KABANATA I
Isang maliwanag na sikat ng araw ang nagpamulat sa aking mga mata. Di ko namalayan na nasa kwarto ko na pala si Nanay at inaayos na ang kurtina ng aking bintana.
"Magandang umaga nak. Bangon ka na at sabay na tayong kumain sa kusina."
Mag-aalas syete pa lang yun ng umaga at damang-dama ko pa ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat galing sa labas ng bintana. Nakakapanibago pa dahil ngayon na lang ulit ako binati ni Nanay at inalok para magsabay sa hapag. Dahil medyo antok pa ako, di muna ako agad bumangon . Nilingon ko ang bintana kung saan nakatayo si Nanay sa gilid habang nakatingin sa labas.
"Mabuti pa ang mga dahon ano, anak? Sumasabay lang sila sa ihip ng hangin at kusa na lang malalaglag sa lupa kapag tuyo na."
Napatingin naman ako sa maliit na puno sa labas kung saan may 2 ibon na nakadapo sa sanga. Sa isip-isip ko'y mas nakakainggit pa nga ang mga ibon kasi malaya silang nakakalipad at nakakapunta sa gusto nilang puntahan. Mga 5 minuto pa bago ako tuluyang bumangon at maghilamos, Saka ako lumabas ng kwarto upang dumiretso sa kusina. Same from many breakfasts we had before, hawak pa rin ni Tatay ung dyaryo habang may isang tasa ng kapeng barako sa mesa. Mas mahilig pa kasi si Tatay magbasa kesa manood ng balita kaya di mawawalan ng dyaryo sa bahay na palagi naman niyang binibili kina Aling Nena sa kanto. Si Nanay naman ang naghahain ng pagkain at ako naman ang tagakuha ng mga plato, kutsara at baso. Kahit nagmamadali at baka ma-late ay iwas na iwas pa rin akong makalikha ng kahit konting ingay habang kumakain. At iyon na nga, nagsimula na naman kaming lukubin ng katahimikan. Malapit na akong matapos kumain ng biglang dumighal si Tatay. Nagulat ako at napatingin sa kanya. Pinilit kong pigilan ang aking pagtawa kaso nang dahil sa pagpipigil ay nasamid pa ako.
"Ay Lisyang ika'y hinay lang sa pagsubo at di ka naman mauubusan."
"Asawa! Ay pagkasarap ga ng pagkakadale mo dine sa nilagang baboy. Tunay na nabusog ako e! Napadighal pa oh!"
"Di ba sabi mo kagabi, gusto mo ng nilaga kaya sinarapan ko talaga yan at malimit na isda at gulay ang ulam natin nitong mga nakaraang linggo."
"Oo nga eh ay parang nagkakakaliskis na nga ako dine kakaisda natin e."
Napatawa ako sa pagkakasabing yun ni Tatay lalo na at may pagka-Batangueno ang accent niya. Napuno ng tawanan at lokohan sa hapag kainan na matagal ko ng di nararanasan sa loob ng ilang taon. Muntik ko ng malimutan ang ganung pakiramdam. Ang sarap pala sa pakiramdam.
Dahil wala pang tricycle na nakaparada sa may kanto, ihahatid na raw ako ni Tatay sa school gamit ung motor namin. Umangkas ako agad kasi medyo male-late na talaga ako kapag nagpetiks-petiks pa. Habang daan, nagkukwentuhan kami ni Tatay. Since 4th year na raw ako, ano raw gusto kong course sa college.
