Chapter 7

2560 Words
"MAPIPILITAN po akong kitilin ang buhay niya." Paulit-ulit na umaalingawngaw ang sinabing iyon ni Yamaru sa isipan ni Misuke. Bakit kailangang umalis ni Tera sa Kugayama at gawin ang mga bagay na iyon? Sa lahat ng miyembro ng Terazumi, siya ang higit na nakakaalam ng lahat ng patakaran ng aming angkan. Hindi siya gagawa ng kahit na anong ikapapahamak ng sinuman sa amin o ikakasasama ng loob nila laban sa kanya. Nahiga siya at humarap siya sa kisame. "Kailangan kong malaman ang lahat ng mga nangyari sa loob ng sampung taong nawala ako sa kanila. Kung kinakailangan kong labagin ang mga kasunduan namin ni Daddy at ni Tito, gagawin ko. Hindi ako papayag na mapahamak ang kaibigan ko." Bigla siyang bumangon sa kanyang kama at binuksan ang kanyang cabinet. May kinuha siyang box doon. Isa iyong secret box na naglalaman ng mga mahahalagang papeles tungkol sa mahahalagang impormasyong sekreto niyang ipinakalap kay Fukushi, ang kilalang hacker na si Sparrow na naging kaibigan niya noong nasa middle school pa siya bago mangyari ang Terror Attack X. Binigay ito ni Fukushi sa kanya ngunit hindi pa niya ito nababasa. Ni hindi pa niya nabubuksan ang mga folders na lalagyan ng mga papeles na iyon sa loob ng mahigit limang taon. Ni hindi rin niya pinayagan ang kaibigan na sabihin sa kanya ang tungkol sa mga nalaman nito. Itinago lang niya ang mga iyon doon dahil alam niyang magagamit din niya iyon balang araw—kapag handa na siyang suwayin ang kasunduan. At mukhang ito na ang takdang panahon para buksan iyon. Taong 2001 nang buuin namin ni Terajiko ang Terazumi group. Iyon ang itinawag namin sa labindalawang batang halos hindi na mapaghihiwalay ng mga magulang nila dahil laging magkakasama araw-araw—sa kasiyahan, sa paglalaro, sa labanan at sa kalokohan. Kahit pinagbabawalan nang lumabas, nakakahanap pa rin ng panahon upang tumakas at makipagkita sa isa't isa sa isang lumang building na tinawag naming Terazumi building. Tatlong babae (Nagara Marasama, Hikari Karahite at ako) at siyam na lalaki (Kurei Guanzo, Masukara Marasama, Taransuke Jinjuro, Moyumuri Zazariko, Amiro Marasama, Kenjo Hyusekei, Hayasu Hendi, Takao Kerizawa at si Terajiko). Labindalawang orihinal na miyembro ng Terazumi group. Sampu sa amin, galing sa iisang angkan ng mga yakuza. Ang dalawa—sina Takao at Hikari—ay nakilala lang namin sa dalawang magkaibang laban. Si Takao, nang tinulungan ko siyang makatakas mula sa mga nambubugbog sa kanya. Si Hikari naman, si Terajiko ang nagdala sa kanya. Dalawang taon ding kaming nagsama hanggang sa kunin ako ni Daddy. Sinabi ko sa kanila na doon na ako titira sa kanya pero hindi nila alam ang tungkol sa kasunduan. Inakala nilang tinalikuran ko na sila dahil hindi na ako pumupunta sa tagpuan namin at hindi na rin ako dumadalo sa anumang regular na pagtitipon ng grupo. Taong 2006, nagkaroon ng mga sub-members ang grupo. Naging aktibo pa rin ito kahit wala na ako. Tanging si Terajiko na lang ang kinikilala nilang leader subalit kasama pa rin ako sa listahan ng orihinal na miyembro—Kazumi Miyagami. Sa mga hindi nakaabot sa akin, itinuring nila akong mysterious member. Pero sa mga dati kong kasamahan, isa akong traydor na tumalikod sa grupo. Taong 2007, sumali sa