Nagising akong masakit ang buo kong katawan lalo na ang gitnang bahagi ko. Hindi ko alam kung paano nangyari lahat ng iyon, pero huli na upang pagsisihan pa.
Napangiti ako at bahagyang uminit ang pisngi nang maalala ang nangyari kagabi. Wala na si Elton sa higaan pagbaling ko, siguro ay naghahanda na ng agahan.
Kahit medyo masakit ay pinilit kong bumangon at lumabas papunta sa kusina ngunit nagtataka ako dahil wala roon si Elton.
Nasaan kaya siya? Baka bumili lang ng pagkain 'gaya ng dati?
Babalik na sana ako sa kwarto nang biglang bumukas ang pintuan at iniluwa roon si Amalia na may dalang bag at maraming putik ang paa habang habol niya ang kanyang hininga. Mukha siyang nagtatatakbo.
"Amalia? Anong nangyari sayo?" nagtataka kong tanong.
Isinara niya ang pintuan at sumilip na muna bago ginawa iyon. Kumunot ang noo ko sa kinikilos niya.
"Ito ang bag, may laman 'yang mga damit ko, cellphone at pera. Pati na rin address kung saan ka pupunta, GG. Umalis ka na!" utos niya sa akin at nalaglag ang panga ko sa mga pinagsasasabi niya. Hindi ko siya maintindihan!
"Bakit?...Bakit ako aalis? Anong nangyayari?" nagtataka kong tanong. Punong-puno ng pag-aalala ang mukha niya at ngayon ko lang nakitang ganito ang kaibigan.
"Ang titulo ng lupang sinasaka natin GG ay ibinigay na sa atin ng pamilyang Roux. Pero ang titulo ay nawawala! At ikaw ang pinaghihinalaan ng Tatay mo! Galit na galit ang buong baryo sayo dahil andiyan na ang pinagbentahan mo raw sa titulo ng lupa! May dala-dalang itak ang mga tao sa galit nila sayo, at sigurado akong bago ka pa makapag paliwanag ay mapapatay ka na nila! Kaya bilisan mo na! Baka may nakasunod sa akin!" paliwanag sa akin ni Amalia pero hindi ko halos makuha ang mga sinabi niya.
Napailing na lang ako sa aking mga narinig.
"Amalia, hindi ko ginawa iyon! Wala akong alam sa titulo at hindi ko alam na ibinigay na pala ang lupa sa atin!" depensa kong sagot at tumango si Amalia.
"Alam ko, GG. Alam ko. Kilala kita at mahihirapan tayong magpaliwanag sa mga taong galit na galit! Ginigiba na ang mga bahay sa baryo natin, GG. Sinisira na nila lahat." paiyak na sabi ni Amalia at para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya.
Ang baryong kinalakihan ko? At baryong mahal na mahal ng mga tao, sinisira? At akala nila ay dahil sa akin?
Tumulo ang luha ko sa aking naiisip. Kahit si Tatay mismo ay ako ang pinaghihinalaan. Wala akong ginawa! Ni wala akong alam tungkol sa titulo-titulong 'yan!
Nakarinig kami ni Amalia ng mga sigaw. Tinatawag nila ang pangalan ko.
"Magnanakaw kang bata ka! Ibalik mo ang titulo ng lupa!" sigaw ng isang lalaki.
Nagkatinginan kami ni Amalia at pahaklit niya akong dinala papunta sa likod-bahay.
"Umalis ka na, GG! Pupuntahan ka namin ni Mama. Bilisan mo na!" pasigaw niyang sabi sa akin at tinulak ako.
Umiiyak akong nagpailing-iling kay Amalia na umiiyak na rin.
"P-Pero wala akong kasalanan, Amalia." pagsusumamo kong sinabi sa kaibigan at tumango siya ng makailang ulit.
"Alam ko GG. Tutulungan ka namin, ang importante ay makaalis ka na muna. Tatawag ako sayo. Alis na, GG!" sikmat niyang utos sa akin at nagmadali na akong tumakbo na walang lingon-lingon.
"Amalia! Nasaan si GG?!" naririnig kong tanong nila kay Amalia kahit pa medyo nakalayo na ako. Mas lalo kong binilisan ang takbo ko kahit hindi ko alam saan ako patungo.
Ngayon ko lang natahak ang parte ng gubat na ito. Punong-puno ng putik ang paa ko dahil maputik ang daanan dahilan sa malakas na ulan kagabi.
Paano nangyari ang lahat ng 'to? Bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko? Wala akong alam sa binibintang nila at ang masakit pa roon, mismong Tatay ko pa ang naghihinala sa akin.
Walang tigil sa pagbuhos ang aking mga luha habang tumatakbo. Iniisip ko kung ano nang mangyayari sa akin. Paano na ang pag-aaral ko?
Si Elton, nasaan na siya? Alam kaya niya ang nangyayari? Saan siya nagpunta? Baka natulungan niya ako ngayon kong hindi siya umalis ng maaga.
Nang masigurado kong malayo na ako ay nagpahinga ako saglit sa malaking puno ng caimito. Binuksan ko ang bag at nakita ko roon ang mga damit ni Amalia. Sa gilid naman ay ang cellphone katabi ang wallet na naglalaman ng pera at isang papel na hula ko'y isang address.
Napatingin naman ako sa damit ko na punong-puno ng putik kaya napag desisyonan kong magbihis na muna. Malapit nang mag tanghali, kailangan kong magmadaling hanapin ang lagusan nitong gubat. Delikado kong dito ako abutan ng dilim.
Matapos kong magbihis ay agad akong naglakad sa direksyong hindi ako sigurado kong saan patungo. Pinagdarasal ko na lang na makalabas ako dito sa gubat ng ligtas at hindi maabutan ng dilim.
Kahit pa medyo masakit ang katawan ko'y hindi ko iyon ininda. Mas nagpursigi ako sa paglalakad upang makalabas sa gubat. Sobrang tuwa naman ang naramdaman ko nang nakita ko ang highway.
Laking gulat ko na gano'n na pala kalayo ang nilakad ko dahil malapit na ako sa aming skwelahan. Mabilis akong tumakbo hanggang sa nilagpasan ko ang skwelahan namin. Pumara naman ako agad tricycle papuntang terminal ng bus.
Nakasaad sa papel na nasa bag ko kung anong sasakyan ko kaya madali ko lang nakita ang bus na sasakyan ko. Papunta ito ng Leyte.
Sumakay agad ako sa bus at pinili ko ang pinakadulo. Malapit na ring mapuno ang bus kaya alam kong malapit na itong umalis.
Napatingin ako sa bintana at tinatanaw ang bayan. Nangingilid ang mga luha kong isiping aalis ako sa bayang ito dahil sa isang bagay na hindi ko ginawa. Paano na ako? Ano na ang magiging buhay ko? Palagi na ba akong magtatago?
Habang abala sa pagpalis ng luha ay nakita ko ang grupo ng mga taga baryo namin. Palinga-linga sila at tinitingnan ang bawat bintana ng bus. Agad akong nilukob ng takot at itinakip ko agad ang kurtina ng bintana. Yumuko ako at nagdarasal na sana ay makaalis na itong bus.
Mas lalo akong nilukob ng kaba nang narinig ko ang pagsasalita ng isang lalaki.
"Boss! Pasilip muna. May titingnan lang kaming pasahero." saad niya sa driver at walang mapaglagyan sa takot at kaba ko.
"Huwag niyo idamay ang byahe ko diyan sa problema niyo! Alis na! Gagabihin na kami sa byahe!" sikmat ng driver sa lalaking kausap at naramdaman ko ang pag-andar ng bus.
Bahagya akong sumilip sa pagkakayuko at nakitang paalis na nga kami. Sumilip rin ako sa bintana upang tingnan kung nasaan na ang mga lalaki pero hindi ko na sila nakita.
Sobrang sama ng loob ko dahil para akong kriminal na nagtatago. Nagtatago ako sa kasalanang hindi ko ginawa at kailanman ay hindi ko gagawin.
