Nauna akong nagising sa kambal kaya minabuti ko nang bumaba na muna matapos silang silipin sa kwarto nila. Maaga pa naman at siguradong napagod sila sa byahe kahapon.
Marami pa kaming kailangan ayusin sa bahay. Hindi pa naaayos ang mga gamit na dala namin kahapon dahil minabuti naming matulog nang maaga upang ngayon na lang ayusin ang lahat. Kung kakayanin.
Hindi pa man ako lubusang nakakababa ay naririnig ko na ang ingay na nanggagaling sa kusina. Boses naman ni Ninang ang huli kong narinig.
"Bawal nga silang magkita, at sana huwag nang magtagpo ang mga landas nila. Nakakaawa ang mga bata." ani Ninang, at kahit hindi ko pa siya nakikita dahil naglalakad pa ako pababa ay nahimigan ko ang kalungkutan sa mga sinabi niya.
Sino naman kaya ang tinutukoy ni Ninang?
Nang bahagya akong sumilip sa kusina ay nakita ako agad ni Amalia. Kitang-kita ang gulat sa mga mata niya na para bang tinubuan ako ng isa pang ulo.
Anong nangyari sa kanya?
"GG..." mahina niyang tawag sa pangalan ko.
"Hmm?" sagot ko at napabaling ako kay Ninang na para bang nakakagulat din para sa kanya ang makita ako.
Ano bang meron?
"A-Ang aga mo naman nagising, GG. Nagpahinga ka na sana muna at baka napagod ka sa byahe." sabi ni Ninang sa isang pilit na ngiti.
Ano bang sinasabi ni Ninang? Pareho naman kaming bumyahe kahapon ah. Kung pagod man ako, sila rin dapat 'di ba?
"Lahat tayo pagod, Ninang. Nagising nga kayo ng maaga, o. Ayos lang, marami tayong dapat ayusin ngayon hindi ba?" sagot ko at ngumiti na siya, ngayon...mas totoo na ang ngiti kaysa kanina.
Bago pa man namin natuloy ang usapan ay tumunog nang bigla ang door bell. Napangiti naman ako nang marinig iyon. Minsan ko na ring pinangarap ang magkaroon ng bahay na may door bell. At ngayon, kahit hindi ko pa matatawag na may sarili na akong bahay ay sobrang saya kong marinig ang tonog na iyon.
Nagmadaling tumakbo si Amalia at nakuha ko na ahad kung sino ang nasa labas. Pareho kaming napangiti ni Ninang.
"Good morning..." bati sa amin ni Mozes at nagtagal ang titig niya sa akin.
"Ang aga mo naman, iho." ani Ninang kay Mozes.
Hindi nakasagot si Mozes at nakatitig pa rin siya sa akin. Napunta ang kamay ko sa mga mata ko. May muta ba ako, o ano? Bakit hindi matanggal ang titig niya sa akin?
"I...did my best to convince my friends that I don't need their help...here."
"Ano?!" gulat na gulat na sikmat ni Amalia at naestatwa lang ako sa kinatatayuan ko. Palipat-lipat ang titig ni Ninang papunta sa akin at kay Mozes.
"They're probably on their way here now." dugtong niyang sinabi.
Mabilis akong umalis at tumakbo papunta sa kwarto ng kambal. Nahilig ako sa likod ng kwarto habang hawak ang dibdib ko. Hindi na halos ako halos makahinga sa sobrang bilis ng takbo ng dibdib ko.
Kakarating lang namin dito kahapon, pero ito na agad ang bubungad sa akin? Ibig bang sabihin... sasama siya?
Magkikita na kami? Anong gagawin ko-ipapakilala ko ba agad ang kambal sa kanya?
Nakita kong gumalaw si Olle at agad niya akong natanaw sa likod ng pinto.
"Mama..." ani Olle sa akin at lumapit ako sa kanya. Eksaktong nagising rin si Elle.
