Chapter 1
Kasandra
Papasok na ako sa unang klase ko ngayong araw. Nasa huling taon na ako sa kolehiyo at Office Management ang kinuha kong kurso. Nag-graduate na si Ate Katherina ng HRM samantalang si Ate Pamela ay Nurse, tapos si Ate Isabela ay Law. Oh diba? Ang gagaling ng mga Ate ko?
Ilang taon lang ang mga agwat namin. Si Ate Katherina ay twenty nine na, si Ate Isabela ay twenty six na ngayon, si Ate Pamela naman ay twenty four, at ako? Ako ay dalawampu't dalawang taong gulang at nasa huling taon nang aking kolehiyo.
Si Inang naman ay nanatili lamang sa bahay nina Ate at namamahala doon. Ayaw kasi nina Kuya Marco na magtrabaho pa ito kaya mas minabuti nilang sa bahay nalang ito.
Pagbungad ko palang sa gate ng eskuwelahan ay binati ko na agad si Mang Rogelio. Siya ang sekyu sa university na pinapasukan ko.
"Magandang umaga, Manong Rogelio! Para sa'yo ito, kainin mo 'yan ha. Masarap 'yan, luto ni Inang. Hiningan kita." nakangiting sabi ko dito.
"Nag-abala ka na naman, Kasandra. Baka wala ka nang meryendahin mamaya?" tanong nito na ikinailing ko at inilabas mula sa bag ko ang isa pang baunan.
"Dinalhan talaga kita Manong kasi baka gutumin ka diyan. Malakas ka kaya sa akin." sabi ko sabay kindat dito na ikinangiti niya.
"Maraming salamat sa 'yo, Kasandra. Napakabuti mo talaga. Basta pag may kailangan ka huwag ka mag-atubiling lumapit kay Manong." pahayag nito na tinanguan ko.
"Tatandaan ko 'yan, Manong Rogelio! Sige Manong, papasok na ako." paalam ko dito at kinawayan na ito bago tuluyang pumasok ng gate.
Si Manong Rogelio ay naging parang kaibigan at tatay ko na din at the same time dahil napakabait nito. May anak itong tatlo na nag-aaral sa kabilang eskuwelahan at sa ibayong lugar. Elementarya at high school ang mga anak nito. Naging malapit ako sa kanya nang makita kong humihingi ang anak nito ng baon at wala itong maibigay. Nang maalala ko ang nangyari noon ay sobrang naaawa ako dahil napagdaanan na kasi naming magkakapatid ang halos walang mahawakang pera kahit sentimo man lang.
Simula noon ay palihim kong pinupuntahan ang mga anak nito at dinadalhan ko nang baon nila o kung minsan man ay pera. Binabawas ko ito sa binibigay ni Ate Katherina na baon ko. Nang malaman ni Manong Rogelio ito ay laking pasasalamat niya at sinabing huwag na daw akong mag-abala pa. Dahil nga sa matigas ang ulo ko ay pinupuntahan ko pa din sila at sinasabihang huwag nilang sasabihin sa tatay nila. Mababait sila at nakikita ko ang kalagayan namin noon sa buhay nila ngayon. Kaya hindi niyo ako masisisi na gusto ko silang tulungan kahit sa maliit na paraan lamang.
Nang makapasok ako sa loob ng classroom ay wala pa ang prof namin kaya tumabi ako sa kaklase naming malapit sa akin.
"Morning, Aly." nakangiting bati ko dito na ikinangiti niya.
"Morning din, Kasandra. Aga mo ngayon ah." tanong nito sa akin na ikinanguso ko.
"Si Ate Katherina kasi. Nag alarm ba naman ng alas singko tapos nakaadvance pala 'yong relo niya ng one hour. Ayon! Dilat na dilat na ako hanggang ngayon." kuwento ko sa kanya na ikinatawa nito.
"Siyangapala, gusto mong sumama sa amin mamaya?" tanong nito kapagkuwan.
"Saan naman 'yan?" balik tanong ko.
"Sa opisina ng Daddy ni Mikaella. Diba nga may assignment tayo na kailangan nating mag-interview ng magaling na business man?" tanong nito na ikinataas ng kilay ko. Eh mas magaling pa kaya si Kuya Marco sa Daddy ni Mikaella.
