Chapter 5
“Hoy! Magkasama talaga tayo saka grabe naman ’yan! Mukha pa ba ‘yan?” natatawang tanong ni Jordan. “Ang lakas ko namang sumampal kung ako nga ang may gawa niyan? Saka, Irish, marami kang kaaway dahil malakas kang mambuyo ng kaklase. May bulbol ka na at lahat, immature ka pa rin kaya ayan ang napapala mo,” matapang na tugon ni Jordan.
“Ha! Tumatapang ka na ngayon dahil may kasa-kasama ka na,” angil nito at kaagad na umamba ng sampal kaya naman mabilis na pumagitna si Selestina.
“Tumigil ka na. Hindi kami ang may gawa niyan kaya huwag kami ang singilin mo.”
“Grrr! Hindi pa tayo tapos!” Nanggagalaiti itong nagmartsa palabas ng silid-aralan dahil hindi naman sila magkaklase. Pareho lang sila ng kurso pero magkaiba sila ng year at subjects. Ahead kasi ito ng isang taon sa kanya.
Hapong-hapong naupo si Selestina. “Grabe naman ‘yon. Sino kaya may gawa noon sa mukha niya? Ang ganda pa naman niya. Sana. Kaso mukha siyang dragon na bumubuga ng apoy nang hindi nag-iisip.”
“Malakas kasi talaga siyang mambuyo ng kaklase at lower level kaya siguro binalikan siya. Alam mo na, feeling queen ‘yong bruha na ‘yon. Mabuti nga at tinigilan na ako noon, eh.”
“Hmm. Mukhang makakatagpo siya ng magiging katapat niya kung hindi siya titigil.”
“Kaya nga. Mabuti na lang at dumating ka. Pero alam mo? Totoong may kamukha ka, eh.”
“Sino?”
Sabay na napalingon sa b****a ng pinto si Selestina at Jordan pagkatapos makarinig nang mahinang katok. “Hello, everyone. Your professor for this subject is absent but she sent some paperworks for you to do,” anunsyo ng isang lalaking nakauniporme ng katulad ng sa pharmacy student. Mukhang higher level ito.
“Gosh! Ang guwapo talaga niya!”
“Crush ko siya since highschool!”
“Wait, how do I look ba?”
“Haggard.”
“E-Eh?”
Rinig niyang ungot ng mga kaklaseng babae dahil sa pagpasok ng binata sa kanilang silid. Wala sa lalaki ang kanyang atensyon kundi sa hawak nitong papel at sa hindi natapos na pag-uusap nila ni Jordan. Hindi na rin kasi ito matigil sa pagtili at paggalaw na parang piniritong isda dahil sa pagdating ng binata.
Nag-angat si Selestina ng paningin at aksidenting nagtama ang kanilang mga mata ng binata. Kunot-noo niya itong tiningnan dahil bigla na lang itong natigil sa ginagawang paglapag ng mga papel sa teacher table. Nahigit niya ang hininga nang dahan-dahan itong naglakad papalapit sa kanya. Pigil-hininga niyang sinalubong ang nagtatanong nitong mga tingin pagkatapos huminto ng binata sa kanyang harapan.
“Celestine…” matamlay, nagtataka, at nagtatanong nitong wika. “...are you Celestine?”
Nalukot ang kanyang noo. Maging ang marahas na pagsinghap ni Jordan ay hindi nakawala sa kanyang pandinig. “Huh?”
Ngunit hindi ito kumibo at saka patuloy na tinitigan ang kanyang mukha. “I guess I was mistaking you for someone. I am sorry for the discomfort I inflicted upon you, Miss?” magalang nitong tanong.
“Selestina,” aniya sa binata.
Hindi mabasa ni Selestina ang reaksyon sa mukha ng binata pagkatapos nitong marinig ang kanyang pangalan. Narinig niya itong lumunok. Napansin niya ang pagkunot ng makinis nitong noo. Ang pagtaas ng kilay, maging ang mahinang kabog ng dibdib ng binata ay rinig na rinig niya.
Nagtataka niya itong tiningala. Matangkad ito. Mukhang nasa six-feet ito. Kulot ang buhok ng binata ngunit malinis ang gupit. Natatabunan ang noo nito ng ilang hibla ng kulot na buhok. Kulay chesnut rin ito at bumabagay sa maputi at makinis nitong balat. Halatang mayaman. Umaalingasaw rin ang pabango nitong amoy nakaka-in love. Hindi masakit sa ilong at hindi rin mainit sa pakiramdam. Sobrang cool lang nito.
“Bakit?” pigil-hininga niyang tanong. Bigla siyang na-estatwa sa kinauupuan.
