Ang kulimlim sa ulap ay kalungkutan ng pusong sumusungaw sa talukap. Kaya maghanap ka daloy sa batis ng pisngi ng balikat na maiiyakan at taingang makikinig habang ika’y umuulan sa hapdi ng kapighatian.
Kung ni isa ay wala ay sa lambot ng unan ‘wag sayangin ang impit. Heto lamang ako na handang makinig at heto rin ang aking balikat sa iyong mga hikbi.
Humilig ka kung nais at ika’y yayakapin ng aking pag-ibig.
Si Stephanie. Mabilis itong bumaba ng hagdan.
“Kuya Julian!... kumusta ka?”
At bago pa nakahuma ang seminarista, tila musmos na nagpakandong ito sa kanya.
“Hala! At nagpakarga pa ang baby-damulag ko…”
“Hmp… ang kuya Julian naman, siya na nga itong na miss.”
“Oy, nagtampo kaagad.”
Buong lambing nitong niyakap ang dalaga
“Malapit na po ang graduation ko, kuya… at pang-apat po ako sa top ten.”
“Talaga! Wow naman, manang mana talaga ang bunso sa kuya niya.”
“Bakit, pang-ilan ka ba noon?”
“E, wala basta ang alam ko matalino ako…”
At sabay pa silang nagkatawanan.
“Ano ang gusto mong i-regalo ko saiyo?”
“Ang gusto ko…”
Nangingiti itong tumingin sa kanya at nangingislap ang mga mata. Spoiled siya sa Kuya Julian niya. Katunayan, tuwing birtdey niya, isang buwan bago ang takdang araw ay nag-iipon na ito ng pambili ng regalo para sa kanya. Alam niya, kasi noong nakaraang taon ay may kamahalan ang natanggap niya mula sa kuya Julian niya. Napag-alaman niya mula sa kasamahan ng huli na nagtitipid daw ito ng husto para maibili lamang siya ng ganoon. Kung tutuusin ay isa lamang si mommy niya sa mga benefactors na tumutustos sa pagpapari nito. Pero touch na touch siya sa ginawa ng kaibigang seminarista.
“Wala ka na yatang mahihiling pa, palibhasa nasa iyo na ang lahat.”
Solong anak kasi si Steph. Hindi man maluhong tingnan dahil sa kasimplehan ng personalidad nito, pero anumang hingiin ng babae sa magulang ay ibinibigay.
“Alam ko na!...teng!”
Ikinumpas pa ang kamay na akala mo madyikerang nakaisip ng bagong pakulo.
“O, ano?”
“Si Beatriz...”
“Si Beatriz? E, sino siya?”
Naitulak pa ng binata ang dalaga sa pagkabigla.
“Ang kuya naman, kung anu-ano ang iniisip... hindi po siya tao, siya po ay isang stuff toy.”
“Whew! Akala ko babae na ngayon ang hanap mo…”
“Ako! Sa seksi kong ito magiging tomboy, ha!”
Nameywang pa itong humarap sa kanya.
“O siya, maganda ka na... e, saan ko naman ito mabibili?”
“Sa Blue Magic. Kasi po, napadaan ako kahapon sa Robinson – Dasma. Nang pumasok ako sa Blue Magic nakita ko roon si Beatriz, ang kyut niya. Kaya ayon naisip ko lang na kung saiyo siya manggagaling magiging valuable siya para sa akin. Di ba? O, may angal?”
“Ehem... ehem... at mukhang may inuungot na naman ang unica hija ko sa paborito niyang kuya.”
Si Mrs. Susan delos Reyes, ang ina ni Stephanie. Sinalubong siya ng dalawa. Sabay na hinalikan sa kabilaang pisngi. Nakasakay siya sa kanyang wheelchair na de motor. Putol kasi ang kaliwang binti. Isang aksidente ang dahilan kaya siya nagkaganito. Isang trahedyang nag-ugnay sa kani-kanilang buhay, ngunit kumitil sa buhay ni Mr. Albert delos Reyes, ang daddy ni Stephanie.
“Mommy, kami muna ni kuya Julian ang magkukuwentuhan. Bukas pa naman siya uuwi, kaya mamayang gabi na kayong dalawa.”
“Ha’mo hijo, pag sakaling nagsawa na saiyo ang malambing kong anak, naroon lang ako sa orkidaryum.”
“Opo Tita!”
Simula ng mabiyuda ang ginang, tanging sa pag-aalaga ng halaman na lamang sumisikat at lumulubog ang kanyang araw. Mula siya sa angkan ng mga mayaman, gayundin ang kanyang kabiyak at may natatanggap siyang pensiyon kada buwan kaya kahit humilata siya hanggang gabi hindi siya magugutom.
Ngunit ang tatlong taon na lumipas ay hindi pa rin sapat upang umampat ang dugo sa kanyang sugat. Sa tuwina na siya’y nag-iisa, hindi pa rin niya mapigilan ang impit na paghikbi, ang pangungulila sa yumaong asawa. Bakas pa rin sa mukha niya ang paninimdim. Nakarehistro sa utak niya ang malupit na pangyayari. Hindi pa nabubura.
Pauwi na noon sa Cavite ang pamilya delos Reyes galing nagbakasyon sa lalawigan ng Sorsogon. Dahil nagloko ang makina ng kanilang kotse, nagdesisyon silang mag–bus na lamang. Ang sasakyan ay dinala sa talyer at ihahatid na lamang ito ni Mark, ang kapatid ni Ginoong Reyes, sa pagluwas niya sa susunod na linggo.