grupo si...Jin...Kanzaki? Parang huminto ang kanyang mundo habang tinitingnan ang papel na kasalukuyan niyang tinitingnan at binabasa. "Si Jin? Miyembro ng Terazumi si Jin?" Si Jin lang naman ang genius mathematician at teroristang nakalaban ni Fukushi five years ago at muling nagtangka sa buong Japan two years after—ang utak ng Terror Attack X. Mabuti na lang at napigilan ng kuya niya ang mga plano nito. Matalino si Jin, ayon na rin sa kwento ni Fukushi sa kanya, kaya hindi na rin siya nagtaka kung pati ang buong Terazumi ay naimpluwensyahan nito. Malamang may kinalaman ito sa mga krimeng kinasangkutan ni Terajiko, naisip niya. Bubuklatin na sana niya ang kasunod na folder nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nang tingnan niya iyon, number ni Fukushi ang kanyang nakita sa screen. Tinanggal niya ang cellphone na nakasaksak sa kanyang charger bago sinagot ang tumatawag. "Kuya, bakit? Napatawag ka?" tanong niya sa kaibigang mas matanda sa kanya nang tatlong taon. "Nasaan ka?" ganting tanong nito na puno ng pag-aalala ang tinig. "Nasa bahay na," sagot niya. "Bakit?" "Nabalitaan ko kasi ang tungkol kay Terajiko. Naisip ko lang, baka may ginagawa ka ngayong...alam mo na...baka kailangan mo ng tulong ko." "Kababasa ko lang ng mga folders na binigay mo sa akin five years ago. Ngayon ko lang nalaman na naging miyembro pala ng Terazumi si Jin. Kung alam ko lang sana..." "Hayaan mo na iyon. Matagal nang tapos ang problema ko kay Jin...or at least iyong tungkol sa attempted explosion two years ago. But that's not the point here. I hacked into Tokyo Police Department's system at nakita ko ang record ni Terajiko. But first...gusto mo bang marinig ang sasabihin ko?" tanong nito. Lihim siyang natawa. Sa tagal nang panahon mukhang hindi pa rin nito nakakalimutan ang "ritwal" niya. Bumuntong-hininga muna siya bago sumagot, "Sige sabihin mo." "Okay. May irregularities akong nakita sa record niya. Iyong unang kaso, matibay ang ebidensya dahil may fingerprints niya. Bailable ang kaso niya kaya nakalaya rin siya after a month. However, sa mga sumunod niyang kaso, hindi naman talaga napatunayang siya o ang grupo niya—ninyo—ang may gawa ng mga iyon." "Napagkamalan lang sila?" "More likely na-frame up. According sa report ng mga pulis, na-recover ang mga ninakaw na items sa mismong hideout ng grupo—ang Terazumi building. Maliban doon, wala nang ibang ebidensya ang mga pulis. Ni testigo na magpapatunay kung sila nga o hindi ang gumawa ng mga krimeng iyon ay walang nakalap ang mga pulis. At dahil may record na si Terajiko sa mga pulis, siya ang hinuli nila..." Hindi pa man natatapos ni Fukushi ang mga gusto nitong sabihin, biglang tumunog ang kanyang cellphone. Senyales iyon na low-bat na ito. "Uhm...Kuya, pwede ba tayong magkita bukas? Low-bat na naman kasi ako, eh. Kaka-charge ko pa lang kasi nitong cellphone ko." "Okay sige. Itetext ko na lang sa iyo kung saan tayo magkikita bukas. Ipapaprint ko ang mga ito at ibibigay ko sa iyo bukas."   "KUYA!" Masayang tinawag ni Misuke ang kaibigan nang makita itong nakatayo sa ibaba ng apartment na iyon. Nilapitan niya ito at niyakap. "Oh, Misuke! Mabuti naman at nakarating ka." "Iniligaw ko muna ang mga bodyguards ko bago ako pumunta rito. Kaya lang, kailangan ko pa ring mag-ingat lalo na ngayong nalalagay sa alanganin ang buhay ni Tera." "Dapat nga," sang-ayon nito. Nagpalinga-linga ito bago siya dinala sa taas. Pinatuloy siya nito sa isang silid. Hindi iyon ang bahay ni Fukushi. More likely, parang hideout iyon ng kaibigan niya. Inalis na kasi nito ang mga computers sa bahay nito para palabasing hindi na niya ginagawa ang dating bisyo—ang hacking. Maya-maya'y may inilabas na itong mga papeles mula sa envelop na nasa ibabaw ng mesa nito. Inilapag nito isa-isa ang mga iyon sa harapan niya. "Iyan ang mga profile ng sinasabi ko sa iyong mga nahuling sinidikato na diumano'y miyembro ng Terazumi. Tulad ng sabi ko, wala ni isa sa kanila ang miyembro ng grupo ninyo." "Bakit nila alam ang tungkol sa Terazumi? Sekretong grupo namin iyon at labindalawa lang kaming nakakaalam ng pangalan ng grupo namin." "Sa tagal na ng grupo ninyo, imposible namang walang makakaalam ng tungkol dito..." "Lalo pa't nakapasok si Jin." "Sa tingin ko wala siyang kinalaman sa mga pagpapa-frame up kay Terajiko at sa grupo n'yo. Based on the report, nangyari ang mga krimen at pagbibintang sa kaibigan mo bago pa man sumali si Jin. Hindi naman na-involve ang grupo sa naudlot na terrorist attack na ilulunsad sana nila." "Okay? So, kung hindi si Jin, sino?" "Maraming pwedeng suspek. Isa na rito ang daddy mo..." "Imposible iyan. Hindi si Daddy nakikialam sa buhay ng mga taong hindi naman nangingialam sa buhay namin maliban lamang kung talagang may ginawa silang kasalanan sa batas. Isa pa, may isang salita si Daddy kaya alam kong tinupad niya ang kasunduan namin." "Okay. So, ipagpalagay nating labas ang daddy mo rito. Dalawa na lang ang naiisip kong may pakana nito: isa sa mga angkan ninyo o isa sa mga naging kalaban ninyo." "Pwede ring isa sa mga miyembro ng grupo," mahinang dagdag pa niya bago siya mapalingon sa isang shelf kung saan may nakaipit na isang envelop na may nakasulat na pangalan niya. "Para sa akin ba iyan?" Napalingon si Fukushi sa direksyong tinitingnan niya. Nahuli niya ang pag-iba ng reaksyon nito. "Kuya, pwede ko bang malaman kung ano ang laman ng envelop na iyan?" hiling niya rito. Dahan-dahan naman nitong tinungo iyon at kinuha. "Hindi ko alam kung anong pakay ng mokong na iyon pero dalawang araw matapos ang pagpigil namin sa attempted explosion ni Riza, tumawag siya sa akin para magpaalam at humingi ng tawad. Tapos nakisuyo siya na ibigay ko iyan sa iyo. Iniwan niya iyan sa harap ng bahay namin," anito sabay lapag sa harapan niya. "Galing kay Jin?" "Tinawagan kita noon para makipagkita sa iyo at ibigay ito pero hindi na kita nakontak." "Noong time na iyon, pareho kaming grounded ni Yuki at kinumpiska ni Daddy lahat ng communication devices namin dahil sa involvement ni Yuki sa isang gang fight na halos humantong sa pagkakakulong niya," paliwanag niya. "Ano raw ang laman nito?" "Hindi ko alam. Hindi ko rin tinangkang buksan iyan. Pina-check ko iyan kina Inspector Kanou. Wala namang anumang bomba o kanina-hinalang bagay na nasa loob nito kaya itinago ko na lang muna." Tiningnan niya ang nakasulat sa likuran nito. To: Kazumi The truth shall set you free. Jin. "May kinalaman kaya ito sa Terazumi?" "Sigurado ka bang