"Ayaw ko, mas magaling pa ngang businessman ang asawa ni Ate Katherina eh." sabi ko dito na ikinahampas niya sa balikat ko.
"Shunga! Hindi naman ang Daddy ni Mikaella ang iinterviewhin natin, kung hindi ang business partner niya na galing ng New York!" bulalas nito na mas ikinataas ng kilay ko.
"Kung ayaw ko talagang sumama. May magagawa kayo?" sambit ko na ikinanguso niya. Tapos bigla nalang itong ngumisi na para bang may binabalak.
"Hay naku, Aly! Ayan na naman ang ngisi mong may binabalak na kalokohan! Ay sinasabi ko sa 'yo Aly! Malilintikan ka talaga sa akin!" sigaw ko sa kanya at itinuro pa ito pero kinagat niya lang ang daliri ko.
"Aray!" nasaktang sigaw ko dito at hahampasin na sana ng libro nang patigilin niya ako gamit ang dalawa niyang kamay.
"Magkaka-grupo tayo sa assignment na 'yon. Kapag hindi ka sumama..." putol nito, "...babagsak ka!" tumatawang sigaw nito sa akin na ikinasimangot ko. May lakad pa man din sana ako mamaya. Magkikita kasi kami ng mga anak ni Manong Rogelio. Ililibre ko kasi sila ng damit at mga gamit sa school. At dahil sa mahaderang ito, itetext ko nalang sila na bukas nalang kami lalakad.
"Hmmp! May magagawa pa ba ako!" irap ko dito na ikinailing niya dahil no choice talaga ako kung hindi ang sumama. Kung ako kasi ang masusunod ay si Kuya Marco nalang ang iinterviewhin ko. Mas madali pang gawin at walang hassle.
"After ng klase natin sa hapon tayo pupunta. Ang sabi ni Mikaella ay nakausap na daw ng Daddy niya ang iinterviewhin natin kaya wala ng problema." pagpapaalam nito sa akin na tinanguan ko.
"Oo na!" nakairap ko pa ding sabi na ikinangiti niya. Hindi ko kasi hilig ang makisalamuha sa mga mayayamang negosyante na sinasabi ni Aly. Siyempre lusot si Kuya Marco doon. Hindi na ako umimik at inilabas nalang ang aking libro sa bag at nagbasa nalang.
Wala pang ilang minuto nang may sumisigaw na babae sa may pinto na animo nasa perya lang siya. Nakakahiya talaga itong babae na ito. Parang hindi asal mayaman kung umasta. Buti sana kung hindi ang pangalan ko ang isinisigaw. Napasimangot nalang ako at tinakpan ang mukha ko gamit ang librong binabasa ko.
"Kasandra! My bestfriend!" paulit-ulit niyang sigaw sa harapan habang papalapit sa aking kinaroroonan. Nang makalapit ito ay hinila ko na siya agad at pinaupo.
"Kahit kailan ka talaga, Ambhier! Nakakahiya ka! Ilang taon ka na pero childish mo pa din." mahinang sabi ko dito habang pinapagalitan.
"Eh namiss kita, Kasandra." nakangusong sambit nito na ikinairap ko.
"Manahimik ka, Ambhier kung ayaw mong ipalapa ko sa aso 'yang nguso mo. Nakakadiri. Umayos ka nga." inis na sambit ko at pilit inaalis ang kamay nitong nakapulupot sa aking kanang braso.
Yan po ang bestfriend kong si Ambhier Ghraye Santillan. Madaldal, nakakairita, makulit, maingay, lahat na ata nasa sa kanya na. Pero mabait 'yan pagdating sa mga malalapit sa kanya at oras na kinanti mo ang mahal niya. Naku! Sinasabi ko sa 'yo, magtago ka nalang kung ayaw mong makalbo. Maganda siya sa maganda pero siyempre mas maganda ako. Wala nang tanong tanong pa.
"Eto naman, para naglalambing lang." kunwari ay nagtatampong sambit niya .
"Hindi na yan bebenta sa akin, Ambhier. Kaya umayos ka," sabi ko at inayos na ang kamay niyang nakapulupot pa din sa aking braso. Nang tuluyan ko itong natanggal ay pinaupo ko siya sa kanyang silya.