"Fine Arts po sana Tay. Pero ayos din naman po sa'kin kahit di yun ang kuhanin dahil alam ko naman pong may kamahalan talaga ang kursong yun." "Alam mo Lisyang anak, kung ano ang pangarap mo sa buhay, yun ang pagsumikapan mong abutin. Susuportahan ka namin palagi ng iyong Nanay dahil mahal na mahal ka namin Lisyang."Mangiyak-ngiyak naman ako sa sinabing yun ni Tatay. Parang lahat ng tampo ko noon ay nawala nang dahil sa pangungusap na yun. At dahil namumuo na ang luha sa aking mga mata kaya naisip kong kuhanin muna ang panyo ko sa bag. Malayo pa ay naririnig ko na ang wang-wang. Mukhang may emergency na naman. Habang nakatungo at naghahalungkat ng bag ay biglang daan nung ambulansiya. Napatingin ako sa bintana at parang isang pamilyar na mukha ang aking naaninag. Nahirapan akong huminga at bigla akong napapikit. Sa muli kong pagmulat ay nakita ko ang puting kisame.
Medyo blurry pa ang aking paningin pero alam kong kisame ang aking nakikita, at ito'y kisame ng aking kwarto. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko hanggang sa natulala na lang ako at maya-maya ay nag-isip-isip. Naalala kong exam nga pala namin ngayon at bawal ma-late kaya dali-dali na akong bumangon para maghilamos at maligo. Pagkatapos ay napatingin naman ako sa bintana at hinawi ang kurtina. Andun yung 2 ibon pero bigla na lang silang lumipad. Pagdating ko sa kusina, nakaupo na si Tatay. Nagbabasa siya ng dyaryo habang nagkakape. Si Nanay naman ay naglalagay na ng pagkain sa mesa. Tumayo ako para kunin ang mga plato at ibang gamit pangkain.
"Kanina pa akong kumakatok sa kwarto mo Alice. Ano na namang pinagmamaktulan mo?"
Siguro'y naliligo ako nun kaya di ko naririnig pero bakit may sinabi na agad na pagmamaktol kahit wala namang dahilan.
"Agang-aga Linda e. Baka nasa cr yang anak mo kaya di ka sinasagot. Di ka nyan dinig."
"Anong agang-aga Mario? Nagtatanong lang naman ako. Malay ko ba kung dinadahilan niya lang yung pagligo niya at talagang ayaw niya lang sumagot dahil di napagbigyan sa gusto niya. Hirap ngayon sa mga kabataan kapag di napagbigyan, makapagtampo ay inam. Samantalang nung kapanahunan natin, di ka na nga napagbigyan, may palo at sangkatutak na sermon ka pa. Ibang-iba na talaga ngayon."
Nakakailang subo pa lang ako ng kanin nang sinabi un ni Nanay. Yung mga sumunod na subo ay parang wala ng lasa. Nawalan na ata ako ng gana. Gusto ko na lang magtakip ng tenga para di ko marinig ang mga patutsada sa akin eh. Wala naman kasi akong pagtutol na ginawa o sinabi nung di sila pumayag sa gusto ko kaya di ko alam kung saan nangagaling ang mga naririnig ko ngayon. "Nay, di naman po ako nagmamaktol. Ayos lang po talaga sa'kin kahit iba na lang."
"Alam mo naman kung anong estado natin sa buhay tapos yun pa ang gusto mo. Buti nga at nakakapag-aral ka. Yung iba ngang bata kahit gusto, di magawa dahil kapos sa buhay."
"Linda, pede gang wag ka munang maingay at di ko maintindihan areng binabasa kong balita sa dyaryo. Tsaka ano pa gang pinuputok mo dyan eh sa anak mo na nanggaling na ayos lang naman daw sa kanya? Kumain ka na lang dyan kung pwede."
"Mario, si Alice ang kausap ko at di ikaw kaya wag ka na munang mangialam ha?"
"Sinabi na kasing okay na ay pinapahaba mo pa Linda."
Nagsagutan na naman silang dalawa at gumulo na naman ang hapag kainan. Hindi ito ang gusto kong ingay sa umaga. Tumayo na lang ako at dinala ang aking pinggan sa lababo. Kinuha ko na ang bag ko at nagpaalam na aalis na para pumasok. Kahit di ko naman sure kung narinig nila dahil diretso pa rin sila ng bangayan. Lumabas ako ng bahay, nag-unat ng dalawang kamay pataas at tumingala. Habang nakikita ko ang kagandahan ng kalangitan ay bigla na lang akong napaluha.