"Magandang umaga." bati ko kay Olle at hinalikan ko ang tungki ng ilong niya.
"Good morning, Mama..." si Elle.
"Nagugutom na ako, Mama." maktol ni Elle sa akin at nagdadalawang isip akong bumaba ngayon. Paano kong nasa baba na sila?
Hindi pa sila kailangang magkita. Hindi pa ako handa.
Napaigtad ako sa gulat nang makarinig ng sunod sunod na katok galing sa pintuan. Nilukob agad ako ng kaba. Hindi ko pa man alam kung sino iyan, pero sobra-sobra na ang kaba ko.
Sa sobrang pag-iisip ko sa nararamdaman ay hindi ko na namalayang si Olle na ang nagbukas ng pintuan. Pagkabukas ni Olle ay agad iniluwa roon si Joseph na lubos kong ikinatuwa.
Napatakbo ako sa kanya at napayakap.
"Oh...ganyan mo 'ko ka miss?" biro niya sa akin pero ang totoo ay hindi ko naman siya nami-miss. May hihingin akong isang malaking pabor sa kanya.
"Dada!" patakbong sigaw ni Elle at nagpakarga kay Joseph.
"Bakit ngayon ka lang, Dada?" tanong ni Olle.
Napatingin sa akin si Joseph bago sumagot.
"Inasikaso kasi ni Dada ang papeles niyo para sa paglilipat niyo ng school. Na miss niyo ba si Dada?" nanliliit ang mga mata ni Joseph na tanong sa kambal.
Tumango naman ang dalawa at para nang tuko si Elle kung makakapit kay Joseph.
"Bumaba ka na, Elle. Maligo na kayo ni Olle para makapag-agahan na kayo." utos ko sa dalawa na agad naman nilang sinunod.
Nang naiwan kaming dalawa ni Joseph ay hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa sa gusto kong sabihin sa kanya. Ngunit naunahan na niya akong magsalita.
"Nasa baba sila...siya." aniya sa akin at bumalik ang kaba sa dibdib ko. Nagpalakad-lakad ako sa pabalik-balik na direksyon. Hindi ko na ma-organisa ang isipan ko.
Pareho kaming napabaling sa pintuan nang bumukas ulit ito.
"GG..." si Amalia iyon at kitang-kita ang pag-aalaa sa mukha niya.
"Nandiyan siya." aniya sa akin. "Anong gagawin natin?"
"Sasabihin mo na sa kanya?" si Joseph iyon.
Hindi ko alam.
"J-Joseph..."
Nakatingin sila sa akin ni Amalia at naghihintay ng sagot.
"P-pwede bang magpanggap tayo... na...mag-asawa?" alinlangan kong pakiusap sa kanya at wala akong nakitang kahit anong reaksyon sa mukha niya.
"Sigurado ka diyan, GG? I mean...papaniwalain natin silang...kayo ni Joseph?" paniguradong tanong sa akin Amalia.
Wala na akong ibang maisip na paraan. Hindi sa ipinagdadamot ko sa kanya ang kambal...pero ayoko muna.
Ayoko munang maging parte siya sa buhay ng mga bata.
Napapaisip din ako kung ang mga bata ba talaga ang dahilan ko, o pansariling dahilan ito.
"Alam mo namang hindi kita kayang hindian, GG. Alam mo iyan." tugon ni Joseph sa akin.
"Grabe GG...parang modelo na ang mga itsura nila. Sobrang laki ng pinagbago nila at lalo na...si Elton." ani Amalia sa akin at hindi ako sigurado kong anong ibig niyang ipahiwatig sa akin sa sinabi niya.
"Mama." narinig kong tawag ni Elle na nasa likuran ko na pala kasama si Olle na nakabihis na rin.
"Halina kayo Elle, Olle. Baba na tayo." anyaya ni Amalia sa kambal at sumunod naman sila kay Amalia. Nagpaiwan muna kami saglit ni Joseph sa kwarto.
