IkapitongYugto

1940 Words
Ikaw noon ay tag-ulan na lunoy sa lamig sa tubig ng patak ng bawat dag-um ng ulap. Sa buhos ng langit ay butil na luha ang nahupos sa sariling ulan, na lumunop sa ilog ng batis ng pag-ibig. Ikaw noon ay tag-ulan na samyo sa lamyos sa ihip ang kampay ng dahong kumakaway. At yakap ko ang haplos mong nakadantay sa bawat patak ng hagulhol, na sa bubong ay naringgan ang paghingi mo ng agapay. Kaya isinukob ka dito sa puso ko upang maibsan ang pagbuhos mo – ulan. Sa halip ika’y tumila ng lubos. Ikaw ngayon ay tag-araw at ako naman ang kukulimlim. Dahil di mo na yata ako madidilig ng lambing. Araw na ng graduation ng muling dumalaw si Julian. Dala ang ipinangakong regalo kay Steph, si Beatriz. Medyo tanghali na ng umibis siya ng bus kaya dumiretso na siya sa paaralan na pinapasukan ng dalaga. Nagmamartsa na ang mga magsisipagtapos ng pumasok siya sa bulwagan. Hindi naman siya nahirapang hanapin dahil lutang ang kagandahan ng itinuturing na kapatid sa karamihan. Sa may harapan, may puwestong nakalaan para sa pamilya ng bawat ga-gradweyt. Naroon si Mrs. Delos Reyes at ang Tito Mark ni Steph. Kaso nagsisimula na ang programa kaya pinili niyang sa likuran na lamang umupo. Habang dumadaloy ang aktibidad ay panaka-nakang lumilingon si Steph sa gawing kanan, kaliwa at sa may likuran. May hinahagilap ang paningin. Nakamasid naman sa kanya ang kanyang Kuya Julian. Napapangiti. Hanggang sa matapos ang naturang programa. Nakipagsiksikan kaagad ang binata upang makaungos sa unahan. Hindi pa man siya nakakalapit ay patakbo na siyang sinalubong. Tuwang-tuwa ang dalaga habang ipinakikilala niya ang kuya niyang seminarista sa mga kaibigan at kaklase. Nang humupa ang kamayan at huntahan ay saka pa lamang siya malayang nakalapit sa Mommy at Tito ni Steph. Sumunod ang salit-salitang kislap ng kamera. May salu-salo pagkatapos. Kinagabihan ay sinundo si Steph ng kanyang kaklase. May graduation ball sila. “Mommy, nasaan po si Kuya Julian?” “Nasa itaas yata anak, baka nagdarasal ng evening prayer.” Pumanhik siya at kinatok ang pinto ng guest room. “Kuya Julian!... Kuya… Kuya Julian…” Pero walang sumasagot. “Senyorita, naliligo po yata ang Kuya Julian mo.” “Ate, pagka hinanap po ako ng kuya, pakisabi na lamang po na umalis ako. May socialization po kasing inihanda para sa amin.” “Opo senyorita, ako na po ang magbibigay abiso sa kanya.” Nakasilip sa bintana ng kuwarto niya si Julian ng lumabas ng bahay si Steph. Nakamasid siya hanggang sa tumalilis ang kotse. Naiwan siyang nakatayo roon at nagtatanong sa sarili. “Ano itong nararamdaman ko? Ako ba’y nag-aalala lamang o ako’y nagseselos na?” Alam niya kasi na isang masugid na manliligaw ni Steph si Kenneth, ang sumundo sa dalaga. Walang itong itinatagong lihim sa kanya kaya alam din niya na may pagtingin ang una sa binata. Ilang minuto na siyang nakatanaw sa kawalan ngunit walang sagot ang karimlan. Isinarado niya ang bintana. Umupo siya sa lamesang may krusepehong nakatayo sa gitna. Binuklat niya ang breviary upang magdasal, ngunit may kung anong ngitngit na bumabalakid sa kanyang damdamin. Muli siyang tumayo. Lumabas ng kuwarto at sa may balkonahe pumuwesto. Lumalalim na ang gabi ay ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Pilit kinukumbinse ang sarili na kung siya man ay nagseselos, natural lamang ito sa isang kuya. Isa pa, si Minda pa rin ang itinitibok ng puso niya, kaya hindi maaring mahal niya si Steph ng higit pa sa kapatid. Higit-lalo, hindi siya dapat mangamba dahil hawak niya ang deteminasyon upang tugunin ang bokasyong pagpapari. Nasa gayong ayos siya ng may humintong kulay dilaw na kotse. Ang BMW na sumundo kanina kay Steph, si Kenneth. Tiningnan niya ang oras sa kanyang relos, ala una y media na pala. Matagal na rin pala siyang nakaupo roon, ewan kung siya nga ba ay nagmumuni-muni o ginugulo lamang ang utak. Bigla siyang napapitlag sa pagkakaupo, hindi siya makapaniwala sa nasaksihan. Si Steph, maalab na nakikipaghalikan sa binata. “E, ano ngayon? Dalaga na yata ang kapatid mo...” Ang panabay-bawi niya sa konserbatibong pananaw. Wala na ang kotse ngunit naroon pa rin sa labas ng bakuran ang dalaga. Mula sa kinauupuan ay napansin niyang pasuray ang lakad nito. Natitiyak niyang malagihay sa alak ang babae kaya agad siyang bumaba. Sinalubong niya si Steph. Tila nagulat ito ng makita siya. Pilit inaayos ang mga hakbang, ngunit ipinagkanulo na siya ng sariling sikmura. Sapo ang bibig na sumuka siya sa harapan ng Kuya Julian niya. Tahimik lamang ang seminarista na inalalayan siya hanggang sa sariling kuwarto. Pinunasan ng maligamgam na tubig at pinatulog. Tanghali na ng idilat niya ang kanyang mga mata. Masakit ang ulo, pakiwari niya ay binibiyak ito ng lagare. Amoy alak pa rin ang kanyang hininga. May hang-over siya. Unang beses siyang tumikim ng alak. Isang katuwaan lamang. Ngunit ang isang tagay ay nadagdagan hanggang sa dumami. Kamuntikan na siyang matumba habang sumasayaw sila ni Kenneth kagabi dahil umiikot na ang buong paligid ayon sa kanyang paningin. Minabuti niyang magpahatid na sa binata. Natatandaan pa niya ang kapangahasan nito. Hinalikan siya. Uminit ang kanyang pakiramdam. May boltaheng lumukob sa kanyang katawan. Alam niyang gumanti siya ng halik – isang marubdob na halik. Ngayon siya nakadama ng hiya sa sarili. Pero ang hindi niya matandaan ay kung paano siya nakapasok sa loob ng bakuran at kung paano siya maayos na nakatulog sa kanyang higaan. Blangko na sa isipan niya ang bahaging ito. “Humigop ka muna ng sabaw ng mainitan ‘yang sikmura mo.” Napaigtad siya sa biglang pagsulpot ng kanyang Kuya Julian mula sa banyo ng kanyang kuwarto. Biglang may flashback sa kanyang memorya. Sumuka siya sa harapan ng kanyang kuya. Hindi niya tiyak kung ito ba’y totoong nangyari, bungang isip dulot ng kalasingan o isang panaginip. Gusto niyang itanong ngunit naunahan siya ng hiya. Kaya pinakiramdaman na lamang niya ang tono ng salita, at ang lengguwahe ng kilos ng seminarista. “Dumito ka na lang muna sa kuwarto para makapagpahinga ka…” Napansin niyang walang galit ang himig, kundi pag-aalala. “E, paano ang pamamasyal natin mamayang hapon?” Naalala niya na nagplano silang gumala sa kanilang plantasyon. “Seguro bukas na tayo tumuloy.” “Ku...kuya si mama po… nalaman po ba niya… a, kuwan ang ibig kung sabi…” “Hindi kita isinumbong... ang sabi ko napuyat ka kaya kailangan mong bumawi ng tulog.” Niyapos niya sa tuwa ang kuya. Mabait ang kanyang ina pero ayaw niyang isipin nito na inaabuso niya ang sobrang tiwala na ibinibigay sa kanya. “Salamat po kuya, ambait mo pong talaga…” Pero agad siyang bumitiw. Nagulat siya sa sarili. May sensasyon siyang naramdaman. Nabuksan na ang malisya sa kanyang isipan. Nasaling na ng pagnanasa ang basal niyang katauhan. “Kailan ka pala babalik ng seminaryo?” “Semestral break na po, kaya bakasyon ko na ngayon…” “Hindi ka ba uuwi ng Sorsogon?” “Baka sa susunod na linggo…” “Kuya Julian...” “Bakit po?” “Sorry po sa... sa mga ginawa ko kagabi...” “Alam mo ba? Gusto kitang paluin. Gusto kitang sampalin. Gusto kitang pagalitan. Kaso hindi ko magawa.” “Bakit po?” “Hindi ko alam, basta hindi ko kayang magalit saiyo.” “Alam ko kung bakit...” “Siyanga?” “Kasi po mahal mo ako. Ang sabi nila kapag mahal mo raw ang isang tao, magkasala man siya, hindi ganoon kadali ang kamuhian mo siya. O, di ba, tama ako?” “Kaya magpasalamat ka dahil mahal kita, kung hindi baka...” “Anong baka? Kaya mo ba akong saktan?” “O, siya kumain ka na muna at lalamig na ‘yang sopas na hinanda ko para saiyo.” “Subo mo ‘ko...” Ang muling paglalambing ni Steph sa Kuya Julian niya. Nang sumunod na araw ay natuloy na sila sa kanilang lakad. Lulan ng 4-wheel Ford Everest, masaya silang nagkuwentuhan. Ang Tito Mark ni Steph ang may hawak ng manibela. Ang Mommy Susan naman ay nakaupo sa front seat. Silang dalawa ang nasa likuran. Samo’t saring paksa ang kanilang pinag-uusapan. Habang lumalayo sila sa kabayanan ay unti-unti namang hinahawi ang tabing na nakatakip sa nakatagong reyalidad. Bulubundukin ang kagubatan. Walang aspalto ang daan. At may panaka-nakang kubo sa ilalim ng kaniyugan. Tahimik at payak ang buhay. “Kay sarap maging pari sa ganitong lugar…” “Ano ang ibig mong sabihin kuya?” “Kako, gusto kong mag-misyon dito pag nagkaroon ako ng pagkakataon.” Naramdaman na naman ng seminarista ang sidhi na maging misyonero. Ang butil na naipunla sapul pa noong paslit, heto ngayon ay may usbong na at tila nadidilig. May buhay na pumipintig. Kagyat na nawala ang kanyang diwa, siya’y agad humabi ng pangarap. “Ay, ang kuya hindi naman pala nakikinig!” Si Steph, na parang tourist guide, kanina pa nagpapaliwanag. Ang kaso ay may sariling mundo na ang kausap. Sa halip na kibuin ang dalaga ay tila nawili pa lalo ito sa kamamasid sa tanawin. Lalo na’t ng mapadaan sa umpok ng mga kubo, sila’y napansin ng mga tao. Hayun at di magkamayaw na sigaw at kaway ang sa kanila’y ibinigay. “Sino sila?” Bumaling kay Steph. “Ayan kasi, kanina pa ako nagsasalita rito, e hindi naman pala nakikinig…” Kabig-payakap ang ipinang-amo ni Julian. Kabisado na niya ang likaw ng bituka ng una. Lambing lamang ang pampalambot sa puso ni Steph kapag ito’y nagtatampo. Bago dumating sa ilog ay humimpil ang sasakyan. Nasa harapan nila ang isang bahay na yari sa kugon at kawayan, nababakuran ng halaman. May dumungaw sa bintana. “Mang Tonyo yohoO!” Si Mark ang pasigaw na tumawag sa mamang nasa kubo. “Hoy, Ising, mga anak... halikayo, nandito ang ating mga amo!” Tarantang nagsipanaog ang buong pamilya. Sila naman ay umibis na rin sa sasakyan. Si Aleng Ising, ang maybahay ni Mang Tonyo, ang unang inasikaso ay ang kaibigan niyang donya. Inalalayan niya itong bumaba at isinakay sa upuang de gulong. Si Julian ay sumilong sa punong manggang nakatanghod sa bahay. Si Steph naman ay parang batang humiga sa duyang gawa sa abaka na nakatali kabilaan sa magkatabing puno ng mangga. Ilang minuto lamang at si MangTonyo na tumalilis saglit ay nariyan na, may bitbit na buko. “Halina! Dito sa aming nayon ay sariwa ang mga pagkain... pumarine kayo para sa ating minindal.” “Hayan at nagsimula na naman ang aking makatang asawa.” Si Aleng Ising, pinansin ang kabiyak, na noon ay masayang nagbabalita kay Ginang delos Reyes tungkol sa sitwasyon ng buhay. Sila ang namamahala sa buong lupain ng pamilya. Mahigit sa tatlumpung ektarya ang lawak nito. May tanim na mangga at niyog ang ibang parte at sinasaka naman ang matabang bahagi ng lupain. Matapos lumagok ng sabaw ng buko at ngumuya ng laman, maingat na isinalong ni Steph sa beywang ang itak. “Mommy sa balwarte ng uwak po kami!” Hindi pa man nakakasagot ang ina ay hinaltak na nito si Julian. “Saan tayo pupunta?” “Basta sumama ka lang sa akin, tiyak kong magugustuhan mo ang lugar.” “Mag-ingat kayo!” Ang tanging naging bilin ng kanyang mommy. Napapailing namang tinanaw sila ng Tito Mark. “Minsan ay mahirap espelingin itong si Stephanie. May panahong napakahinhin, kung kumilos ay akala mo hindi makabasag pinggan. Pero may pagkakataon namang talo pa ang lalaki kung umasta. Hayun at may itak pang nakasukbit sa beywang.” Habang tinatalunton nila ang bukirin, ang himpapawid na sa kanila’y nakamasid ay nagbabadya ng pagsungit. Ngunit walang pakialam si Steph sa pahiwatig ng langit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD