ILANG araw nang hindi mapakali si Iarah. Ilang gabi na rin siyang hindi makatulog. Napakaraming bagay ang pumapasok sa isip niya. Ilang araw nang namamahay ang takot sa dibdib niya. Paulit-ulit na binilang niya ang mga araw sa kalendaryo. Pilit na sinasabi niya sa kanyang sarili na stressed-out lamang siya. Hindi mangyayari ang kinatatakutan niya. Isang linggo nang delayed ang menstruation niya! Minsan ay napapaiyak siya kapag naiisip niyang malaki ang posibilidad na buntis siya. Hindi siya maaaring mabuntis! Hindi niya alam ang gagawin niya kung mangyayari iyon. Lalong tumibay ang hinala niya sa kanyang kalagayan nang magsuka siya isang umaga. Halos maubos ang buong lakas niya, ngunit nagawa pa rin niyang humagulhol pagkatapos niyang magsuka. Mabuti na lang at wala ang kanyang kapatid

