TAPOS na siyang mag-ayos ng kanyang sarili. Suot niya ang "Black Dragon" bulletproof hoodie jacket ng kanyang ina. Hindi lang pala nag-iisa ang bulletproof jacket ni Black Dragon. Nagkataon lang siguro na iyong dati niyang ginagamit ay ang paborito nito, o kaya nama'y iyon ang naisuot nito pagtakas nito mula sa Kugayama kaya iyon ang naipamana sa kanya. "May lakad kayo?" tanong niya sa dalawang binatang nakatayo sa receiving area. "Sasama ka sa amin," wika ni Masu na mukhang nakabalik na mula sa lakad nito. "Ime-meet natin si Atty. Hiroki Iwamatsu, ang legal adviser at lawyer ng Miyagami Clan, para sa pagsasalin ng lahat ng ari-arian ng Miyagami Clan sa pangalan mo. Pagkatapos may meeting tayo sa lahat ng kasosyo ng Miyagami Clan para makilala ka nila bilang bagong lider ng ating angkan.