"Ang kj mo talaga, Kasandra. Hmmmp!" irap nito sa akin na hindi ko pinansin. Ganyan talaga siya halos araw-araw.
"May pupuntahan daw tayo mamayang hapon kasama sina Aly." pag-iimporma ko dito. Hindi ko pinansin ang pag-iinarte niya dahil parang wala ako sa mood dahil ang gusto ko ay matulog muna.
"Alam ko na 'yan, Kasandra. Nainform na ako nina Mikaella. Ngayon mo lang alam?" tanong nito na ikinataas ko ng kilay. Aba! Ako nalang pala ang hindi nakakaalam sa lakad na 'yon. Grabe 'tong mga babaeng ito.
"So, ako nalang pala ang walang alam? Buti naman at naisipan mo pang sabihin sa akin, Aly?" taas kilay kong tanong kay Aly, nakapeace sign ito habang humaharap sa akin at alanganing ngumiti.
"Hehe, pasensiya na Kasandra. Nakakalimutan ko kasing sabihin sa'yo. Buti nga naalala ko kanina." nakangiting sabi nito na ikinahinga ko ng malalim.
"Ano pa nga ba?" sumusukong sambit ko at ibinalik nalang ang atensiyon ko sa aking binabasa kahit namay nangungulit sa aking tabi.
Dumating ang hapon, wala akong kagana-ganang naglalakad kasama nila papuntang parking lot. Iisang sasakyan nalang daw ang gagamitin namin para hindi na kami mahirapan pa. Pagdating namin sa opisina ng Daddy ni Mikaella ay pinaghintay lang kami saglit dahil nasa meeting pa daw sila.
Halos treinta minutos din ang hinintay namin bago bumukas ang pinto at pumasok ang Daddy ni Mikaella. Napatayo agad kaming lahat at bumati dito.
"Magandang hapon po!" sabay-sabay nilang bigkas na akala mo talaga eh prof namin ang binabati nila dahil napakasigla nila. Ako? Nakatayo lang at nakigaya lang sa kanila. Nakakahiya naman kasi kung nakatayo sila habang nakaupo ako.
"Magandang hapon din sa inyo mga magagandang binibini." nakangiting bati nito sa amin at niyakap ang lumapit na anak nito. "Sad to say but my business partner will not be here this minute. If you can wait, he'll gonna be here after thirty minutes." hinging paumanhin nito sa amin.
"Okay lang po, Dad. Hihintayin nalang po namin siya. Malapit na kasi ang deadline namin and we need to finalize it after the interview." sambit ni Mikaella sa Daddy nito. Ngumiti naman ito sa amin bago nagsalita.
"Okay then, I will leave you all here guys. Ang secretary ko na ang bahala sa inyo. Just let her know if you need anything." paalam nito sa amin na ikinatango naming lahat bago naupo. Nakita naman naming kinuha na nito ang attache case niya at nagpaalam na muna sa amin bago hinalikan sa pisngi si Mikaella.
Halos kuwarenta minutos na kaming naghihintay dito at namumuti na ang mga mata ko sa inis.
"Paimportante namang tao 'yan. Akala ko ba thirty minutes lang? Mag-iisang oras na oh!" inis na sambit ko at pinakita sa kanila ang relo ko. "See? Naghihintay lang tayo sa wala." tumayo ako at humarap sa kanila.
Nagulat nalang ako ng may nagsalita mula sa aking likuran. Nang tignan ko ang mga kasama ko ay halos magkorteng puso na ang mga mata nila habang nakatingin sa likuran ko.
"Excuse me, I'm sorry for being this late. I came from a meeting, twenty minutes drive away from here. So, I guess my reason is valid." seryosong saad nito na ikinatayo ko lang.
Nang humarap ako dito ay literal na natulala ako sa kaguwapuhang taglay ng nasa aking harapan. Siya ang perfect male specie at siguradong papasa itong maging Hercules sa aking mga mata. Hindi ko alintana ang pag-arko ng mga kilay nito sa akin. I just gave him my sweetest smile habang nakatingin lang ako sa kanyang mga mata.