"Ibigay mo na lang din kay Daddy iyon. Masaya ako na magkakaroon na ako ng anak, pero gusto ko na ng tahimik na buhay. Kuntento na ako roon," maagap kong dugtong nang magsimula kaming lamunin ng katahimikan. Huminga ako nang malalim, bago nilingon si Lolo na ngayon ay nakaawang ang bibig. Napipilan pa niya akong tinitigan na para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko, kapagkuwan ay sandaling dumako ang atensyon sa tiyan ko. Samantalang hindi naman maipag-aakila ang labis na tuwa sa parehong mata ni Daddy, nakita ko ang pagkuyom ng kamao nito na naroon sa lamesa na para bang ang laki ng pagpipigil niya sa sarili na huwag mapasigaw sa sobrang galak. Tipid akong napangiti sa kawalan. Naisip ko lang din, gusto kong nang mamuhay ng tahimik. May sapat naman akong ipon sa dalawang dekada k

