Ikawalong Yugto

1493 Words
Nakasilong ako sa matikas na talon. May malinaw na tubig na dumadaloy sa ilog. Mataman kong pinagmamasdan ang agos, pagiwal sa usli-usling pagsubok. Nag-uunahan kahit sa dako roon ay di tiyak ang patutunguhan. May musika ang kanilang saya na humahalakhak sa lagaslas. At sadyang mapayapa ang kanilang mundo na sa puso ko ay nangarap... Nawa’y sa habampanahon ay kapiling ko ang tag-ulan, nang sa batis itong pag-ibig ay itatampisaw. Sapul pa noong paslit ay naging paboritong lugar na ni Steph ang balwarte ng uwak. Ito kasi ang paboritong pahingahan ng kanyang daddy noon. At dito rin siya tinuruang lumangoy ng huli. Kaya kapag nawala siya sa kubo ay dito siya tiyak na susunduin ni Mang Tonyo. Inakyat nila ang talampas. Gumilid sa may kaliwa. Tumambad sa kanila ang isang napakalaking puno ng apitong. Sa kalkulasyon ni Julian, Halos doblehin ng makasampu ang poste ng napocor. Maaring ito’y tumubo roon bago pa man dumating ang mga hapon sa Pilipinas. Ang matipunong katawan nito ay nakayakap, nakapulupot ang dalawang ugat na tila braso sa isang malaking bato. Sa may bandang paanan ay may isang yungib. Yumuko ang dalaga at walang pag-alangang pumasok. Nakabuntot lamang si Julian. Laking mangha ng binata ng sila’y iluwal ng lagusan sa isang napakagandang ‘landscaping’ na likha ng kalikasan. May natural na hagdanang bato pababa. Sa ibaba ay naroon at nanghahalina ang malinaw na tubig sa batis. Ang lagaslas ng talon ay may sariling musika na sumasaliw ang ugoy ng hangin at huni ng mga ibong palipat-lipat ang dapo. “Ito’y isang paraiso!” Ang bulalas-paghanga ng binata. Kung susuriing maigi, ang naturang lugar ay nasa pagitan ng dalawang bundok. Kaso hindi pansin ang dalawang gilid dahil sa naglalakihang mga puno mula sa kabilaang bundok na nakasalikop sa isa’t isa. At dito namumugad ang mga uwak. Ito ang kanilang balwarte. “Hoy babae ka! Ano ang gagawin mo?” Si Julian. Nagtataka sa ginagawa ng dalaga. Nasa mismong batis na sila. Dahil sa nang-iingganyo ang lamig ng tubig kaya parang bata siyang naghilamos. Pag-angat niya ng ulo, nasa harapan niya ang dalaga, tanggal na ang nike air na sapatos at heto’t hinuhubad naman ang kanyang levi’s jeans. “Maliligo…” Ang kaswal na sagot nito sa binata. Isinunod ang kanyang blusa. Habang tinanggal isa-isa ang mga butones, pakiramdam ni Julian ay may dumaloy na kiliti sa buo niyang katawan. Nakatambad ay mala-diyosa sa ganda. Hulma ang kaseksihan sa maiksing short at manipis na t-shirt. Nang tumalon sa tubig si Steph ay saka pa lamang siya nahimasmasan. Nahiya siya sa sarili. “Steph, huwag kang masyadong pumagitna, at baka delikado diyan…” “Kabisado ko ang lugar na ito kuya kaya relaks ka lang...” At sumisid ito. Tumagal sa ilalim na ikinabahala ng lalaki. Nakatuon ang paningin niya sa malayo kaya hindi niya napansin ang biglang pagsulpot nito mula sa likuran. Sabay saboy sa kanya. Bago pa siya nakaatras ay inabot na siya ng tubig. “Maligo ka na!...” Ang pilyang tulak nito. “Ano ba? Wala akong damit panligo.” “E, di hubarin mo ‘yang damit at pantalon mo, problema ba ‘yan.” “At magtatampisaw akong hubo’t hubad.” “Sinong maysabi saiyong tanggalin mo ang lahat ng saplot mo…” Oo nga naman. Puwede siyang maligo ng naka-brief lang. Ordinaryong bagay ito para sa mga lalaki. “Bakit ba masyado siyang konserbatibo?” Ang inis niyang pansin sa sarili. Kung tutuusin, silang dalawa lang naman ni Steph ang naririto. At isa pa, wala namang malisya para sa kanila ang ganito. Ipinagpalagay na lamang niya na kaya siya naiilang, marahil ay naging kultura na sa seminaryo ang maging sensitibong senswal. Basa na rin lamang kaya napilitan siyang magtalop ng sarili. May isang oras din silang lumangoy paroot parito hanggang sa mapagod. Bago pa pumatak ang ulan ay naipasya na nilang umahon para magbihis. “Oppps! Tumalikod ka muna at huhubarin ko lang ang mga basa kong kasuotan.” “Huwag mong sabihing magbo-bold ka dito, ni wala ka ngang tuwalyang pantakip sa sarili. Hindi na! Isuot mo na ‘yang blouse at pantalon mo at kina Mang Tonyo na tayo magbibihis.” “Ang kuya talaga… hmp.” “Anong binubulung-bulong mo diyan?” “Wala po.” Hindi pa sila gaanong nakalayo sa balwarte ng uwak ng bumagsak ang malakas na ulan. Madulas kaya alalay lamang ang takbo nila pababa. “A, alam