Nasa labi ko pa ang iyong halik na kahapo’y idinampi mo sa aking bibig, nalalasap pa rin maging sa sungit ng pisngi. Kaya gusto kong maglasing, lagukin ang pait at simsimin hanggang sa masaid upang maiduwal ang iyong tamis.
Nanaisin ko na lang kitlin – itali ang sarili, ibitin sa sariling lubid – maipigtal lamang yaring pintig. Kaysa may katinuan yaring isip na ikaw pa rin ang laman ng dibdib.
“Father, dalawang bagay po ang bumabagabag ngayon sa aking konsensiya…”
Si Julian kakuwentuhan niya ang kanyang Spiritual Director.
“Nakatanggap po ako ng sulat mula sa dati kong girlfriend. At ‘yan nga po ang naging epekto. Una, naramdaman kong muling nabuhay ang pag-ibig ko sa kanya. Ang pangalawa, nag-alala ako sa negatibong nangyayari sa pananampalataya niya. Dahil sa pagkahiwalay naming dalawa, kinamumuhian na niya ang Diyos.”
“Hijo, baka naman simbuyo lamang iyon ng damdaming nagugulumihanan… ipagdasal na lang natin, at iya’y lilipas din pagsapit ng tamang panahon.”
“Sana nga po Father, kasi ayon sa kanya, sa tuwing may nakikita siyang pari, kaagad niyang naisusumbat sa Diyos ang pag-agaw nito sa akin sa piling niya.”
“Hijo, ang bawat isa na kagaya nating tinawag sa isang espesyal na bokasyon ay hinuhubog sa pamamagitan ng krus.”
“Pero, bakit kailangang may masaktan pang iba?”
“Julian, alam ng Diyos ang kanyang ginagawa. Nang likhain niya ang lahat ng bagay, sinabi niyang ‘ito nga ang mabuti’.”
“Paano kung mapahamak siya?”
Hindi niya kailangan ngayon ang mga theoretical na kasagutan o maging ang mga konseptong theological. Ito ang nais niyang ipabatid sa pari kaya tahasan at madiin ang bawat kataga ng kanyang pananalita. Alam naman niya na silang mga tumugon sa tawag ng Diyos, si Hesus ang pumalit sa puwestong kanilang nilisan, ito’y magpa–emosyonal o pinansiyal na usapin sa buhay. Maraming manunulat ang nagsabi na nito at ito’y ginamit na rin ng kung sinu-sinong mananalita. Ngunit gusto niyang pabulaanan ito ng pari sa isang makatotohanang paraan.
Nabasa yata ng pari ang kanyang mensahe. Sadya itong tumigil at hinayaang mamayani ang katahimikan. Malalim ang espiritwalidad ng huli, alam niya ang nangyayari sa momentong ganito. Hahayaan niyang ang Diyos ang magsalita sa puso ni Julian. May sariling wika ang katahimikan. Ganoon nga yata ang nangyari, dahil ng muling magbukas ng bibig ang binata, banayad na ang kanyang himig.
“Paano po ang ukol sa aking damdamin?”
“Julian, batid mo na ang damdamin ay hindi masama ni mabuti. Ito ay neutral. Magiging masama o mabuti lamang ito ayon sa kilos-reaksiyon na itutugon mo para dito.”
“E, ano po ang dapat kung gawin?”
“Kung ikaw ay tatawid ng ilog, e ano ba ang dapat mong isaalang-alang?”
Ang matalinghagang tanong ng pari.
“Aalamin ko po muna kung gaano kalakas ang daloy ng tubig.”
“Gano’n din sa isyung inaalala mo, huwag kang lumusong sa bugso ng pag-ibig kung alam mong matatangay ka lamang.”
Isang batikang manunulat ang nasabing pari, kaya sanay itong gumamit ng metapora na kinagigiliwan naman ng una. Anila siya ang konkretong halimbawa ng tahimik ngunit malalim na dagat. Simpleng tao ngunit puno ng karunungan. Malalalim ngunit malinaw lagi ang mga kahulugan ng bawat katagang binibitawan. Higit sa lahat siya ay tunay na banal.
“Kung gayon po ba, dapat ko itong supilin?”
“Hangga’t maari, kung kakayanin mo… kasi kapagka pinansin mo ng pinansin ya’ang pintig, lalong sisidhi ang nasang masumpungan nito ang ganting pag-ibig. Mas maigi sa tingin ko ang tuluyan ninyong alisin ang natitira pang agam-agam na pag-asa. Mahirap, oo, pero mas mapagpalaya ito, hindi makasarili.”