Alam kong darating kami sa puntong ito. Pero hindi ko naman inaasahang ganito kabilis agad kami magkikita.
Pinakalma ko ang aking sarili at napatingin kay Joseph sabay tango ko sa kanya.
"Relax...andito ako." saad niya sa akin at napanatag ako nang kunti.
Sumunod kami sa pagbaba ni Joseph at sobrang ingay ng kabahayan. Pababa kami sa hagdanan ay nagsilingunan sa amin ang mga kalalakihan. Hindi ako tumingin sa kanila. Kay Ninang ang tingin ko na may kakaibang reaksyon sa mukha.
May isang lalaki akong napansin. Ngayon ko lang siya nakita. Wala siya noong kasama namin sila ni Amalia sa sapa. Sino kaya siya?
"Wow, GG. Ang laki laki muna...I mean, you're a grown up woman now." pambungad ni Dale sa akin nang tuluyan na kaming makababa.
Tama nga si Amalia. Grupo ng naggu-guwapohang mga lalaki ang nandito ngayon sa harapan namin. Tiningnan ko silang isa-isa, maliban sa lalaking nasa pinakadulo na katabi ni Mozes.
Para na akong sinasakal sa hirap ng paghinga ko. Para akong naiihi na natatae... na iwan. Hindi ko maintindihan. Gusto kong tumakbo o 'di naman kaya ay magtago.
"Hi." tanging nasabi ko at laking pasasalamat kong hindi ako nautal nang sabihin iyon.
"It's been so long, GG." si Taiden naman iyon na may ngiti sa labi. Ngumiti rin ako sa kanya.
"Nice to see you again, GG. And by the way, he's Keion. Hindi mo pa siguro siya nakita noon. Hindi kasi siya nakasama sa amin no'ng naligo tayo sa sapa. Naging aso kasi siya." ani Macsen at humagalpak ng tawa kasama ang ibang mga kalalakihan.
Hindi ko nakuha ang sinabi niya naging aso si Keion. Anong ibig sabihin no'n?
Kahit hindi ako nakatingin sa kanya ay alam kong ako ang tinititigan niya na mas lalong nagpapakaba sa akin. Mas lalo namang humigpit ang hawak ni Joseph sa beywang ko at saka ko pa naisip ang dapat kong gawin.
"Masaya akong makita kayong muli." masaya kong sinabi at ngumiti kahit pa pahirapang gawin iyon.
"Uh...si Joseph nga pala... a-asawa ko." Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko matapos iyong sabihin sa kanila. Alam kong nahalata nila ang pautal kong pagkasabi sa salitang 'asawa', pero wala akong pakealam. Ang akin lang ay hindi nila makita sa mukha ko kung gaano ako kinakabahan sa kinatatayuan ko ngayon.
"Congrats." isang malalim na boses ang narinig ko at napalunok ako bago pa siya tinapunan ng tingin.
Ito na siya. Ang laki nang pinagbago sa itsura niya. Mas lalo yata siyang tumangkad at parang mapupunit ang tela sa parteng bisig niya. Halatang pinaganda niya ang katawan niya. Ang mukha niya...ang mga mata niyang kakaiba ang titig sa akin. Iba ang dulot sa akin ng mga titig niya, para akong...nalulunod.
"Thanks." buwis hinga kong sagot. Nilunok ko ang bara sa aking lalamunan. Para nang aakyat sa lalamunan ko ang puso ko sa sobrang kaba.
"Uh...nakapag-agahan na ba kayo? Anong gusto niyo?" kuha ni Ninang sa atensyon ng lahat.
"Thanks Ma'am, pero baka pagsisihan niyo ang pag-aaya niyo sa aming kumain." pabirong sagot ni Macsen kay Ninang.
"Hindi mo kami kasing takaw Mac n Cheese." pairap na sagot ni Dale kay Macsen.