gusto mong tingnan kung ano ang laman niyan?" tanong ni Fukushi nang akmang pupunitin na niya ang gilid niyon. "Oo." Pagkawika noo'y tuluyan na niyang binuksan ang envelop. Gayon na lamang ang kanyang pagtataka nang makita ang maraming litrato. Nang kilalanin niyang mabuti ang mga nasa larawan, napagtanto niyang ang mga kasamahan niya iyon kasama na rin siya. Ang mga original members ng Terazumi. May mga kuha noong bata pa sila at ngayong malaki na. "Ano'ng ibig sabihin nito?" tanong niya sa kanyang sarili. "Teka," ani Fukushi nang tingnan ang likuran ng isang larawan. "Nagara Marasama, nag-iisang anak na babae ni Yuji Marasama." Nagkatinginan sila. Dinampot din niya ang iba pang larawan. May mga nakasulat din sa likuran ng mga ito. Mga maikling impormasyon tungkol sa taong nasa larawan. "Kuya, ano'ng ibig sabihin ng mga ito?" tanong niya sa kaibigan. "Sa tingin mo may alam si Jin tungkol sa akin?" "Malamang, dahil naging miyembro nga siya ng grupo ninyo, hindi ba? At matalino ang mokong na iyon. Alam niya kung paano mang-blackmail ng tao dahil sa mga nalaman niya. Noong una pa lang, wala na talaga akong balak ibigay sa iyo ito dahil may kutob na akong baka gamitin ka na naman niya sa maiitim niyang plano katulad ni Riza." Natahimik siya. "Ang mabuti pa, kalimutan mo na ang mga binigay ni Jin sa iyo. As I have predicted, gusto lang niyang guluhin ang isip mo. Kapag kumagat ka sa pain niya, mapapahamak ka." "Pero gusto ko pa ring malaman ang totoo. Gusto kong malaman lahat...lahat ng nangyari sa loob ng sampung taon. At kung kailangan kong halungkatin ang history ng angkan namin, gagawin ko." "Paano kung hindi mo magustuhan ang mga malalaman mo?" seryosong tanong nito na tumingin nang diretso sa kanyang mga mata. Pagkuwa'y tumayo ito at tumalikod sa kanya. "Hindi lahat ng katotohanan ay maganda," dagdag pa nito. Napatingin siya rito. Somehow, naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Masyadong masakit ang pinagdaanan nito noong mga panahong pinipigilan nito ang plano ni Jin. Masasakit na katotohanang kumitil ng buhay ng ama at mga kaibigan nito. "Kailangan kong gawin ito. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang totoo. Masyado pa akong bata noon kaya inakala kong makakabuti para sa lahat ang pag-alis ko, pero anong nangyayari ngayon? Mukhang mas lalo pa yatang mapapahamak ang mga kaibigan ko." Kung ano man ang gustong mangyari ni Jin kung bakit niya ibinigay sa akin ang mga larawang iyon, iyon ang aalamin ko.   MAG-AALAS singko na nang umalis si Misuke sa "hideout" ni Fukushi. Para siyang wala sa kanyang sarili habang naglalakad pauwi. Lumilipad ang utak niya—busy sa pag-aanalisa sa mga impormasyong nalaman niya tungkol sa grupo nila. Subalit mukhang hindi naman iyon nakatulong nang malaki upang masagot ang mga katanungan niya. Mas lalo lang yatang nagulo ang utak niya. "Sampung taon na rin ang lumipas. Hindi ko na alam kung ano na ang mga ginagawa ng grupo. Hindi ko na rin kilala kung anong klaseng tao ang mga bagong miyembro o kung ganoon pa rin ba ang mga dati kong kaibigan. Malaki ang galit ni Terajiko sa akin kaya malamang ganoon din ang iba pa... " "Misuke!" Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang amang nakatayo sa kabilang bahagi ng kalsada kasama ang mga bodyguards nito—ang mga bodyguards na tinakasan niya para makapunta siya kay Fukushi. "Dad!" Masama ang titig ng kanyang ama. Alam niyang galit ito sa ginawa niyang pagtakas at hindi pagpasok sa eskwelahan nang araw na iyon. Tahimik siyang lumapit dito. "Umuwi na tayo," mahina pero mariing wika ng ama. Pinauna siya nitong pumasok sa loob ng kotse. Wala silang imikan hanggang makarating sa bahay. Gwardyado pa rin siya hanggang sa study room ng ama. Pagkasara ng pinto'y noon lang ito muling nagsalita. "Hindi ka raw pumasok ngayon. Saan ka nagpunta?" "Huwag kayong mag-alala, hindi si Terajiko o kahit sino sa Terazumi ang pinuntahan ko," may bahid ng pagkapilosopo ang tinig niya. "May nag-hack ng mga files ng TPD kanina—si Sparrow. Pinuntahan mo ba ang anak ni Takajima kanina?" Hindi siya sumagot. Bigla naman nitong binagsak ang mga kamay sa mesa. "Damn it, Misuke!" galit na wika nito na tumaas na ang boses. "Sinabi ko naman sa iyo na huwag ka nang makikipagkita kay Sparrow. Alam mo bang pwedeng makulong ang kaibigan mo dahil sa ginawa niya? What is it this time, huh? Ano na namang tumatakbo diyan sa isip mo? Hindi mo ba talaga kayang sumunod sa isang simple instruction?" "Dahil gusto kong malaman ang totoo!" mabilis na sagot niya na pumantay na rin ang boses sa boses ng ama. "For ten years, nanahimik lang ako. Sinunod ko kayo dahil akala ko iyon ang makakabuti sa lahat lalong-lalo na sa mga kaibigan ko. Tapos malalaman ko na lang na nakakulong ang bestfriend ko at hindi pa ito ang unang beses na nangyari iyon sa kanya. Ano sa tingin n'yo ang mararamdaman ko?" "You have nothing to do with him!" "I have everything to do with him. Ako ang dahilan kung bakit siya naligaw ng landas. Oo galing kami sa angkan ng mga yakuza pero sinasabi ko sa inyo, hindi magagawa ni Terajiko ang mga binibintang n'yo sa kanya. Hindi kriminal ang mga kaibigan ko!" "Misuke!" "Hangga't hindi n'yo sinasabi sa akin ang totoo...Hangga't hindi n'yo ipinapaliwanag sa akin ang lahat...ang totoong dahilan kung bakit n'yo ako pilit na inilalayo sa kanya at sa buong grupo, patuloy pa rin ako sa paghahanap ng kasagutan sa sarili kong paraan." Akma na siyang tatalikod nang muling magsalita ang kanyang ama, "Si Terajiko...ang tatay niya ay isang terorista." Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig iyon. Hindi siya nakakilos sa kanyang kinatatayuan. "Kaya ka namin inilalayo sa kanya at sa iba mo pang kaibigan dahil may posibilidad na baka mga terorista rin sila at maimpluwensyahan ka nila o gantihan." Humarap siya rito at tiningnan ito nang diretso sa mga mata. "Gantihan saan?" Nag-aalangan itong sumagot. "Sa pagkamatay ng kanyang ama. Ang iyong ina ang pumatay sa kanyang ama." Hindi kumurap ang kanyang ama habang sinasabi ang bawat salitang iyon sa kanya. Tila isang bomba iyong yumanig sa kanyang buong pagkatao. Nakakabingi! Nakatayo lang siya sa harapan nito—tulala at hindi makapaniwala habang unti-unting dumadaloy sa kanyang pisngi ang masaganang luha. "Hindi totoo iyan...Hindi totoo iyan... Hindi totoo iyan!" Dali-dali siyang lumabas ng silid na iyon. Tumakbo siya hanggang sa tuluyan siyang makalabas ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD