Kinabukasan nang magpasya kaming pumunta ng ilog, may kalayuan daw iyon kaya kinailangan naming sumakay sa kuliglig, isang uri ng motor na siyang pangunahing sasakyan dito sa Cordova. Araw ng linggo kaya naman araw din iyon ng pahinga, kasama namin si Itay Fidel na ngayon ay nagmamaneho ng kuliglig na isa rin sa naiwan ng pamilyang nagmamay-ari ng bahay. Mabuti nga at nagkasya kaming anim sa loob, samantala ay nasa harapan naman si Leticia at tinabihan na lang ang kaniyang ama. May dala rin kaming basket ng labahan. Bukod kasi sa maliligo kami ay isasabay na rin namin ang paglalaba sa ilog. Hindi mawala-wala ang ngiti sa labi ko dahil sa wakas ay makakahawak na rin ako ng sabong panglaba. Tuturuan ulit ako ni Melissa, siya naman din talaga palagi ang mentor ko at may tiyaga na turuan a