Tumagal siya ng mahigit isang oras sa pakikipag-usap sa Spiritual Director niya. Sa harapan naman ng tabernakulo ay inabot pa siya ng kalahating oras. Doon ay taimtim siyang nanalangin. Ipinaubaya na niya sa kamay ng Diyos ang damdamin at kalagayan nila ni Minda. Talos niya ngayon ang tunay na kahulugan ng ‘pagtalikod sa sarili’. Tunay ngang mahirap at hindi madali, ngunit masarap namang damhin ang bukal na pag-aalay ng buhay para sa kalooban ng Diyos. Si Minda ay kabahagi niya sa pagsasakripisyo. Ang tanging samo’t panalangin niya sa Maykapal na nawa’y makayanan ng huli ang bigat ng pagsubok.
Makalipas ang dalawang araw, tanghali na ng umalis siya ng seminaryo. Wala siyang pasok dahil katatapos lamang ng mga eksam nila. Ang paalam niya sa kanyang ‘formator’ ay papasyal siya sa Cavite, sa bahay ng kanyang kaibigan. Isang mayamang kaibigan na kung tutuusin, ito ay isa lamang sa mga nagbibigay ng tulong-pinansiyal sa kanya pero itinuring na siyang isang kaibigan o maari na ring sabihing isang anak ng nasabing ginang. Nakasanayan na niyang mamasyal sa bahay nito isang beses sa isang buwan. Hindi lamang upang manghingi ng allowance kundi upang makipagkuwentuhan sa matandang ginang at sa anak nito. At home na at home siya sa kanila.
Mula Fairview ay sumakay siya ng bus papuntang Cubao. Pagbaba niya ay kumain muna ng pananghalian sa isang Jollibee. Pagkatapos ay sumakay ng MRT hanggang dulo, sa may Taft Avenue. Tumawid siya at pinara ang isang mini-bus na may placard na Indang-Trese.
Habang bumibiyahe, alumpihit siya sa kinauupuan. Sinusundot kasi ang kanyang budhi. May bantang binitiwan si Minda..., noong nagdaang gabi.
“Brader, telepono po para saiyo…”
Anang seminaristang kasama niyang nanood noon ng telebisyon.
“Sino sila?”
“Pinsan niyo daw po…”
Kalmante niyang sinagot ang telepono.
“Hello… paano mo nalaman ang number namin dito?... ha? Ano?...”
Si Minda ang nasa kabilang linya, at kahit sandali lamang silang nag usap, ngunit nang ibaba niya ang telepono ay hapung-hapo siya. Tila isang mabigat na pingga ang binabalanse niya sa kanyang balikat na magpahanggang ngayon ay pilit pa rin niyang tinitimbang kung sa kaliwa o sa kanan ba ang mas mabigat? Ano ang dapat niyang gawin, makikipagkita ba siya sa dating katipan o dededmahin na lamang ang pakiusap nito? Alinman sa dalawa, parehong may kaba at takot siyang nararamdaman. Kung pupunta siya sa sinabing tagpuan, parang binuksan niya ang pugong kimkim ay naglalagablab na apoy. At tiyak niyang ito’y magliliyab. Kung magkaganoon, paano niya ito maaapula? Dahil kapagka hindi niya masupil ang damdamin, alam niyang siya’y madadarang. Kung hindi naman siya sisipot, baka totohanin nito ang banta. May nakilala daw kasi itong miyembro ng isang satanistang kulto na ang pangalan ay KRIS-NO. Anito naiingganyo na siyang umanib. Pero sa huling pagkakataon, hinahamon pa rin daw niya ang diyos na magparamdam kung totoo nga siyang talaga. Kasama nga sa mga kundisyon ay ang ibalik sa kanya si Julian.
Bago siya natulog ng gabing yaon ay tiningnan niya ang kanyang email, mayroong mensahe galing kay Minda, ito’y magpatungkol sa KRIS-NO. May Kristong tinarakan ng espadang kris sa dibdib, at nakasulat sa ibaba, “Christ is a myth! So better believe in your own power, rather than raising a prayer to him.”
Alay diyes ng umaga ang kanilang tipanan, at pag hindi raw siya dumating sa takdang oras, dederetso na lamang daw siya sa ritwal ng kulto bilang binyag sa bagong kasapi, ito’y ginaganap daw kasi sa pagsapit ng tanghaling tapat.
Buo na ang kanyang desisyon, pupunta siya. Pipilitin niyang ipaunawa sa dalaga na mahal niya ito, pero kailangang isantabi ang pag ibig na pansarili upang tupdin ang kalooban ng Diyos. Pumasok muna siya ng skul dahil may eksam pa siya ng alas nueve, pero tinapos niya agad ito. Dumaan muna siya sa kapilya ng kanilang unibersidad upang humingi ng gabay sa Maykapal. Alas nueve trenta y singko, binaybay na niya ang pasilyo palabas ng U-belt. Kaso bago pa siya makalagpas sa opisina ng faculty…
“Julian!... Julian…”
Nang lingunin niya, si Fr. Smith pala ang tumatawag, ang professor niya kanina sa Oriental Philosophy.