Pagpasok ko ng classroom, nakita ko na agad ang mga kaklase ko na todo review. Third periodical test na kasi kaya kailangan talagang pag-ayusin. Kailangan ko ring bumawi dahil mababa ang nakuha kong results last time. Umupo na ako at kinuha ko na rin ang notes ko para simulang magrefresh sa mga nireview ko kagabi. Di pa ako halos nakakapagsimulang magreview, hinila agad ni Bryan ung bakanteng silya at umupo agad sa tapat ko.
"Brad! Anong ulam natin dyan mamayang lunch? Di naman siguro hotdog no?"
"Di naman Bryan. Agang-aga ulam agad tinatanong natin ano?"
"Syempre para alam ko na agad."
"Teka, wag mong sabihing hotdog na naman ulam mo ngayon? Ahaha!"
"Hay...... Oo eh."
"Sabi ko nga kanina kay Mama eh nagmumukha na akong hotdog kakapaulam niya sa'kin nun. Kaso parang walang narinig. Di man lang ako pinansin. Haha!"
"Pero maiba ako, nakapagreview ka? Di kasi ako nakapagreview ng maayos kagabi at tinamaan ako ng antok. Nakatulog agad ako. Hehe!"
"Nako nako Bryan! Wag ako! Wala kang maaasahan sa'kin pagdating sa ganyan."
"Hala grabe ka Aling Lisyang! Nagtatanong lang naman ako. Kala mo naman mangongopya porket nagtatanong. Ang layo ko kaya sa'yo."
"Maka-ale naman to! At sino namang maysabing tawagin mo akong Lisyang?"
"Magbasa ka na lang kaya ngayon habang may oras pa. Kita mo ako oh, nagbabasa."
"Hala di pa ba? Tagal na nating magkakilala, di pa ba tayo close? Sad naman. Hahaha!"
Di ko na lang pinansin si Bryan at diretso na ako pagbabasa.
"Oy guys! Agang-aga ang sweet niyo ah. Anong meron?"
"Hala si Lisa issue agad. May iba na akong gusto saka di ko bet tong si Aling Lisyang no. Haha!"
"Ay wow Bryan, salamat ha. Pogi mo no? Hotdog naman lagi ang ulam. Kaumay!"
"Ay talaga Bryan!? Haha! Grabe walang kasawa-sawa sa hotdog ah! Ano namang feeling ng everyday hotdog? Hahaha!"
"Kaya love na love ko kayong dalawa eh. Lakas niyo ring mang-asar! Pag ako nakapag-ulam ng iba, who you kayo sakin!"
"Mga kailan kaya no Bryan? Hmmm. Bukas na ba? Maghanda na ba kami ni Alice? Haha!"
"Sige, magpustahan tayo! Pag bukas at hotdog ulit ang ulam ko, susundin ko lahat ng utos niyo. Pero pag hindi, gagawin niyo rin ang gusto ko."
"Ano, game?!"
"Sige ba! Game ako dyan! Tara Alice!"
"Gusto ko ring makaganti dito kay Bryan sa pang-aasar nito sakin last test eh." (bulong sa akin ni Lisa)
"Ayaw, kayo na lang. Tingnan mo naman itsura oh halatang may gagawing kalokohan. Wag kang pauto dyan Lisa."
"Hala, OA to. May problema ka ba sa itsura ko? Gaya nga ng sabi mo kanina di ba, pogi ako. Kaya nga ako ang napiling escort ng class natin di ba kasi pogi ako? Hehe"
"Whoah! Tingnan mo naman Lisa oh, makikipagpustahan ka dyan? Susko po!"
"Hala to. Daming sinasabi. Kung ayaw mo eh di wag. Kami na lang ni Lisa. Takot ka lang eh."
