KAGAYA ng sinabi ni Noah, nakatanggap si Sayon ng tawag mula sa binata kinagabihan ng araw ding iyon. Kung ano-ano lang ang napagkuwentuhan nila. Hanggang sa hindi nila namamalayan ang oras. Siya na rin ang tumapos sa kanilang usapan dahil siguradong malaki na ang bill nito sa pagtawag sa kanya. Nang sumunod na araw ay nakatanggap siya ng text mula rito na bumabati ng magandang umaga. Na nireplyan din niya. Pagdating ng tanghalian ay tinawagan ulit siya nito pero wala naman itong importanteng sinabi. Hanggang sa umabot ang buong maghapon na nagpapalitan sila ng text messages kundi lang naman sila parehong busy. Kinagabihan ay muli itong tumawag sa kanya at gaya din ng nakaraang gabi ay kung ano-ano lang ang napag-uusapan nila. Hanggang sa sumunod na mga araw ay ganoon ang naging routine

