Buong maghapon kong pilit iniwasan si Ross, ni ang magtama lang ng aming mga mata ay kaagad ko nang pinipigilan dahil alam ko na sa bawat kilos o galaw ko ngayon ay nakamasid siya sa akin. Damang-dama ko ang kagustuhan niyang lumapit sa akin para magtanong o makausap ako pero alam ko rin na alam niyang iniiwasan ko siya. Ano ba ang dapat kong sabihin sa kanya? Na hindi ko sinasadya na narinig ko silang dalawa ni Cheska sa parking space at doon ko nalaman na buntis si Cheska at siya mismo ang ama? Kakayanin ko bang masaktan sa harapan niya? Katatapos lang naming maghapunan ngayon. Madilim na subalit maraming naggagandahang ilaw ang nakasabit sa mga puno at sanga kaya mas nakadagdag sa hiwaga at ganda ng gabi ito ngayon. Kanya-kanya kami ng mga upo ngayon dito sa labas ng tent. Suot-suot