ko na!” May biglang naisip ang babae. “Doon tayo!” Ang pangusong turo sa isang kubo. Sa bahay ni Impong Silas. Naalala niya na minsan ay sumakit ang kanyang tiyan at sa kubo ng albularyo siya dinala. Si Impo ang gumamot sa kanya. Pinahiran lamang ng langis ang kanyang sikmura at gumaling na. “Tao po! Tao po!...” Bumukas ang pawid na pinto. “Makikisilong po sana Impo...” “Kayo pala mga apo, tumuloy kayo... sige... sige pasok kayo sa loob.” Pagkapanhik sa sala ay hinila ng matanda ang dalawang bangketong yari sa yakal na nakapailalim sa lamesang kahoy. Pagkaabot ay nagmano muna ang dalawa bago umupo. Pumasok sa kusina si Impo. Pagbalik ay may dalang kapeng nakalagay sa dalawang tasang sartin. Umuusok ito sa sobrang init na ikinagalak naman ng dalawa dahil kanina pa sila nangangatog sa ginaw. “Ikaw ba hija ay ang anak ng nasirang si Albert?” “Opo Impo, ako nga ho.” “Kung gayon ikaw pala ‘yong pilyang bata na laging kasama ng anak ni Tonyo na si Esteban at madalas mamukol ng duhat diyan sa likod ng aking bakuran.” “Opo…” “Ay naku! Mantahin mo nga at nagdalaga kang sadyang napakaganda… paano na lang pala kung nalapa ka noon ng aking asong si tigre.” Sabay silang tumawa ng maalala ang nakaraan. Humingi naman si Julian ng permiso kung maaring makagamit ng banyo. Nang tumayo ang binata ay nagkaroon ng pagkakataong masolo ng matanda ang dalaga. “May magandang balita ako para saiyo...” Ang simula ng manghuhula. Seryosong nakatitig sa kanyang mukha na tila binabasa ang bawat kisap ng kanyang mga mata. “… kayo ang magkakatuluyan…” Paanas na ang boses ni Impong Silas dahil narinig na nila ang mga yabag ni Julian, paparating. Tumila na ang ulan at nagtatakipsilim na. Pabalik na sila sa kubo. Tahimik si Steph habang naglalakad. Naging palaisipan sa kanya ang sinabi ng matanda. Noong una ang akala niya ay si Kenneth ang tinutukoy nito. Si Kenneth ang nobyo niya sa kasalukuyan. Kahapon lamang ay sinagot niya ang masugid na manliligaw. Pero sa tingin niya, hindi si Kenneth ang tinutumbok ng hula kundi ang Kuya Julian niya. “Kailangang hindi mabunyag sa lalaki ang sekretong natuklasan mo, kasi kapag ang hula ay alam na ng magsing-irog, ito’y mawawalan ng bisa.” Ang mahigpit na bilin sa kanya ni Impong Silas. At bago pa sila umalis ay pahabol pa nitong idinugtong. “Ang tadhana ang nagtatakda mga anak! Ito ang nag-uudyok sa puso, ngunit tandaan ninyo na ang katuparan o hindi ay sa duhagi o katapangan. Ikaw ang makikipaglaban.” “Malalim yata ang naging takbo ng usapan ninyo kanina...” Ang tanging komento ni Julian. Bakas sa mukha ang pag-aalala ng mga tao sa bahay ng dumating sila. Ang ina ni Steph, ang Tito Mark niya, Si Aleng Ising, si Mang Tonyo, gayundin ang buong pamilya nito. Sa kasagsagan ng ulan ay pumunta pala si Mang Tonyo at si Jun-jun, ang bunso nito, sa balwarte ng uwak kaso wala na sila roon. Inakala nilang nagkasalisi lamang kaya agad naman silang bumalik. Kaso wala pa rin ang dalawa. “Saan ba kayo pumunta, mga anak?” “Mommy, sorry po. Inabutan kasi kami ng pagbuhos ng ulan kaya sumilong na muna kami sa bahay ni Impong Silas.” “O, siya magbihis na kayo’t tila mga basang sisiw kayo sa hitsura ninyong iyan.” “Bilisan ninyo at padilim na... kailangan na nating makauwi.” Palabas na ng kabayanan ang Ford Everest ng makasalubong ang isang kotseng kulay abo, lulan ay naka-abitong mga madre. Pinara sila upang magtanong. “Manong malayo pa po ba ang sityo ng mga Dumagat?” “Mga kalahating kilometro pa po sister. Kumanan po kayo diyan sa may kanto at diretso na ho ‘yan. Sino ho ang pakay nila doon?” “Si Mang Tonyo po, ihahatid ko lamang itong lima naming mga postulante na mag-iimersiyon sa lugar nila.” “Naroon po siya. Kagagaling lang namin sa kanila.” Sa kabilang sasakyan ay mapapansin ang kanina pa nakatitig na postulante sa seminaristang nakaupo katabi ni Steph. Hindi lamang niya namumukhaan ang binata, personal pa niyang kakilala. Kahit lumalayo na ang agwat ng kanilang sasakyan, nakalingon pa rin ang dalagang may belo. Hindi niya mawatas kung bakit galing dito ang Bro. Julian na ito. Dapat ay sa seminaryo ito naglalagi at hindi sa kung saan-saan gumagawi. At sino naman ang katabi nitong magandang binibini? Pinamulahan siya ng mukha. Nagseselos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD