na ako ay magiging tapat na pinuno at reyna sa tamang panahon. Speculum mihi comprobandum!"
Pagkasabi ko no'n ay bigla akong nakaramdam ng kakaibang enerhiya at lakas.
Pagkabalik ko sa aking pinanggalingan kanina, nagtataka ako kung bakit gano'n na lamang makatingin sa akin ang hara Aqua.
"Cordelia, ano ang pangalan ng iyong ama?" Bakit niya tinatanong?
"Bolivar, hara. Bolivar Acuatico."
"Ang ama ng iyong ama, kilala mo ba?"
"Sa pagkakatanda ko po ay Merton ang kaniyang ngalan. Merton Acuatico. Bakit po?"
"Tama nga ang aking hinala." Tinignan ko si hara Aqua dahil nalilito ako. Hinala? Anong hinala?
Tinignan ko rin gamit ang nagtatanong na mata sila Bridget at hara Soleil, pero mukhang wala silang ideya. Nakapagtataka ring tahimik lamang si Bridget.
"Cordelia, alam mo ba kung paano pumipili ng mga tagapangalaga?" Hindi ako sumagot at nanatiling tahimik.
"Alam mo ba, na bago kami maging reyna, ay may isa pang angkan na namumukod-tangi sa Lir? Sila ang unang pinili ng elemento ng tubig, inalok rin sila ng naunang tagapangalaga ng element ngunit tinanggihan nila ito. Hindi sumuko ang tagapangalaga ng tubig hanggang sa isang araw ay nagbunga ng sanggol na lalaki ang kaniyang inalok. Kaya siya ay tumigil na."
"Tulad ng kaninang binanggit, iyon ay bago kami maging reyna. Alam mo ba kung paano at bakit namatay ang mga unang tagapangalaga?" Umiling lamang ako bilang sagot.
"Noong nananaig ang kapayapaan sa buong Arcabis, may tatlong dalaga ang nag-rebelde. Kagaya ng inyong alam, sila ay nagtayo ng kaharian walang sino man ang kumilala. Humingi sila ng tulong sa isang masamang bathaluman, sila ay muling nakipaglaban sa mga inutusan ni bathala at nanalo, ngunit hindi dahil sa tinulungan sila ng bathalumang ito." Sabi ni hara Soleil.
"Ang bathaluman ay tuso, kaya ginawa niyang alipin ang tatlong rebelde kapalit ng kanilang kahilingan. Namatay ang mga unang tagapangalaga dahil nabigo sila sa misyong iniatas sa kanila ng ating bathala."
"Ang kanilang misyon ay ang pangalagaan ang mga element hanggang sa makahanap ng angkan na pagmumulan ng mga salinlahi ng tagapangalaga ang simbolo, ngunit nabigo ang tagapangalaga ng tubig. Dahil ang angkan na kaniyang unang inalok ay ang natatanging pinili ng simbolo, at hindi na ito nasundan pa muli kahit dumaan ang isang siglo. Hindi sila pinarusahan ng ating bathala ngunit sila ay pinapili.Isa lamang ang nabigo sa kanila, at naiintindihan ito ng tatlo niya pang kasama kaya dinamayan nila ang tagapangalaga ng tubig."
"Una ay buburahin ang mundong kinagisnan nila at mapapalitan ng bago, o pangalawa, isasakripisyo nila ang kanilang sarili."
"Hindi ba parang pagpaparusa na rin iyon sa kaniya, ina?" Kunot noong tanong ni Bridget, tama naman. Parang gano'n na rin naman iyon.
"Marahil nga. Dahil napamahal na sa kanila ang mundo, sinakripisyo nila ang kanilang mga sarili. Inako nila ang responsibilidad ng pagiging simula ng salinlahi ng mga tagapangalaga. Sa kanilang pagkasawi ay siyang pagsilang ng mga sanggol." Sabi ni hara Soleil, ako lang ba o may lungkot sa kaniyang mga mata?
"Ang kanilang mga anak ay ang ikalawang henerasyon ng mga tagapangalaga. Ngunit hindi lang iyon, nagulo ang propesiya. Inaasahan ng lahat na sa ika-anim na henerasyon pa isisilang ang mga tagapangalagang ipinadala ni bathala. At sa unang pagkakataon, binali ito ng mga simbolo mismo. Ang simbolo ng tubig ay pumili ng kaniyang magiging tangapalaga sa pangalawang pagkakataon."
Akala ko ay wala nang igugulo pa ang lahat, ngunit ang kaniyang mga susunod na salita ang nagpatigil ng aking mundo.
"Ang mga simbolo ay sinasabing tapat sa kanilang tagapangalaga, at nangingilala ng tunay na pinuno. Ang pinili ng simbolo ng tubig ay ikaw, Cordelia Acuatico."
"Mula sa parehong angkan na unang pinili ng simbolo."