Nag-aalala rin ako sa mga taga baryo. Ang sabi ni Amalia ay ginigiba na ang mga bahay roon. Saan na sila pupunta? Ang bahay namin, ang mga natirang gamit ni Nanay. Ang mga gamit ko pati na rin ang ipon ko. Lahat naiwan.
Hindi tumitigil ang luha ko sa paglandas sa aking pisngi dahil sa sama at sakit na nararamdaman ko. Paulit-ulit kong tinatanong sa Diyos kung bakit nangyayari itong lahat sa akin.
Ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako pinuntahan ni Amalia? Siguro mapapatay nga ako ng taong-bayan dahil sa galit nila sa akin. At tama si Amalia, mahirap magpaliwanag sa taong galit. Hindi ka nila pakikinggan dahil may sarili silang paniniwalang pinangangatawanan.
"Miss, gising na!" pabalikwas akong naupo at papikit-pikit pa. Nakita ko ang lalaking katabi ko na siyang gumising sa akin.
"Baba na tayo, ayaw mo bang kumain ng hapunan?" aniya sa akin at napatingin ako sa paligid. Madilim na pala at nararamdaman ko na rin ang pagkalam ng sikmura ko.
"Sige po." sabi ko at sumama na sa kanya sa pagbaba ng bus. Lahat ng pasahero ay kumakain ng hapunan sa isang malaking karenderya. Pumunta agad ako kung saan naka display ang mga pagkain. Tinuro ko ang gusto ko at agad nagbayad sa cashier.
Palinga-linga naman ako dahil medyo punuan na ang karenderya. Nakita ko ang isang nakataas na kamay ng lalaking gumising sa akin kanina. Iminuwestra niya sa akin ang kaharap na upuan dahil siya lang palang mag-isa.
Nagtungo ako sa mesa niya at nahihiyang umupo roon. Mukha naman siyang mabait kaya hindi na ako nag-alala.
Pareho kaming nagsimulang kumain at tinanong niya kung saan ako patungo. Nalaman kong pareho pala kami ng patutunguhan kaya gumaan ng bahagya ang loob ko. May makakasama ako sa bababaan ko.
Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakatulog sa byahe pero nagising na lang ako dahil sa pagyugyog sa akin ng kung sino sa balikat ko.
"Nandito na tayo." sabi ng lalaking katabi ko.
Mabilis naman akong tumayo at kinuha ang bag ko. Nang makababa kami ay nakita ko ang pangalan ng terminal. Terminal of Bato ang nakalagay.
Ito nga ang nasa papel. Sobrang layo ng itsura ng lugar sa amin. Kahit madilim pa ay alam kong punuan ito ng tao sa umaga dahil sa dami ng establishemento.
"Hanggang dito na lang ako. Magkaiba kasi tayo ng sasakyan. Doon ka sasaky at dito naman ako." turo ng lalaking kasama ko. Tumango ako at nagpasalamat sa kanya.
Tinungo ko ang mga nakaparadang tricycle at ipinakita ko sa driver ang papel. Hindi nagtagal ay agad naman kaming umalis.
Habang nasa byahe ay naisip kong gamitin ang cellphone kaya kinuha ko ito sa bag. Nagulat ako sa dami ng text at missed calls galing kay Amalia. Medyo nahihirapan pa ako sa cellphone dahil ngayon lang naman ako nakahawak nito.
Kahit nahihirapan ay nagawa ko namang makagpag reply kay Amalia na maayos lang ako. Sabi niya rin na tatawag siya sa akin kaya hihintayin ko na lang iyon.
Ang inaalala ko ngayon ay si Tatay, kung kamusta na sila, pati na rin sila Amalia at ang pamilya niya. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat sa kanila ni Ninang sa ginawang pagtulong nila sa akin.
Maraming katanungan sa isipan ko na hinahanapan ko ng sagot. Isa na roon ang pag-alis nila Tiya. Nagkataon lang ba ang lahat? O sila ang may kagagawan sa lahat ng nangyayari?
Ngayon ko lang din naalala ang nagkagulong kwarto ni Tatay.
Hindi kaya...