"Ay naku Bryan bahala ka dyan... Tsaka, dun kayo oh. Kita niyong nagrereview ako eh. Dun kayo mag-usap ng pustahan niyo sa malayo sa'kin."
"Sungit! Meron ka lang eh. Haha!"
Sa gigil ko kay Bryan, muntik ko ng maihampas sa kanya yung notebook ko kaso nakatakbo agad siya.
"Relax ka lang Alice. Haha! High blood ka na naman kay Bryan eh. Pinapatawa ka lang nun!"
"May nalalaman pa kasing pusta-pustahan, tapos pag di ako sumali, OA agad. Loko talaga yun. Tapos ikaw naman, nag-agree pa. Kilala mo yun! Gagawa at gagawa yun ng paraan para di mag-ulam ng hotdog bukas! Baka mapilit pa nun si Tita! Yari ka!"
"To naman! Syempre di ako makikipagpustahan kung dehado ako."
"Kanina sa daan, nakasalubong ko ang Mama ni Bryan. Kinumusta pa nga ako eh. Tapos natanong ko sa kanya kung ano ung bitbit niya sa basket. Hotdog daw. Inilabas niya pa nga eh tapos nakita kong Tender Juicy ang tatak. Haha!"
"Ay! So, goodluck na lang pala kay Bryan bukas! Haha! Ano namang ipapagawa mo sa kanya?"
"Haha! Secret!" :D
"Ay ang daya naman! Kala ko ba walang secrets sa ating dalawa?"
"Malalaman mo rin bukas!"
"Teka, di ba sabi mo nagrereview ka? Bakit nakikipagchikahan ka pa sa'kin? Haha!"
"Ay oo nga pala!"
Matagal na kaming magkakakilala. Elementary pa lang, magkakaklase na kaming tatlo. Sabay-sabay kaming kumakain tuwing lunch time at sabay-sabay ding umuuwi sa hapon. Si Lisa pamula elementary up to now, kaklase ko na yan. Si Bryan lang ung ngayon ko na lang ulit nakasama sa klase kasi nalipat siya ng section nung nag-3rd year kami. Medyo nagkaroon pa nga kaming tatlo ng ilangan at tampuhan kasi nagkaroon siya ng ibang tropa tapos di na kami masyadong pinapansin ni Lisa. Tapos ngayong 4th year na, ayun naging magkakaklase na ulit kami. Sa una, medyo naninibago pa ako kay Bryan at di ako gaanong nakikipagkwentuhan pero tong si Lisa parang walang nangyari. Hanggang sa nagtagal naman ay bumalik na ulit kami sa dati. Masyado nga lang naging mapang-asar tong si Bryan kaya nakakagigil. Pero kahit ganun, masaya pa rin ako kasi meron akong Bryan at Lisa na palaging dumaramay at nagpapasaya sa'kin.
"Class 5 minutes na lang bago ninyo ipasa ang mga test papers niyo. Pero check niyo muna baka may mga di kayo nasagutan, sayang din. And make sure you have your name written on the test papers. Baka maulit na naman ung nangyari last time."
After 5 minutes...
"Pass your papers forward. You can now have your lunch."
"Musta exam mga Brad? Grabe, patagal ng patagal, pahirap ng pahirap ang mga ginagawa ni Sir na questions sa subject niya."
"True! Inuna ko nga muna ung mga alam ko at saka ko na lang binalikan ung mga mahihirap na questions."
"Ikaw, Lisa musta exam?"
"Eto, hay sana maganda naman ang results ng exam ko ngayon. Kailangan ko talagang bumawi eh."
"Ang nega mo Aling Lisyang! Ayos yan! Binasbasan na kita kanina eh. Ikain na lang natin yan!"
"Buksan ko na baunan mo ah?"
"WOW! Ginisang ampalaya na may itlog! Sarap naman ng ulam mo Aling Lisyang. Pahingi naman ako."
"Ikaw pa talaga ang nagbukas Bryan? Excited lang sa ulam? Ano ba ulam mo? Buksan ko nga sa'yo!"
"Haha! Hala hotdog nga talaga Alice!"
"Tawang-tawa ka dyan Lisa ah! Maghanda ka bukas!
"Well Bryan, I'm always ready. Kumain na nga tayo! Wag kang magworry Alice, magiging okay ang results ng exam mo ngayon. Nakapagreview ka naman ng maayos this time eh. Tiwala lang."
"O eto, bigyan kita ng ham."
"Hala sosyal naman ulam nito. Penge rin ako Lisa o swap na lang!"
"Wag na Bryan. Bigyan na lang kita oh. Favorite mo yang hotdog eh baka ikasama pa ng loob mo na nabawasan yan. Hahaha!"
"Okay lang Lisa. I'm always happy to share."
"Oh here!"
"Saka sino bang maysabing favorite ko ang hotdog? Ayos ka rin eh."
Kahit papano, nababawasan ang mga iniisip ko sa buhay kapag kasama ko tong dalawang to. Sana kahit di na kami magkakaklase sa college, magkaroon pa rin kami ng time na magkita at magkasama-sama. Sana walang limutan. Mamimiss ko talaga sila.
Nagpatuloy ang exam after lunch break tapos isang recess at diretso na ulit sa exam hanggang alas kwatro ng hapon. Ang hirap ng exams. Pero lahat naman kami talaga ay nahirapan. Habang naglalakad kami ni Lisa palabas ng school, nakita namin si Bryan na may kausap na dalawang lalaki. Tinapik-tapik pa siya sa likod bago umalis.
"Huy Bryan, sino yung mga yun? Kamag-anak mo?"
"Ah, oo Lisa! Kinukumusta lang kami nina Mama at matagal na raw nila kaming di nakikita. Taga malayo kasi silang lugar kaya di rin namin sila mabisita. Nadistino raw kasi sila dito sa lugar natin kaya mapapadalas na raw ang bisita nila sa bahay."
"Ang haba ng explanation. Pwede ng lumaban sa essay!"
"Talaga ba Aling Lisyang? Susuportahan mo ako ah! Haha!"
"Bryan tigilan mo nga ako dyan sa Aling Lisyang mo! Lakas din talaga ng trip mo eh."
"Ayoko! Haha!"
"Sige mga brad, mauna na muna ako sa inyo! Kailangan kong umuwi agad sa bahay eh."
"Oy Lisa bukas ah! Magready ka na sa ipagagawa ko! Haha!"
"Ikaw ang maghanda! Ingat!"
Ngumiti na lang siya sa'min at nagsimula nang tumakbo papuntang sakayan. Di muna namin pinag-usapan ni Lisa yung about dun sa dalawang lalaki kanina pero feeling ko, iba rin ang tingin niya. Dumaan muna kami sa tindahan ni Aling Puring at may bibilhin lang daw si Lisa. Iniabot niya sa akin ang isang cornetto.
"Pampa-cheer-up."
"Uy okay na naman ako Lisa. Di mo na ko kailangang bigyan nito."
"Ay wala! Nabili ko na. Meron na ako oh. Matutunaw lang yan pag iniuwi ko pa hanggang sa'min. Sige na. Kainin mo na."
"Minsan lang akong manlibre eh. Tatanggihan mo pa ba? Haha!"
"Di naman sa ganun Lisa. Salamat ha."
Naiiyak na ako kaya niyakap ko na lang siya para di niya makita. Natatawa pa nga siya gawa muntik na siyang ma-out-balanced.
"Lice di ako makahinga! Huy! haha!"
"Ay sorry. Hahaha! Basta salamat kasi andyan ka para pasayahin ako. Yaan mo, makakabawi rin ako sa'yo."
"Basta Lice, lakasan mo palagi ang loob mo. Stay positive lang ha. Andito lang kami ni Bryan para sa'yo!"