Pakshet! Baka amoy imburnal na ang bibig ko? Bakit sobrang lapit niya sa mukha ko? Sino ba siya? Nako-conscious ako! Layuan mo ako please!
Huminga ito nang malalim at mataman ulit siyang tinitigan. “Nothing.” His voice was angelic. Soft, light, calming, pleasant to the ears. Very beautiful.
Ngayon lang siya nakarinig nang ganoong kalamig at malumanay na boses. Parang hindi lalaki. “Sorry to bother you, Miss Selestina. Fancy seeing you here.” Tumalikod ito at naglakad palabas ng silid. Bigla itong huminto sa tapat ng pinto at lumingon sa kanya. “River. My name’s River.”
Rinig niya ang marahas na pagsinghap ng katabing si Jordan. “God! Muntik ko ng makalimutang huminga! Sumakit ang dibdib ko. Nakalimutan kong kanina pa ako nagpipigil ng hininga! My gosh, Sel, ang guwapo niya! Hindi ako maka-move on! Hanggang ngayon nanginginig ang puso ko!”
Hinampas siya ng kaibigan. “Ano? Hindi ka man lang ba kikiligin? Nilapitan ka niya! Ack!”
Pabagsak siyang sumandal sa sariling upuan. Kung alam lang ng kaibigan kung paanong muntik na siyang mahimatay dahil sa paraan ng pagtitig ng binata… pero… ang mga sinabi nito. Ang mga binitawan nitong salita ay nag-iwan nang nakakasakit ng ulong mga tanong sa kanyang isipan.
Hindi niya kilala ang binata pero bakit ganoon na lang ito kung makatingin sa kanya? Bakit parang may ipinapahiwatig itong kakaiba? Sino ba siya?
River daw sabi niya.
Maging ang ugong ng kanyang mga kaklase ay hindi pa nahinto. Usap-usapan din ang paglapit ng binata kay Selestina at hindi rin mahinto ang nanunuksong si Jordan kaya hindi niya matapos-tapos ang ginagawang paperwork lalo na at gulong-gulo ang kanyang isipan.
“Tumigil ka na nga at kanina ka pa ungot nang ungot diyan,” pigil niya sa kaibigan na hindi matigil sa pagkuwento ng kung ano-ano.
“Pero kasi, paano kung kayo ang magkatuluyan? Hay, edi, may mga kulot ka ring babies. Dapat sampo.”
Napaubo siya sa bigla nitong sinabi. “Nababaliw ka na ba? Kung ano-ano na ang lumalabas diyan sa bibig mo, ah.”
“Pero—”
Tinakpan niya ang bibig ng kaibigan. “Tumigil ka na. Ang bata pa natin saka ano ba naman ‘yang naiisip mo? Baka makalimutan mong pupunta ka sa dorm ko para tingnan kung puwede ka roon?”
Bigla itong tumigil. “Oh my goodness! Thank you, friend. Mabuti na lang at pinaalala mo.”
“Ayan kasi. Puro ka River. Bukambibig mo na yung lalaki. Baka ikaw may gusto roon, ha. Pinapasa mo lang sa akin,” nakangiwi niyang sabi.
“Eeey! Oo naman! Maraming nagkakagusto sa kanya, no! Saka crush lang naman. Walang problema roon. Ang swerte mo nga, eh. Nilapitan ka niya. Kinausap. Tinitigan. Titig na parang mangangain, nanghahaplos—”
“Hoy! Sumusobra na ‘yang pagpapantasya mo! Ano haplos? Mangangain? Susmaryosep! Nakakatakot ka naman,” reklamo ni Selestina pero tumawa lang nang malakas ang kaibigan.
“Ang swerte mo nga, eh,” tumatawa pa rin nitong wika.
Nilingon niya ang kasama habang naglalakad sila pababa ng building. Tapos na kasi ang klase at kailangan na niyang umuwi. Naipasa na rin nila ang ginawang paperwork.
She rolled her eyes. “Huh? Saan naman ang swerte roon? Sino ba siya? Estudyante lang din naman ‘yong tao,” taas-kilay niyang sabi.
“Girl!” ungot ni Jordan. “Hindi mo ba nakita? O bulag ka lang. Ang guwapo niya kanina! Ang cool niyang tingnan! Tapos ano? Wala ba ’yong epekto sa ’yo?” hindi makapaniwala nitong tanong.
Nagkibit-balikat siya. “Wala naman. Wala naman akong pakialam doon.”
“Gosh! I can’t believe you! Tomboy ka ba?” makulit nitong tanong.