“Yes father… bakit po?”
Pumarine ka muna sandal hijo…”
Kahit napilitan ay pumasok na din siya sa opisina nito.
“Maupo ka muna…”
Nakita niyang hawak nito ang kanyang test paper. Kaya kahit hindi pa man nagsasalita ang nasabing titser, alam na niya kung ano ang sasabihin nito sa kanya.
“Bakit ito lang ang sagot mo sa pagsusulit natin kanina?...”
Ang matatas na pananagalog ng britanyang pari na kahit malumanay ay nakakatakot, dahil kilalang mabagsik ito sa kanyang klase.
“..., may problema ka ba hijo?”
“O- opo padre…”
Marahang tango at paanas na opo lamang ang kanyang naging tugon.
“Hamo’t pagbibigyan kita, papayagan kitang mag’retake’… sa biyernes, alas tres ng hapon dito sa aking opisina…”
“Salamat po Padre… puwede na po ba akong magpaalam? Mag aalas diyes na po kasi, mayroon pa akong importanteng aasikasuhin…”
Ang paghingi ng paumanhin ng nag aapurang seminarista. Nasa Marikina pa kasi siya at sa Ever-Commonwealth pa sila magkikita.
Late siya ng kinse minutos ng dumating sa EVER. Wala na roon ang dalaga. Naghintay siya hanggang alas onse pero wala na talaga roon ang dating katipan. Kinilabutan siya sa maaring mangyari. Magiging kampon ng satanista ang babaeng minahal niya o mahal pa rin hanggang sa ngayon, at ito’y dahil sa kanya. Nanlulumo siyang nakaupo sa isang sulok ng Max Restaurant, sinisisi ang sarili.
“Pero hindi pupuwedeng tumunganga lamang ako dito…”
Lumabas siya ng mall at naghanap ng pinaka malapit na estasyon ng pulisya. Ikinuwento ang tungkol sa impormasyong ikinababahala niya.
“Maraming maraming salamat ginoo… napakalaking bagay para sa amin itong ginawa mo. Sa katunayan, pangatlo ka na sa nagbigay ulat tungkol sa kultong ito. Hamo’t agarang aksiyon ang iuukol naming dito…”
“E, sir..., baka naman po..., pwede akong sumama kung sakali sa operasyon ninyo?...”
“Sori po ginoo, pero bawal po kasi talagang sumama ang mga sibilyan sa mga military operations namin.”
“Gusto ko lang po sanang matiyak ang kaligtasan ng aking kaibigan…”
“Kami na po ang bahala sa kanya, seseguraduhin namin ang kanyang kaligtasan.”
Nahimasmasan na lamang siya mula sa malalim na pagkabahala nang…
“Manggahan!... Manggahan na po!… ang mga bababa diyan, pakilapit na po sa pintuan.”
Ang malakas na anunsyar ng konduktor. Kailangan na niyang umibis. Pagbaba niya ng bus, agad siyang pumara ng traysikel. Pagkasakay niya rito, siya naming tunog ng kanyang cellphone.
“Hello!... Yes!, Sarhento… Gano’n po ba?”
Ibinalita sa kanya ng Hepe na nilusob nila kani-kanina lamang ang lungga ng nasabing kulto. Ang magandang balita ay nailigtas nila mula sa mga buhong ang mga babaeng miyembro kuno ng kanilang kulto, iyon pala’y pagkatapos pagsasaan ng mga lalaking kasapi ay ibenibenta nila sa mga ‘night club’ para gawing prostitutes. Kuwarenta’y tres na babae ang kanilang nabawi at onse ang hinuli upang sampahan ng kaso, kabilang dito ang mag asawang Australiano na itinuturong ‘founder’ ng kulto. Ang masamang balita, walang Mindang nabawi ang mga alagad ng batas.
Sa may looban ng General Trias ang magarang bahay ng mga Delos Reyes. Pinindot niya ang doorbell.
“Oy, ikaw pala Bro. Julian! Tuloy po kayo!”
Si Manang Lucia, ang katiwala ng pamilya.
“Sila Tita, nariyan po ba?”
“Opo, nandiriyan po sila, pati si Stephanie... o, siya tara na sa loob ng bahay.”
Habang nag-aantay siya sa sala, biglang tumunog ang isang antigong orasan na nakakabit sa may gitna ng kabuuan nito. Napasulyap siya rito, at napatingin din sa kanyang relos. Alas tres na ng hapon.
Samantala…
Sa loob ng isang kuwarto ay nakaratay sa kama si Minda, nakalaylay ang isang kamay sa gilid ng kanyang higaan. Nilagkit na ng dumadaloy na dugo ang maalikabok na sahig. Tila wala na siyang buhay.
At hindi nga nagluwat ang isang oras, sirena na ng ambulansiya ang pumailanlang sa kahabaan ng East Avenue… papuntang hospital.