Buong ingat kong tinakpan ang bibig ko upang hindi marinig ang impit kong hagulhol. Naglalakad ako palayo roon nang naririnig pa ang malakas na tawa ni Dahlia. Nanlalabo na ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha sa aking mga mata ngunit pinili ko pa ring tumuloy sa paglakad. Hinayaan kong dalhin ako ng aking mga paa sa kung saan. Basta malayo sa Aling Sepin’s, malayo sa Pajero, at malayo sa campus. Pinalis ko ang luha ko upang luminaw ang aking dinadaanan. Ilan sa mga nakakasalubong ko ay hindi mapigilang tumingin sa akin dahil halatang halata na umiiyak ako. Agaw pansin din ang sariwang sugat sa aking labi. Hindi lang ako sigurado kung may dugo pa ito ngunit pakiramdam ko’y sumidhi pa ang pagkirot nito. “Miss, sakay?” Huminto ang tricycle sa aking gilid. Lumingon ako sa