Sinimangutan niya ang kaibigan. “Tss. Tumigil ka nga. Baka ikaw ang bading,” pang-iinis niya sa kaibigan.
“Haha. Funny.” Tumawid sila ng kalsada at naglakad ulit. Maingay, mausok, at magulo. Parang mga langgam na paroo’t parito ang mga tao. May uuwi galing trabaho, may papasok naman sa trabaho. May nagsasarado ng mga malilit na tindahan dahil pagabi na. May nagbubukas ng mga pang-gabing establishment at kainan. May mga jeep at traysikel na dumadaan.
“Sandali nga!” pigil ni Jordan kay Selestina.
Nagtataka itong nilingon ni Selestina. “Bakit?” Napansin niyang parang lumalaki ang butas ng ilong ng dalaga at hinihingal din ito dahil sa pagtaas-baba ng balikat ng dalaga.
“Hindi ba tayo sasakay?”
Umiling si Sel. “Bakit pa tayo sasakay, eh, nandito na tayo?” Kamot-ulo niyang sabi at tiningala ang isang gusaling hindi kalakihan. Sakto lang ito. Apat na palapag lang. May guwardiyang nakabantay sa harap ng salaming pinto ng gusali. May nakatayong maliit na mesa na may nakalagay na malaking logbooks.
“Magandang gabi po,” bati niya sa guwardiya. Tumango lang ito. Isinulat niya ng kanyang pangalan at pati na rin kay Jordan. “Isasama ko po siya taas. Titingnan niya po ang kuwarto at baka lilipat po siya rito. Nandto po kaya ang landlord?”
Tumango ang guwardiya. “Nasa taas si Maam. Kung hindi mo mahanap sa opisina ay baka nasa cafeteria siya.”
Tumango si Sel. “Salamat po.” Sumunod sa kanya si Jordan na panay ang lingon sa paligid. Mukhang nanghahagilap ito kung may guwapo ba sa paligid.
Umakyat sila sa ikalawang palapag ng building. Nasa ikaapat na pinto ang kuwarto ni Selestina. Katapat lang nito ang girls bathroom at comfort room. Kumatok muna si Selstina bago pumasoj pero alam naman niyang wala pa ang ibang kasama niya sa kuwarto dahil parehong may pasok ang mga ito.
“Dito ang kama ko. Sa itaas nitong deck ang vacant, eh. Ano sa tingin mo?” baling niyang tanong kay Jordan na nagpalinga-linga sa paligid.
“Bakit ang kalat?”
Nagkibit-balikat siya. “Hayaan mo na ‘yan. Mga gamit nila ‘yan, eh. Kahit naman ilang beses kong i-arrange, eh, nagiging ganiyan rin ang kalalabasan. Kapagod nga, eh,” nakangiwi niyang sagot.
“Hay, naku! Lumipat ka. Hindi ka komportable rito.”
“Ewan ko. Ganoon na nga, eh. Pero ayos lang. Ayaw mo ba rito?”
“I don’t like the vibes here but… goods na rin naman ’to.”
Tumango siya. “Oo naman. Pero kung hindi naman for you maghahanap tayo ng iba. Samahan pa kita, eh,” presinta ni Seletina.
“Huwag na. Ako na ang maghahanap. Nakakahiya naman kasi sa ‘yo, eh.”
“Sige. Ikaw ang bahala.”
Naghiwalay rin sila pagkatapos. Hindi rin naman niya mapipilit ang dalaga lalo pa at hindi rin sila pareho ng gustong gawin. Mahilig itong pumunta sa mga party at siya naman ay hindi. Mas pipiliin niya pang magbasa ng libro kaysa ang gumala.
Tahimik na nakatingala sa kisame ng sariling kwarto si Selestina. Hindi pa rin mawala-waka sa kanyang isipan ang mga nangyari nitong nakaraan. Ang patuloy na pagtawag sa kanya sa ibang pangalan. Hindi niya maintaindihan kung bakit may mga taong bigla-bigla na lang nagugulat kapag nakikita siya. Wala siyang ideya kung sino ang tinutukoy ng mga ito na Celestine.
Namamalikmata lang siguro sila?
Hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Rinig na rinig niya ang mahinang paghilik ng kanyang mga kasama. Tatlo lamang sila sa loob ng silid. Ikot siya nang ikot, buntonghininga siyang bumuga ng hangin.
“Parang awa mo na gusto ko ng matulog,” pagmamakaawa niya sa kanyang utak na kanina pa nagsasalita at gumagawa ng nga senaryo. “May klase ako bukas,” aniya at ipinikit niya ang kanyang mga mata.