Ilang minuto na lang daw at malapit na kami sa campsite kung saan pagdarausan ang team building namin. Kanina pa rin ako nagising mula sa pagkakaidlip dahil sa kaunting ingay na narinig ko. Nanonood kasi kanina si Ma'am Tiffany ng kung ano sa cellphone niya at panay ang impit nitong pagtili kaya hindi talaga malabo na magigising ako. "Sa loob ng tatlong araw natin dito, Ma'am Tiffany, ano ang mga gagawin natin?" tanong ko sa katabi ko na kanina pa itinigil ang panonood. "Ngayon, pure camping tayo. Relax nang kaunti. Retreat ba, gano'n. Tapos on the second day, saka tayo magha-hiking. Kasabay na niyon ang Scavenger Hunt. Tapos sa third day naman, iyon na ang physical challenges natin. Mas active tayo roon," paliwanag sa akin nito na bahagyang nagpatango sa akin habang nakikinig sa kanya.