Pagbaba namin ng tricycle, naglakad pa kami ni Lisa bago maghiwalay sa may kanto, malapit sa tindahan nina Aling Nena kung saan si Tatay bumibili ng dyaryo tuwing umaga. Ang dami pa ring bata sa may kalye na naglalaro. Karamihan sa kanila ay naghahabulan at may kanya-kanyang bases. Nakakamiss ang pagkabata. Naalala ko, dito rin kami naglalaro nina Bryan at Lisa nung mga bata pa kami. Inihahatid pa talaga siya dito ng kanyang Papa tuwing hapon para lang may makalaro raw. Nag-iisang anak kasi si Lisa at wala silang kamag-anak doon sa subdivision kaya dito na lang siya dinadala ng Papa niya tuwing weekends at susunduin na lang kapag pagabi na. May baon pati siya laging pagkain kaya di siya magugutom.
Pagdating ko sa bahay, napakatahimik. Parang walang tao. Dumiretso na muna ako sa kwarto para magpalit ng damit. Bumaba ako at nakita ko si Nanay na nagluluto na ng hapunan namin.
"Nay, kailangan niyo po ng tulong?"
"Hindi na. Kaya ko na to.""Nakita mo ba ang Tatay mo?"
"Hindi po, bakit po?"
"Kanina pang wala pag-alis kaninang tanghali. May pupuntahan lang daw siya saglit. Hanggang ngayon ay wala pa. Tawagan mo nga. Baka sa'yo ay sasagot."
"Wala po ba siyang trabaho ngayon?"
"Wala raw. Pinag-day-off daw siya ng boss niya. Tawagan mo ha."
Tinawagan ko si Tatay pero nakailang dials ako, palaging unattended. Low bat ata o baka walang signal. Sinabi ko kay Nanay na baka na-low bat o walang signal yung cp ni Tatay kaya di sumasagot. Ala sais na pero wala pa rin si Tatay. Halata na kay Nanay na nag-aalala na. Pati ako ay kinakabahan na rin kasi baka kung ano ng nangyari kay Tatay. Sinubukan ko ulit tawagan ang cp niya pero unattended pa rin. Panay ang tingin ni Nanay sa may labas kung andun na si Tatay pero wala pa rin talaga kaya tinext ko na si Lisa na di pa nauwi si Tatay tapos di pa sumasagot sa tawag namin. Nagreply naman siya na itatawag niya raw dun sa mga kakilala niya sa labasan kung napapadayo dun si Tatay.
Mag-aalas syete na pero wala pa rin si Tatay. Aligaga na kami sa bahay dahil ngayon lang to nangyari. Umupo muna si Nanay sa sofa habang ako naman ay kumuha ng tubig para ibigay sa kanya para makalma kahit papano. Maya-maya pa ay nagtxt si Lisa, wala raw nakakapansin dun kay Tatay. Lalo akong kinabahan hanggang sa may narinig kaming isang malakas na tunog sa may pintuan ng bahay. Si Tatay pala. Di na halos makatayo ng maayos dahil sa sobrang kalasingan. Nagsisisigaw siya habang umiiyak. Wala na raw siyang trabaho kasi napagbintangan siya. Napaiyak din si Nanay habang nagtatanong kung ano ba talagang nangyari.
"Bakit ganun Li-innda? Ginawa ko naman ang lahat para maging maayos ang trabaho pero kulang pa rin pala. Piii-pinagtulung-tuuulungan nila ako para masibak."
"Di ko alam kung saan nila nakuha ang mga paratang nila sa akin, pero wala akong ginagawang masama."
"Alam niyo kung gaano ko to pinaghirapan tapos ganun na laang ang mangyayari?"
Halos madurog ang puso ko sa nakita kong kalagayan ni Tatay. Patuloy siya sa pag-iyak sa sama ng loob habang pinipilit namin siyang itayo para maiupo man lang sa sofa.
"Pano na tayo ngayon Linda??"
Pagkatapos niyang banggitin yun ay unti-unti na siyang nakatulog habang pumapatak pa rin ang luha sa kanyang mga mata.