"Thanks Ma'am. We had breakfast already and we're here to help." sabi naman ni Taiden sabay palipat-lipat ang tingin niya sa amin.
"Hindi ko hiningi ang tulong niyo." sabat naman ni Mozes.
"Chill, dude. Mas mabuti nga itong andito tayo lahat. Malay mo makatulong ito para maalala mo na ang iba." si Dale iyon.
Nakita ko ang pagsinghap ni Amalia at gulat sa mukha niya. Ibig pala sabihin...may naaalala na si Mozes?
"Mama, Dada, sino sila?" napabaling kaming lahat kay Elle na galing sa kusina. Napahinga ako ng malalim. Hindi pa pala sila napapakilala.
"Come here, kids." ani Joseph sa kambal at tumikhim si Amalia. Napatingin ako sa kanya at pinapaypay na niya ang kanyang sarili habang kinukurot ko naman ang kamay ko.
Kalma, GG. Ngayon ka lang naman magsisinungaling, patatawarin ka pa ng Diyos. Sigurado iyan.
"Anak mo? or should I say...niyo?" kuryosong tanong ni Dale.
Ito na nga.
"Yes." mabilis na sagot ni Joseph. Gusto ko nang tumakbo at mawala sa harap nila. Nagulat sila sa sagot ni Joseph pero may mga mukha naman ng...pagtataka.
Saglit kong tinapunan ng tingin si Elton at nakatitig siya sa dalawang bata. Nag-iwas agad ako ng tingin. Ang mga titig niya, ang paraan ng pagtitig niya sa kambal. Kilala ko ang mga titig na iyon.
Tinapik ni Mozes ang balikat ni Elton at hindi pa rin naalis ang titig niya sa mga bata...sa akin.
Tama ba itong ginagawa ko? Nasa harapan ng mga anak ko ang ama nila pero di-deny ko sila. Parang ang sama-sama ko para gawin ito pero sa ngayon lang naman ito. Pansamantala lang.
"Hi kids. I'm Taiden." pakilala ni Taiden sa kambal.
"Hello, I'm Elle and this is Olle. Twins kami." nakangiting sagot ni Elle kay Taiden.
"Wow, that's so cool! I'm Dale." kindat ni Dale kay Elle.
"Parang kailan lang, pero ngayon may anak ka na rin, GG. Well, sa amin si Taiden at Dale pa lang ang may anak. Baog yata kaming apat." natatawang sabi ni Macsen.
"Shut up, Mac." baritonong saway ni Keion kay Macsen.
Parang mauupos ako sa kinatatayuan ko nang lumapit si Olle...kay Elton.
Namilog ang mga mata ni Amalia at pilit kong pinipigilan ang mga mata ko na magulat din.
"I'm Olle." sabi ni Olle kay Elton at inilahad ang kamay sa ama niya. Ganito talaga makipagkilala si Olle, pero hindi ko inaasahang sa ama niya pa siya unang magpapakilala.
Sana talaga dinggin ng mga santo ang panalangin ko na hindi mamukhaan ni Elton ang sarili niya kay Olle.
Napaupo sa ere si Elton at tinanggap ang kamay ni Olle. Tinitingan niya si Olle na para bang lahat ng parte ng mukha niya ay gusto niyang mamemorya.
"Elton." sagot niya at tumango si Olle.
"I like your hair color." giit ni Olle at napahawak na lang ako sa leeg ko dahil may bumabara na naman sa lalamunan ko.
"We got the same hair color." sagot ni Elton at napatingin siya sa akin pero nag-iwas agad ako ng tingin.
Isa-isang kinamayan ni Olle ang mga kalalakihan at ikinatuwa nila iyon lahat. Hindi ko alam kong paano ko nalampasan ang pagkikita namin kanina.
Ang gusto ko na lang ay ang makauwi na sana sila!