“Ang kapal ng mukha mo! Pinaniwala mo ako sa pag-ibig na akala ko paraiso! Babaero ka! Walang hiya!” Siniguro kong litaw na litaw ang litid ng ugat sa leeg ko habang sinisigaw iyon. Puno iyon ng panggigigil, poot, at pagkasuklam. Pinaghahamas ko ang kanyang dibdib at buong lakas na pinagtutulak. “I-I’m sorry, hindi ko sinasadya—” “Diyan! Diyan kayo magaling! Bakit ang dali-dali sa inyong humingi ng tawad? Maiibsan ba niyan ang sakit na nararamdaman ko? Maibabalik ba niyan ang saya na ninakaw mo? Akala ko ba ako lang, Cielo? Akala ko ba…” Tumalikod ako at binuhos ang luha. “Akala ko ba ako lang ang babaeng mamahalin mo habang buhay? Nangako ka sa akin ‘di ba? Nangako ka!” Akma ko na sana siyang sasampalin ngunit gaya ng nakasulat sa script, hanggang doon lamang ang eksena.