Madaling araw ang pinili nilang biyahe. Wala pang dalawang oras silang tumatakbo ng biglang may sumabog. Sumubasob ang nguso ng bus. Gumulung-gulong hanggang sa malaglag ito sa isang matarik na bangin. Nawalan ng malay ang ginang. Nang magising ay nasa loob na siya ng ospital, tinitistis ang kanyang kaliwang paa.
“Nasaan sila? Ang aking anak? Ang aking asawa?”
Ito ang agad niyang mga katanungan. Nang walang sumasagot ay kinabahan siya. Kaya nag-hysterical siya. Tinurukan siya ng pampakalma. Hustong huminahon na siya ng bumukas ang pinto. Si Steph.
“Mommy!”
At niyakap nila ang isa’t isa.
“Si Daddy mo nasaan siya?”
Natigilan ang anak sa tanong ng ina. Hindi niya sukat-akalain na wala pang alam ang kanyang mommy sa malungkot na sinapit ng ama. Tumingin siya sa doktor. Pasimple itong tumango bilang pagbigay permiso na maari na niyang sabihin ang masakit na katotohanan. Kanina lamang ay natulala siya sa natuklasan. Matapos ibalita sa kanya ng doktor na patay na ang kanyang daddy ay parang may kung anong nakadagan sa kanyang katawan. Hindi siya nakakilos. Mga limang minuto din siyang nagkaganoon hanggang sa hinimatay siya. Nang magkamalay ay saka pa lamang siya nakaiyak.
“M-mmm-mom…”
Hindi siya makapagsalita ng matuwid na tila nahirinan siya ng kung anong bikig sa lalamunan. Pinilit niyang ibukang muli ang kanyang bibig, ngunit tanging impit lamang ang maririnig.
“Misis, wala na po ang mister ninyo… kasama po siya sa mga nasawi.”
Ang doktor na ang nagsalita. Para sa kanya, ito ang pinakamahirap na parte ng kanyang propesyon. Ang ipaalam sa pamilya ang pagyao ng isang pasyente. Ang kasunod nito ay ang makabagbag damdaming tagpo, ang panaghoy ng mga nanga-ulila. Hindi lamang maka-beynteng beses siyang naging saksi sa ganitong sitwasyon. Pero hindi pa rin siya nasanay. Umiiyak din siya habang inihahatid ang masamang balita.
May ilang minuto ring nakasubsob ang ulo ng dalawa sa balikat ng isa’t isa. Marahil ay napagod na sa kaiiyak, sila ay tumigil. Pinahid ang luha sa pisngi. Alam nilang naibsan ng kaunti ang bigat na naramdaman. Marahang inilibot ni Steph ang paningin. May apat katao sa loob ng silid, tahimik na nakikiramay. Nasa may kanan ang doktor, sa bandang paanan naman ang dalawang nars. At sa may pintuan ay nakatayo ang isang binata.
“Teka, sino ‘tong isa?”
Ang tahimik na tanong ng dalaga sa sarili. Sinipat niya ng husto ang pigura ng bisita.
“Siyanga!”
Ang bulalas nito. Nakilala niya ang binata. Siya ang kanyang anghel dela guwardiya. May galak sa kanyang puso. Mula sa pintig ay sumilay ang ngiti sa kanyang pisngi.
“M-mom- mommy, siya po ang aking tagapagligtas...”
Inginuso niya sa ina ang direksiyon ng lalaki. Hindi man batid ni Mrs. Delos Reyes ang buong kuwento kung paano, pero alam niyang utang na loob niya rito ang buhay ng anak. Dama niya ang kabayanihang ginawa nito.
“Hijo, ano ang pangalan mo?”
Lumapit sa may kama ang tinanong.
“Ako po si Julian, Julian Galvez po. Taal na taga Sorsogon.”
Tadhana. Ito ang tanging nagtakda ng kanilang kaligtasan. Nang sumabog ang gulong ng bus, tumilapon si Steph sa kabilang upuan, sa puwesto ni Julian. Biglang napayapos ang dalagita. Kaya ng gumiwang ay nawalan ng timbang ang binata at gumulong silang dalawa hanggang sa may harapan. Aktong babaligtad na ang sasakyan ng bumukas ang awtomatik na pintuan. Nalaglag sila. Nahulog sila sa may tabi ng kalsada. Ang bus ay tuloy-tuloy sa matarik na bangin. Namalas nila ang pagsirko nito.
Nawala sa sarili ang babae sa sobrang kalituhan. Nanakbo pagkadaka. Udyok ng pag-alala, sinundan siya ng binata. Tinugpa ang bukirin hanggang sa mapagod. Nasulyapan ang isang pahingahang kubo. Tinungo ito at doon naupo. Namumutla. Bakas sa mukha ang takot at pagkabigla. Humagulhol ng iyak. Noon lumapit ang binata. Bugso ng pagkahabag, kanya itong niyakap at hinayaang umiyak sa kanyang balikat. Hanggang sa makatulog. Dala marahil ng matinding pagod, siya man ay nakatulog din.
Isang marahang tapik ang gumising sa kanila. Mga naka-unipormeng sundalo ang tumambad sa harapan nila.
“Sila nga ang mga pasaherong nawawala!”
Ang kumpirma ng sarhentong may hawak na listahan.